Add parallel Print Page Options

Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod

Nang mga araw na patuloy ang pagdami ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Ito'y sa dahilang napapabayaan ang kanilang mga babaing balo sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na pabayaan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilalang may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, at itatalaga namin sila sa tungkuling ito, habang iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod para sa salita.” Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia na nahikayat sa Judaismo. Pinatayo sila sa harapan ng mga apostol at sila'y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay. Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at mabilis na dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem, kabilang ang maraming pari sa mga naging tagasunod ng pananampalataya.

Ang Pagdakip kay Esteban

Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga himala sa gitna ng mga taong-bayan. Ngunit nakipagtalo sa kanya ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at mga Cireneo, at mga Alejandrino, at mga taga-Cilicia, at taga-Asia. 10 Hindi nila kayang salungatin ang karunungan at ang Espiritu na nagkaloob sa kanya ng kanyang sinasabi. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na sabihing, “Narinig namin siyang nagsasalita ng mga kalapastanganan laban kay Moises at laban sa Diyos.” 12 Sinulsulan din nila ang taong-bayan, maging ang mga matatandang namamahala sa bayan, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Lumapit sila kay Esteban, pagkatapos ay sinunggaban siya at dinala sa Sanhedrin. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, “Walang tigil ang taong ito sa pagsasalita laban sa banal na lugar na ito at laban sa Kautusan. 14 Sapagkat narinig naming sinabi niya na gigibain nitong si Jesus na taga-Nazareth ang lugar na ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang mukha niya ay tulad ng sa isang anghel.

Nangaral si Esteban

Nagtanong ang Kataas-taasang Pari, “Totoo ba ang mga ito?” Sumagot (A) si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan po ninyo ako. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating amang si Abraham noong siya'y nasa Mesopotamia, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwan mo ang iyong lupain at ang iyong mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ipapakita ko sa iyo.’ Kaya (B) umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinalipat siya ng Diyos sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Gayunma'y hindi (C) siya binigyan dito ng anumang pamana, kahit man lamang kapirasong lupa. Subalit ipinangako na ibibigay iyon sa kanya at sa kanyang binhing kasunod niya bagaman wala pa siyang anak noon. Ganito (D) ang sinabi ng Diyos: ‘Ang iyong binhi ay maninirahan sa ibang lupain, at sila'y aalipinin at aapihin doon nang apatnaraang taon. Ngunit (E) parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila,’ wika ng Diyos. ‘Pagkatapos ng mga ito ay lalabas sila at sasambahin nila ako sa dakong ito.’ Pagkatapos (F) ay ibinigay niya sa kanya ang tipan ng pagtutuli. At si Abraham ay naging ama ni Isaac, at ito'y tinuli nang ikawalong araw; at si Isaac ay naging ama ni Jacob, at si Jacob ng labindalawang patriyarka.

“Dahil sa inggit ng mga patriyarka kay Jose, siya'y kanilang ipinagbili sa Ehipto. (G) Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at iniligtas siya (H)sa lahat ng kanyang kapighatian. Pinagpala siya ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto. Itinalaga siyang maging tagapamahala sa Ehipto at sa buong sambahayan ng Faraon. 11 Dumating (I) noon ang taggutom at matinding paghihirap sa buong Ehipto at sa Canaan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno. 12 Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, una niyang pinapunta roon ang ating mga ninuno. 13 Sa ikalawang pagpunta nila (J) ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang sambahayan ni Jose. 14 Pagkatapos (K) ay ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao. 15 Kaya't (L) nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. 16 Ibinalik sila (M) sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham mula sa mga anak ni Hamor. 17 “Ngunit (N) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, lumago at dumami ang ating sambayanan sa Ehipto, 18 hanggang sa nagkaroon ng hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose. 19 Dinaya at pinagsamantalahan (O) nito ang ating lahi, pinagmalupitan ang ating mga ninuno at pinilit na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Sa (P) panahong iyon ay ipinanganak si Moises, isang batang kinalugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa bahay ng kanyang ama. 21 Nang (Q) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y pinalaking parang sarili niyang anak. 22 Sinanay si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya'y naging makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa. 23 “Nang (R) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[a] tingnan ang kalagayan ng kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya na pinahihirapan ang isa sa kanila, ipinagtanggol at ipinaghiganti niya ito at pinatay ang Ehipcio. 25 Inaakala niya noon na naunawaan ng kanyang mga kababayan[b] na ililigtas sila ng Diyos sa pamamagitan niya.[c] Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, lumapit siya sa dalawang Israelitang nag-aaway. Ibig sana niyang sila'y pagkasunduin kaya sinabing, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit sinasaktan ninyo ang isa't isa?’ 27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kapwa, at nagsabing, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin? 28 Gusto mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’ 29 Nang (S) marinig ito ni Moises, tumakas siya at nanirahan na isang dayuhan sa lupain ng Midian, at doo'y nagkaroon ng dalawang anak na lalaki.

30 “Nang (T) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita. Nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, dumating ang tinig ng Panginoon: 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi nangahas tumingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Tanggalin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay lupang banal. 34 Kitang-kita ko ang pang-aapi sa aking bayang nasa Ehipto, narinig ko ang kanilang hinaing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayon, lumapit ka at isusugo kita sa Ehipto.’ 35 “Ang (U) Moises na ito na kanilang itinakwil nang sabihin nilang, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin?’ ang siyang isinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagpalaya sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Ang taong ito (V) ang humango sa kanila sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang ginawa niya sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37 Ang (W) Moises na ito ang nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Mula sa inyong mga kapatid, pipili ang Diyos ng propeta para sa inyo, tulad ng pagpili niya sa akin.’ 38 Siya (X) ang kasama ng kapulungan sa ilang. Kasama siya ng anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ng ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga salitang nagbibigay-buhay upang ibigay sa atin. 39 Ngunit ayaw siyang sundin ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at sa mga puso nila'y bumalik sila sa Ehipto, 40 nang sabihin nila kay Aaron, (Y) ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat hindi na namin alam ang nangyayari sa Moises na ito na naglabas sa amin sa Ehipto.’ 41 Gumawa (Z) nga sila noon ng diyus-diyosan sa anyo ng isang guya. Naghandog sila sa diyus-diyosang ito at ipinagdiwang ang gawa ng kanilang mga kamay. 42 Ngunit (AA) tinalikuran sila ng Diyos, at pinabayaan silang sumamba sa hukbo ng kalawakan.[d] Nasusulat sa aklat ng mga propeta:

‘O, sambahayan ni Israel, sa akin ba kayo nag-alay ng mga hayop na pinatay
    at mga handog sa loob ng apatnapung taon sa ilang?
43 Dinala ninyo ang tolda ni Moloc,
    at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
    ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’

44 “Nasa (AB)ating mga ninuno sa ilang ang tolda ng patotoo, na ipinagawa ng Diyos na nagsalita kay Moises, ayon sa huwarang kanyang nakita. 45 Dinala (AC) rin ito ng ating mga ninunong kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansang pinalayas ng Diyos sa kanilang harapan. Nanatili ito roon hanggang sa panahon ni David. 46 Kinalugdan ng Diyos si David, (AD) at hiniling niyang makakita ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob.[e] 47 Subalit (AE) si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya. 48 Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi nananahan sa mga bahay na gawa ng tao. Sabi nga ng propeta,

49 ‘Ang (AF) langit ang aking luklukan,
    at ang lupa ang aking tuntungan.
Sabi ng Panginoon, ‘Sa aki'y anong uri ang itatayo ninyong bahay,
    o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba kamay ko ang gumawa ng lahat ng mga ito?’

51 “Kayong (AG) matitigas ang ulo at mga bingi sa katotohanan![f] Lagi kayong sumasalungat sa Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, gayundin ang ginagawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tinanggap ninyo ang Kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, ngunit hindi ninyo ito tinupad.”

Pinagbabato si Esteban

54 Nang marinig nila ang mga ito, nagalit sila at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.[g] 55 Subalit si Esteban, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumitig sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.” 57 Subalit nagtakip sila ng kanilang mga tainga at nagsigawan nang malakas at sama-samang sumugod sa kanya. 58 Pagkatapos, siya'y kinaladkad nila palabas ng lungsod at doo'y pinagbabato. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang papanagutin sa kasalanang ito.” Pagkasabi nito, siya'y namatay.[h]

Kasang-ayon si Saulo sa pagpaslang kay Esteban.

Ang Pag-usig ni Saulo sa Iglesya

Nang araw na iyon, sumiklab ang isang malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem. Maliban sa mga apostol, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mananampalataya sa buong lupain ng Judea at Samaria. Inilibing si Esteban ng mga lalaking masigasig sa kabanalan. Tumangis sila nang malakas dahil sa kanya. Samantala'y winawasak ni Saulo ang iglesya. (AH) Pinapasok niya ang mga bahay-bahay, kinakaladkad at ibinibilanggo ang mga lalaki't babae.

Ang Pangangaral sa Samaria

Ang mga nagkawatak-watak nama'y naglakbay na ipinapahayag ang salita. Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. Nang marinig ng maraming tao ang mga sinabi ni Felipe at nang makita ang mga himalang ginawa niya, nagkaisa silang bigyan ng pansin ang kanyang sinasabi. Sapagkat lumalabas ang masasamang espiritu na sumisigaw nang malakas mula sa maraming taong sinapian; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon. Ngunit isang taong nagngangalang Simon, ang gumagamit noong una ng salamangka sa lungsod; pinahahanga niya ang mga mamamayan ng Samaria at sinasabi niyang siya'y magaling. 10 Nakinig sa kanya ang lahat, buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sabi nila, “Ang taong ito ang tinatawag na dakilang kapangyarihan ng Diyos.” 11 Nakinig sila sa kanya, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay napahanga niya sila ng kanyang mga salamangka. 12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae. 13 Mismong si Simon ay naniwala, at pagkatapos mabautismuhan ay nanatiling kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga himala at ng mga makapangyarihang gawa.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga taga-Samaria ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon ay ipinanalangin ng dalawa ang mga taga-Samaria upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat hindi pa bumababa ang Espiritu sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan[i] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nang makita ni Simon na ipinagkakaloob ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y kanyang inalok ng salapi, 19 at sinabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Banal na Espiritu.” 20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Mapapahamak ka kasama ng iyong salapi! Akala mo ba'y mabibili mo ang kaloob ng Diyos? 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi naaayon sa Diyos ang iyong puso. 22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling patawarin ka sa masamang hangarin ng iyong kalooban. 23 Sapagkat nakikita kong pinaghaharian ka ng inggit at alipin ka ng kasamaan.” 24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”

25 Matapos silang makapagpatotoo at maipahayag ang salita ng Panginoon, bumalik sina Pedro at Juan[j] sa Jerusalem na ipinangangaral ang magandang balita sa maraming nayon ng Samaria.

Si Felipe at ang Eunukong Taga-Etiopia

26 Matapos ang mga ito, inutusan ng isang anghel ng Panginoon si Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza. Ito'y ilang na daan.” 27 Tumindig nga siya at umalis. Dumating naman ang isang eunukong taga-Etiopia, na tagapamahala ng buong kayamanan ni Candace, ang reyna ng Etiopia. Galing ang eunuko sa Jerusalem upang sumamba. 28 Pauwi na siya noon, nakasakay sa kanyang karwahe at binabasa ang aklat ni propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.” 30 Kaya't tumakbong palapit si Felipe at kanyang narinig na binabasa ng lalaki ang aklat ni propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” 31 Sumagot siya kay Felipe, “Paano ko ito mauunawaan kung walang magpapaliwanag sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na sumakay at maupong kasama niya. 32 Ito (AI) ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:

“Tulad ng tupang dinala sa katayan;
    at ng korderong hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
    gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33 Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
    Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
    Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”

34 Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang kanya bang sarili o iba?” 35 Mula sa talatang ito, ipinangaral ni Felipe sa lalaki ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Sa kanilang paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig. Sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, may tubig! Ano'ng hadlang upang ako'y mabautismuhan?” 37 [At sinabi ni Felipe, “Kung sumasampalataya ka nang buong puso ito'y mangyayari. Sumagot ang eunuko, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos.”][k] 38 Pinahinto ng eunuko ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, biglang inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe, at hindi na siya nakita ng eunuko. Nagagalak itong nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Samantala, natagpuan si Felipe sa Azotus. Mula roon ay ipinangaral niya ang Magandang Balita sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.

Ang Pagtawag kay Saulo(AJ)

Samantala, sumisidhi ang pagnanais ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa Kataas-taasang Pari. Humingi siya sa Kataas-taasang Pari ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, maging lalaki o babae, ay dadalhin niyang bihag sa Jerusalem. Sa kanyang paglalakbay papalapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit. Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” Sinabi niya, “Sino po ba kayo, panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig. Tumayo ka at pumasok sa lungsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.” Hindi makapagsalita ang mga taong naglalakbay na kasama niya, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. Tumayo si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata ay wala siyang makita. Kaya't inakay siya ng kanyang mga kasama at ipinasok sa Damasco. Tatlong araw siyang hindi makakita, at hindi rin kumain o uminom. 10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sumagot siya, “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na may pangalang Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya. 12 Nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias. Pumapasok ito at ipinapatong ang mga kamay sa kanya upang muli siyang makakita.” 13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga hinirang na nasa Jerusalem. 14 Mayroon siyang pahintulot mula sa mga punong pari na igapos ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.” 15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Humayo ka. Sapagkat ang lalaking ito ay isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.” 17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18 Agad nalaglag mula sa mga mata ni Saulo ang bagay na parang mga kaliskis, at muli siyang nakakita.Tumayo siya at binautismuhan. 19 Pagkatapos niyang kumain ay nanumbalik ang kanyang lakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.

Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco

20 Agad ipinangaral ni Saulo sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang lalaki na noong nasa Jerusalem ay pumuksa sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito siya upang sila'y dalhing bihag sa harap ng mga punong pari?” 22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo. 23 Pagkalipas (AK) ng maraming araw, may mga Judio na nagbalak na siya'y patayin. 24 Kaya't binantayan nila ang mga pintuang-bayan araw at gabi sa pag-aabang kay Saulo upang patayin siya. Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. 25 Kinagabihan, kinuha siya ng kanyang mga alagad, inilagay siya sa isang tiklis at ibinaba sa kabila ng pader.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, sinikap niyang makisama sa mga alagad. Ngunit silang lahat ay takòt sa kanya sapagkat hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Kaya't iniharap siya ni Bernabe sa mga apostol, at isinalaysay nito sa kanila kung paanong nagpakita at nakipag-usap kay Saulo ang Panginoon noong siya'y nasa daan papuntang Damasco. Sinabi rin nito kung paanong si Saulo ay buong tapang na nangaral sa Damasco sa pangalan ni Jesus. 28 Mula noo'y kasa-kasama na nila si Saulo sa Jerusalem, 29 at buong tapang na nangangaral sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap at nakipagtalo rin siya sa mga Helenista kaya't siya'y pinagsikapan nilang patayin. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinapunta sa Tarso. 31 Sa gayo'y naging mapayapa ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria. Tumatag ito at lumaganap sa patnubay ng Banal na Espiritu, at namuhay na may takot sa Panginoon.

Ang Pagpapagaling kay Aeneas

32 Naglakbay si Pedro sa iba't ibang dako upang dalawin silang lahat, gayundin ang mga banal na naninirahan sa Lidda. 33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking ang pangalan ay Aeneas. Ito ay lumpo at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Bumangon ka at ayusin ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon. 35 Nakita siya ng lahat ng mga mamamayan ng Lidda at Sharon, at sila'y nagbalik-loob sa Panginoon.

Ang Pagbuhay kay Dorcas

36 May isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabitha, na ang katumbas ay Dorcas. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng mabuti at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, siya'y kanilang ibinurol sa isang silid sa itaas. 38 Dahil malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na naroroon si Pedro, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.” 39 Kumilos agad si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, sinamahan siya sa silid sa itaas. Lumapit sa kanya ang mga babaing balo at umiiyak na ipinakita sa kanya ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas noong siya'y kasama pa nila. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabitha, bumangon ka.” Iminulat ni Dorcas ang kanyang mga mata, at naupo nang makita niya si Pedro. 41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy. 42 Napabalita ito sa buong Joppa at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Nanatili si Pedro sa Joppa sa loob ng maraming araw, kasama ni Simon na isang tagapagbilad ng balat ng hayop.

Si Pedro at si Cornelio

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio, isang senturyon ng tinatawag na batalyong Italiano. Kasama ang kanyang buong sambahayan, siya ay masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang mag-iikatlo ng hapon,[l] nagkaroon siya ng pangitain. Kitang-kita niyang dumarating ang isang anghel ng Diyos at tinawag siya, “Cornelio.” Natatakot siyang tumingin sa kanya at nagtanong, “Ano po iyon, panginoon?” Sumagot ito sa kanya, “Nakaabot sa pansin ng Diyos ang iyong mga panalangin at ang pagtulong mo sa mga dukha. Ngayon di'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang taong nagngangalang Simon na tinatawag ding Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon, isang tagapagbilad ng balat ng hayop, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.” Pag-alis ng anghel na kumausap sa kanya, tinawag ni Cornelio ang dalawa sa kanyang mga utusan at isang relihiyosong kawal na isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang buong pangyayari, at pagkatapos ay pinapunta sila sa Joppa.

Kinabukasan, nang magtatanghaling tapat,[m] samantalang naglalakbay at malapit na sa lungsod ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin. 10 Siya'y nagutom at nais nang kumain. Samantalang inihahanda ang kanyang pagkain, nawalan siya ng malay at nagkaroon ng pangitain. 11 Nakita niyang nabuksan ang langit, at may isang bagay tulad ng isang malapad na kumot ang ibinababa sa lupa, nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na lumalakad at mga gumagapang sa lupa, maging mga lumilipad sa himpapawid. 13 May tinig na nagsabi sa kanya, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.” 14 Subalit sumagot si Pedro, “Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.” 15 Muling sinabi sa kanya ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Nangyari ito ng tatlong ulit, at pagkatapos ay agad binatak pataas sa langit ang kumot.

17 Samantalang iniisip ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, natagpuan naman ng mga taong inutusan ni Cornelio ang bahay ni Simon. Tumayo sila sa harapan ng pintuan 18 at tumawag upang tanungin kung doon nanunuluyan si Simon, na kilala ring Pedro.

19 Pinag-iisipan pa noon ni Pedro ang tungkol sa pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Bumaba ka at huwag kang mag-atubiling sumama sa kanila sapagkat ako ang nagsugo sa kanila.” 21 Bumaba nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang pakay ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Si Cornelio na isang senturyon ang nagsugo sa amin. Siya'y isang taong matuwid, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Pinagbilinan siya ng isang anghel na papuntahin ka sa kanyang bahay upang marinig ang iyong sasabihin.” 23 Kaya't inanyayahan sila ni Pedro at doon na pinagpalipas ng gabi.

Kinabukasan, sumama siya sa kanila. Sumama din ang ilang mga kapatid mula sa Joppa. 24 Nang sumunod na araw na sila dumating sa Cesarea. Naghihintay sa kanila si Cornelio, na nag-anyaya pa ng kanyang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan. 25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba. 26 Ngunit itinayo siya ni Pedro, habang sinasabi, “Tumayo ka! Tao rin akong katulad mo.” 27 Habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at nakita ang maraming taong nagtitipon. 28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyong ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi o karumal-dumal ang isang tao. 29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Maaari ko bang malaman kung bakit mo ako ipinasundo?” 30 Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakararaan, halos ikatlo rin ng hapon,[n] habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang lumitaw sa harapan ko ang isang lalaking may maningning na kasuotan. 31 Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong dalangin, at nakaabot sa kanya ang pagtulong mo sa mga dukha. 32 Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag ding Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinasundo agad kita, at mabuti naman na naparito ka. Ngayo'y naririto kaming lahat sa harapan ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”

Ang Pangangaral ni Pedro sa Sambahayan ni Cornelio

34 Nagsimulang magsalita (AL) si Pedro at kanyang sinabi, “Nauunawaan ko na ngayong wala talagang kinikilingan ang Diyos. 35 Kinalulugdan niya ang sinuman mula sa bawat bansa na may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid. 36 Ito ang salitang kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Siya ang Panginoon ng lahat. 37 Alam ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan: 38 kung paanong si Jesus na taga-Nazareth ay binuhusan ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos. 39 Saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila sa pamamagitan ng pagbitay sa kanya sa isang punongkahoy. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Nakita siya, 41 hindi ng buong bayan, kundi ng mga saksing hinirang ng Diyos. Kami ang mga saksing kumain at uminom na kasalo niya matapos ang kanyang muling pagkabuhay. 42 Itinagubilin niya sa amin na mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay. 43 Nagpatotoo tungkol sa kanya ang lahat ng mga propeta na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ang Pagdating ng Banal na Espiritu sa mga Hentil

44 Habang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio,[o] na dumating kasama ni Pedro ay nagtaka sapagkat ibinuhos din ang kaloob ng Banal na Espiritu sa mga Hentil. 46 Sapagkat narinig nilang ang mga ito'y nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos. Dahil dito'y sinabi ni Pedro, 47 “Sino ang makahahadlang upang mabautismuhan ang mga ito na tulad natin ay tumanggap din ng Banal na Espiritu?” 48 At nag-utos siya na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, sila'y nakiusap sa kanyang manatili pa roon ng mga ilang araw.

Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya't nang pumunta si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga kabilang sa pangkat ng pagtutuli. “Bakit ka pumunta sa bahay ng mga hindi tuli? Kumain ka pang kasalo nila?” Kaya isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari. Sinabi niya, “Habang ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin, nawalan ako ng malay at nagkaroon ng isang pangitain. Nakita ko ang isang tulad ng malapad na kumot na nakabitin sa apat na sulok at ibinababa mula sa langit hanggang sa aking kinaroroonan. Tinitigan ko itong mabuti at nakita ko roon ang mga hayop na lumalakad sa lupa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid. Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’ Subalit sinabi ko, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.’ Ngunit muling sinabi sa akin ng tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.’ 10 Tatlong ulit itong nangyari, at muling hinatak ang lahat ng iyon paakyat sa langit. 11 Nang sandaling iyon, dumating sa bahay na aking tinutuluyan ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Iniutos sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sinamahan din ako ng anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ng lalaki. 13 Isinalaysay niya sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, na nagsabi, ‘Magsugo ka ng tao sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag ding Pedro. 14 Sasabihin niya sa iyo ang mga salita na sa pamamagitan ng mga iyon ay maliligtas ka at ang iyong buong sambahayan.’ 15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu tulad ng nangyari sa atin noong una. 16 At (AM) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Nagbautismo sa tubig si Juan, subalit kayo'y babautismuhan sa Banal na Espiritu.’ 17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang kaloob gaya ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” 18 Nang marinig nila ang mga ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagkakataong magsisi upang magkamit ng buhay.”

Ang Iglesya sa Antioquia

19 Samantala, (AN) nagkawatak-watak ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban. Naglakbay sila hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia. Sa mga Judio lamang nila ipinangangaral ang salita saanman sila makarating. 20 Gayunman, mayroon sa kanilang taga-Cyprus at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral din sa mga Griyego tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Ginabayan sila ng kamay ng Panginoon, at napakaraming sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon. 22 Nabalitaan ito ng iglesya na nasa Jerusalem kaya isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos, nagalak siya at hinimok ang bawat isa na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Sapagkat siya'y mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya, napakaraming tao ang nahikayat na manampalataya sa Panginoon. 25 Pagkatapos ay nagtungo si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Kaya isang taon silang nagtitipon kasama ng iglesya, at nagturo sa napakaraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na mga Cristiano ang mga alagad.

27 Nang panahong iyon ay dumating sa Antioquia ang mga propetang galing sa Jerusalem. 28 (AO) Tumindig ang isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, at sa pamamagitan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari ito noong panahon ni Claudio. 29 Nagpasya ang mga alagad, na ayon sa makakaya ng bawat isa'y magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea. 30 Ganito nga ang kanilang ginawa at sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo ay ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namamahala ng iglesya.

Ang Pagpatay kay Santiago at ang Pagdakip kay Pedro

12 Nang mga panahong iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilan sa mga kaanib ng iglesya. Pinapatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. Nang makita niyang ito'y ikinatuwa ng mga Judio, ipinadakip naman niya si Pedro. Pista noon ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkatapos dakpin si Pedro, ikinulong siya sa bilangguan at pinabantayan sa apat na pangkat na mga kawal. Balak ni Herodes na iharap siya sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa. Habang nasa bilangguan si Pedro, nagkaroon ng taimtim na pananalangin sa Diyos ang iglesya para sa kanya.

Ang Pagpapalaya ng Anghel kay Pedro

Nang gabing si Pedro ay malapit nang iharap ni Herodes sa mga tao, natutulog si Pedro na nakatanikala sa pagitan ng dalawang kawal. Mayroon pang mga bantay sa harap ng pintuan, nang biglang lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at isang liwanag ang tumanglaw sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at ginising. “Bumangon ka! Bilis!” sabi ng anghel. At nakalag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” Sumunod naman si Pedro. “Magbalabal ka at sumunod sa akin,” dagdag ng anghel. Sumunod si Pedro sa labas, na nag-aakalang siya'y nananaginip. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel. 10 Nadaanan nila ang una at pangalawang bantay, at dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lungsod. Ito'y kusang nabuksan para sa kanila at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang lansangan ay agad siyang iniwan ng anghel.

11 Noon natauhan si Pedro, kaya kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa lahat ng binabalak ng mga Judio.”

12 Nang mapag-isip-isip niya ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Doon nagtitipon at nananalangin ang maraming tao. 13 Nang kumatok siya sa pinto, isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin kung sino ang kumakatok. 14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa laki ng tuwa'y hindi na niya nagawang buksan ang pinto. Sa halip ay tumakbo siya paloob at sinabing si Pedro ang nasa pintuan. 15 “Nababaliw ka na,” sabi nila sa kanya. Ngunit nang ipinilit niya na naroon talaga si Pedro, kanilang sinabi, “Anghel niya iyon.” 16 Samantala'y patuloy sa pagkatok si Pedro. Nang kanilang buksan, nakita nila si Pedro at sila'y namangha. 17 Sila'y sinenyasan niyang tumahimik, pagkatapos ay isinalaysay sa kanila kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. Pagkasabi niyang “Ipagbigay-alam ninyo ito kay Santiago, at sa mga kapatid,” siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.

18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil hindi nila alam kung ano ang nangyari kay Pedro. 19 Nang hindi pa rin siya matagpuan matapos maipahanap ni Herodes, ipinasiyasat nito ang mga bantay at ipinag-utos na sila'y patayin.

Buhat sa Judea, si Pedro ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan.

Ang Pagkamatay ni Herodes

20 Matagal nang umaapaw ang galit noon ni Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Nagkaisa ang mga tao na pumunta sa kanya upang makipagkasundo, sapagkat umaasa ang kanilang bayan sa lupain ng hari para sa kanilang ikabubuhay. Hinikayat nila si Blasto na katiwala ng hari upang tulungan sila.

21 Sumapit ang takdang araw at isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati. 22 Sumigaw ang taong-bayan, “Ito'y tinig ng diyos at hindi ng tao!” 23 Noon di'y agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon, sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Kinain siya ng mga uod at namatay.

24 Samantala, ang salita ng Diyos ay patuloy na lumaganap at marami pa ang nahikayat. 25 Matapos magampanan ang kanilang tungkulin sa Jerusalem, nagbalik sina Bernabe at Saulo na kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Ang Pagsusugo kina Bernabe at Saulo

13 Sa iglesya sa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Kabilang dito sina Bernabe, si Simeon na tinatawag ding Negro, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na malapit kay Herodes, at si Saulo. Habang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi sa kanila ng Banal na Espiritu, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo. Tinawag ko sila para sa isang gawain.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa dalawa at sila'y pinahayo.

Ang Pangangaral sa Cyprus

Dahil sila'y isinugo ng Banal na Espiritu, pumunta ang dalawa sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus. Nang makarating sila sa Salamis, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong. Nilakbay nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Nakatagpo nila roon ang isang Judiong salamangkero at huwad na propeta na ang pangalan ay Bar-Jesus. Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. Ngunit upang huwag sumampalataya ang gobernador, sinalungat sila ni Elimas na salamangkero, sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan. Subalit tinitigan siya ni Saulo, na kilala rin bilang Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu, 10 at pinagsabihang, “Ikaw! Anak ka ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng katuwiran! Punung-puno ka ng lahat ng pandaraya at panlilinlang! Kailan ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon? 11 Ngayo'y parurusahan ka ng kamay ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang liwanag sa loob ng maikling panahon.”

Noon di'y tinakpan ng maitim na ulap ang mga mata ni Elimas, at siya'y lumibot na humahanap ng aakay sa kanya. 12 Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, sapagkat siya'y namangha sa turo tungkol sa Panginoon.

Sa Antioquia ng Pisidia

13 Mula sa Pafos, naglayag si Pablo at ang kanyang mga kasama hanggang sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem. 14 Nagpatuloy sila mula sa Perga hanggang Antioquia ng Pisidia. Nang araw ng Sabbath, pumasok sila sa sinagoga at umupo. 15 Matapos ang pagbasa mula sa Kautusan at sa Mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong salitang magpapalakas ng loob ng mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya't tumindig si Pablo at matapos senyasan ang mga tao upang tumahimik, ay nagsabi,

“Mga Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang (AP) Diyos ng bayang ito ng Israel ang humirang sa ating mga ninuno, at sila'y ginawa niyang malaking bansa nang sila'y nakipamayan sa Ehipto. At sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, sila'y inilabas doon. 18 (AQ) Sa loob ng apatnapung taon ay kanyang pinagtiisan sila sa ilang. 19 Nang (AR) malipol na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan ay ipinamana sa kanila ang lupain, 20 sa (AS) loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos, sila ay binigyan niya ng mga hukom hanggang sa panahon ni propeta Samuel. 21 (AT) Matapos nito'y humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin, si Saul na anak ni Kish. Siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon. 22 (AU) Matapos alisin ng Diyos si Saul, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Nagpatotoo ang Diyos tungkol sa kanya, na nagsasabing, ‘Natagpuan kong si David na anak ni Jesse ay isang lalaking malapit sa aking puso. Gagawin niya ang aking buong kalooban.’ 23 Mula sa kanyang salinlahi'y ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Jesus na Tagapagligtas, gaya ng kanyang ipinangako. 24 Bago (AV) pa siya dumating ay nangaral na si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel. 25 At (AW) samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako ang Cristo. Ngunit masdan ninyo ang dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’

26 “Mga kapatid, mga anak ni Abraham, at sa inyong may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salitang ito ng kaligtasan. 27 Sapagkat hindi nakilala ng mga mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno si Jesus. Hindi rin nila nauunawaan na sa kanilang paghatol sa kanya'y tinupad nila ang mga pahayag ng mga propeta na kanilang binabasa tuwing Sabbath. 28 Bagama't (AX) wala silang natagpuang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiningi pa rin nila kay Pilato na siya'y patayin. 29 Nang (AY) matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya'y kanilang ibinaba mula sa punongkahoy at inilibing. 30 Subalit siya'y ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 31 At (AZ) sa loob ng maraming mga araw ay nagpakita siya sa mga sumama sa kanya mula sa Galilea hanggang sa Jerusalem. Sila ngayon ang kanyang mga saksi sa taong-bayan. 32 Kami ang nangangaral sa inyo ng Magandang Balita, na ang ipinangako ng Diyos sa ating mga ninuno, 33 ay (BA) tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus! Gaya ng nasusulat sa ikalawang awit,

    ‘Ikaw ay aking Anak,
    sa araw na ito'y naging Ama mo ako.’

34 (BB) Tungkol sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkaagnas, ay ganito ang sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pangako kay David.’

35 Sinabi din niya sa iba pang bahagi, (BC)

‘Hindi mo hahayaang dumanas ng pagkaagnas ang iyong Hinirang.’

36 Matapos maglingkod ni David ayon sa kalooban ng Diyos noong kanyang panahon, siya'y nahimlay at inilibing kasama ng kanyang mga ninuno. Dumanas siya ng pagkaagnas. 37 Subalit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkaagnas. 38 Dahil dito'y dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan; 39 at sa pamamagitan niya ang bawat sumasampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, pag-aaring ganap na hindi ninyo makakamit sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya nga mag-ingat kayo, na huwag mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:

41 ‘Tingnan (BD) ninyo, mga mapanlibak!
    Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat isasagawa ko sa inyong panahon,
    ang bagay na hindi ninyo mapaniniwalaan, kahit sabihin sa inyo ng sinuman.’ ”

42 Habang palabas na sina Pablo at Bernabe, nakiusap ang mga tao na muli nilang ituro ang mga salitang ito sa susunod na Sabbath. 43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga nahikayat sa Judaismo. Hinikayat sila ng mga apostol na magpatuloy mamuhay ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lungsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[p] 45 Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, kaya sinalungat nila ang mga sinasabi ni Pablo at nilait siya. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana kailangang ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya't sa mga Hentil na kami pupunta. 47 Ganito (BE) ang iniutos sa amin ng Panginoon,

‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
    upang ikaw ay maghayag ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’ ”

48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at pinarangalan ang salita ng Panginoon; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga para sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain. 50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga babaing relihiyosa at iginagalang sa lipunan, gayundin ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. Nagsimula sila ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at sila'y pinalayas nila sa kanilang lupain. 51 Kaya't (BF) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa tagaroon, at pagkatapos ay nagtungo sa Iconio. 52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.

Footnotes

  1. Mga Gawa 7:23 Sa Griyego, dumating sa kanyang puso na.
  2. Mga Gawa 7:25 Sa Griyego, kapatid.
  3. Mga Gawa 7:25 Sa Griyego, ng kamay niya.
  4. Mga Gawa 7:42 Sa Griyego, hukbo ng langit.
  5. Mga Gawa 7:46 Sa ibang manuskrito bahay ni Jacob.
  6. Mga Gawa 7:51 Sa Griyego hindi tuli ang puso't mga tainga.
  7. Mga Gawa 7:54 Sa Griyego, sa kanya.
  8. Mga Gawa 7:60 Sa Griyego, natulog siya.
  9. Mga Gawa 8:17 Sa Griyego, nila.
  10. Mga Gawa 8:25 Sa Griyego sila.
  11. Mga Gawa 8:37 Wala ang talatang ito sa mga mas naunang manuskrito.
  12. Mga Gawa 10:3 Sa Griyego, ikasiyam na oras.
  13. Mga Gawa 10:9 Sa Griyego, ikaanim na oras.
  14. Mga Gawa 10:30 Sa Griyego, ikasiyam na oras.
  15. Mga Gawa 10:45 Sa Griyego mula sa pagtutuli.
  16. Mga Gawa 13:44 Panginoon, sa ibang manuskrito Diyos.

Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod

Nang mga araw na patuloy ang pagdami ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Ito'y sa dahilang napapabayaan ang kanilang mga babaing balo sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na pabayaan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilalang may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, at itatalaga namin sila sa tungkuling ito, habang iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod para sa salita.” Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia na nahikayat sa Judaismo. Pinatayo sila sa harapan ng mga apostol at sila'y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay. Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at mabilis na dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem, kabilang ang maraming pari sa mga naging tagasunod ng pananampalataya.

Ang Pagdakip kay Esteban

Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga himala sa gitna ng mga taong-bayan. Ngunit nakipagtalo sa kanya ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at mga Cireneo, at mga Alejandrino, at mga taga-Cilicia, at taga-Asia. 10 Hindi nila kayang salungatin ang karunungan at ang Espiritu na nagkaloob sa kanya ng kanyang sinasabi. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na sabihing, “Narinig namin siyang nagsasalita ng mga kalapastanganan laban kay Moises at laban sa Diyos.” 12 Sinulsulan din nila ang taong-bayan, maging ang mga matatandang namamahala sa bayan, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Lumapit sila kay Esteban, pagkatapos ay sinunggaban siya at dinala sa Sanhedrin. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, “Walang tigil ang taong ito sa pagsasalita laban sa banal na lugar na ito at laban sa Kautusan. 14 Sapagkat narinig naming sinabi niya na gigibain nitong si Jesus na taga-Nazareth ang lugar na ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang mukha niya ay tulad ng sa isang anghel.

Nangaral si Esteban

Nagtanong ang Kataas-taasang Pari, “Totoo ba ang mga ito?” Sumagot (A) si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan po ninyo ako. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating amang si Abraham noong siya'y nasa Mesopotamia, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwan mo ang iyong lupain at ang iyong mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ipapakita ko sa iyo.’ Kaya (B) umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinalipat siya ng Diyos sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Gayunma'y hindi (C) siya binigyan dito ng anumang pamana, kahit man lamang kapirasong lupa. Subalit ipinangako na ibibigay iyon sa kanya at sa kanyang binhing kasunod niya bagaman wala pa siyang anak noon. Ganito (D) ang sinabi ng Diyos: ‘Ang iyong binhi ay maninirahan sa ibang lupain, at sila'y aalipinin at aapihin doon nang apatnaraang taon. Ngunit (E) parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila,’ wika ng Diyos. ‘Pagkatapos ng mga ito ay lalabas sila at sasambahin nila ako sa dakong ito.’ Pagkatapos (F) ay ibinigay niya sa kanya ang tipan ng pagtutuli. At si Abraham ay naging ama ni Isaac, at ito'y tinuli nang ikawalong araw; at si Isaac ay naging ama ni Jacob, at si Jacob ng labindalawang patriyarka.

“Dahil sa inggit ng mga patriyarka kay Jose, siya'y kanilang ipinagbili sa Ehipto. (G) Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at iniligtas siya (H)sa lahat ng kanyang kapighatian. Pinagpala siya ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto. Itinalaga siyang maging tagapamahala sa Ehipto at sa buong sambahayan ng Faraon. 11 Dumating (I) noon ang taggutom at matinding paghihirap sa buong Ehipto at sa Canaan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno. 12 Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, una niyang pinapunta roon ang ating mga ninuno. 13 Sa ikalawang pagpunta nila (J) ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang sambahayan ni Jose. 14 Pagkatapos (K) ay ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao. 15 Kaya't (L) nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. 16 Ibinalik sila (M) sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham mula sa mga anak ni Hamor. 17 “Ngunit (N) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, lumago at dumami ang ating sambayanan sa Ehipto, 18 hanggang sa nagkaroon ng hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose. 19 Dinaya at pinagsamantalahan (O) nito ang ating lahi, pinagmalupitan ang ating mga ninuno at pinilit na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Sa (P) panahong iyon ay ipinanganak si Moises, isang batang kinalugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa bahay ng kanyang ama. 21 Nang (Q) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y pinalaking parang sarili niyang anak. 22 Sinanay si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya'y naging makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa. 23 “Nang (R) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[a] tingnan ang kalagayan ng kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya na pinahihirapan ang isa sa kanila, ipinagtanggol at ipinaghiganti niya ito at pinatay ang Ehipcio. 25 Inaakala niya noon na naunawaan ng kanyang mga kababayan[b] na ililigtas sila ng Diyos sa pamamagitan niya.[c] Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, lumapit siya sa dalawang Israelitang nag-aaway. Ibig sana niyang sila'y pagkasunduin kaya sinabing, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit sinasaktan ninyo ang isa't isa?’ 27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kapwa, at nagsabing, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin? 28 Gusto mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’ 29 Nang (S) marinig ito ni Moises, tumakas siya at nanirahan na isang dayuhan sa lupain ng Midian, at doo'y nagkaroon ng dalawang anak na lalaki.

30 “Nang (T) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita. Nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, dumating ang tinig ng Panginoon: 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi nangahas tumingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Tanggalin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay lupang banal. 34 Kitang-kita ko ang pang-aapi sa aking bayang nasa Ehipto, narinig ko ang kanilang hinaing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayon, lumapit ka at isusugo kita sa Ehipto.’ 35 “Ang (U) Moises na ito na kanilang itinakwil nang sabihin nilang, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin?’ ang siyang isinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagpalaya sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Ang taong ito (V) ang humango sa kanila sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang ginawa niya sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37 Ang (W) Moises na ito ang nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Mula sa inyong mga kapatid, pipili ang Diyos ng propeta para sa inyo, tulad ng pagpili niya sa akin.’ 38 Siya (X) ang kasama ng kapulungan sa ilang. Kasama siya ng anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ng ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga salitang nagbibigay-buhay upang ibigay sa atin. 39 Ngunit ayaw siyang sundin ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at sa mga puso nila'y bumalik sila sa Ehipto, 40 nang sabihin nila kay Aaron, (Y) ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat hindi na namin alam ang nangyayari sa Moises na ito na naglabas sa amin sa Ehipto.’ 41 Gumawa (Z) nga sila noon ng diyus-diyosan sa anyo ng isang guya. Naghandog sila sa diyus-diyosang ito at ipinagdiwang ang gawa ng kanilang mga kamay. 42 Ngunit (AA) tinalikuran sila ng Diyos, at pinabayaan silang sumamba sa hukbo ng kalawakan.[d] Nasusulat sa aklat ng mga propeta:

‘O, sambahayan ni Israel, sa akin ba kayo nag-alay ng mga hayop na pinatay
    at mga handog sa loob ng apatnapung taon sa ilang?
43 Dinala ninyo ang tolda ni Moloc,
    at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
    ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’

44 “Nasa (AB)ating mga ninuno sa ilang ang tolda ng patotoo, na ipinagawa ng Diyos na nagsalita kay Moises, ayon sa huwarang kanyang nakita. 45 Dinala (AC) rin ito ng ating mga ninunong kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansang pinalayas ng Diyos sa kanilang harapan. Nanatili ito roon hanggang sa panahon ni David. 46 Kinalugdan ng Diyos si David, (AD) at hiniling niyang makakita ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob.[e] 47 Subalit (AE) si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya. 48 Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi nananahan sa mga bahay na gawa ng tao. Sabi nga ng propeta,

49 ‘Ang (AF) langit ang aking luklukan,
    at ang lupa ang aking tuntungan.
Sabi ng Panginoon, ‘Sa aki'y anong uri ang itatayo ninyong bahay,
    o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba kamay ko ang gumawa ng lahat ng mga ito?’

51 “Kayong (AG) matitigas ang ulo at mga bingi sa katotohanan![f] Lagi kayong sumasalungat sa Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, gayundin ang ginagawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tinanggap ninyo ang Kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, ngunit hindi ninyo ito tinupad.”

Pinagbabato si Esteban

54 Nang marinig nila ang mga ito, nagalit sila at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.[g] 55 Subalit si Esteban, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumitig sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.” 57 Subalit nagtakip sila ng kanilang mga tainga at nagsigawan nang malakas at sama-samang sumugod sa kanya. 58 Pagkatapos, siya'y kinaladkad nila palabas ng lungsod at doo'y pinagbabato. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang papanagutin sa kasalanang ito.” Pagkasabi nito, siya'y namatay.[h]

Kasang-ayon si Saulo sa pagpaslang kay Esteban.

Ang Pag-usig ni Saulo sa Iglesya

Nang araw na iyon, sumiklab ang isang malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem. Maliban sa mga apostol, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mananampalataya sa buong lupain ng Judea at Samaria. Inilibing si Esteban ng mga lalaking masigasig sa kabanalan. Tumangis sila nang malakas dahil sa kanya. Samantala'y winawasak ni Saulo ang iglesya. (AH) Pinapasok niya ang mga bahay-bahay, kinakaladkad at ibinibilanggo ang mga lalaki't babae.

Ang Pangangaral sa Samaria

Ang mga nagkawatak-watak nama'y naglakbay na ipinapahayag ang salita. Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. Nang marinig ng maraming tao ang mga sinabi ni Felipe at nang makita ang mga himalang ginawa niya, nagkaisa silang bigyan ng pansin ang kanyang sinasabi. Sapagkat lumalabas ang masasamang espiritu na sumisigaw nang malakas mula sa maraming taong sinapian; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon. Ngunit isang taong nagngangalang Simon, ang gumagamit noong una ng salamangka sa lungsod; pinahahanga niya ang mga mamamayan ng Samaria at sinasabi niyang siya'y magaling. 10 Nakinig sa kanya ang lahat, buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sabi nila, “Ang taong ito ang tinatawag na dakilang kapangyarihan ng Diyos.” 11 Nakinig sila sa kanya, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay napahanga niya sila ng kanyang mga salamangka. 12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae. 13 Mismong si Simon ay naniwala, at pagkatapos mabautismuhan ay nanatiling kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga himala at ng mga makapangyarihang gawa.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga taga-Samaria ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon ay ipinanalangin ng dalawa ang mga taga-Samaria upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat hindi pa bumababa ang Espiritu sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan[i] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nang makita ni Simon na ipinagkakaloob ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y kanyang inalok ng salapi, 19 at sinabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Banal na Espiritu.” 20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Mapapahamak ka kasama ng iyong salapi! Akala mo ba'y mabibili mo ang kaloob ng Diyos? 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi naaayon sa Diyos ang iyong puso. 22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling patawarin ka sa masamang hangarin ng iyong kalooban. 23 Sapagkat nakikita kong pinaghaharian ka ng inggit at alipin ka ng kasamaan.” 24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”

25 Matapos silang makapagpatotoo at maipahayag ang salita ng Panginoon, bumalik sina Pedro at Juan[j] sa Jerusalem na ipinangangaral ang magandang balita sa maraming nayon ng Samaria.

Si Felipe at ang Eunukong Taga-Etiopia

26 Matapos ang mga ito, inutusan ng isang anghel ng Panginoon si Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza. Ito'y ilang na daan.” 27 Tumindig nga siya at umalis. Dumating naman ang isang eunukong taga-Etiopia, na tagapamahala ng buong kayamanan ni Candace, ang reyna ng Etiopia. Galing ang eunuko sa Jerusalem upang sumamba. 28 Pauwi na siya noon, nakasakay sa kanyang karwahe at binabasa ang aklat ni propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.” 30 Kaya't tumakbong palapit si Felipe at kanyang narinig na binabasa ng lalaki ang aklat ni propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” 31 Sumagot siya kay Felipe, “Paano ko ito mauunawaan kung walang magpapaliwanag sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na sumakay at maupong kasama niya. 32 Ito (AI) ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:

“Tulad ng tupang dinala sa katayan;
    at ng korderong hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
    gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33 Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
    Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
    Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”

34 Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang kanya bang sarili o iba?” 35 Mula sa talatang ito, ipinangaral ni Felipe sa lalaki ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Sa kanilang paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig. Sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, may tubig! Ano'ng hadlang upang ako'y mabautismuhan?” 37 [At sinabi ni Felipe, “Kung sumasampalataya ka nang buong puso ito'y mangyayari. Sumagot ang eunuko, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos.”][k] 38 Pinahinto ng eunuko ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, biglang inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe, at hindi na siya nakita ng eunuko. Nagagalak itong nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Samantala, natagpuan si Felipe sa Azotus. Mula roon ay ipinangaral niya ang Magandang Balita sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.

Ang Pagtawag kay Saulo(AJ)

Samantala, sumisidhi ang pagnanais ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa Kataas-taasang Pari. Humingi siya sa Kataas-taasang Pari ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, maging lalaki o babae, ay dadalhin niyang bihag sa Jerusalem. Sa kanyang paglalakbay papalapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit. Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” Sinabi niya, “Sino po ba kayo, panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig. Tumayo ka at pumasok sa lungsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.” Hindi makapagsalita ang mga taong naglalakbay na kasama niya, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. Tumayo si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata ay wala siyang makita. Kaya't inakay siya ng kanyang mga kasama at ipinasok sa Damasco. Tatlong araw siyang hindi makakita, at hindi rin kumain o uminom. 10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sumagot siya, “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na may pangalang Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya. 12 Nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias. Pumapasok ito at ipinapatong ang mga kamay sa kanya upang muli siyang makakita.” 13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga hinirang na nasa Jerusalem. 14 Mayroon siyang pahintulot mula sa mga punong pari na igapos ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.” 15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Humayo ka. Sapagkat ang lalaking ito ay isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.” 17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18 Agad nalaglag mula sa mga mata ni Saulo ang bagay na parang mga kaliskis, at muli siyang nakakita.Tumayo siya at binautismuhan. 19 Pagkatapos niyang kumain ay nanumbalik ang kanyang lakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.

Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco

20 Agad ipinangaral ni Saulo sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang lalaki na noong nasa Jerusalem ay pumuksa sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito siya upang sila'y dalhing bihag sa harap ng mga punong pari?” 22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo. 23 Pagkalipas (AK) ng maraming araw, may mga Judio na nagbalak na siya'y patayin. 24 Kaya't binantayan nila ang mga pintuang-bayan araw at gabi sa pag-aabang kay Saulo upang patayin siya. Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. 25 Kinagabihan, kinuha siya ng kanyang mga alagad, inilagay siya sa isang tiklis at ibinaba sa kabila ng pader.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, sinikap niyang makisama sa mga alagad. Ngunit silang lahat ay takòt sa kanya sapagkat hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Kaya't iniharap siya ni Bernabe sa mga apostol, at isinalaysay nito sa kanila kung paanong nagpakita at nakipag-usap kay Saulo ang Panginoon noong siya'y nasa daan papuntang Damasco. Sinabi rin nito kung paanong si Saulo ay buong tapang na nangaral sa Damasco sa pangalan ni Jesus. 28 Mula noo'y kasa-kasama na nila si Saulo sa Jerusalem, 29 at buong tapang na nangangaral sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap at nakipagtalo rin siya sa mga Helenista kaya't siya'y pinagsikapan nilang patayin. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinapunta sa Tarso. 31 Sa gayo'y naging mapayapa ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria. Tumatag ito at lumaganap sa patnubay ng Banal na Espiritu, at namuhay na may takot sa Panginoon.

Ang Pagpapagaling kay Aeneas

32 Naglakbay si Pedro sa iba't ibang dako upang dalawin silang lahat, gayundin ang mga banal na naninirahan sa Lidda. 33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking ang pangalan ay Aeneas. Ito ay lumpo at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Bumangon ka at ayusin ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon. 35 Nakita siya ng lahat ng mga mamamayan ng Lidda at Sharon, at sila'y nagbalik-loob sa Panginoon.

Ang Pagbuhay kay Dorcas

36 May isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabitha, na ang katumbas ay Dorcas. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng mabuti at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, siya'y kanilang ibinurol sa isang silid sa itaas. 38 Dahil malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na naroroon si Pedro, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.” 39 Kumilos agad si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, sinamahan siya sa silid sa itaas. Lumapit sa kanya ang mga babaing balo at umiiyak na ipinakita sa kanya ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas noong siya'y kasama pa nila. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabitha, bumangon ka.” Iminulat ni Dorcas ang kanyang mga mata, at naupo nang makita niya si Pedro. 41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy. 42 Napabalita ito sa buong Joppa at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Nanatili si Pedro sa Joppa sa loob ng maraming araw, kasama ni Simon na isang tagapagbilad ng balat ng hayop.

Si Pedro at si Cornelio

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio, isang senturyon ng tinatawag na batalyong Italiano. Kasama ang kanyang buong sambahayan, siya ay masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang mag-iikatlo ng hapon,[l] nagkaroon siya ng pangitain. Kitang-kita niyang dumarating ang isang anghel ng Diyos at tinawag siya, “Cornelio.” Natatakot siyang tumingin sa kanya at nagtanong, “Ano po iyon, panginoon?” Sumagot ito sa kanya, “Nakaabot sa pansin ng Diyos ang iyong mga panalangin at ang pagtulong mo sa mga dukha. Ngayon di'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang taong nagngangalang Simon na tinatawag ding Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon, isang tagapagbilad ng balat ng hayop, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.” Pag-alis ng anghel na kumausap sa kanya, tinawag ni Cornelio ang dalawa sa kanyang mga utusan at isang relihiyosong kawal na isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang buong pangyayari, at pagkatapos ay pinapunta sila sa Joppa.

Kinabukasan, nang magtatanghaling tapat,[m] samantalang naglalakbay at malapit na sa lungsod ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin. 10 Siya'y nagutom at nais nang kumain. Samantalang inihahanda ang kanyang pagkain, nawalan siya ng malay at nagkaroon ng pangitain. 11 Nakita niyang nabuksan ang langit, at may isang bagay tulad ng isang malapad na kumot ang ibinababa sa lupa, nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na lumalakad at mga gumagapang sa lupa, maging mga lumilipad sa himpapawid. 13 May tinig na nagsabi sa kanya, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.” 14 Subalit sumagot si Pedro, “Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.” 15 Muling sinabi sa kanya ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Nangyari ito ng tatlong ulit, at pagkatapos ay agad binatak pataas sa langit ang kumot.

17 Samantalang iniisip ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, natagpuan naman ng mga taong inutusan ni Cornelio ang bahay ni Simon. Tumayo sila sa harapan ng pintuan 18 at tumawag upang tanungin kung doon nanunuluyan si Simon, na kilala ring Pedro.

19 Pinag-iisipan pa noon ni Pedro ang tungkol sa pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Bumaba ka at huwag kang mag-atubiling sumama sa kanila sapagkat ako ang nagsugo sa kanila.” 21 Bumaba nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang pakay ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Si Cornelio na isang senturyon ang nagsugo sa amin. Siya'y isang taong matuwid, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Pinagbilinan siya ng isang anghel na papuntahin ka sa kanyang bahay upang marinig ang iyong sasabihin.” 23 Kaya't inanyayahan sila ni Pedro at doon na pinagpalipas ng gabi.

Kinabukasan, sumama siya sa kanila. Sumama din ang ilang mga kapatid mula sa Joppa. 24 Nang sumunod na araw na sila dumating sa Cesarea. Naghihintay sa kanila si Cornelio, na nag-anyaya pa ng kanyang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan. 25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba. 26 Ngunit itinayo siya ni Pedro, habang sinasabi, “Tumayo ka! Tao rin akong katulad mo.” 27 Habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at nakita ang maraming taong nagtitipon. 28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyong ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi o karumal-dumal ang isang tao. 29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Maaari ko bang malaman kung bakit mo ako ipinasundo?”