Add parallel Print Page Options

Ang mga Lunsod-Kanlungan(A)

Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita: Pagtawid ninyo ng Ilog Jordan patungong Canaan, 11 pumili kayo ng mga lunsod-kanlungan na matatakbuhan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. 12 Doon siya magtatago habang nililitis pa ang kanyang kaso upang huwag mapatay ng malapit na kamag-anak na gustong maghiganti. 13 Pumili kayo ng anim na lunsod-kanlungan; 14 tatlo sa silangan ng Jordan at tatlo sa Canaan. 15 Ang mga lunsod na ito'y maaaring pagtaguan ng sinumang makapatay nang di sinasadya, maging siya'y Israelita o isang dayuhan.

16-18 “Ang sinumang pumatay ng kapwa sa pamamagitan ng sandatang bakal, bato o kahoy ay nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. 19 Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

20 “Papatayin din ang sinuman na dahil sa galit ay nakapatay sa pamamagitan ng panunulak, o pagpukol ng anuman, 21 o sa pamamagitan ng suntok, sapagkat siya'y nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

22 “Ngunit ang sinumang nakapatay nang hindi sinasadya, maging sa pamamagitan ng tulak, o pukol ng anumang bagay; 23 o kaya'y naghagis ng bato at may natamaang di niya nakikita, at hindi naman niya kaaway, 24 ang taong iyon ay hindi dapat ipaubaya ng sambayanan sa mga kamag-anak ng namatay upang paghigantihan ng mga ito. 25 Siya ay pangangalagaan ng sambayanan sa kamag-anak na gustong maghiganti; ibabalik siya sa lunsod-kanlungan at mananatili roon habang nabubuhay ang kasalukuyang pinakapunong pari. 26 Kapag ang nakapatay ay lumabas ng lunsod-kanlungan 27 at napatay siya ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay niya, ito'y walang pananagutan sa batas. 28 Ang nakapatay ay dapat manatili sa pinagtataguan niyang lunsod-kanlungan habang nabubuhay ang nanunungkulang pinakapunong pari. Pagkamatay nito, maaari nang umuwi ang nakapatay sa kanyang sariling bayan.

Read full chapter

Ang mga Lunsod-Kanlungan

20 Sinabi(A) ni Yahweh kay Josue, “Sabihin(B) mo sa bayang Israel na pumili sila ng mga lunsod-kanlungan ayon sa sinabi ko kay Moises. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring tumakbo roon upang makaligtas sa paghihiganti ng namatayan. Maaari siyang tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, humarap sa hukuman na nasa pagpasok ng lunsod, at ipaliwanag sa matatanda ang nangyari. Papapasukin siya, at doon papatirahin. Kapag sinundan siya roon ng mga nagnanais maghiganti, hindi siya isusuko ng mga tagaroon sapagkat nakamatay siya ng kapwa Israelita nang di sinasadya at hindi bunsod ng galit. Mananatili siya roon hanggang sa litisin sa harap ng mga taong-bayan, at hanggang hindi namamatay ang Pinakapunong Pari na nanunungkulan nang panahong iyon. Kung mangyari ito, maaari na siyang umuwi sa kanyang sariling bayan kung saan siya'y nakapatay.”

Pinili nga nila ang Kades, sa Galilea, sa kaburulan ng Neftali; ang Shekem sa kaburulan ng Efraim; at ang Lunsod ng Arba (o Hebron) sa kaburulan ng Juda. Sa ibayo naman ng Jordan, sa kaburulang nasa silangan ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa lupain ni Ruben; ang Ramot sa Gilead, sa lupain ni Gad; at ang Golan sa Bashan, sa lupain ni Manases. Ito ang mga lunsod-kanlungan na pinili para sa mga Israelita at para sa sinumang dayuhang naninirahang kasama nila. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring pumunta roon hanggang sa siya'y litisin sa harap ng mga taong-bayan, upang huwag mapatay ng mga kamag-anak ng namatay.

Read full chapter