Josue 20
Magandang Balita Biblia
Ang mga Lunsod-Kanlungan
20 Sinabi(A) ni Yahweh kay Josue, 2 “Sabihin(B) mo sa bayang Israel na pumili sila ng mga lunsod-kanlungan ayon sa sinabi ko kay Moises. 3 Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring tumakbo roon upang makaligtas sa paghihiganti ng namatayan. 4 Maaari siyang tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, humarap sa hukuman na nasa pagpasok ng lunsod, at ipaliwanag sa matatanda ang nangyari. Papapasukin siya, at doon papatirahin. 5 Kapag sinundan siya roon ng mga nagnanais maghiganti, hindi siya isusuko ng mga tagaroon sapagkat nakamatay siya ng kapwa Israelita nang di sinasadya at hindi bunsod ng galit. 6 Mananatili siya roon hanggang sa litisin sa harap ng mga taong-bayan, at hanggang hindi namamatay ang Pinakapunong Pari na nanunungkulan nang panahong iyon. Kung mangyari ito, maaari na siyang umuwi sa kanyang sariling bayan kung saan siya'y nakapatay.”
7 Pinili nga nila ang Kades, sa Galilea, sa kaburulan ng Neftali; ang Shekem sa kaburulan ng Efraim; at ang Lunsod ng Arba (o Hebron) sa kaburulan ng Juda. 8 Sa ibayo naman ng Jordan, sa kaburulang nasa silangan ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa lupain ni Ruben; ang Ramot sa Gilead, sa lupain ni Gad; at ang Golan sa Bashan, sa lupain ni Manases. 9 Ito ang mga lunsod-kanlungan na pinili para sa mga Israelita at para sa sinumang dayuhang naninirahang kasama nila. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring pumunta roon hanggang sa siya'y litisin sa harap ng mga taong-bayan, upang huwag mapatay ng mga kamag-anak ng namatay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.