Mga Awit 99
Ang Biblia, 2001
99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
2 Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
3 Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
Siya'y banal!
4 Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
5 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
magsisamba kayo sa kanyang paanan!
Siya'y banal.
6 Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
7 Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.
8 O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
9 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!
Salmo 99
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Panginoon ay Banal na Hari
99 Naghahari ang Panginoon at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot at ang mundoʼy nayayanig.
2 Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,[a]
dinadakila siya sa lahat ng bansa.
3 Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Siya ay banal!
4 Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan,
at ang ginagawa niya sa Israel[b] ay matuwid at makatarungan.
5 Purihin ang Panginoon na ating Dios.
Sambahin siya sa kanyang templo.[c]
Siya ay banal!
6 Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
Tumawag sila sa Panginoon at tinugon niya sila.
7 Nakipag-usap siya sa kanila mula sa ulap na parang haligi;
sinunod nila ang mga katuruan at tuntunin na kanyang ibinigay.
8 Panginoon naming Dios, sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.[d]
Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Dios na mapagpatawad kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
9 Purihin ang Panginoon na ating Dios.
Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
dahil ang Panginoon na ating Dios ay banal.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®