Mga Awit 86
Magandang Balita Biblia
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Panalangin ni David.
86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
ako'y mahina na't wala nang tumingin.
2 Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.
3 Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
4 Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
5 Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
6 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
7 Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
iyong tinutugon ang aking pagtawag.
8 Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
sa iyong gawai'y walang makaparis.
9 Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
lalapit sa iyo't magbibigay galang;
sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga!
11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
taong mararahas, na ang adhikain
ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
upang mapahiya ang aking kaaway,
kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!
Mga Awit 86
Ang Biblia, 2001
Panalangin ni David.
86 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at ako'y sagutin mo,
sapagkat dukha at nangangailangan ako.
2 Ingatan mo ang aking buhay, sapagkat ako'y banal na tao.
Ikaw na aking Diyos,
iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo.
3 O Panginoon, maawa ka sa akin,
sapagkat sa buong araw sa iyo ako'y dumaraing.
4 Pasayahin mo ang kaluluwa ng lingkod mo,
sapagkat sa iyo, O Panginoon itinataas ko ang kaluluwa ko.
5 Sapagkat ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad,
sagana sa tapat na pag-ibig sa lahat ng sa iyo ay tumatawag.
6 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
pakinggan mo ang tinig ng aking daing.
7 Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo;
sapagkat sinasagot mo ako.
8 Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, O Panginoon;
ni mayroong anumang mga gawang gaya ng sa iyo.
9 Lahat(A) ng mga bansa na iyong nilalang ay darating
at sasamba sa harapan mo, O Panginoon;
at ang iyong pangalan ay kanilang luluwalhatiin.
10 Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kahanga-hangang mga bagay,
ikaw lamang ang Diyos.
11 O Panginoon, ituro mo sa akin ang iyong daan,
upang makalakad ako sa iyong katotohanan;
ilakip mo ang aking puso upang matakot sa iyong pangalan.
12 Nagpapasalamat ako sa inyo ng buong puso, O Panginoon kong Diyos,
at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.
13 Sapagkat dakila ang iyong tapat na pagsinta sa akin;
sa kalaliman ng Sheol ay iniligtas mo ang aking kaluluwa.
14 O Diyos, ang mga taong mayabang ay nagbangon laban sa akin,
isang pangkat ng malulupit na tao ang nagtatangka sa aking buhay,
at hindi ka nila isinaalang-alang sa harapan nila.
15 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay Diyos na mahabagin at mapagbiyaya,
banayad sa pagkagalit, sa tapat na pag-ibig at katapatan ay sagana.
16 Lingunin mo ako, maawa ka sa akin;
ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod,
at iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17 Pagpakitaan mo ako ng tanda para sa kabutihan,
upang makita ng mga napopoot sa akin at mapahiya,
sapagkat ikaw, Panginoon, ay tumulong at umaliw sa akin.
Awit 86
Ang Dating Biblia (1905)
86 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at sagutin mo ako; sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan.
2 Ingatan mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y banal: Oh ikaw na Dios ko, iligtas mo ang iyong lingkod na tumitiwala sa iyo.
3 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon, sapagka't sa iyo'y dumadaing ako buong araw.
4 Bigyan mong galak ang kaluluwa ng iyong lingkod; sapagka't sa iyo, Oh Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
5 Sapagka't ikaw, Panginoon, ay mabuti, at mapagpatawad, at sagana sa kagandahang-loob sa lahat na tumatawag sa iyo.
6 Dinggin mo, Oh Panginoon, ang aking dalangin; at pakinggan mo ang tinig ng aking mga pananaing.
7 Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay tatawag ako sa iyo; sapagka't iyong sasagutin ako.
8 Walang gaya mo sa gitna ng mga dios, Oh Panginoon; wala mang mga gawang gaya ng iyong mga gawa.
9 Lahat ng mga bansa na iyong nilalang ay magsisiparito, at magsisisamba sa harap mo, Oh Panginoon; at kanilang luluwalhatiin ang iyong pangalan.
10 Sapagka't ikaw ay dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay: ikaw na magisa ang Dios.
11 Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon; lalakad ako sa iyong katotohanan: ilakip mo ang aking puso sa pagkatakot sa iyong pangalan.
12 Pupurihin kita, Oh Panginoon kong Dios ng aking buong puso; at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailan man.
13 Sapagka't dakila ang iyong kagandahang-loob sa akin; at iyong iniligtas ang aking kaluluwa sa pinakamalalim na Sheol.
14 Oh Dios, ang palalo ay bumangon laban sa akin, at ang kapisanan ng mga marahas na tao ay umusig ng aking kaluluwa, at hindi inilagay ka sa harap nila.
15 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay Dios na puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.
16 Oh bumalik ka sa akin, at maawa ka sa akin; ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod. At iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17 Pagpakitaan mo ako ng tanda sa ikabubuti: upang mangakita nilang nangagtatanim sa akin, at mangapahiya, sapagka't ikaw, Panginoon, ay tumulong sa akin, at umaliw sa akin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.