Awit 59
Ang Dating Biblia (1905)
59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, Oh Dios ko: ilagay mo ako sa mataas sa kanila na nagsisibangon laban sa akin.
2 Iligtas mo ako sa mga manggagawa ng kasamaan, at iligtas mo ako sa mga mabagsik na tao.
3 Sapagka't narito, kanilang binabakayan ang aking kaluluwa; ang mga makapangyarihan ay nagpipisan laban sa akin: hindi dahil sa aking pagsalangsang, o sa aking kasalanan man, Oh Panginoon.
4 Sila'y nagsisitakbo at nagsisihanda na wala akong sala: ikaw ay gumising na tulungan mo ako, at masdan mo.
5 Sa makatuwid baga'y ikaw, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, na Dios ng Israel, ikaw ay bumangon upang iyong dalawin ang lahat ng mga bansa: huwag kang maawa sa kanino mang masamang mananalangsang. (Selah)
6 Sila'y nagsibalik sa kinahapunan, sila'y nagsitahol na parang aso, at nililigid ang bayan.
7 Narito, sila'y nanunungayaw ng kanilang bibig; mga tabak ay nangasa kanilang mga labi: sapagka't sino, sabi nila, ang nakikinig?
8 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, tatawa sa kanila; iyong tutuyain ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kaniyang kalakasan, didinggin kita; sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog.
10 Ang aking Dios pati ng kaniyang kagandahang-loob ay sasalubong sa akin: ipakikita ng Dios sa akin ang aking nasa sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan; pangalatin mo sila ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila, Oh Panginoon na kalasag namin.
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi, makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan, at dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.
13 Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila, upang sila'y mawala: at ipakilala mo sa kanila na ang Dios ay nagpupuno sa Jacob, hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 At sa kinahapunan ay papagbalikin mo sila, pahagulhulin mo silang parang aso, at libutin nila ang bayan.
15 Sila'y gagala na magmamanhik-manaog dahil sa pagkain, at maghihintay buong gabi kung hindi sila mabusog.
16 Nguni't aking aawitin ang iyong kalakasan; Oo, aking aawiting malakas ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan: sapagka't ikaw ay naging aking matayog na moog, at kanlungan sa kaarawan ng aking kabagabagan.
17 Sa iyo, Oh kalakasan ko, aawit ako ng mga pagpuri: sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog, ang Dios ng aking kaawaan.
Mga Awit 59
Ang Biblia, 2001
Panalangin(A) upang Ingatan
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
2 Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
3 Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
4 sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
5 Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)
6 Tuwing hapon ay bumabalik sila,
tumatahol na parang aso,
at nagpapagala-gala sa lunsod.
7 Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”
8 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13 Pugnawin mo sila sa poot,
pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
na tumatahol na parang aso
at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
at tumatahol kapag hindi sila nabusog.
16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
