Mga Awit 50
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
2 Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.
3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
5 “Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
9 bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.
12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo'y aking ililigtas,
ako'y inyong pupurihin.”
16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
“Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.
19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”
Footnotes
- 6 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Mga Awit 50
Ang Biblia (1978)
Ang Panginoon ang hahatol sa matuwid at sa masama. (A)Awit ni Asaph.
50 Ang makapangyarihang Dios, ang Dios na Panginoon, ay nagsalita,
At tinawag ang lupa (B)mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon.
2 Mula sa Sion na (C)kasakdalan ng kagandahan,
(D)Sumilang ang Dios.
3 Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik;
(E)Isang apoy na mamumugnaw sa harap niya,
At magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya.
4 (F)Siya'y tatawag sa langit sa itaas,
At sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan:
5 Pisanin mo ang (G)aking mga banal sa akin;
(H)Yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.
6 At (I)ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran;
Sapagka't ang Dios ay siyang hukom. (Selah)
7 (J)Iyong dinggin, Oh aking bayan, at ako'y magsasalita;
Oh Israel, at ako'y magpapatotoo sa iyo:
(K)Ako'y Dios, iyong Dios.
8 (L)Hindi kita sasawayin dahil sa iyong mga hain;
At ang iyong mga handog na susunugin ay laging nangasa harap ko.
9 (M)Hindi ako kukuha ng baka sa iyong bahay,
Ni ng kambing na lalake sa iyong mga kawan.
10 Sapagka't bawa't hayop sa gubat ay akin,
At ang hayop sa libong burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok:
At (N)ang mga mabangis na hayop sa parang ay akin.
12 Kung ako'y magutom ay hindi ko sasaysayin sa iyo:
(O)Sapagka't ang sanglibutan ay akin, at ang buong narito.
13 Kakanin ko ba ang laman ng mga toro,
O iinumin ang dugo ng mga kambing?
14 (P)Ihandog mo sa Dios ang haing pasasalamat:
At (Q)tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataastaasan:
15 At (R)tumawag ka sa akin sa kaarawan ng kabagabagan;
Ililigtas kita, at iyong luluwalhatiin ako.
16 Nguni't sa masama ay sinasabi ng Dios,
Anong iyong gagawin upang ipahayag ang aking mga palatuntunan,
At iyong kinuha ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Palibhasa't iyong kinapopootan ang pagtuturo,
At iyong iniwawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Pagka nakakita ka ng magnanakaw, pumipisan ka sa kaniya,
At naging kabahagi ka ng mga mapangalunya.
19 Iyong ibinubuka ang iyong bibig sa kasamaan,
At ang iyong dila ay kumakatha ng karayaan.
20 Ikaw ay nauupo, at (S)nagsasalita laban sa iyong kapatid;
Iyong dinudusta ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, (T)at ako'y tumahimik;
Iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo:
Nguni't sasawayin kita, at (U)aking isasaayos sa harap ng iyong mga mata.
22 Gunitain nga ninyo ito, ninyong nangakalilimot sa Dios,
Baka kayo'y aking pagluraylurayin at walang magligtas:
23 (V)Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa akin;
At sa kaniya na nagaayos ng kaniyang pakikipagusap
Aking ipakikita ang pagliligtas ng Dios.
Mga Awit 50
Ang Biblia, 2001
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
Awit 50
Ang Dating Biblia (1905)
50 Ang makapangyarihang Dios, ang Dios na Panginoon, ay nagsalita, at tinawag ang lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon.
2 Mula sa Sion na kasakdalan ng kagandahan, sumilang ang Dios.
3 Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik; isang apoy na mamumugnaw sa harap niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya.
4 Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan:
5 Pisanin mo ang aking mga banal sa akin; yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.
6 At ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran; sapagka't ang Dios ay siyang hukom. (Selah)
7 Iyong dinggin, Oh aking bayan, at ako'y magsasalita; Oh Israel, at ako'y magpapatotoo sa iyo: Ako'y Dios, iyong Dios.
8 Hindi kita sasawayin dahil sa iyong mga hain; at ang iyong mga handog na susunugin ay laging nangasa harap ko.
9 Hindi ako kukuha ng baka sa iyong bahay, ni ng kambing na lalake sa iyong mga kawan.
10 Sapagka't bawa't hayop sa gubat ay akin, at ang hayop sa libong burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok: at ang mga mabangis na hayop sa parang ay akin.
12 Kung ako'y magutom ay hindi ko sasaysayin sa iyo: sapagka't ang sanglibutan ay akin, at ang buong narito.
13 Kakanin ko ba ang laman ng mga toro, o iinumin ang dugo ng mga kambing?
14 Ihandog mo sa Dios ang haing pasasalamat: at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataastaasan:
15 At tumawag ka sa akin sa kaarawan ng kabagabagan; ililigtas kita, at iyong luluwalhatiin ako.
16 Nguni't sa masama ay sinasabi ng Dios, Anong iyong gagawin upang ipahayag ang aking mga palatuntunan, at iyong kinuha ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Palibhasa't iyong kinapopootan ang pagtuturo, at iyong iniwawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Pagka nakakita ka ng magnanakaw, pumipisan ka sa kaniya, at naging kabahagi ka ng mga mapangalunya.
19 Iyong ibinubuka ang iyong bibig sa kasamaan, at ang iyong dila ay kumakatha ng karayaan.
20 Ikaw ay nauupo, at nagsasalita laban sa iyong kapatid; iyong dinudusta ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y tumahimik; iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo: nguni't sasawayin kita, at aking isasaayos sa harap ng iyong mga mata.
22 Gunitain nga ninyo ito, ninyong nangakalilimot sa Dios, baka kayo'y aking pagluraylurayin at walang magligtas:
23 Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa akin; at sa kaniya na nagaayos ng kaniyang pakikipagusap aking ipakikita ang pagliligtas ng Dios.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
