Mga Awit 49
Magandang Balita Biblia
Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
49 Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
2 Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay,
makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
3 Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan,
ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
4 Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan,
sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.
5 Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—
6 mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig,
dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
7 Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.
8 Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
9 upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.
10 Alam(A) naman niyang lahat ay mamamatay,
kasama ang marunong, maging mangmang o hangal;
sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.
11 Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman,
kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;
12 maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan
katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.
13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili,
at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)[a]
14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,
itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol.
Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga,
laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.
15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,
aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)[b]
16 Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman,
lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
17 hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
19 katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay,
masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,
katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!
Footnotes
- Mga Awit 49:13 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
- Mga Awit 49:15 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Mga Awit 49
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
2 maging mababa at mataas,
mayaman at dukha na magkakasama!
3 Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
4 Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.
5 Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
6 mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
7 Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
8 Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
at dapat siyang huminto magpakailanman,
9 na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
na siya'y huwag makakita ng kabulukan.
10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.
13 Ito ang daan noong mga hangal,
at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)
14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
at ang kanilang anyo ay maaagnas;
ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)
16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
ay gaya ng mga hayop na namamatay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.