Awit 42
Ang Dating Biblia (1905)
42 Kung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios.
2 Kinauuhawan ng aking kaluluwa ang Dios, ang buhay na Dios: kailan ako paririto, at haharap sa Dios?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi, Habang kanilang sinasabing lagi sa akin, saan nandoon ang iyong Dios?
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalaala, at nanglulumo ang aking kaluluwa sa loob ko, kung paanong ako'y nagpatuloy sa karamihan, at pinatnubayan ko sila sa bahay ng Dios, na may tinig ng kagalakan at pagpupuri, na isang karamihan na nagdidiwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios: sapagka't pupuri pa ako sa kaniya dahil sa kagalingan ng kaniyang mukha.
6 Oh Dios ko, ang aking kaluluwa ay nanglulumo sa loob ko; kaya't aking inaalaala ka mula sa lupain ng Jordan, at ng Hermonitas, mula sa burol ng Mizhar.
7 Kalaliman ay tumatawag sa kalaliman sa hugong ng iyong mga baha: lahat ng iyong alon at ang iyong malaking alon ay nagsitabon sa akin.
8 Gayon ma'y uutusan ng Panginoon ang kaniyang kagandahang-loob sa araw, at sa gabi ay sasa akin ang awit sa kaniya, sa makatuwid baga'y isang dalangin sa Dios ng aking buhay.
9 Aking sasabihin sa Dios na aking malaking bato, bakit mo ako kinalimutan? Bakit ako'y yayaong tumatangis dahil sa pagpighati ng kaaway?
10 Na wari tabak sa aking mga buto, na tinutuya ako ng aking mga kaaway; habang sinasabi nilang lagi sa akin, saan nandoon ang iyong Dios?
11 Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios: sapagka't pupuri pa ako sa kaniya, na siyang kagalingan ng aking mukha, at aking Dios.
Salmo 42
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon
42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
2 Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
3 Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
“Nasaan na ang Dios mo?”
4 Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
na umuugong na parang tubig sa talon.
Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
8 Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
O Dios na nagbigay ng buhay ko.
9 O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
“Bakit nʼyo ako kinalimutan?
Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.