Mga Awit 31
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
2 Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
matibay na kuta para sa aking kaligtasan.
3 Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
4 Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
5 Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.
6 Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
7 Matutuwa ako at magagalak,
dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
alam mo ang aking pagdurusa.
8 Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.
9 O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
pati mga buto ko'y naaagnas na rin.
11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
plano nilang ako ay patayin.
14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
ikaw ang aking Diyos na dakila!
15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
ang mga palalong ang laging layunin,
ang mga matuwid ay kanilang hamakin.
19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
upang hindi laitin ng mga kaaway.
21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
nang ang iyong tulong ay aking hingin.
23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.
Mga Awit 31
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
2 Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
isang matibay na muog upang ako'y iligtas.
3 Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
4 Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
5 Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.
6 Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan,
ngunit nagtitiwala ako sa Panginoon.
7 Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat nakita mo ang aking kapighatian,
iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan,
8 at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway;
inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak.
9 Maawa ka sa akin, O Panginoon, sapagkat ako'y nasa kahirapan;
ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan,
gayundin ang aking kaluluwa at katawan.
10 Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot,
at ang aking mga taon sa paghihimutok;
dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos,
at ang aking mga buto ay nanghihina.
11 Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya,
lalung-lalo na sa aking mga kapwa,
sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan,
yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan.
12 Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay;
ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan.
13 Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami—
kakilabutan sa bawat panig!—
habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin,
habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin.
14 Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O Panginoon,
sinasabi ko, “Ikaw ang aking Diyos.”
15 Ang aking mga panahon ay nasa iyong kamay;
iligtas mo ako sa mga umuusig sa akin at sa kamay ng aking mga kaaway!
16 Sa iyong lingkod, mukha mo nawa'y magliwanag,
iligtas mo ako ng iyong pag-ibig na tapat!
17 Huwag mong hayaang malagay ako sa kahihiyan, O Panginoon,
sapagkat sa iyo ako'y nananawagan,
hayaang malagay ang masasama sa kahihiyan,
na magsitahimik nawa sila sa Sheol.
18 Mapipi nawa ang mga sinungaling na labi,
na walang pakundangang nagsasalita
laban sa matuwid nang may kapalaluan at paglait.
19 O napakasagana ng kabutihan mo,
na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
mula sa palaaway na mga dila.
21 Purihin ang Panginoon,
sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
“Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
nang ako'y dumaing sa iyo.
23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
kayong lahat na umaasa sa Panginoon!
Mga Awit 31
Ang Biblia (1978)
Awit ng pagtutol at pagpapasalamat. Sa Pangulong manunugtog.
31 Sa (A)iyo, Oh Panginoon, nanganganlong ako;
Huwag akong mapahiya kailan man;
Palayain mo ako sa iyong katuwiran.
2 Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; iligtas mo akong madali:
Maging matibay na kanlungan ka nawa sa akin,
Bahay na sanggalangan upang iligtas ako.
3 (B)Sapagka't ikaw ang aking malaking bato, at aking kuta;
(C)Alangalang nga sa iyong pangalan ay pangunahan mo ako, at patnubayan mo ako.
4 (D)Hugutin mo ako sa (E)silo na kanilang inilagay na lihim ukol sa akin; sapagka't ikaw ang aking katibayan.
5 (F)Sa iyong kamay ay inihabilin ko ang aking diwa;
Iyong tinubos ako, Oh Panginoon, ikaw na Dios ng katotohanan.
6 Aking pinagtataniman ang nangagmamasid ng mga walang kabuluhang karayaan:
(G)Nguni't tumitiwala ako sa Panginoon.
7 Ako'y matutuwa at magagalak sa iyong kagandahang-loob:
Sapagka't iyong nakita ang aking kadalamhatian:
Iyong nakilala ang aking kaluluwa sa mga kasakunaan:
8 At hindi mo (H)kinulong sa kamay ng kaaway;
(I)Iyong inilagay ang aking mga paa sa maluwag na dako.
9 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon, sapagka't ako'y nasa kahirapan:
Ang aking mata ay namumugto sa kapanglawan, oo, ang aking kaluluwa, at aking katawan.
10 Sapagka't ang aking buhay ay napupugnaw sa kapanglawan,
At ang aking mga taon ay sa pagbubuntong hininga:
Ang aking lakas ay nanglulupaypay dahil sa aking kasamaan,
At ang (J)aking mga buto ay nangangatog.
11 Dahil sa lahat ng aking mga kaaway ay naging kaduwahagihan ako,
Oo, (K)lubha nga sa aking mga kapuwa,
At takot sa aking mga kakilala: (L)Silang nangakakita sa akin sa labas ay tinakasan ako.
12 (M)Ako'y nilimot sa pagiisip na parang patay na tao:
Ako'y parang basag na sisidlan.
13 (N)Sapagka't aking narinig ang paninirang puri ng marami,
Kakilabutan sa bawa't dako.
Samantalang sila'y (O)nagsasangguniang magkakasama laban sa akin,
Kanilang pinagsisikapang alisin ang aking buhay.
14 Nguni't tumiwala ako sa iyo, Oh Panginoon:
Aking sinabi: Ikaw ay aking Dios.
15 Ang aking mga kapanahunan ay nasa (P)iyong kamay:
Iligtas mo ako sa kamay ng aking mga kaaway, at sa mga nagsisiusig sa akin.
16 (Q)Iyong pasilangin ang iyong mukha sa iyong lingkod:
Iligtas mo ako ng iyong kagandahang-loob.
17 Huwag nawa akong mapahiya, Oh Panginoon; sapagka't ako'y tumawag sa iyo:
Mapahiya nawa ang masama, magsitahimik nawa sila sa Sheol.
18 Matahimik nawa ang mga sinungaling na labi;
Na nangagsasalita laban sa matuwid (R)ng kalasuwaan,
Ng kapalaluan at paghamak.
19 (S)Oh pagkadakila ng iyong kabutihan,
Na iyong iningatan para sa kanila na nangatatakot sa iyo,
Na iyong ginawa sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo,
Sa harap ng mga anak ng mga tao!
20 Sa lihim ng iyong harapan ay iyong ikukubli sila sa mga banta ng mga tao:
(T)Iyong iingatan silang lihim sa kulandong mula sa mga talas ng mga dila.
21 Purihin ang Panginoon:
Sapagka't (U)ipinakilala niya sa akin ang kaniyang kagilagilalas na kagandahang-loob (V)sa isang matibay na bayan.
22 (W)Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking pagmamadali,
(X)Nahiwalay ako sa harap ng iyong mga mata:
Gayon ma'y dininig mo ang tinig ng aking mga pamanhik,
Nang ako'y dumaing sa iyo.
23 (Y)Oh ibigin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga banal niya:
Pinalalagi ng Panginoon ang tapat,
At pinanghihigantihang lubos ang manggagawang palalo.
24 (Z)Kayo'y mangagpakalakas, at mangagdalang tapang ang inyong puso,
(AA)Kayong lahat na nagsisiasa sa Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978