Add parallel Print Page Options

Awit ng Tagumpay ni David(A)

Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.

18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
    ikaw ang aking kalakasan!
Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
    ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
    tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Kay Yahweh ako'y tumatawag,
    sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!

Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
    tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
    nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
    sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
    pinakinggan niya ang aking paghibik.

Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
    pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
    sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
    mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
    makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
    sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
    maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
    at mula sa ulap, bumuhos kaagad
    ang maraming butil ng yelo at baga.

13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
    tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
    nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
    sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
    mga pundasyon ng lupa ay nahayag.

16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
    sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
    ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
    ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
    ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!

20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
    binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
    hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
    mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
    paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
    sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.

25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
    at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
    ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
    ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.

28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
    inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
    upang tanggulan nito ay aking maagaw.

30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
    at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
    at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
    tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
    sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(B) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
    inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
    upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.

35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
    sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
    sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
    ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
    di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
    sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
    at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
    mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
    tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
    sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
    sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
    kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
    maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    nanginginig papalabas sa kanilang muog.

46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
    matibay kong muog, purihin ng lahat!
    Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
    mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48     at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.

Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
    sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
    ang karangalan mo'y aking aawitin,
    ang iyong pangalan, aking sasambahin.

50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
    tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
    kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:

18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
    aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
    aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
    at naligtas ako sa aking mga kaaway.

Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
    inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
    hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.

Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
    sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
    At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.

Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
    ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
    at nauga, sapagkat siya'y galit.
Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
    at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
    at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
    ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
    siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
    ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
    ay lumabas ang kanyang mga ulap,
    ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
    at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
    nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
    at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
    sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.

16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
    mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
    at sa mga napopoot sa akin,
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
    ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
    iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.

20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
    at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
    at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
    at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.

25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
    sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
    at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
    ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
    pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
    at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
    ang salita ng Panginoon ay subok na;
    siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.

31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
    At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
    at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
    at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
    anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
    at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
    at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
    at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
    at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
    sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
    pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
    at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
    sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
    inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
    at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
    ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
    ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
    sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.

46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
    at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
    at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
    Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
    inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
    at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
    at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
    kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.

'Awit 18 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.