Mga Awit 122
Ang Biblia, 2001
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
“Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
2 Ang mga paa natin ay nakatayo
sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo
na parang lunsod na siksikan;
4 na inaahon ng mga lipi,
ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
ang mga trono ng sambahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
“Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
7 Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
8 Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
hahanapin ko ang iyong ikabubuti.
Awit 122
Ang Dating Biblia (1905)
122 Ako'y natutuwa nang kanilang sabihin sa akin, tayo'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon.
2 Ang mga paa natin ay nagsisitayo sa loob ng iyong mga pintuang-bayan, Oh Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo na parang bayang siksikan:
4 Na inaahon ng mga lipi, sa makatuwid baga'y ng mga lipi ng Panginoon, na pinaka patotoo sa Israel, upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Sapagka't doo'y nalagay ang mga luklukan na ukol sa kahatulan, ang mga luklukan ng sangbahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang kapayapaan ng Jerusalem: sila'y magsisiginhawa na nagsisiibig sa iyo.
7 Kapayapaan nawa ang sumaloob ng inyong mga kuta, at kaginhawahan sa loob ng iyong mga palasio.
8 Dahil sa aking mga kapatid at aking mga kasama, aking sasabihin ngayon, kapayapaan ang sumaiyong loob.
9 Dahil sa bahay ng Panginoon nating Dios. Hahanapin ko ang iyong buti.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.