Mga Awit 114
Magandang Balita Biblia
Awit ng Paggunita sa Exodo
114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
2 Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.
3 Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
4 Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.
5 Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
6 Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?
7 Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
8 sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.
Mga Awit 114
Ang Biblia, 2001
114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
2 ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
ang Israel ay kanyang sakop.
3 Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
ang Jordan ay umatras.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
ang mga burol na parang mga batang tupa.
5 Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
O Jordan, upang umurong ka?
6 O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
O mga burol, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Diyos ni Jacob;
8 na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
na bukal ng tubig ang hasaang bato.
Mga Awit 114
Ang Biblia (1978)
Ang pagliligtas ng Panginoon sa Israel mula sa Egipto.
114 Nang (A)lumabas ang Israel sa Egipto,
Ang sangbahayan ni Jacob (B)mula sa bayang may ibang wika;
2 (C)Ang Juda ay naging kaniyang santuario,
(D)Ang Israel ay kaniyang sakop.
3 Nakita (E)ng dagat, at tumakas;
Ang Jordan ay napaurong.
4 (F)Ang mga bundok ay nagsiluksong parang mga lalaking tupa,
Ang mga munting gulod na parang mga batang tupa.
5 (G)Anong ipakikialam ko sa iyo, Oh dagat, na ikaw ay tumatakas?
Sa iyo Jordan, na ikaw ay umuurong?
6 Sa inyo mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong parang mga lalaking tupa;
Sa inyong mga munting gulod, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, ikaw na lupa, sa harapan ng Panginoon,
Sa harapan ng Dios ni Jacob;
8 (H)Na pinapagiging tipunan ng tubig ang malaking bato.
Na bukal ng tubig ang pingkiang bato.
Awit 114
Ang Dating Biblia (1905)
114 Nang lumabas ang Israel sa Egipto, ang sangbahayan ni Jacob mula sa bayang may ibang wika;
2 Ang Juda ay naging kaniyang santuario, ang Israel ay kaniyang sakop.
3 Nakita ng dagat, at tumakas; ang Jordan ay napaurong.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong parang mga lalaking tupa, ang mga munting gulod na parang mga batang tupa.
5 Anong ipakikialam ko sa iyo, Oh dagat, na ikaw ay tumatakas? sa iyo Jordan, na ikaw ay umuurong?
6 Sa inyo mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong parang mga lalaking tupa; sa inyong mga munting gulod, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, ikaw na lupa, sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng Dios ni Jacob;
8 Na pinapagiging tipunan ng tubig ang malaking bato. Na bukal ng tubig ang pingkiang bato.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
