Add parallel Print Page Options

Iba't ibang Aral at Paalala

23 Kapag ikaw ay umupo upang kumain na kasalo ng isang pinuno,
    pansinin mong mabuti kung ano ang nasa harap mo;
at ang lalamunan mo'y lagyan mo ng patalim,
    kung ikaw ay isang taong magana sa pagkain.
Huwag mong nasain ang kanyang masasarap na pagkain,
    sapagkat mapandaya ang mga pagkaing iyon.
Huwag magpakapagod sa pagpapayaman,
    maging matalino ka na ang sarili'y mapigilan.
Kapag mapadako doon ang iyong paningin, iyon ay napaparam;
    sapagkat biglang nagkakapakpak ang kayamanan,
    lumilipad na gaya ng agila patungong kalangitan.
Tinapay ng kuripot ay huwag mong kainin,
    ni nasain mo man ang kanyang masarap na pagkain.
Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya:
    “Kumain at uminom ka!” sabi niya sa iyo;
    ngunit ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
Ang subo na iyong kinain ay iyong iluluwa,
    at iyong sasayangin ang matatamis mong salita.
Huwag kang magsalita sa pandinig ng hangal,
    sapagkat ang karunungan ng mga salita mo ay hahamakin niya lamang.
10 Huwag mong alisin ang lumang batong pananda,
    at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila,
11 sapagkat ang kanilang Manunubos ay makapangyarihan;
    ang kanilang panig laban sa iyo'y kanyang ipagsasanggalang.
12 Ihilig mo ang iyong puso sa pangaral,
    at ang iyong mga tainga sa mga salita ng kaalaman.
13 Huwag mong ipagkait sa bata ang saway,
    kung hampasin mo siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay.
14 Kung siya'y hahampasin mo ng pamalo,
    mula sa Sheol ang kanyang kaluluwa'y ililigtas mo.
15 Kung ang iyong puso ay marunong, aking anak,
    ang puso ko rin naman ay magagalak.
16 Ang kaluluwa ko'y matutuwa,
    kapag ang iyong mga labi'y nagsasalita ng tama.
17 Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan,
    kundi magpatuloy ka sa takot sa Panginoon sa buong araw.
18 Sapagkat tunay na may kinabukasan,
    at ang iyong pag-asa ay hindi mapaparam.

19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakatalino,
    at iyong patnubayan sa daan ang puso mo.
20 Huwag kang makisama sa mga maglalasing,
    at silang sa karne ay matatakaw kumain.
21 Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa kahirapan,
    at ang pagkaantukin ay magbibihis sa tao ng basahan.
22 Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka,
    at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y matanda na.
23 Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili naman,
    bumili ka ng karunungan, ng pangaral at kaunawaan.
24 Ang ama ng matuwid ay lubos na sasaya,
    at ang nagkaroon ng matalinong anak ay magagalak sa kanya.
25 Hayaang ang iyong ama at ina ay sumaya,
    at siyang nagsilang sa iyo ay lumigaya.
26 Anak ko, ang puso mo sa akin ay ibigay,
    at magmasid[a] ang iyong mga mata sa aking mga daan.
27 Sapagkat ang masamang babae ay isang malalim na hukay,
    at ang babaing di kilala ay isang makipot na balon.
28 Oo, siya'y nag-aabang na parang tulisan,
    at nagpaparami ng mga taksil sa mga kalalakihan.
29 Sinong may pagkaaba? Sinong may kalungkutan?
    Sinong may gulo? Sinong may karaingan?
Sino ang may sugat na walang kadahilanan?
    Sino ang may matang may kapulahan?
30 Silang naghihintay sa alak;
    silang sumusubok ng pinaghalong alak.
31 Huwag kang tumingin sa alak kapag ito'y mapula,
    kapag nagbibigay ng kanyang kulay sa kopa,
    at maayos na bumababa.
32 Sa huli ay parang ahas itong kumakagat,
    at ulupong na tumutuklaw ang katulad.
33 Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga kakatuwang bagay,
    at ang iyong puso ay magsasabi ng mga mandarayang bagay.
34 Ikaw ay magiging parang taong nahihiga sa gitna ng karagatan,
    o parang nahihiga sa dulo ng isang tagdan ng sasakyan.
35 “Kanilang pinalo ako, ngunit hindi ako nasaktan;
    hinampas nila ako, ngunit hindi ko naramdaman.
Kailan ako gigising?
    Hahanap ako ng isa pang tagay.”

Footnotes

  1. Mga Kawikaan 23:26 o malugod .

Iba't ibang aral at paalaala.

23 Pagka ikaw ay nauupong kumain na kasalo ng isang pangulo,
Kilanlin mong maigi siya na nasa harap mo;
At maglagay ka ng sundang sa iyong lalamunan,
Kung ikaw ay taong bigay sa pagkain.
Huwag kang mapagnais ng kaniyang mga masarap na pagkain;
Yamang mga marayang pagkain.
(A)Huwag kang mainip sa pagyaman;
Tumigil ka sa iyong sariling karunungan.
Iyo bang itititig ang iyong mga mata sa wala?
Sapagka't ang mga kayamanan, ay tunay na nagsisipagpakpak,
Gaya ng aguila na lumilipad sa dakong langit.
(B)Huwag mong kanin ang tinapay (C)niya na may masamang mata,
Ni nasain mo man ang kaniyang mga masarap na pagkain:
Sapagka't kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya:
Kumain ka at uminom ka, (D)sabi niya sa iyo;
Nguni't ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
Ang subo na iyong kinain ay (E)iyong isusuka,
(F)At iyong iwawala ang iyong mga matamis na salita.
Huwag kang magsalita sa pakinig ng mangmang;
Sapagka't kaniyang hahamakin ang karunungan ng iyong mga salita.
10 (G)Huwag mong baguhin ang dating muhon ng lupa;
At huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila:
11 (H)Sapagka't ang kanilang Manunubos ay malakas;
Ipaglalaban niya ang kanilang usap sa iyo.
12 Ihilig mo ang iyong puso sa turo,
At ang iyong mga pakinig sa mga salita ng kaalaman.
13 (I)Huwag mong ipagkait ang saway sa bata:
Sapagka't kung iyong hampasin siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay.
14 Iyong hahampasin siya ng pamalo,
At (J)ililigtas mo ang kaniyang kaluluwa sa Sheol.
15 Anak ko, kung ang iyong puso ay magpakapantas,
Ang puso ko'y matutuwa sa makatuwid baga'y ang akin:
16 Oo, ang aking puso ay magagalak
Pagka ang iyong mga labi ay nangagsasalita ng matuwid na mga bagay.
17 (K)Huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan:
Kundi lumagay ka sa Panginoon buong araw:
18 (L)Sapagka't tunay na may kagantihan;
At ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.
19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakapantas,
At (M)patnubayan mo ang iyong puso sa daan.
20 (N)Huwag kang mapasama sa mga mapaglango;
Sa mga mayamong mangangain ng karne:
21 Sapagka't ang manglalasing at ang mayamo ay darating sa karalitaan:
At ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.
22 (O)Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka,
At huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y tumanda.
23 (P)Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili:
Oo karunungan, at turo, at pag-uunawa.
24 Ang ama ng matuwid ay (Q)magagalak na lubos:
At siyang nagkaanak ng pantas na anak ay magagalak sa kaniya.
25 Mangatuwa ang iyong ama at ang iyong ina,
(R)At magalak siyang nanganak sa iyo.
26 Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso,
At malugod ang iyong mga mata sa aking mga daan.
27 (S)Sapagka't ang isang patutot ay isang malalim na lubak;
At ang babaing di kilala ay makipot na lungaw.
28 Oo, siya'y bumabakay na parang tulisan,
At nagdaragdag ng mga magdaraya sa gitna ng mga tao.
29 (T)Sinong may ay? sinong may kapanglawan? sinong may pakikipagtalo?
Sinong may daing? sino ang may sugat na walang kadahilanan?
Sino ang may maningas na mata?
30 (U)Silang nangaghihintay sa alak;
Silang nagsisiyaon upang (V)humanap ng pinaghalong alak.
31 Huwag kang tumingin sa alak pagka mapula,
Pagka nagbibigay ng kaniyang kulay sa saro,
32 Sa huli ay kumakagat ito na parang ahas,
At tumutukang parang ulupong.
33 Ang iyong mga mata ay titingin ng mga katuwang bagay,
At ang iyong puso ay nagbabadya ng mga magdarayang bagay.
34 Oo, ikaw ay magiging parang nahihiga sa gitna ng dagat,
O parang nahihiga sa dulo ng isang palo ng sasakyan.
35 Kanilang pinalo ako, (W)iyong sasalitain, at hindi ako nasaktan;
Kanilang hinampas ako, at hindi ko naramdaman:
Kailan gigising ako? (X)aking hahanapin pa uli.

-6-

23 Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang iyong kaharap. Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili. Huwag mong nasain ang pagkain ng hari, baka iyon ay pain lang sa iyo.

-7-

Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.

-8-

Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain. Sapagkat iyon ay maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom, ngunit hindi bukal sa kalooban. Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lang ang maganda mong sasabihin.

-9-

Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi nila mauunawaan kahit gaano kaganda ang sabihin mo.

-10-

10 Huwag mong babaguhin ang hangganang matagal nang nakalagay, ni sasakupin ang lupa ng mga ulila. 11 Sapagkat ang Tagapagtanggol nila ay makapangyarihan, at siya ang iyong makakalaban.

-11-

12 Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.

-12-

13 Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay. 14 Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay.

-13-

15 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. 16 Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.

-14-

17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. 18 Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.

-15-

19 Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. 20 Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. 21 Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.

-16-

22 Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang iyong ina kapag siya'y matanda na.

23 Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.

24 Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.

25 Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.

-17-

26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. 28 Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.

-18-

29 Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan? 30 Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin. 31 Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam, 32 sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag. 33 Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti. 34 Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad 35 at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.”