Add parallel Print Page Options

15 Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit,
    ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit.
Ang dila ng may unawa ay nagbubunga ng kaalaman,
    ngunit ang bibig ng mangmang ay bukal ng kahangalan.
Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar,
    ang masama at mabuti ay pawang minamasdan.
Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay,
    ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban.
Di pansin ng mangmang ang turo ng kanyang ama,
    ngunit dinirinig ng may isip ang paalala sa kanya.
Ang tahanan ng matuwid ay puno ng kayamanan,
    ngunit ang masama'y nagkukulang sa lahat ng kailangan.
Ang labi ng may unawa ay nagkakalat ng karunungan,
    ngunit hindi ganoon ang hangad ng isang mangmang.
Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama,
    ngunit sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa.
Sa gawaing masama, si Yahweh ay namumuhi,
    ngunit kanyang minamahal ang sa katuwiran lumalagi.
10 Ang gumawa ng masama ay tatanggap ng parusa,
    at tiyak na mamamatay ang ayaw ng paalala.
11 Kung paanong ang daigdig ng mga patay ay hayag kay Yahweh,
    ang laman ng puso sa kanya'y di maikukubli.
12 Ayaw mapagsasabihan ang mga palalo,
    at sa matatalino'y di hihingi ng payo.
13 Ang taong masayahin ay laging nakangiti,
    ngunit ang may lumbay ay wari bang nakangiwi.
14 Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan,
    ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
15 Lahat ng araw ng mahirap ay puno ng pakikipagbaka,
    ngunit ang masayahin, saganang piging ang kagaya.
16 Ang mahirap na gumagalang at sumusunod kay Yahweh,
    ay mas mainam kaysa mayamang panay hirap naman ang kalooban.
17 Mas masarap ang isang plato ng gulay na inihaing may pag-ibig
    kaysa isang matabang baka na inihaing may galit.
18 Ang mainit na ulo ay humahantong sa alitan,
    ngunit pumapayapa sa kaguluhan ang mahinahong isipan.
19 Ang landas ng batugan ay punung-puno ng tinik,
    ngunit patag na lansangan ang daan ng matuwid.
20 Ang anak na may unawa ay kaligayahan ng isang ama,
    ngunit ang isang mangmang ay kahihiyan ng kanyang ina.
21 Ang mga walang isip ay natutuwa sa mga bagay na kahangalan,
    ngunit lumalakad nang matuwid ang taong may kaalaman.
22 Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan,
    ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay.
23 Ang matalinong pananalita ay nagdudulot ng kasiyahan,
    at ang salitang angkop sa pagkakataon, may dulot na pakinabang.
24 Sa mga marunong, ang daan ng buhay ay pataas,
    upang maiwasan ang daigdig ng mga patay.
25 Wawasakin ni Yahweh ang bahay ng hambog,
    ngunit ang tahanan ng isang biyuda ay iingatan ng Diyos.
26 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang iniisip ng masama,
    ngunit kasiyahan niya ang pangungusap ng may malinis na diwa.
27 Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan,
    ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal.
28 Tinitimbang ng matuwid kung ano ang sasabihin,
    ngunit di na iniisip ng masama ang kanyang sasalitain.
29 Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid,
    ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig.
30 Ang masayang ngiti sa puso ay kasiyahan,
    at ang mabuting balita ay may dulot na kalusugan.
31 Ang marunong makinig sa paalala
    ay mayroong unawa at mabuting pasya.
32 Ipinapahamak ang sarili ng ayaw makinig sa pangaral,
    ngunit ang nagpapahalaga sa paalala ay nagdaragdag ng kaalaman.
33 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan,
    at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.

'Kawikaan 15 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Iba't ibang kawikaan. Pinagparisparis ang matuwid at masama.

15 Ang (A)malubay na sagot ay nakapapawi ng poot:
Nguni't ang mabigat na salita ay humihila ng galit.
Ang dila ng pantas ay nagbabadya ng tuos ng kaalaman:
Nguni't ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan.
(B)Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawa't dako,
Na nagbabantay sa masama at sa mabuti.
(C)Ang dilang magaling ay punong kahoy ng buhay:
Nguni't ang kalikuan niyaon ay kasiraan ng diwa.
Hinahamak (D)ng mangmang ang saway ng kaniyang ama:
Nguni't siyang nagpapakundangan ng saway ay gumagawang may kabaitan.
Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan:
Nguni't sa mga pakinabang ng masama ay kabagabagan.
Ang mga labi ng pantas ay nagsasabog ng kaalaman:
Nguni't ang puso ng mangmang ay hindi gayon.
(E)Ang hain ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon:
Nguni't ang dalangin ng matuwid ay kaniyang kaluguran.
Ang lakad ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon:
Nguni't iniibig niya (F)ang sumusunod sa katuwiran.
10 May mabigat na saway sa kaniya, na nagpapabaya ng lakad:
At (G)siyang nagtatanim sa saway ay mamamatay.
11 (H)Sheol at kapahamakan ay nasa harap ng Panginoon:
Gaanong higit pa nga ang mga puso ng mga anak ng mga tao!
12 Ayaw (I)ang manglilibak na siya'y sawayin.
Siya'y hindi paroroon sa pantas.
13 (J)Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha:
Nguni't sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
14 Ang puso niyaong naguunawa ay humahanap ng kaalaman:
Nguni't ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kamangmangan.
15 Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama:
(K)Nguni't siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.
16 (L)Maigi ang kaunti na may pagkatakot sa Panginoon,
Kay sa malaking kayamanan na may kabagabagan.
17 (M)Maigi ang pagkaing gulay na may pagibig,
Kay sa matabang baka at may pagtataniman.
18 (N)Ang mainiting tao ay humihila ng pagtatalo:
Nguni't siyang makupad sa galit ay pumapayapa ng kaalitan.
19 Ang daan ng tamad ay gaya ng bakuran na mga dawag:
Nguni't ang landas ng matuwid ay ginagawang maluwang na lansangan.
20 Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama:
Nguni't hinahamak ng mangmang ang kaniyang ina.
21 Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait:
Nguni't pinatutuwid ng maalam ang kaniyang lakad.
22 Kung saan walang payo ay nagugulo ang mga panukala:
(O)Nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay nangatatatag.
23 Ang tao ay may kagalakan sa sagot ng kaniyang bibig:
At (P)ang salita (Q)sa ukol na panahon, ay anong pagkabuti!
24 Sa pantas ay paitaas (R)ang daan ng buhay,
Upang kaniyang mahiwalayan ang Sheol sa ibaba.
25 Bubunutin (S)ng Panginoon ang bahay ng palalo:
Nguni't kaniyang itatatag ang hangganan (T)ng babaing bao.
26 Ang mga masamang katha ay kasuklamsuklam sa Panginoon:
Nguni't ang mga maligayang salita ay dalisay.
27 Siyang sakim sa pakinabang ay bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan:
Nguni't siyang nagtatanim sa mga suhol ay mabubuhay.
28 Ang puso ng matuwid ay (U)nagbubulay ng isasagot:
Nguni't ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay.
29 Ang Panginoon ay malayo sa masama:
(V)Nguni't kaniyang dinidinig ang dalangin ng matuwid.
30 (W)Ang liwanag ng mga mata ay nagpapagalak ng puso:
At ang mabubuting balita ay nagpapataba ng mga buto.
31 Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay,
Ay tatahan sa gitna ng pantas.
32 Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa:
Nguni't siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.
33 (X)Ang pagkatakot sa Panginoon ay turo ng (Y)karunungan;
At sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.