Añadir traducción en paralelo Imprimir Opciones de la página

Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos

13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. Palaging(A) maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.

Dapat(B) ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.

Huwag(C) kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Kaya't(D) malakas ang loob nating masasabi,

“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
    hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.

10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(E) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.

17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.

18 Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. 19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.

Panalangin

20 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.

Panghuling Pangungusap

22 Mga kapatid, hinihiling ko na pagtiyagaan ninyong pakinggan ang mga pangaral kong ito sapagkat hindi naman gaanong mahaba ang sulat na ito. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan.

24 Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng hinirang ng Diyos. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia.

25 Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos. [Amen.][b]

Notas al pie

  1. Mga Hebreo 13:15 Kaya’t: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang salitang ito.
  2. Mga Hebreo 13:25 Amen: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang salitang ito.

Paglilingkod na Kaaya-aya sa Diyos

13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid. Buksan (A) ninyong lagi ang inyong tahanan para sa mga dayuhan. Ang ilang gumawa nito ay nagpapatuloy ng mga anghel nang hindi namamalayan. Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Ganoon din ang gawin ninyo sa mga inaapi, na parang kayo ay inaapi ding kasama nila. Kilalanin ang dangal ng pag-aasawa, at huwag dungisan ang pagsasama, sapagkat parurusahan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. Iwasan (B) ninyo ang pag-ibig sa salapi. Masiyahan na kayo kung ano'ng mayroon kayo, sapagkat sinabi ng Diyos, “Hinding-hindi kita iiwan, ni pababayaan man.” Kaya't (C) panatag nating masasabi,

“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.
Ano'ng magagawa sa akin ng tao?”

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nangaral sa inyo ng salita ng Diyos. Tandaan ninyo ang bunga ng kanilang pamumuhay at sundan ninyo ang halimbawa ng kanilang pananampalataya. Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman. Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo. Mabuti na ang ating mga kalooban ay patatagin ng kagandahang-loob ng Diyos, at hindi ng mga tuntunin tungkol sa mga pagkain. Wala namang pakinabang dito ang mga sumusunod sa mga tuntuning ito. 10 Tayo ay may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain doon. 11 Sapagkat (D) dinadala ng Kataas-taasang Pari sa Dakong Kabanal-banalan ang dugo ng mga hayop bilang alay dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Ganoon din ang nangyari kay Jesus. Nagdusa siya sa labas ng lungsod upang sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo ay gawin niyang banal ang mga taong-bayan. 13 Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo upang danasin din natin ang pag-alipusta sa kanya. 14 Sapagkat sa lupang ito'y wala tayong lungsod na magtatagal, ngunit ang hinahangad natin ay ang lungsod na darating. 15 Kaya't sa pamamagitan ni Jesus ay patuloy tayong maghandog ng pagpupuri sa Diyos—ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan. 16 Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi sa iba, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa ganoong mga alay.

17 Sumunod kayo sa inyong mga pinuno at magpasakop sa kanila. Sila ang nagbabantay ng inyong mga kaluluwa, at mananagot sa Diyos tungkol sa tungkuling ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi mabigat sa loob ang pagtupad nila ng kanilang tungkulin. Kung hindi, ito ay hindi makabubuti sa inyo.

18 Idalangin ninyo kami. Natitiyak naming kami ay may malinis na budhi at nagsisikap na mabuhay nang marangal sa lahat ng mga bagay. 19 Nakikiusap ako sa inyo na lalo ninyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.

Basbas at Pagbati

20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan, na sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan ay bumuhay mula sa kamatayan sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, 21 siya nawa ang magkaloob sa inyo ng lahat ng mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin sa atin ang nakalulugod sa kanyang paningin, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

22 Mga kapatid, nakikiusap ako na pagtiisan ninyo ang aking pagpapayo, sapagkat maikli naman ang sulat ko sa inyo. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung siya'y dumating agad, isasama ko siya pagpunta ko sa inyo.

24 Ipaabot ninyo ang aming pagbati sa lahat ng mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga banal. Binabati kayo ng mga nasa Italia. 25 Nawa'y sumainyong lahat ang biyaya ng Diyos. Amen.