Add parallel Print Page Options

Si Pedro at si Juan sa Harap ng Sanhedrin

Nagsasalita pa sina Pedro at Juan[a] sa taong-bayan nang lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduceo. Labis ang galit ng mga ito sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na si Jesus ay muling nabuhay, na siyang katibayan ng muling pagkabuhay ng mga patay. Kaya dinakip nila ang dalawa at ikinulong hanggang kinaumagahan sapagkat gabi na noon. Gayunma'y marami sa mga nakarinig sa kanilang ipinangaral ang sumampalataya; at umabot ang bilang nila sa may limang libong lalaki. Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namamahala sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan.

Kabilang doon si Anas, na Kataas-taasang Pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng Kataas-taasang Pari. Pinatayo nila sa gitna sina Pedro at Juan, at tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o kaninong pangalan ninyo ginagawa ito?” Kaya sumagot si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu, “Mga pinuno at matatandang namamahala sa bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon dahil sa kabutihang ginawa namin sa isang taong may kapansanan, at tinatanong ninyo kung paano siya napagaling, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambayanang Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan nang walang sakit sa pamamagitan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazareth, na inyong ipinako sa krus ngunit ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 11 Siya,

‘ang (A) batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong panulukan.’

12 Sa iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay ng Diyos sa mga tao na sa ati'y makapagliligtas.” 13 Namangha sila nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, lalo na nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwang tao lamang. Nabatid nilang sila'y nakasama ni Jesus. 14 At dahil nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama ng mga apostol ay wala silang masabing laban sa mga ito. 15 Kaya't pinalabas muna ng Sanhedrin ang dalawa bago sila nagpulong. 16 “Ano'ng gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Alam na ng buong Jerusalem ang pambihirang himalang nangyari sa pamamagitan nila. Hindi na natin ito maikakaila. 17 Ngunit upang huwag nang lalo pa itong kumalat sa bayan, pagbawalan natin silang magsalita pa kaninuman tungkol sa pangalang ito.” 18 Kaya't ipinatawag nila ang dalawa at inutusang kailanma'y huwag nang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus. 19 Subalit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kayo na ang humatol kung matuwid sa paningin ng Diyos na kayo ang aming sundin sa halip na ang Diyos. 20 Sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.” 21 Pagkatapos mahigpit na pagbantaan, pinakawalan nila ang dalawa. Wala silang makitang anumang dahilan upang parusahan sila sapagkat nagpupuri sa Diyos ang buong bayan dahil sa nangyari. 22 Mahigit apatnapung taong gulang na ang lalaking pinagaling sa pamamagitan ng himalang ito.

Ang Panalangin para sa Katapangan

23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at ibinalita ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatandang tagapamahala ng bayan. 24 Nang (B) marinig nila ito, sama-sama silang tumawag sa Diyos, “Panginoon, ikaw na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon, 25 ikaw (C) na nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na iyong lingkod,[b] nang ipahayag niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,

‘Bakit nagalit ang mga bansa,
    at nagbalak ang mga bayan ng mga walang kabuluhan?
26 Naghanda ang mga hari sa lupa upang lumaban,
    at ang mga pinuno ay nagtipon laban sa Panginoon,
    at laban sa kanyang Hinirang.’

27 Sapagkat (D) totoo ngang sa lungsod na ito nagkaisa sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng mga mamamayan ng Israel laban sa iyong Banal na Lingkod[c] na si Jesus, na iyong hinirang. 28 Nagkaisa sila upang gawin ang itinakda ng iyong kamay at ng iyong kalooban na mangyayari. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo po kung paano nila kami pinagbabantaan. Ipagkaloob mo po sa iyong mga alipin ang buong katapangan upang ipahayag ang iyong salita. 30 Iunat mo po ang iyong kamay upang magpagaling at gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Lingkod na si Jesus.” 31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang lugar na kanilang pinagtitipunan; napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu at buong tapang nilang ipinahayag ang salita ng Diyos.

Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya

32 Lahat ng mga mananampalataya ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. (E) Hindi sinarili ng sinuman ang kanyang mga ari-arian, kundi lahat ng mga bagay ay kanilang pinagsasaluhan. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, nagpatotoo ang mga apostol tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At sumakanilang lahat ang dakilang pagpapala ng Diyos. 34 Walang sinumang naghihikahos sa kanila sapagkat ipinagbibili ng lahat ang kanilang mga lupa at mga bahay at ipinapaubaya ang pinagbilhan ng mga ito 35 sa pamamahala ng mga apostol at ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 36 Ganoon nga ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus. Bernabe ang tawag sa kanya ng mga apostol, na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas-loob”. 37 Ipinagbili niya ang isang bukid na kanyang pag-aari, at ipinaubaya niya ang salapi sa pamamahala ng mga apostol.

Footnotes

  1. Mga Gawa 4:1 Sa Griyego sila.
  2. Mga Gawa 4:25 o anak.
  3. Mga Gawa 4:27 o Anak.