Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapagaling sa Lumpo

Isang araw, pumunta sina Pedro at Juan sa templo; ikatlo ng hapon noon,[a] ang oras ng pananalangin.[b] Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Maganda ay naroon ang isang lalaking lumpo mula pa nang isilang. Araw-araw siyang dinadala roon upang manghingi ng limos sa mga taong pumapasok. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa Templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya ni Pedro gayundin ni Juan. At sinabi ni Pedro sa lumpo, “Tumingin ka sa amin.” Tumingin nga siya sa kanila na umaasang siya'y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit kung anong mayroon ako ay siyang ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazareth, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo ito. Kaagad lumakas ang mga paa at mga bukung-bukong ng lalaki. Palukso siyang tumayo at nagsimula nang lumakad. Kasama ng dalawa, pumasok siya sa Templo, lumalakad, paluksu-lukso, at nagpupuri sa Diyos. Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo. Labis silang nagulat at nagtaka sa nangyari sa kanya.

Si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Habang nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nagtakbuhang papalapit sa kanila ang mga tao na manghang-mangha. 12 Nang makita ito ni Pedro, sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, bakit ninyo ito ipinagtataka at bakit ninyo kami tinititigan na para bang napalakad namin siya sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati ng (A) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[c] na si Jesus na inyong isinakdal at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong si Pilato ay nagpasya nang palayain siya. 14 Itinakwil ninyo (B) ang Banal at Matuwid at hiniling na palayain para sa inyo ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang May-akda ng buhay, ngunit ibinangon siya ng Diyos mula sa mga kamatayan, at kami ay mga saksi sa bagay na ito. 16 Sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, gumaling ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, gaya ng nakikita ninyong lahat. 17 Ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo naunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Ngunit sa ganito'y natupad ang sinabi ng Diyos noon pa man sa pamamagitan ng pahayag ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga magsisi na kayo at magbalik-loob sa Diyos upang mapatawad ang inyong mga kasalanan, 20 nang sa gayon ay dumating ang mga panahon ng ginhawa mula sa Panginoon; at upang kanyang maisugo si Jesus, ang Cristong itinalaga mula pa nang una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang panahong likhaing panibago ang lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos mula pa noong una sa pamamagitan ng pahayag ng kanyang mga banal na propeta. 22 Sinabi nga ni Moises, (C) ‘Ang Panginoon ninyong Diyos ay pipili mula sa inyong mga kababayan ng isang propetang gaya ko. Sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang (D) sinumang hindi makikinig sa propetang iyon ay ititiwalag sa bayan[d] ng Diyos at pupuksain.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa mga nangyayari sa mga araw na ito. 25 Kayo'y mula sa lahi ng mga propeta at kabilang sa tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ko ang lahat ng mga angkan sa daigdig.’ (E) 26 Nang muling buhayin ng Diyos ang kanyang lingkod, una siyang isinugo ng Diyos sa inyo, upang bawat isa sa inyo'y pagpalain sa pamamagitan ng paglalayo sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.”

Footnotes

  1. Mga Gawa 3:1 Sa Griyego, ikasiyam na oras.
  2. Mga Gawa 3:1 Sa orihinal ay ikasiyam na oras, ngunit alas tres sa makabagong pagbilang ng oras (tingnan sa 2:15). Sinasabi ni Josephus na dalawang ulit nagkakaroon ng paghahandog sa Templo: tuwing umaga at tuwing alas tres ng hapon.
  3. Mga Gawa 3:13 o anak.
  4. Mga Gawa 3:23 Sa Griyego, tao.

Si Pedro at si Juan nga ay nagsisipanhik (A)sa templo nang oras ng pananalangin, (B)na ikasiyam.

At isang lalake na pilay buhat pa sa tiyan ng kaniyang ina ay dinadala roon, na siya'y inilalagay nila araw-araw sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, (C)upang manghingi ng limos sa nagsisipasok sa templo;

Ito, pagkakita kay Pedro at kay Juan na magsisipasok sa templo, ay namanhik upang tumanggap siya ng limos.

At pagtitig sa kaniya ni Pedro, na kasama si Juan, ay sinabi, Tingnan mo kami.

At kaniyang pinansin sila, na umaasang tatanggap sa kanila ng anomang bagay.

Datapuwa't sinabi ni Pedro, Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa't ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo. (D)Sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, lumakad ka.

At kaniyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig: at pagdaka'y nagsilakas ang kaniyang mga paa at mga bukong-bukong.

At (E)paglukso, siya'y tumayo, at nagpasimulang lumakad; at pumasok na kasama nila sa templo, na lumalakad, at lumulukso, at nagpupuri sa Dios.

At nakita ng buong bayang siya'y lumalakad, at nagpupuri sa Dios:

10 At nangakilala nila na siya nga ang nauupo at nagpapalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y nangapuspos ng panggigilalas at pamamangha sa nangyari sa kaniya.

11 At samantalang siya'y nakahawak kay Pedro at kay Juan, ay nagsitakbong samasama sa kanila ang buong bayan (F)sa tinatawag na portiko ni Salomon na lubhang nanggigilalas.

12 At nang makita ito ni Pedro, ay sumagot sa mga tao, Kayong mga lalaking taga Israel, bakit kayo'y nagsisipanggilalas sa taong ito? o bakit kami ang inyong tinititigan, na sa inyong akala ay dahil sa aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay aming napalakad siya?

13 Ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, (G)ang Dios ng ating mga magulang, ay (H)niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Jesus; na inyong ibinigay, at inyong tinanggihan sa harap ni Pilato, nang pasiyahan nito na siya'y pawalan.

14 Datapuwa't inyong pinakatanggihan (I)ang Banal at ang Matuwid na Ito, at (J)inyong hiningi na ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,

15 At inyong pinatay ang Lumikha ng buhay: na binuhay ng (K)Dios na maguli sa mga patay; (L)mga saksi kami ng mga bagay na ito.

16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa (M)kaniyang pangalan ay pinalakas ng kaniyang pangalan ang taong ito, na inyong nakikita at nakikilala: oo, (N)ang pananampalataya na sa pamamagitan niya'y nagkaloob sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.

17 At ngayon, mga kapatid, nalalaman ko na inyong ginawa yaon (O)sa di pagkaalam, gaya ng ginawa rin naman ng inyong mga pinuno.

18 Datapuwa't ginanap ang mga bagay na ipinagpaunang ibinalita (P)ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng mga propeta, na ang kaniyang Cristo ay magbabata.

19 Kaya nga mangagsisi kayo, (Q)at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon;

20 At upang kaniyang suguin ang Cristo na itinalaga (R)sa inyo, na si Jesus:

21 Na siya'y (S)kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una.

22 Tunay na sinabi ni Moises, (T)Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain niya.

23 At mangyayari, na ang bawa't kaluluwa na hindi makinig sa propetang yaon, ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan.

24 Oo at ang lahat ng mga propetang mula kay (U)Samuel at ang mga nagsisunod, sa dami ng mga nagsipagsalita, sila naman ay nagsipagsaysay rin tungkol sa mga araw na ito.

25 Kayo ang mga anak ng mga propeta, at ng tipang ginawa ng Dios sa inyong mga magulang, na sinasabi kay Abraham, (V)At sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.

26 Sa inyo una-una, nang maitindig na ng Dios ang kaniyang Lingkod, (W)ay sinugo niya upang kayo'y pagpalain, (X)sa pagtalikod ng bawa't isa sa inyo sa inyong mga katampalasanan.

Ang Pagpapagaling sa Lumpo

Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[a]

At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.

Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.

Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”

Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.

Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[b] tumayo ka at lumakad.”

Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.

Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.

Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.

10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon.

12 Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, “Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya?

13 Niluwalhati ng(A) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[c] na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya.

14 Ngunit(B) inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,

15 at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito.

16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat.

17 “At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno.

18 Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa.

19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan,

20 upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.

21 Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.

22 Tunay(C) na sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.[d] Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo.

23 Ang(D) bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan.’[e]

24 At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito.

25 Kayo(E) ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.’

26 Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan.”

Footnotes

  1. Mga Gawa 3:1 o ikatlo ng hapon sa makabagong pagbilang ng oras .
  2. Mga Gawa 3:6 Sa Griyego ay ang Nazirita .
  3. Mga Gawa 3:13 o anak .
  4. Mga Gawa 3:22 o kalahi .
  5. Mga Gawa 3:23 Sa Griyego ay tao .