Add parallel Print Page Options

23 Nakatitig si Pablo sa Sanhedrin habang sinasabi, “Mga kapatid, nabuhay ako nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos hanggang sa araw na ito.” At ipinag-utos ng Kataas-taasang Paring si Ananias sa mga nakatayong malapit kay Pablo na siya'y hampasin sa bibig. Nang (A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag naman sa Kautusan ang utos mo na hampasin ako?” Sinabi ng mga malapit sa kanya, “Nilalait mo ba ang Kataas-taasang Pari ng Diyos?” At (B) sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang Kataas-taasang Pari. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’ ”

Nang (C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, sinabi niya nang malakas sa Sanhedrin, “Mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Nililitis ako ngayon dahil sa pag-asang bubuhaying muli ang mga patay.” Nang sabihin niya ito, nagtalu-talo ang mga Fariseo at mga Saduceo. Nahati ang kapulungan, sapagkat (D) hindi naniniwala ang mga Saduceo sa muling pagkabuhay, gayundin sa anghel o sa espiritu. Ngunit pinaniniwalaan naman ng mga Fariseo ang lahat ng ito. Lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainit na tumutol, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?” 10 Nang nagiging mainit na ang pagtatalo, natakot ang kapitan na baka magkaluray-luray si Pablo, kaya pinababa niya ang mga kawal, sapilitang ipinakuha si Pablo at ipinabalik sa himpilan. 11 Nang gabing iyon, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”

Ang Tangka sa Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang mga Judio at nanumpang hindi sila kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno, at nagsabi, “Buong taimtim kaming nanumpa na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Kaya't hilingin ninyo at ng Sanhedrin sa kapitan na muli niyang ibaba rito si Pablo. Magkunwari kayong nais ninyong siyasating mabuti ang paratang tungkol sa kanya. At bago pa siya makarating ay nakahanda na kaming patayin siya.” 16 Ngunit narinig ng pamangking lalaki ni Pablo sa kanyang kapatid na babae ang kanilang balak kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturyon, at sinabi niya, “Dalhin mo ang binatilyong ito sa kapitan sapagkat mayroon itong sasabihin sa kanya.” 18 Kaya't sinamahan nga ng senturyon ang binatilyo sa kapitan, at sinabi niyon, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap na dalhin ko sa iyo ang binatilyong ito sapagkat may sasabihin daw ito sa iyo.” 19 Hinawakan ng kapitan ang binatilyo sa kamay, at sa isang tabi ay palihim siyang tinanong, “Ano'ng sasabihin mo sa akin?” 20 Sumagot ang binatilyo, “Nagkasundo po ang mga Judio na ipakiusap sa inyo na dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, at kunwari'y sisiyasatin siyang mabuti. 21 Subalit huwag kayong maniniwala sa kanila. Aabangan siya ng mahigit apatnapung tao na sumumpang hindi kakain o iinom hanggang siya'y hindi napapatay. Handa na sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.” 22 Pinaalis ng kapitan ang binatilyo, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin.”

Si Pablo sa Harap ni Gobernador Felix

23 Pagkatapos ay tinawag ng kapitan ang dalawa sa mga senturyon, at sinabi niyon, “Maghanda kayo ng dalawandaang kawal kasama ng pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong ikasiyam[a] ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ligtas ninyong ihatid kay Gobernador Felix.” 25 At lumiham siya ng ganito:

26 “Sa kagalang-galang na Gobernador Felix, pagbati mula kay Claudio Lisias. 27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na sana nila. Ngunit nang malaman kong siya'y isang mamamayang Romano, dumating akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko. 28 Sa hangad kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, pinaharap ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nalaman kong ang sakdal sa kanya'y may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang paratang laban sa kanya na sapat upang siya'y ipapatay at ipabilanggo. 30 Nang ipaalam sa akin na may banta sa buhay ng taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at ipinag-utos ko rin sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang mga paratang laban sa kanya.”

31 Sinunod ng mga kawal ang iniutos sa kanila. Kinagabiha'y dinala siya sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinasamahan nila si Pablo sa mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa kampo. 33 Nang makarating sila sa Cesarea ay iniharap nila si Pablo sa gobernador, at ibinigay ang dala nilang liham. 34 Matapos basahin ang liham, tinanong ng gobernador si Pablo kung tagasaan siya. Nang malamang siya'y taga-Cilicia 35 ay kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niyang bantayan si Pablo sa himpilan ni Herodes.

Footnotes

  1. Mga Gawa 23:23 o ikatlong oras sa kanilang pagbilang. Sa Griyego, ikatlong oras.

23 At si Pablo, na tumititig na mabuti sa (A)Sanedrin, ay nagsabi, Mga kapatid na lalake, ako'y nabuhay sa harapan ng Dios sa buong kabutihan ng budhi (B)hanggang sa mga araw na ito.

At ipinagutos ng dakilang saserdoteng si (C)Ananias sa mga nalalapit sa kaniya na siya'y saktan sa bibig.

Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pablo, sasaktan ka ng Dios, (D)ikaw na pinaputing pader: at nakaupo ka baga upang ako'y hatulan mo ayon sa kautusan, at ako'y sinasaktan mo ng (E)laban sa kautusan?

At sinabi (F)ng nangakatayo sa malapit, Nilalait mo ang dakilang saserdote ng Dios?

At sinabi ni Pablo, Hindi ko nalalaman, mga kapatid na lalake, na siya'y dakilang saserdote: sapagka't nasusulat, Huwag kang magsasalita ng masama (G)sa isang pinuno ng iyong bayan.

Datapuwa't nang matalastas ni Pablo na ang isang bahagi ay mga (H)Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanedrin, Mga kapatid na lalake, (I)ako'y Fariseo, anak ng mga Fariseo: ako'y sinisiyasat (J)tungkol sa pagasa at pagkabuhay na maguli ng mga patay.

At nang masabi na niya ang gayon, nangyari ang isang pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo; at nagkabahabahagi ang kapulungan.

Sapagka't (K)sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na maguli, ni anghel, ni espiritu; datapuwa't kapuwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo.

At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anomang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?

10 At nang magkaroon ng malaking pagtatalo, sa takot ng pangulong kapitan na baka pagwaraywarayin nila si Pablo, ay pinapanaog ang mga kawal at ipinaagaw siya sa gitna nila, at siya'y ipinasok sa kuta.

11 At nang sumunod na gabi ay lumapit sa kaniya ang Panginoon, at sinabi, Laksan mo ang iyong loob: sapagka't kung paano ang pagkapatotoo mo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang patotohanan mo rin gayon (L)sa Roma.

12 At nang araw na, ay nangagkatipon ang mga Judio, at sila'y nangagpanata sa ilalim ng sumpa, na nagsisipagsabi na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo.

13 At mahigit sa apat na pu ang mga nagsipanumpa ng ganito.

14 At sila'y nagsiparoon sa mga pangulong saserdote at sa mga matanda, at nangagsabi, Kami ay nangagpanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anoman hanggang sa mapatay namin si Pablo.

15 Ngayon nga kayo pati ng Sanedrin ay mangagpahiwatig sa pangulong kapitan na siya'y ipapanaog niya sa inyo, na waring ibig ninyong mahatulan ng lalong ganap ang sakdal tungkol sa kaniya: at kami, bago siya dumating ay nangahanda upang siya'y patayin.

16 Datapuwa't ang anak na lalake ng kapatid na babae ni Pablo ay narinig ang tungkol sa kanilang pagbabakay, at siya'y naparoon at pumasok sa kuta at isinaysay kay Pablo.

17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, Dalhin mo ang binatang ito sa pangulong kapitan; sapagka't siya'y may isang bagay na sasabihin sa kaniya.

18 Kaya't siya'y kinuha, at dinala siya sa pangulong kapitan, at sinabi, Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinamanhik sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito, na may isang bagay na sasabihin sa iyo.

19 At tinangnan siya ng pangulong kapitan sa kamay, at pagtabi ay lihim na tinanong siya, Ano yaong sasabihin mo sa akin?

20 At sinabi niya, Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipamanhik na iyong ipapanaog bukas si Pablo sa (M)Sanedrin, na waring ikaw ay may sisiyasating lalong ganap tungkol sa kaniya.

21 Huwag ka ngang palamuyot sa kanila: sapagka't binabakayan siya ng mahigit na apat na pung katao sa kanila, na nangagsipagpanata (N)sa ilalim ng sumpa, na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay: at ngayo'y nangahahanda sila, na nangaghihintay ng pangako mo.

22 Kaya't pinaalis ng pangulong kapitan ang binata, na ipinagbilin sa kaniya, Huwag mong sasabihin sa kanino man na ipinahiwatig mo sa akin ang mga bagay na ito.

23 At kaniyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, Ihanda ninyo ang dalawang daang kawal upang magsiparoon hanggang sa (O)Cesarea, at pitong pung kabayuhan, at dalawang daang sibatan, sa ikatlong oras ng gabi:

24 At pinapaghanda niya sila ng mga hayop, upang mapagsakyan kay Pablo, at siya'y maihatid na walang panganib kay Felix na gobernador.

25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:

26 Si Claudio Lisias sa kagalanggalang na gobernador Felix, (P)bumabati.

27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na lamang sana nila, nang dumalo akong (Q)may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko, (R)nang mapagtantong siya'y isang taga Roma.

28 At sa pagkaibig kong mapagunawa ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay ipinanaog ko siya sa kanilang Sanedrin:

29 Na nasumpungan ko na siya'y kanilang isinasakdal (S)sa mga suliranin tungkol sa kanilang kautusan, datapuwa't (T)walang anomang sakdal laban sa kaniya na marapat sa kamatayan o sa tanikala.

30 At (U)nang ipakilala sa akin na may banta laban sa taong iyan, ay ipinadala ko siya agad sa iyo, na aking ipinagbilin din sa mga sa kaniya'y nangagsasakdal na mangagsalita sa harapan mo laban sa kaniya.

31 Kaya't ang mga kawal, alinsunod sa iniutos sa kanila, ay kinuha si Pablo at dinala siya sa gabi sa Antipatris.

32 Datapuwa't nang kinabukasan ay pinabayaan nilang samahan siya ng mga kabayuhan, at nangagbalik sa kuta:

33 At sila, nang sila'y magsidating sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, ay iniharap din si Pablo sa harapan niya.

34 At nang mabasa niya ito, ay itinanong niya kung taga saang (V)lalawigan siya; at nang maalamang siya'y taga (W)Cilicia,

35 Pakikinggan kitang lubos, ang sabi niya, pagdating naman ng mga nagsisipagsakdal sa iyo: at ipinagutos na siya'y ingatan sa palasio ni Herodes.