Mateo 6:1-6
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Turo tungkol sa Paglilimos
6 “Tiyakin ninyo na ang paggawa ninyo ng mabuti ay hindi pakitang-tao lamang. Kung hindi ay hindi kayo tatanggap ng gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit. 2 Kaya't kapag nagbibigay ka sa mga dukha, huwag kang magpapatugtog ng trumpeta sa harapan mo, tulad ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang sila'y parangalan ng mga tao. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kapag nagbibigay ka sa mga dukha, huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, 4 upang maging lihim ang iyong pagbibigay. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa ginawa mo nang lihim.
Turo tungkol sa Pananalangin(A)
5 “Kapag kayo'y nananalangin, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari; sapagkat gustung-gusto nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan, upang sila'y makita ng mga tao. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Subalit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid, isara mo ang pintuan, at manalangin ka sa iyong Amang hindi nakikita. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa mga lihim na bagay.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
