Add parallel Print Page Options

Hinatulang Mamatay si Jesus(A)

15 Nakaugalian na noon ng gobernador na sa tuwing kapistahan ng Paskuwa ay nagpapalaya siya para sa mga taong-bayan ng sinumang bilanggo na kanilang maibigan. 16 Nang panahong iyon ay mayroong isang bilanggo na kilabot sa kasamaan, na nagngangalang Jesus Barabas.[a] 17 Kaya't nang magkasama-sama ang mga tao ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas ba, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sinabi niya ito sapagkat nahalata niyang dahil sa inggit ay iniharap nila si Jesus sa kanya. 19 At habang nakaupo siya sa upuan ng paghuhukom, ipinasabi sa kanya ng kanyang asawa ang ganito, “Huwag mong gagawan ng anuman ang taong iyan na walang sala, sapagkat labis akong pinahirapan sa panaginip ko sa araw na ito dahil sa kanya.” 20 Ngunit inudyukan ng mga punong pari at ng matatandang pinuno ang mga taong-bayan na kanilang hilingin si Barabas at patayin naman si Jesus. 21 Muling sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko sa inyo?” Sila'y sumagot, “Si Barabas!” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At ano naman ang gagawin ko rito kay Jesus, ang tinatawag na Cristo?” Lahat sila'y nagsabi, “Ipako siya sa krus!” 23 At sinabi niya, “Bakit, ano ba'ng ginawa niyang masama?” Ngunit lalo silang nagsisigaw, “Ipako siya sa krus!” 24 Kaya't (B) nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa, at sa halip ay mayroon nang namumuong isang malaking kaguluhan, kumuha siya ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng madla, at kanyang sinabi, “Wala akong kinalaman sa pagdanak ng dugo ng taong ito.[b] Kayo ang may kagagawan nito.” 25 Sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Hayaang panagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” 26 Pagkatapos ay pinalaya niya sa kanila si Barabas. Subalit si Jesus ay ipinahagupit niya at ipinaubaya upang ipako sa krus.

Tinuya ng mga Kawal si Jesus(C)

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong batalyon ng mga kawal sa harapan niya. 28 Siya'y kanilang hinubaran at isinuot sa kanya ang isang balabal na matingkad na pula. 29 Gumawa sila ng isang koronang tinik at ipinatong sa kanyang ulo. Ipinahawak nila sa kanang kamay niya ang isang tambo at sila'y lumuhod sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, sa pagsasabing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y kanilang dinuraan. Kinuha nila ang tambo at paulit-ulit na inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos siyang kutyain, hinubaran siya ng balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. Pagkatapos, siya ay kanilang inilabas upang ipako sa krus.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 27:16 Sa ibang mga manuskrito ay walang Jesus.
  2. Mateo 27:24 Sa ibang mga manuskrito ay dugo ng matuwid na taong ito.

Hinatulang Mamatay si Jesus(A)

Tuwing Pista ay kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo, na hihilingin ng taong-bayan. Noon ay may isang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. Kasama siya sa mga nakulong dahil sa pagpatay noong panahon ng pag-aaklas. Lumapit ang mga tao kay Pilato at nagsimulang humiling na gawin para sa kanila ang kanyang dating ginagawa. Tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam ni Pilato na inggit lamang ang nagtulak sa mga punong pari kung bakit isinasakdal nila si Jesus. 11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang taong-bayan na si Barabas na lamang ang palayain para sa kanila. 12 Muling nagtanong si Pilato, “Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 13 Sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 14 Ngunit patuloy silang tinanong ni Pilato, “Ano ba'ng ginawa niyang masama?” Subalit lalong lumakas ang kanilang sigaw, “Ipako siya sa krus!” 15 Sa pagnanais ni Pilato na pagbigyan ang taong-bayan, ibinigay sa kanila si Barabas at ibinigay si Jesus upang ipahagupit at ipako sa krus.

Nilibak si Jesus ng mga Kawal(B)

16 Dinala si Jesus ng mga kawal sa bulwagan na tinatawag na Pretorio. Tinipon nila doon ang buong batalyon ng mga kawal. 17 Sinuutan nila si Jesus ng balabal na kulay-ube. Pagkatapos, gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong nila ito sa kanya. 18 At binati siya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Paulit-ulit siyang pinalo sa ulo ng isang tungkod, pinagduduraan, at sila'y nagsiluhod at sumamba sa kanyang harapan. 20 Matapos siyang kutyain, hinubad nila ang kanyang balabal na kulay-ube at isinuot sa kanya ang kanyang sariling damit, at siya'y inilabas upang ipako sa krus.

Read full chapter

Hinatulan ng Kamatayan si Jesus(A)

13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga taong-bayan. 14 Sinabi niya sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na parang nang-uudyok sa taong-bayan na maghimagsik. Pakinggan ninyo: ako ang nagsiyasat sa kanya sa inyong harapan at hindi ko matagpuang nagkasala ang taong ito ng ano mang bintang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ibinalik niya ang taong ito sa atin. Ang taong ito'y walang ginawang nararapat sa parusang kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.” 17 [Tuwing Paskuwa, kailangang magpalaya siya ng isang bilanggo para sa kanila.][a] 18 Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, “Patayin ang taong iyan! Palayain sa amin si Barabas.” 19 Si Barabas ay isang lalaking nabilanggo dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod at sa salang pagpaslang. 20 Sa kagustuhang mapalaya si Jesus, muling nagsalita sa kanila si Pilato. 21 Subalit nagsigawan ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22 Kaya't nagsalita siya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit? Ano'ng ginawang masama ng taong ito? Wala akong matagpuang sala sa kanya na karapat-dapat sa parusang kamatayan. Kaya matapos ko siyang ipahagupit, siya'y aking palalayain.” 23 Ngunit patuloy silang nagsigawan at nagpilit hinging ipako sa krus si Jesus. At nanaig ang kanilang mga tinig. 24 Kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong kanilang hiniling, ang nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpaslang, at ibinigay niya si Jesus sa kanila gaya ng kanilang nais.

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 23:17 Sa ibang manuskrito ay wala ang bahaging ito.