Mateo 23
Magandang Balita Biblia
Ang Katuruan tungkol sa Pagpapakumbaba(A)
23 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, 2 “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises.[a] 3 Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral. 4 Nagpapataw sila ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon. 5 Pawang(B) pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.[b] 6 Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa sinagoga. 7 Gustung-gusto nilang binabati sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ 8 Ngunit, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. 9 Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. 11 Ang(C) pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. 12 Ang(D) nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(E)
13 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! [14 Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga biyuda at ang idinadahilan ninyo'y ang pagdarasal ng mahahaba! Dahil dito'y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!][c]
15 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kapag ito'y nahikayat na, ginagawa ninyo siyang masahol pa at lalong dapat parusahan sa impiyerno kaysa sa inyo.
16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. 21 Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. 22 At(F) kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.
23 “Kahabag-habag(G) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos. 24 Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa [at pinggan][d] at magiging malinis din ang labas nito!
27 “Kahabag-habag(H) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.”
Paparusahan ang mga Mapagkunwari(I)
29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga(J) ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! 34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. 35 Kaya(K) nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. 36 Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.”
Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(L)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 38 Kaya't(M) ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. 39 Sinasabi(N) ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Footnotes
- Mateo 23:2 tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises: Sa Griego ay nakaupo sa upuan ni Moises .
- Mateo 23:5 PALAWIT SA...DAMIT: Naglalagay ang mga Judio ng palawit sa laylayan ng kanilang damit bilang simbolo ng kanilang pagmamahal sa Diyos (Mga Bilang 15:37-41).
- Mateo 23:14 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 14.
- Mateo 23:26 at pinggan: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito .
Mateo 23
Ang Biblia (1978)
23 Nang magkagayo'y (A)nagsalita si Jesus sa mga karamihan at sa kaniyang mga alagad,
2 Na nagsasabi, Nagsisiupo ang mga eskriba at mga Fariseo (B)sa luklukan ni Moises.
3 Lahat nga ng mga bagay na sa inyo'y kanilang ipagutos, ay gawin ninyo at ganapin: datapuwa't huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka't kanilang sinasabi, at hindi ginagawa.
4 Oo, sila'y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan (C)at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri.
5 Datapuwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa (D)upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga (E)pilakteria, at nangagpapalapad ng mga (F)laylayan ng kanilang mga damit,
6 At iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga,
7 At pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi.
8 Datapuwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong (G)guro, at kayong lahat ay magkakapatid.
9 At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: (H)sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit.
10 Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka't iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo.
11 Datapuwa't (I)ang pinakadakila sa inyo ay magiging (J)lingkod ninyo.
12 At sinomang nagmamataas (K)ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas.
13 Datapuwa't (L)sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok.[a] (M)
15 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong (N)makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili.
16 Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, (O)Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya.
17 Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, (P)o ang templong bumabanal sa ginto?
18 At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya.
19 Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o (Q)ang dambana na bumabanal sa handog?
20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito.
21 At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at (R)yaong tumatahan sa loob nito.
22 Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon.
23 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong (S)pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba.
24 Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!
25 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! (T)sapagka't inyong nililinis ang labas (U)ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan.
26 Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas.
27 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! (V)sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng (W)lahat na karumaldumal.
28 Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa't sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.
29 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at (X)inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid,
30 At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang disi'y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta.
31 Kaya't kayo'y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na (Y)kayo'y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta.
32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.
33 Kayong mga ahas, (Z)kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno?
34 (AA)Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga (AB)eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; (AC)at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan:
35 (AD)Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, (AE)buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni (AF)Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana.
36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.
37 Oh Jerusalem, Jerusalem, (AG)na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!
38 Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.
39 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, (AH)Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.
Footnotes
- Mateo 23:13 Sa mga ibang Kasulatan ay nakalagay ang talatang ito: 14 Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong ma.bigat na parusa.
Mateo 23
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo(A)
23 Pagkatapos nito ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad. 2 Wika niya, “Nakaupo sa upuan ni Moises ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo. 3 Kaya't inyong isagawa at sundin ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa, sapagkat iba ang kanilang ginagawa sa kanilang sinasabi. 4 Nagtatali sila ng mabibigat na dalahin [at mahirap pasanin,][a] at ipinabubuhat nila sa mga tao; ngunit sila mismo ay ayaw man lamang humipo sa mga ito. 5 Ang lahat ng kanilang ginagawa ay upang ipakita lamang sa mga tao.(B) Pinapalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[b] at pinahahaba ang laylayan ng kanilang mga damit. 6 Mahilig silang umupo sa mga upuang-pandangal sa mga piging at sa mga pangunahing upuan sa sinagoga. 7 Nais nilang pagpugayan sila ng mga tao sa pamilihan at tawagin silang ‘Rabbi’. 8 Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro at kayong lahat ay magkakapatid. 9 Huwag ninyong tawaging ama ninyo ang sinuman sa lupa; sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na tagapanguna, sapagkat iisa ang inyong tagapanguna, ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.(C) 12 Ang nagtataas sa sarili (D) ay ibababa, at ang nagbababa sa sarili ay itataas.
13 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng langit sa harap ng mga tao; palibhasa, kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga nagnanais pumasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. 14 [Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at idinadahilan pa ninyo ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.][c] 15 Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang makahikayat ng kahit isa, at kapag nahikayat na siya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno na doble pang masahol kaysa inyong mga sarili.
16 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga bulag na tagaakay. Sinasabi ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng templo, ay wala iyong kabuluhan. Subalit kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng gintong nasa templo, siya ay mananagot.’ 17 Mga hangal at mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpabanal sa ginto? 18 At sinasabi pa ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa pamamagitan ng dambana, wala iyong kabuluhan; subalit kung sinuma'y manumpa sa pamamagitan ng alay na nasa ibabaw ng dambana, siya ay mananagot.’ 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang alay o ang dambana na nagpabanal sa alay? 20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw niyon. 21 At ang nanunumpa sa ngalan ng templo ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa kanya na naninirahan doon. 22 Ang (E) nanunumpa sa ngalan ng langit ay nanunumpa sa harapan ng trono ng Diyos at sa kanyang nakaupo roon.
23 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (F) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng inyong mga gulayin gaya ng yerbabuena, ng anis at ng komino, subalit kinakaligtaan ninyo ang mas mahahalagang bagay ng Kautusan tulad ng katarungan, kahabagan, at katapatan. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, nang hindi pinababayaan ang iba. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang niknik, nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punung-puno ang mga ito ng katakawan at kalayawan. 26 Bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[d] at magiging malinis din ang labas nito.
27 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (G) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga bangkay at ng sari-saring kabulukan. 28 At ganyan din kayo! Sa labas ay parang mga banal kung pagmasdan, ngunit sa loob ay punung-puno kayo ng pagkukunwari at kabuktutan.
29 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta, at pinagaganda ang mga bantayog ng mga matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung nabuhay kami noong panahon ng aming mga ninuno, hindi kami sasali sa kanila sa pagpapadanak ng dugo ng mga propeta.’ 31 Kaya't kayo na rin ang nagpapatotoo laban sa inyong mga sarili, na kayo'y kalahi ng mga pumaslang sa mga propeta. 32 Punuin na ninyo ang salop ng inyong mga ninuno. 33 Mga (H) ahas! Mga anak ng mga ulupong! Paano ninyo matatakasan ang parusa sa impiyerno?[e] 34 Tandaan ninyo, dahil dito'y nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng matatalino, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at tutugisin sa bayan-bayan. 35 Sa gayong paraan (I) ay mabubuntong lahat sa inyo ang walang salang dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa, mula sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias, anak ni Baraquias, na inyong pinaslang sa pagitan ng dakong banal at ng dambana. 36 Tinitiyak ko sa inyo, ang lahat ng mga ito ay sasapit sa salinlahing ito.
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem(J)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Ang lungsod na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Ilang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo! 38 Tingnan (K) ninyo, sa inyo'y iniiwang giba ang inyong bahay. 39 At (L) sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita hanggang sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”
Footnotes
- Mateo 23:4 Sa ibang manuskrito wala ang mga salitang ito.
- Mateo 23:5 Ang pilakteria ay sisidlang balat kung saan inilalagay ang sipi ng Exodo 13:1-6 at Deuteronomio 6:4-9; 11:13-21. Bilang pagsunod sa Kautusan, itinatali ito sa noo o sa kaliwang braso malapit sa puso.
- Mateo 23:14 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
- Mateo 23:26 Sa ibang mga manuskrito wala ang katagang at ng pinggan.
- Mateo 23:33 Sa Griyego, Gehenna.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.