Add parallel Print Page Options

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo(A)

23 Pagkatapos nito ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad. Wika niya, “Nakaupo sa upuan ni Moises ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo. Kaya't inyong isagawa at sundin ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa, sapagkat iba ang kanilang ginagawa sa kanilang sinasabi. Nagtatali sila ng mabibigat na dalahin [at mahirap pasanin,][a] at ipinabubuhat nila sa mga tao; ngunit sila mismo ay ayaw man lamang humipo sa mga ito. Ang lahat ng kanilang ginagawa ay upang ipakita lamang sa mga tao.(B) Pinapalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[b] at pinahahaba ang laylayan ng kanilang mga damit. Mahilig silang umupo sa mga upuang-pandangal sa mga piging at sa mga pangunahing upuan sa sinagoga. Nais nilang pagpugayan sila ng mga tao sa pamilihan at tawagin silang ‘Rabbi’. Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ninyo ang sinuman sa lupa; sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na tagapanguna, sapagkat iisa ang inyong tagapanguna, ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.(C) 12 Ang nagtataas sa sarili (D) ay ibababa, at ang nagbababa sa sarili ay itataas.

13 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng langit sa harap ng mga tao; palibhasa, kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga nagnanais pumasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. 14 [Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at idinadahilan pa ninyo ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.][c] 15 Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang makahikayat ng kahit isa, at kapag nahikayat na siya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno na doble pang masahol kaysa inyong mga sarili.

16 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga bulag na tagaakay. Sinasabi ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng templo, ay wala iyong kabuluhan. Subalit kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng gintong nasa templo, siya ay mananagot.’ 17 Mga hangal at mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpabanal sa ginto? 18 At sinasabi pa ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa pamamagitan ng dambana, wala iyong kabuluhan; subalit kung sinuma'y manumpa sa pamamagitan ng alay na nasa ibabaw ng dambana, siya ay mananagot.’ 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang alay o ang dambana na nagpabanal sa alay? 20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw niyon. 21 At ang nanunumpa sa ngalan ng templo ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa kanya na naninirahan doon. 22 Ang (E) nanunumpa sa ngalan ng langit ay nanunumpa sa harapan ng trono ng Diyos at sa kanyang nakaupo roon.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 23:4 Sa ibang manuskrito wala ang mga salitang ito.
  2. Mateo 23:5 Ang pilakteria ay sisidlang balat kung saan inilalagay ang sipi ng Exodo 13:1-6 at Deuteronomio 6:4-9; 11:13-21. Bilang pagsunod sa Kautusan, itinatali ito sa noo o sa kaliwang braso malapit sa puso.
  3. Mateo 23:14 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.