Add parallel Print Page Options

Dumalaw ang mga Pantas

Nang isilang si Jesus sa Bethlehem ng Judea, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may mga pantas na dumating sa Jerusalem mula sa silangan. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang isinilang na Hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.” Nang marinig ito ni Haring Herodes, labis siyang nag-alala, at gayundin ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Pinulong niya ang lahat ng mga pinunong pari at ang mga tagapagturo ng kautusan sa sambayanan at itinanong sa kanila kung saan isisilang ang Cristo. At sumagot sila, “Doon po sa Bethlehem ng Judea, tulad ng isinulat ng propeta:

‘At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
    ay hindi páhuhulí sa mga pinuno ng Juda;
sapagkat manggagaling sa iyo ang isang pinuno
    na siyang magpapastol ng aking bayang Israel.’ ”

Pagkatapos ay lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at tiniyak mula sa kanila ang panahon ng paglitaw ng bituin. Sila'y kanyang pinapunta sa Bethlehem at pinagbilinan ng ganito, “Pumunta kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag siya'y nakita na ninyo, balitaan ninyo ako, upang makapunta rin ako at sumamba sa kanya.” Pagkatapos marinig ang hari ay umalis na sila. At biglang lumitaw ang bituing nakita nila sa silangan at nanguna ito sa kanila hanggang sa huminto sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Labis ang kagalakan nila nang makita nila ang bituin. 11 At pagpasok nila sa bahay ay nakita nila ang bata, kasama ang ina nitong si Maria. Sila'y yumukod at sumamba sa bata. Binuksan nila ang mga sisidlan ng kanilang kayamanan at naghandog sa kanya ng mga regalong ginto, kamanyang, at mira. 12 At dahil binalaan sila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes, dumaan sila sa ibang daan pauwi sa kanilang sariling bayan.

Read full chapter