Add parallel Print Page Options

Ang Pinakadakila(A)

18 Nang (B) sandaling iyon ay lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Pinalapit niya ang isang munting bata at inilagay sa gitna nila. At sinabi (C) niya, “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi kayo magbabago at magiging katulad ng mga bata, hindi kayo kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. Kaya't sinumang nagpapakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.

Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)

“At sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito dahil sa pangalan ko ay ako ang tinatanggap. Ngunit sinumang maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mas mabuti pa sa taong iyon na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y lunurin sa kailaliman ng dagat. Kaysaklap ng sasapitin ng sanlibutan dahil sa mga sanhi ng pagkakasala! Sadya namang darating ang mga sanhi ng pagkakasala. Subalit kay saklap ng sasapitin ng taong pinanggagalingan ng mga sanhi ng pagkakasala! Kaya't (E) kung ang kamay mo o ang paa mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[a] na may kapansanan o paralitiko kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon ka sa apoy na walang hanggan. At (F) kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, dukutin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata ngunit itatapon ka naman sa apoy ng impiyerno.[b]

Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(G)

10 “Mag-ingat kayo (H) na huwag ninyong hamakin ang isa man sa maliliit na ito sapagkat, sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay palaging nakatingin sa mukha ng aking Amang nasa langit. 11 [Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang iligtas ang napapahamak.][c] 12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam sa bundok, at lumalakad siya upang hanapin ang naligaw? 13 At kapag natagpuan na niya ito, tinitiyak ko sa inyo, higit siyang matutuwa para dito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong[d] Amang nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.

Kung Magkasala ang Isang Kapatid

15 “Kung (I) magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at pagsabihan mo tungkol sa kanyang pagkakamali. Gawin mo ito na kayong dalawa lamang. Kung siya'y makinig sa iyo, napanumbalik mo na ang iyong kapatid. 16 Subalit (J) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat usapin. 17 Kung ayaw pa rin niyang makinig sa kanila, idulog mo ito sa iglesya; at kung ayaw niyang makinig pati sa iglesya, ituring mo siyang isang pagano at maniningil ng buwis. 18 Tinitiyak (K) ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay natalian na sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay nakalagan na sa langit. 19 Inuulit ko, na kapag ang dalawa sa inyo ay nagkasundo dito sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin iyon para sa kanila ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagpupulong sa aking pangalan, naroroon ako sa gitna nila.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 18:8 o buhay na walang hanggan.
  2. Mateo 18:9 Sa Griyego, Gehenna.
  3. Mateo 18:11 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
  4. Mateo 18:14 Sa ibang manuskrito aking.