Add parallel Print Page Options

Ang Labindalawang Apostol(A)

10 Tinawag ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng maruruming espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Narito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una ay si Simon, na tinaguriang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kapatid niyang si Juan; sina Felipe at Bartolome; sina Tomas at Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Jesus.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)

Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus at inatasan ng ganito, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil, ni papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. Sa inyong paghayo ay ipahayag ninyo: ‘Malapit nang dumating ang kaharian ng langit.’ Ang mga maysakit ay inyong pagalingin, ang mga patay ay inyong buhayin, ang mga ketongin ay inyong linisin, at ang mga demonyo ay inyong palayasin. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ipamigay din ninyong walang bayad. Huwag kayong magdadala ng ginto, pilak o tanso sa inyong lalagyan ng salapi, 10 o kaya'y ng supot para sa inyong paglalakbay, o ng dalawang bihisan, o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang pagkain. 11 At saanmang bayan o nayon kayo makarating, humanap kayo roon ng taong karapat-dapat. Makituloy kayo sa kanya hanggang sa inyong paglisan. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, basbasan ninyo ito. 13 At kung karapat-dapat ang sambahayang iyon, igawad ninyo ang inyong basbas ng kapayapaan doon, subalit kung hindi ito karapat-dapat, bawiin ninyo ang basbas ng kapayapaang iginawad ninyo. 14 Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong mga salita, ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon. 15 Tinitiyak ko sa inyo, mas kaaawaan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra kaysa sa bayang iyon.

Mga Pag-uusig na Darating(C)

16 “Tandaan ninyo, isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, sapagkat may mga magkakanulo sa inyo sa mga hukuman at hahagupit sa inyo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadakpin kayo at ihaharap sa mga tagapamahala at sa mga hari dahil sa akin, upang magbigay-patotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag kayo'y ipinadakip, huwag ninyong ipangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras ding iyon. 20 Hindi na kayo ang nagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo. 21 Magkakanulo ang kapatid sa kapatid upang ito'y ipapatay, pati ang ama sa kanyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at kanilang ipapapatay ang mga ito. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit ang makatagal hanggang sa wakas ay maliligtas. 23 Kapag ginigipit nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo papunta sa kasunod, sapagkat tinitiyak ko sa inyo, hindi pa ninyo nararating ang lahat ng mga bayan sa Israel ay darating na ang Anak ng Tao.

24 “Ang mag-aaral ay hindi mas mataas kaysa kanyang guro, o ang alipin kaysa kanyang panginoon. 25 Sapat na para sa mag-aaral ang maging katulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging katulad ng kanyang panginoon. Kung ang pinuno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, higit nilang aalipustain ang kanyang mga kasambahay!

Ang Dapat Katakutan(D)

26 “Kaya't huwag kayong matakot sa kanila, sapagkat walang natatakpan na hindi malalantad, o kaya'y nakatago na hindi mabubunyag. 27 Kung may sinabi ako sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag. Kung may narinig kayong ibinulong, ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bahay. 28 At huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, subalit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip ay matakot kayo sa kanya na may kapangyarihang pumuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29 Hindi ba't nabibili ang dalawang maya sa isang kusing? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi napapansin ng inyong Ama. 30 Pati nga ang mga buhok sa ulo ninyo ay biláng na lahat. 31 Huwag kayong matakot. Higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.

Pagkilala kay Cristo(E)

32 “Kaya't sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay siya ko ring kikilalanin sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit sinumang sa akin ay magkaila sa harapan ng mga tao ay siya ring ipagkakaila ko sa harapan ng aking Amang nasa langit.

Hindi Kapayapaan kundi Tabak(F)

34 “Huwag ninyong akalaing dumating ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi ako dumating upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak. 35 Dumating ako upang labanan ng isang lalaki ang kanyang ama, ng anak na babae ang kanyang ina, at ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay mismong ang sarili niyang mga kasambahay. 37 Ang nagmamahal sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang nagmamahal sa anak na lalaki o babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Sinumang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang nagsisikap para sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay makatatagpo nito.

Mga Gantimpala(G)

40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid sa pangalan ng taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng taong matuwid. 42 Sinumang magbigay ng isang basong tubig na malamig sa isa sa mga hamak na ito sa pangalan ng isang alagad, tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.”

Ang mga Sinugo ni Juan na Tagapagbautismo(H)

11 Matapos pagbilinan ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad, nilisan niya ang lugar na iyon upang magturo at mangaral sa kanilang mga bayan. Nang mabalitaan ni Juan, na noon ay nasa bilangguan, ang tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagsugo siya ng kanyang mga alagad, at ipinatanong, “Ikaw na ba ang darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Pagbalik ninyo kay Juan ay sabihin ninyo sa kanya ang inyong mga naririnig at nakikita. Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga paralitiko, nagiging malinis ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, binubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. Pinagpala ang sinumang hindi natitisod dahil sa akin.” Habang sila'y umaalis, nagsimulang magsalita si Jesus sa napakaraming tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang inyong makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? Ngunit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga mamahaling damit? "Nasa mga palasyo ng mga hari ang mga nagsusuot ng magagarang kasuotan." At ano nga ba ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, at sinasabi ko sa inyo, higit pa sa isang propeta. 10 Siya ang tinutukoy ng nasusulat,

‘Tingnan ninyo, isinusugo ko ang aking sugo, na mauuna sa iyo,
    na maghahanda ng iyong daraanan.’

11 Tinitiyak ko sa inyo, sa mga isinilang ng mga babae ay wala pang lumitaw na mas dakila kay Juan na Tagapagbautismo. Gayunman, ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula pa sa kapanahunan ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay dumaranas ng karahasan at sapilitang kinukuha ng mga taong marahas. 13 Sapagkat ang lahat ng mga propeta at ang Kautusan ay nagsalita ng propesiya hanggang kay Juan, 14 at kung nais ninyong tanggapin, siya ay si Elias na darating. 15 Makinig ang mga may pandinig!

16 “At sa ano ko naman ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa mga palengke at tumatawag sa kanilang mga kalaro,

17 ‘Tumugtog kami ng plauta para sa inyo, ngunit hindi naman kayo sumayaw;
    umawit kami ng himig pagluluksa, ngunit hindi naman kayo umiyak.’

18 Sapagkat naparito si Juan na hindi kumakain ni umiinom, ngunit sinasabi nila, ‘Sinasaniban siya ng demonyo.’ 19 Naparito ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, ‘Tingnan ninyo siya! Matakaw at manginginom, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Subalit ang karunungan ay pinatutunayang tama sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”

Babala sa mga Lungsod na Di-nagsisi(I)

20 Pagkatapos nito'y sinimulan niyang sumbatan ang mga lungsod na ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi nagsisi ang mga tao roon. 21 “Kaysaklap ng sasapitin mo, Corazin! Kaysaklap ng sasapitin mo, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagsisi na nakasuot ng damit-sako at may abo sa ulo. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa sa araw ng paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa sa inyo. 23 At ikaw Capernaum, sa akala mo ba'y itataas ka sa langit? Ibababa ka sa daigdig ng mga patay.[a] Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa iyo, nakatayo pa sana hanggang ngayon ang bayang iyon. 24 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa sa araw ng paghuhukom ang lupain ng Sodoma kaysa sa inyo.”

Ang Dakilang Paanyaya(J)

25 Nang sandaling iyon ay sinabi ni Jesus, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at may pinag-aralan, ngunit ipinaalam mo sa mga musmos. 26 Oo, Ama, sapagkat kalugud-lugod iyon sa iyong paningin. 27 Lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak at sa sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya. 28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagod at may mabigat na pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Ang aking pamatok ay inyong pasanin, at kayo'y matuto sa akin, sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso, at matatagpuan ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat ang aking pamatok ay madaling dalhin, at magaan ang aking pasanin.”

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(K)

12 Sa pagkakataong iyon ay bumagtas sina Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Inabot ng gutom ang kanyang mga alagad at sila'y nagsimulang mamitas ng mga uhay at kumain. Subalit nang ito'y makita ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, ang mga alagad mo'y gumagawa ng ipinagbabawal sa araw ng Sabbath.” Sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom? Hindi ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na ihinandog, na hindi nararapat ayon sa batas na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi iyon ay para sa mga pari lamang? O hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ang mga pari sa loob ng templo ay hindi nagpapasaklaw sa Sabbath, subalit hindi sila itinuturing na nagkasala? Ngunit sinasabi ko sa inyo, narito ang isang higit na dakila kaysa templo. Kung alam lamang ninyo ang ibig sabihin nito: ‘Ang nais ko ay habag, at hindi handog,’ ay hindi ninyo sana hinatulan ang mga walang sala. Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(L)

Umalis doon si Jesus at pumasok sa sinagoga. 10 At naroon ang isang taong paralisado ang isang kamay. Tinanong nila si Jesus, “Ayon ba sa batas ang magpagaling ng maysakit sa araw ng Sabbath?” Itinanong nila ito upang makahanap ng maipaparatang sa kanya. 11 Sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, kung isa sa inyo ay may tupang nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabbath, hindi ba niya ito aabutin at iaahon? 12 Higit namang napakahalaga ng isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa batas ang gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.” 13 At sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga niya ito at ito'y nanumbalik sa dati, wala nang sakit katulad ng isa. 14 Gayunma'y umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya at nag-usap kung paano siya papatayin. 15 Subalit alam ito ni Jesus kaya't umalis siya roon. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at silang lahat ay kanyang pinagaling. 16 Ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ipamamalita ang tungkol sa kanya. 17 Naganap ito bilang katuparan ng sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias, na nagsasaad:

18 “Masdan ninyo ang hinirang kong lingkod,
    ang aking iniibig, na sa kanya ang kaluluwa ko'y nalulugod.
Ilalagay ko ang aking Espiritu sa kanya,
    at sa mga bansa ang katarungan ay ipahahayag niya.
19 Hindi siya makikipag-away o sisigaw man,
at walang makaririnig ng kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Nagalusang tambo ay hindi niya babaliin,
    nagbabagang mitsa ay hindi niya papatayin,
    hanggang ang katarungan ay maihatid niya sa tagumpay;
21     at magkakaroon ng pag-asa ang mga bansa sa kanyang pangalan.”

Panlalait sa Banal na Espiritu(M)

22 Pagkatapos ay dinala kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng demonyo. Pinagaling niya ang lalaki kaya't nakapagsalita at nakakita iyon. 23 Namangha ang lahat ng naroroon at nagtanong, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” 24 Subalit (N) nang ito'y marinig ng mga Fariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas lamang ng mga demonyo ang taong ito sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 25 Palibhasa'y alam niya ang mga iniisip nila, kanyang sinabi sa kanila, “Bawat kahariang lumalaban sa kanyang sarili ay babagsak; at walang bayan o sambahayang nagkakahati-hati ang magtatagal. 26 Kung pinapalayas ni Satanas si Satanas, hindi ba't nilalabanan niya ang kanyang sarili? Kung gayo'y paano tatayo ang kanyang kaharian? 27 At kung nakapagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, kanino namang kapangyarihan napapalayas sila ng inyong mga tagasunod? Kaya't sila na mismo ang hahatol sa inyo. 28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, kung gayon, dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. 29 O paano ba mapapasok at mapagnanakawan ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao, kung hindi muna niya ito gagapusin? Kung magkagayon, saka pa lamang niya malolooban ang bahay nito. 30 Ang (O) wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay pinagmumulan ng pagkakawatak-watak. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, patatawarin ang mga tao sa bawat kasalanan at panlalait, subalit ang panlalait sa Espiritu ay hindi patatawarin. 32 At (P) ang sinumang magsalita ng anuman laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin, sa panahon mang ito o sa darating.

Sa Bunga Nakikilala(Q)

33 “Alinman sa (R) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama rin ang bunga nito. Sapagkat nakikilala ang puno sa pamamagitan ng bunga nito. 34 Kayong (S) lahi ng mga ulupong! Sadyang hindi kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay sapagkat kayo'y masasama! Sapagkat kung ano ang nilalaman ng dibdib, iyon ang mamumutawi sa bibig. 35 Ang mabuting tao mula sa kanyang mabuting kayamanan ay naglalabas ng mabubuting bagay, at ang masamang tao mula sa kanyang masamang kayamanan ay naglalabas ng masasamang bagay. 36 Sinasabi ko sa inyo, pananagutan ng mga tao sa araw ng paghuhukom ang bawat salitang walang habas na binigkas. 37 Sapagkat batay sa iyong mga salita, ikaw ay mapapawalang-sala o mahahatulan.”

Ang Tanda ni Jonas(T)

38 Pagkatapos, (U) may mga guro ng Kautusan at mga Fariseo na sumagot sa kanya, “Guro, nais naming makakita mula sa iyo ng isang himala bilang tanda.” 39 Sumagot (V) siya sa kanila, “Ang isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda; subalit walang mahimalang tanda na ibibigay sa kanya, maliban sa mahimalang tanda ng propetang si Jonas. 40 Sapagkat (W) kung paanong tatlong araw at tatlong gabi si Jonas sa loob ng tiyan ng isang dambuhalang isda, gayundin ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa. 41 Tatayo ang (X) mga taga-Nineve sa paghuhukom laban sa lahing ito at hahatulan ito, sapagkat nagsisi sila nang mangaral si Jonas. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Jonas. 42 Ang (Y) Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom laban sa lahing ito, at hahatulan ito, sapagkat nanggaling pa siya sa kadulu-duluhan ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Solomon.

Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(Z)

43 “Kapag nakalabas mula sa isang tao ang karumal-dumal na espiritu, lumilibot ito sa mga tuyong lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan, subalit wala siyang matagpuan. 44 Kaya't sinasabi niya, ‘Babalik ako sa pinanggalingan kong bahay.’ Pagdating niya roon at matagpuan iyong walang laman, nalinisan at naiayos na, 45 umaalis siya, at nagdadala pa ng pitong espiritu na mas masasama kaysa kanya, at sila'y pumapasok at naninirahan doon. Ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa una. Gayundin ang sasapitin ng masamang lahing ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(AA)

46 Habang nagsasalita pa si Jesus[b] sa napakaraming tao, nakatayo sa labas ang kanyang ina at mga kapatid, hinihiling nilang siya'y makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nakatayo po sa labas ang inyong ina at mga kapatid at ibig kayong makausap.”[c] 48 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sino ba ang aking ina at sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi niya, “Narito ang aking ina at aking mga kapatid. 50 Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama sa langit, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(AB)

13 Nang araw ding iyon ay lumabas ng bahay si Jesus at naupo sa tabing-dagat. Dinagsa siya ng napakaraming tao (AC) kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang napakaraming tao ay nakatayo sa dalampasigan. At marami siyang isinalaysay sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Makinig kayo! May isang manghahasik na lumabas upang maghasik. Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan at dumating ang mga ibon at inubos nila ang mga ito. Ang ibang binhi ay nalaglag sa batuhan na kakaunti lamang ang lupa. Sumibol agad ang mga ito palibhasa'y manipis ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, ang mga iyon ay napaso sa init, at dahil hindi pa nagkakaugat ang mga iyon ay tuluyan nang nalanta. Ang ibang binhi ay nalaglag sa may mga halamang tinikan. Lumaki ang mga halamang tinikan at sumakal sa mga iyon. Ang ibang binhi ay nalaglag sa mabuting lupa, at nagsipamunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu. Ang mga may pandinig ay makinig.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga(AD)

10 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad, at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng mga talinghaga sa pagsasalita ninyo sa mga tao?” 11 Sumagot siya sa kanila, “Ito ay dahil kayo ang pinagkaloobang makaalam ng mga hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, at hindi sila ang pinagkalooban ng mga ito. 12 Sapagkat (AE) sinumang mayroon ay lalo pang bibigyan, at magkakaroon siya ng napakarami; ngunit sinumang wala, pati ang anumang nasa kanya ay kukunin. 13 Ako'y nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat tumitingin sila subalit hindi nakakakita, nakikinig ngunit hindi naman nakaririnig, ni nakauunawa. 14 Sa kanila natutupad (AF) ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:

‘Makinig man kayo nang makinig, kailanma'y hindi ninyo mauunawaan,
    tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita.
15 Sapagkat ang puso ng mga taong ito ay manhid na,
    at hindi na makarinig ang kanilang mga tainga,
    at kanilang ipinikit ang mga mata nila;
baka ang mga mata nila'y makakita,
    at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
    at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’

16 Subalit (AG) pinagpala ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakaririnig. 17 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang nagnais na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at nagnais marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.

Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(AH)

18 “Ngayon, pakinggan ninyo ang ibig sabihin ng talinghaga ng manghahasik: 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig tungkol sa kaharian, ngunit hindi niya ito inuunawa, dumarating ang diyablo[d] at inaagaw ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang tinutukoy na mga naihasik sa may tabing daan. 20 Tungkol naman sa mga naihasik sa mga batuhan, ito ang taong nakikinig ng salita at agad itong tinatanggap nang may kagalakan, 21 gayunma'y hindi siya nagkaroon ng ugat, at hindi gaanong nagtatagal. Kapag may dumating na kagipitan o pag-uusig dahil sa salita, madali siyang natitisod. 22 Tungkol sa naihasik sa may mga halamang tinikan, ito ang taong nakikinig ng salita ngunit ang mga alalahanin sa sanlibutan at ang panlilinlang ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita, anupa't hindi ito nakapamumunga. 23 Tungkol naman sa naihasik sa mabuting lupa, siya ang taong nakikinig ng salita at nauunawaan ito, kaya't siya nga ang namumunga. May namumunga ng isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”

Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinasabi niya, “Ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukirin. 25 Subalit habang natutulog ang kanyang mga tauhan, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng mga binhi ng damo sa triguhan, at umalis. 26 Kaya't nang tumubo na ang mga tanim at namunga, naglitawan din ang mga damo. 27 Lumapit ang mga alipin sa pinuno ng sambahayan at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi po ba't mabuting binhi ang inyong inihasik sa inyong bukirin? Paano nagkaroon ng mga damo roon?’ 28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ At sinabi ng mga alipin sa kanya, ‘Nais ba ninyong pumunta kami at bunutin ang mga damo?’ 29 Ngunit sumagot siya, ‘Huwag, baka sa pagbunot ninyo sa mga damo ay mabunot pati ang mga trigo. 30 Hayaan ninyong tumubo ang mga iyon na kasama ng mga trigo hanggang sa anihan, at pagsapit ng anihan ay sasabihan ko ang mga manggagapas. Tipunin muna ninyo ang mga damo. Talian ninyo ang mga ito upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’ ”

Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(AI)

31 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: Kumuha ang isang tao ng isang butil na binhi ng mustasa, at inihasik sa kanyang bukirin. 32 Pinakamaliit man ito sa lahat ng mga binhi, pagtubo nito ay siya namang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging isang puno, kaya't ang mga ibon sa himpapawid ay dumadapo roon at nagpupugad sa kanyang mga sanga.”

Ang Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(AJ)

33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa ng tinapay na kinuha ng isang babae, at inihalo sa tatlong takal ng harina, hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”

Propesiya tungkol sa mga Talinghaga(AK)

34 Ang lahat ng mga ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Wala siyang sinabi sa kanila kundi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Ito (AL) ay katuparan ng sinabi sa pamamagitan ng propeta,[e]

“Sa pagbigkas ng mga talinghaga, bibig ko'y aking bubuksan,
    sasabihin ko ang mga nakatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo

36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Nilapitan siya ng kanyang mga alagad, at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga damo sa bukirin.” 37 Sumagot siya, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukirin ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay tumutukoy sa mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng panahon; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. 40 Kaya't kung paanong binubunot ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng panahon. 41 Isusugo ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan; 42 at ihahagis nila ang mga ito sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Pagkatapos nito, ang mga matuwid ay magliliwanag katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!

Ang Kayamanang Nakabaon

44 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May kayamanang nakabaon sa isang bukid. Natuklasan ito ng isang tao at muli niya itong tinabunan. Sa kanyang tuwa ay humayo siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.

Ang Mamahaling Perlas

45 “Muli, ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang matagpuan niya ang isang mamahaling perlas ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas.

Ang Lambat

47 “At muli, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuhuli ng lahat ng uri ng isda. 48 Kapag puno na ito, hinihila ito ng mga tao sa dalampasigan. Nauupo sila upang piliin ang mabubuting isda at ilagay sa mga sisidlan, ngunit itinatapon ang mga hindi mapakikinabangan. 49 Ganoon ang mangyayari sa katapusan ng panahon. Magdadatingan ang mga anghel at ibubukod nila ang masasama sa matutuwid 50 at itatapon sila sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.

Kayamanang Bago at Luma

51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga ito?” Sumagot ang mga alagad, “Opo.” 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat tagapagturo ng Kautusan na sinanay para sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang imbakan ng kayamanan.”

Itinakwil si Jesus sa Nazareth(AM)

53 Pagkatapos isalaysay ni Jesus ang mga talinghagang ito, nilisan niya ang lugar na iyon. 54 Pagdating niya sa sarili niyang bayan, nagturo siya sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha sila sa kanya, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan? Paano niya nagagawa ang himalang ito? 55 Hindi ba't ito ang anak ng karpintero? Di ba't Maria ang pangalan ng kanyang ina? Di ba't mga kapatid niya sina Santiago, Jose, Simon, at Judas? 56 Hindi ba't narito sa bayan natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan nakuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?” 57 At (AN) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay kinikilala kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 Kaya't hindi siya gumawa roon ng maraming himala dahil sa hindi nila pagsampalataya.

Namatay si Juan na Tagapagbautismo(AO)

14 Nang panahong iyon ay narinig ng pinunong[f] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Ang taong iyon ay si Juan na Tagapagbautismo! Siya'y ibinangon mula sa kamatayan kaya't nagagawa niya ang mga himalang ito.” Nauna noon ay (AP) ipinadakip ni Herodes si Juan. Iginapos niya ito at ibinilanggo dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[g] Sapagkat (AQ) pinagsasabihan siya noon ni Juan, “Labag sa batas na angkinin mo ang babaing iyan.” At kahit nais niyang ipapatay si Juan, natatakot siya sa taong-bayan sapagkat kinikilala nila si Juan na isang propeta. Subalit pagsapit ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna ng mga panauhin ang anak na babae ni Herodias na ikinalugod naman ni Herodes. Kaya't nangako siya at nanumpa na ibibigay niya ang anumang hihingin ng dalaga. Sa sulsol ng kanyang ina ay sinabi ng dalaga, “Ibigay ninyo sa akin ngayon, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!” Ikinalungkot ito ng hari, subalit dahil sa kanyang binitawang pangako sa harap ng mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay ang kahilingang iyon. 10 Nagpadala siya ng tauhan at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga, at dinala naman niya ito sa kanyang ina. 12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita ito kay Jesus.

Pinakain ang Limang Libo(AR)

13 Nang marinig ito ni Jesus, nilisan niya ang lugar na iyon. Sumakay siya sa isang bangka patungo sa isang hindi mataong lugar at doon ay nag-iisa siya. Subalit nang mabalitaan ito ng napakaraming tao, naglakad sila mula sa mga bayan at sinundan siya. 14 Pagdating ni Jesus sa pampang at nakita niya ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na naroon. 15 Nang palubog na ang araw, nilapitan siya ng kanyang mga alagad at sinabi, “Malayo sa kabayanan ang lugar na ito, at pagabi na. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao para makabili sila ng makakain nila.” 16 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.” 17 At sinabi naman nila sa kanya, “Limang tinapay lang po at dalawang isda ang mayroon tayo rito.” 18 “Dalhin ninyo rito sa akin” ang sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang napakaraming tao. Nang makuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat para sa mga ito. Pinagputul-putol niya ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad. Ipinamahagi ito ng mga alagad sa mga tao. 20 Ang lahat ay kumain at nabusog. Pagkatapos ay tinipon ng mga alagad ang mga labis na mga pinagputul-putol na tinapay, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 21 Mga limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata ang mga kumain.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(AS)

22 Pagkatapos ay agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna niya sa kabilang pampang, habang pinauuwi niya ang napakaraming tao. 23 Matapos niyang pauwiin ang mga tao, nag-iisang umakyat siya sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, naroroon pa rin siyang nag-iisa. 24 Ngunit nang mga sandaling iyon, ang bangka ay pumapalaot na at hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin. 25 Nang madaling-araw na,[h] lumapit sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng lawa. 26 Nang makita ng mga alagad na lumalakad siya sa ibabaw ng tubig, nasindak sila at nagsabi, “May multo!” At nagsisigaw sila sa takot. 27 Subalit nagsalita kaagad si Jesus, at sinabi sa kanila, “Laksan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.” 28 Sumagot sa kanya si Pedro, “Panginoon, kung ikaw po iyan, papuntahin mo ako diyan sa iyo sa ibabaw ng tubig.” 29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig papalapit kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin ni Pedro[i] ang hangin, natakot siya. At nang siya'y nagsisimula nang lumubog ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Kaagad iniabot ni Jesus ang kamay niya at hinawakan si Pedro, at sinabihan, “Ikaw na maliit ang pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Nang makasampa na sila sa bangka ay huminto na ang hangin. 33 Sumamba sa kanya ang mga nasa bangka. Sabi nila, “Totoong ikaw ang Anak ng Diyos.”

Pinagaling ang mga Maysakit sa Genesaret(AT)

34 Pagdating nila sa kabilang pampang, dumaong sila sa Genesaret. 35 Nang makilala siya ng mga tao sa lugar na iyon, ipinamalita nila ito sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit. 36 Nakiusap sila sa kanya na mahawakan nila kahit ang laylayan ng kanyang damit. At lahat ng nakahawak nito ay gumaling.

Mga Minanang Kaugalian(AU)

15 Pagkatapos, dumating kay Jesus ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago kumain.” Sumagot siya sa kanila, “At bakit nilalabag naman ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? Sapagkat (AV) iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina;’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay.’ Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang mapapakinabangan mo mula sa akin ay ibinigay ko na sa Diyos, at ang nagsabi niyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.’ Kaya't masunod lamang ang inyong kaugalian ay binabale-wala na ninyo ang salita[j] ng Diyos. Kayong mapagkunwari! Angkop na angkop sa inyo ang ipinahayag ni Isaias nang sabihin niya,

‘Iginagalang (AW) ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi,
    subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
    pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’ ”

Ang Nagpaparumi sa Tao(AX)

10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ninyo ito: 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang sanhi ng kanyang pagiging marumi.” 12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam ba ninyong nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang sinabi ninyong ito?” 13 Ngunit sumagot siya, “Bubunutin ang lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit. 14 Hayaan (AY) ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay.[k] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot naman si Pedro, “Ipaliwanag mo po sa amin ang talinghaga.” 16 At sinabi niya, “Hanggang ngayon ba'y hindi pa rin kayo marunong umunawa? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi? 18 Ngunit (AZ) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at iyon ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nagmumula ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait. 20 Ang mga ito ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, subalit ang kumain nang hindi nahugasan ang mga kamay nang ayon sa minanang turo ay hindi nakapagpaparumi sa sinuman.”

Ang Pananampalataya ng Babaing Taga-Canaan(BA)

21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa karatig-pook ng Tiro at Sidon. 22 Naroon ang isang babaing taga-Canaan na mula sa lupaing iyon. Siya'y nagsisisigaw, “Maawa ka po sa akin, Panginoon, Anak ni David! Ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.” 23 Ngunit hindi man lamang siya sumagot sa babae. Lumapit ang mga alagad niya at nakiusap sa kanya, “Paalisin mo po siya, sapagkat nagsisisigaw siya sa hulihan natin.” 24 At sumagot siya, “Ako'y sinugo para lamang sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.” 25 Ngunit lumapit ang babae, lumuhod sa harapan niya at sinabi, “Panginoon, tulungan mo po ako.” 26 Sumagot si Jesus, “Hindi tamang kunin ang kinakain ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.” 27 Ngunit sagot ng babae, “Opo, Panginoon. Ngunit ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang mga amo.” 28 Kaya't sumagot si Jesus sa kanya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari para sa iyo ang hinihiling mo.” At gumaling ang kanyang anak na babae sa oras ding iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Umalis doon si Jesus at bumagtas sa tabi ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Dumagsa sa kanya ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, mga paralitiko, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y kanyang pinagaling. 31 Namangha ang maraming tao nang makita nilang nakapagsasalita ang mga pipi, lumalakas ang mga paralitiko, nakalalakad ang mga piláy, at nakakikita ang mga bulag. At pinuri nila ang Diyos ng Israel.

Pinakain ang Apat na Libo(BB)

32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Naaawa ako sa maraming taong ito, sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at ngayon ay wala silang pagkain. Ayaw ko naman silang paalising gutóm, at baka himatayin sila sa daan.” 33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na tinapay sa liblib na pook na ito upang ipakain sa ganito karaming tao?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo niya sa lupa ang mga tao, 36 kinuha ang pitong tinapay at ang mga isda at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao. 37 Silang lahat ay kumain at nabusog. At nakapagtipon sila ng pitong kaing na punô ng mga labis na pinagputul-putol na pagkain. 38 May apat na libong lalaki ang kumain bukod pa sa mga babae at sa mga bata. 39 Pagkatapos pauwiin ang maraming tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa nasasakupan ng Magadan.

Humingi ng Mahimalang Tanda kay Jesus(BC)

16 Dumating (BD) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin si Jesus, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang himala mula sa langit. Sinabi niya sa kanila, “[Sa dapithapon ay sinasabi ninyo, ‘Maganda ang panahon bukas, sapagkat mapula ang langit.’ At sa umaga, ‘Maulan ngayon, sapagkat mapula ang langit at makulimlim.’ Marunong kayong bumasa ng anyo ng langit, subalit hindi kayo marunong umunawa ng mga palatandaan ng mga panahon.][l] Ang (BE) isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda, ngunit walang mahimalang tanda na ibibigay rito, maliban sa tanda ni Jonas.” Pagkatapos ay iniwan niya sila at siya ay umalis.

Ang Pampaalsang Gamit ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(BF)

Nang tumawid sa kabilang pampang ang mga alagad ay nakalimutan nilang magdala ng tinapay. Sinabi (BG) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang pampaalsang ginagamit ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.” Pinag-usapan nila iyon at sinabi nila, “Dahil hindi tayo nagdala ng tinapay.” Ngunit batid ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “Kayong mahina ang pananampalataya! Bakit pinagtatalunan ninyo na kayo'y walang tinapay? Hindi (BH) pa ba kayo nakauunawa? Hindi ba ninyo naaalala ang limang tinapay na ipinakain sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon; 10 o (BI) iyong pitong tinapay na ipinakain sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon? 11 Paanong hindi ninyo nauunawaan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Fariseo at mga Saduceo!’ ” 12 Noon ay naunawaan nila na hindi niya sinabing mag-ingat sila sa pampaalsa ng tinapay, kundi sa itinuturo ng mga Fariseo at mga Saduceo.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(BJ)

13 Nang dumating si Jesus sa pook ng Cesarea Filipos, nagtanong siya sa kanyang mga alagad ng ganito, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?” 14 At (BK) sumagot sila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias, at ang iba naman ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” 16 Sumagot (BL) si Simon Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang nagpahayag nito sa iyo ay hindi laman at dugo kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[m] at sa ibabaw ng batong[n] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay (BM) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay ang natalian na sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay ang nakalagan na sa langit.” 20 Pagkatapos ay mahigpit niyang pinagbilinan ang mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.

Sinabi ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(BN)

21 Mula noon ay nagsimula si Jesus na tahasang sabihin sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem, at magdusa ng maraming bagay sa kamay ng matatandang pinuno, at sa mga pinunong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Doon, siya'y papatayin at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. 22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Kahabagan ka nawa, Panginoon! Hindi po kailanman mangyayari iyon sa iyo.” 23 Hinarap niya si Pedro at sinabihan ito, “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Sagabal ka sa akin, sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na may kinalaman sa Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”

Pasanin ang Krus at Sumunod kay Jesus

24 Pagkatapos (BO) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, talikuran niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat (BP) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[o] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay kanyang matatagpuan ito. 26 Sapagkat ano ang magiging pakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong daigdig subalit buhay naman niya ang kapalit? O ano ang maibibigay ng tao, kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat (BQ) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at gagantihan niya ang lahat ng tao ayon sa kanilang mga gawa. 28 Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makalalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang Anak ng Tao na dumarating na naghahari sa kanyang kaharian.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(BR)

17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at sila'y kanyang dinala na walang kasamang iba sa isang mataas na bundok. At nagbagong-anyo siya sa harapan nila, nagliwanag ng tulad sa araw ang kanyang mukha, at naging parang ilaw sa kaputian ang kanyang mga damit. At doon ay nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti at naririto tayo. Kung nais mo po, gagawa ako ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Nagsasalita (BS) (BT) pa siya noon nang napailalim sila sa isang maningning na ulap, at isang tinig mula roon ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nasisiyahan. Siya ang inyong pakinggan.” Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at labis na natakot. Subalit lumapit si Jesus at sila'y hinawakan. Sinabi niya, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.” Pagtingin nila ay wala silang nakitang sinuman, kundi si Jesus lamang. At nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.” 10 Tinanong (BU) siya ng kanyang mga alagad, “Kung gayon, bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan munang dumating si Elias?” 11 Sumagot siya, “Talagang darating si Elias at panunumbalikin ang lahat ng mga bagay. 12 Subalit (BV) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, ngunit siya'y hindi nila kinilala, sa halip ay kanilang ginawa sa kanya ang anumang kanilang maibigan. Gayundin naman, ang Anak ng Tao ay malapit nang dumanas ng pagdurusa sa kanilang mga kamay.” 13 At naunawaan ng mga alagad na tungkol kay Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(BW)

14 At pagdating nila sa maraming tao, may isang lalaking lumapit sa kanya at lumuhod sa harapan niya. 15 Sinabi niya, “Panginoon, maawa ka po sa aking anak na lalaki. Siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; madalas siyang bumabagsak sa apoy at pati sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila kayang pagalingin.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong walang pananampalataya at napakasamang lahi, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal pa akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.” 18 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Ang bata ay gumaling nang oras ding iyon. 19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at nagtanong sila, “Bakit po hindi namin nakayang palayasin iyon?” 20 Sinabi (BX) niya sa kanila, “Maliit kasi ang inyong pananampalataya. Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinlaki ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat. Walang anuman na hindi ninyo kayang gawin. 21 Ngunit hindi lumalabas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.”[p]

Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(BY)

22 Nang sila'y nagkatipon[q] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ipagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. 23 Siya'y kanilang papatayin subalit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga alagad.

Pagbabayad ng Buwis para sa Templo

24 Pagdating (BZ) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis[r] para sa templo at nagtanong sila, “Nagbabayad ba ng buwis sa templo ang inyong guro?” 25 Siya'y sumagot, “Opo, nagbabayad siya.” At pagdating niya sa bahay, naunang nagsalita si Jesus at nagtanong, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?” 26 At nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Samakatuwid, hindi na pinagbabayad ang mga anak. 27 Ngunit upang hindi sila magkasala dahil sa atin, pumunta ka sa lawa at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang lilitaw, at pagkabuka mo sa bibig niyon ay makakakita ka roon ng salaping pilak. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, pambuwis nating dalawa.”

Ang Pinakadakila(CA)

18 Nang (CB) sandaling iyon ay lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Pinalapit niya ang isang munting bata at inilagay sa gitna nila. At sinabi (CC) niya, “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi kayo magbabago at magiging katulad ng mga bata, hindi kayo kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. Kaya't sinumang nagpapakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.

Mga Sanhi ng Pagkakasala(CD)

“At sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito dahil sa pangalan ko ay ako ang tinatanggap. Ngunit sinumang maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mas mabuti pa sa taong iyon na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y lunurin sa kailaliman ng dagat. Kaysaklap ng sasapitin ng sanlibutan dahil sa mga sanhi ng pagkakasala! Sadya namang darating ang mga sanhi ng pagkakasala. Subalit kay saklap ng sasapitin ng taong pinanggagalingan ng mga sanhi ng pagkakasala! Kaya't (CE) kung ang kamay mo o ang paa mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[s] na may kapansanan o paralitiko kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon ka sa apoy na walang hanggan. At (CF) kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, dukutin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata ngunit itatapon ka naman sa apoy ng impiyerno.[t]

Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(CG)

10 “Mag-ingat kayo (CH) na huwag ninyong hamakin ang isa man sa maliliit na ito sapagkat, sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay palaging nakatingin sa mukha ng aking Amang nasa langit. 11 [Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang iligtas ang napapahamak.][u] 12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam sa bundok, at lumalakad siya upang hanapin ang naligaw? 13 At kapag natagpuan na niya ito, tinitiyak ko sa inyo, higit siyang matutuwa para dito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong[v] Amang nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.

Kung Magkasala ang Isang Kapatid

15 “Kung (CI) magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at pagsabihan mo tungkol sa kanyang pagkakamali. Gawin mo ito na kayong dalawa lamang. Kung siya'y makinig sa iyo, napanumbalik mo na ang iyong kapatid. 16 Subalit (CJ) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat usapin. 17 Kung ayaw pa rin niyang makinig sa kanila, idulog mo ito sa iglesya; at kung ayaw niyang makinig pati sa iglesya, ituring mo siyang isang pagano at maniningil ng buwis. 18 Tinitiyak (CK) ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay natalian na sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay nakalagan na sa langit. 19 Inuulit ko, na kapag ang dalawa sa inyo ay nagkasundo dito sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin iyon para sa kanila ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagpupulong sa aking pangalan, naroroon ako sa gitna nila.” 21 Noon (CL) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, hanggang ilang ulit ko po bang patatawarin ang aking kapatid kapag siya'y nagkasala sa akin? Hanggang pitong ulit po ba?” 22 Sumagot (CM) si Jesus, “Hindi ko sinasabi sa iyo na hanggang pitong ulit, sa halip ay hanggang sa ikapitong pitumpu.[w]

Ang Talinghaga ng Aliping Hindi Nagpapatawad

23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing dito: May isang haring nagpasyang ipatawag ang kanyang mga alipin upang sila'y makipag-ayos tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang magsimula na siyang magkuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang sa kanya ng sampung libong talento.[x] 25 Sapagkat wala siyang maibayad, ipinag-utos ng kanyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kanyang asawa at mga anak, at samsamin ang lahat ng kanyang ari-arian upang siya'y magbayad. 26 Kaya't lumuhod ang alipin, at nakiusap, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng palugit at makababayad din ako sa lahat ng utang ko sa inyo.’ 27 Nahabag naman sa alipin ang kanyang panginoon, kaya't siya'y pinakawalan at pinatawad sa kanyang pagkakautang. 28 Subalit sa paglabas ng alipin ding iyon, ay nakita niya ang isa niyang kapwa alipin na may utang sa kanya ng isandaang denaryo. Bigla niya itong hinawakan at sinakal, ‘Magbayad ka na ng utang mo,’ ang sabi niya. 29 Lumuhod sa harap niya ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng palugit, at babayaran kita.’ 30 Subalit hindi siya mapakiusapan. Sa halip ay umalis siya at ipinakulong ang kapwa alipin[y] hanggang sa makapagbayad ito ng utang. 31 Nang makita ng iba pang mga alipin ang pangyayari, labis nila itong ikinalungkot. Pumunta sila sa kanilang panginoon at isinumbong sa kanya ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag nga siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong alipin! Pinatawad kita sa lahat ng iyong pagkakautang sapagkat nakiusap ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka sa iyong kapwa alipin, kung paanong naawa ako sa iyo?’ 34 At sa galit ay ibinigay siya ng kanyang panginoon sa mga tagapagparusa sa loob ng bilangguan hanggang sa makabayad siya sa lahat ng kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin ng aking Amang nasa langit sa bawat isa sa inyo kung hindi kayo taos-pusong magpapatawad sa inyong kapatid.”

Footnotes

  1. Mateo 11:23 Sa Griyego, Hades.
  2. Mateo 12:46 Sa Griyego, siya
  3. Mateo 12:47 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
  4. Mateo 13:19 Sa Griyego, masama.
  5. Mateo 13:35 Sa ibang manuskrito ay propeta Isaias.
  6. Mateo 14:1 Sa Griyego, tetrarka, pinuno ng ikaapat na bahagi ng isang teritoryo.
  7. Mateo 14:3 Sa ibang mga manuskrito asawa ng kanyang kapatid na lalaki.
  8. Mateo 14:25 Sa Griyego, ikaapat na pagbabantay sa gabi.
  9. Mateo 14:30 Sa ibang mga manuskrito malakas na hangin.
  10. Mateo 15:6 Sa ibang matatandang manuskrito ay kautusan.
  11. Mateo 15:14 Sa ibang mga manuskrito may dagdag na ng bulag.
  12. Mateo 16:3 Sa ibang manuskrito wala ang mga talatang ito.
  13. Mateo 16:18 Sa Griyego, Petros.
  14. Mateo 16:18 Sa Griyego, Petra.
  15. Mateo 16:25 o kaluluwa.
  16. Mateo 17:21 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
  17. Mateo 17:22 Sa ibang mga manuskrito nakatira.
  18. Mateo 17:24 Sa Griyego, dalawang drachma.
  19. Mateo 18:8 o buhay na walang hanggan.
  20. Mateo 18:9 Sa Griyego, Gehenna.
  21. Mateo 18:11 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
  22. Mateo 18:14 Sa ibang manuskrito aking.
  23. Mateo 18:22 o ikapitumpu't pito.
  24. Mateo 18:24 Ang isang talento ay katumbas ng higit sa labinlimang taong sahod ng manggagawa.
  25. Mateo 18:30 Sa Griyego, kanyang ipinakulong siya.