Add parallel Print Page Options

Ang Labindalawang Apostol(A)

10 Tinawag ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng maruruming espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Narito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una ay si Simon, na tinaguriang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kapatid niyang si Juan; sina Felipe at Bartolome; sina Tomas at Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Jesus.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)

Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus at inatasan ng ganito, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil, ni papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. Sa inyong paghayo ay ipahayag ninyo: ‘Malapit nang dumating ang kaharian ng langit.’ Ang mga maysakit ay inyong pagalingin, ang mga patay ay inyong buhayin, ang mga ketongin ay inyong linisin, at ang mga demonyo ay inyong palayasin. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ipamigay din ninyong walang bayad. Huwag kayong magdadala ng ginto, pilak o tanso sa inyong lalagyan ng salapi, 10 o kaya'y ng supot para sa inyong paglalakbay, o ng dalawang bihisan, o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang pagkain. 11 At saanmang bayan o nayon kayo makarating, humanap kayo roon ng taong karapat-dapat. Makituloy kayo sa kanya hanggang sa inyong paglisan. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, basbasan ninyo ito. 13 At kung karapat-dapat ang sambahayang iyon, igawad ninyo ang inyong basbas ng kapayapaan doon, subalit kung hindi ito karapat-dapat, bawiin ninyo ang basbas ng kapayapaang iginawad ninyo. 14 Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong mga salita, ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon. 15 Tinitiyak ko sa inyo, mas kaaawaan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra kaysa sa bayang iyon.

Mga Pag-uusig na Darating(C)

16 “Tandaan ninyo, isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, sapagkat may mga magkakanulo sa inyo sa mga hukuman at hahagupit sa inyo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadakpin kayo at ihaharap sa mga tagapamahala at sa mga hari dahil sa akin, upang magbigay-patotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag kayo'y ipinadakip, huwag ninyong ipangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras ding iyon. 20 Hindi na kayo ang nagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo.

Read full chapter