Add parallel Print Page Options

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(A)

36 Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.” 37 Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, 38 kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan. Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”

39 Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”

40 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”

42 Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.” 43 Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok.

44 Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi. 45 Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 46 Bangon! Halina kayo, narito na ang nagkakanulo sa akin.”

Read full chapter

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(A)

36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama ang mga alagad sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanila, “Maupo kayo rito. Pupunta muna ako sa banda roon at mananalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Noon ay nagsimula siyang malungkot at mabagabag. 38 At sinabi niya sa kanila, “Punung-puno ng kalungkutan ang aking kaluluwa na halos ikamatay ko. Dito muna kayo at makipagpuyat sa akin.” 39 Lumakad pa siya sa di-kalayuan, at doon ay nagpatirapa at nanalangin, na sinasabi, “Aking Ama, kung maaari, lumampas sa akin ang kopang ito. Gayunma'y hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang masunod.” 40 Bumalik siya sa mga alagad, at nadatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba ninyo kayang makipagpuyat sa akin kahit isang oras lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin, upang hindi kayo malagay sa tukso. Tunay na ang espiritu ay nagnanais ngunit ang laman ay mahina.” 42 Sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang umalis at nanalangin ng ganito, “Aking Ama, kung hindi maaaring lumampas ang kopang ito, malibang ito'y aking inuman, masunod nawa ang iyong kalooban.” 43 Bumalik na naman siya at naratnan silang natutulog, sapagkat mabigat na ang mga mata nila sa antok. 44 Kaya't muli niya silang iniwan; umalis siya, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na gayunding mga salita ang binibigkas. 45 Nilapitan niyang muli ang mga alagad at sinabi sa kanila, “Hanggang ngayon ay natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46 Bangon na! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, dumarating na ang nagkakanulo sa akin.”

Read full chapter

Nanalangin si Jesus(A)

39 Lumabas si Jesus, at gaya ng kanyang kinagawian, nagpunta siya sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”

41 Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.][a]

45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 22:44 Sa ibang matatandang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga talatang 43 at 44.

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(A)

39 Gaya ng kanyang nakaugalian, lumabas si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo; sumunod naman sa kanya ang mga alagad. 40 Pagdating doon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” 41 At humiwalay siya sa kanila nang di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 “Ama,” wika niya, “kung mamarapatin mo, alisin mo sa akin ang kopang ito. Gayunpaman, huwag ang aking kalooban kundi ang sa iyo ang masunod.” [ 43 At nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit na nagpalakas sa kanya.[a] 44 Sa tindi ng paghihirap, pinaigting pa niya ang pananalangin. At nagmistulang patak ng dugong tumutulo sa lupa ang kanyang pawis.] 45 Pagtayo niya sa pananalangin, naratnan niyang natutulog ang mga alagad dahil sa kalungkutan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 22:43 Sa ibang manuskrito wala ang mga talatang ito.