Add parallel Print Page Options

18 Nang oras na yaon ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nangagsasabi, Sino nga baga ang pinakadakila sa kaharian ng langit?

At pinalapit niya sa kaniya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila,

At sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.

At sinomang tumanggap sa isa sa ganitong maliit na bata sa aking pangalan ay ako ang tinanggap:

Datapuwa't sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y ilubog sa kalaliman ng dagat.

Sa aba ng sanglibutan dahil sa mga kadahilanan ng pagkatisod! sapagka't kinakailangang dumating ang mga kadahilanan; datapuwa't sa aba ng taong yaong panggalingan ng kadahilanan!

At kung ang kamay mo o ang paa mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw o pilay, kay sa may dalawang kamay o dalawang paa na ibulid ka sa apoy na walang hanggan.

At kung ang mata mo ang makapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kay sa may dalawang mata na ibulid ka sa apoy ng impierno.

10 Ingatan ninyo na huwag ninyong pawalang halaga ang isa sa maliliit na ito: sapagka't sinasabi ko sa inyo, na ang kanilang mga anghel sa langit ay nangakakakitang palagi ng mukha ng aking Ama na nasa langit.

11 Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang iligtas ang nawala.

12 Ano ang akala ninyo? kung ang isang tao ay may isang daang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyam na pu't siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw?

13 At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kay sa siyam na pu't siyam na hindi nangaligaw.

14 Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.

15 At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid.

16 Datapuwa't kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita.

17 At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.

18 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at ang lahat ng mga bagay na inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

19 Muling sinasabi ko sa inyo, na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anomang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng aking Ama na nasa langit.

20 Sapagka't kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.

21 Nang magkagayo'y lumapit si Pedro at sinabi sa kaniya, Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya'y aking patatawarin? hanggang sa makapito?

22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.

23 Kaya't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari, na nagibig na makipagusap sa kaniyang mga alipin.

24 At nang siya'y magpasimulang makipaghusay, ay iniharap sa kaniya ang isa sa kaniya'y may utang na sangpung libong talento.

25 Datapuwa't palibhasa'y wala siyang sukat ibayad, ipinagutos ng kaniyang panginoon na siya'y ipagbili, at ang kaniyang asawa't mga anak, at ang lahat niyang tinatangkilik, at nang makabayad.

26 Dahil dito ang alipin ay nagpatirapa at sumamba sa kaniya, na nagsasabi, Panginoon, pagtiisan mo ako, at pagbabayaran ko sa iyong lahat.

27 At sa habag ng panginoon sa aliping yaon, ay pinawalan siya, at ipinatawad sa kaniya ang utang.

28 Datapuwa't lumabas ang aliping yaon, at nasumpungan ang isa sa mga kapuwa niya alipin, na sa kaniya'y may utang na isang daang denario: at kaniyang hinawakan siya, at sinakal niya, na sinasabi, Bayaran mo ang utang mo.

29 Kaya't nagpatirapa ang kaniyang kapuwa alipin at namanhik sa kaniya, na nagsasabi, Pagtiisan mo ako, at ikaw ay pagbabayaran ko.

30 At siya'y ayaw: at yumaon at siya'y ipinabilanggo hanggang sa magbayad siya ng utang.

31 Nang makita nga ng kaniyang mga kapuwa alipin ang nangyari, ay nangamanglaw silang lubha, at nagsiparoon at isinaysay sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.

32 Nang magkagayo'y pinalapit siya ng kaniyang panginoon, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw na aliping masama, ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka't ipinamanhik mo sa akin:

33 Hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapuwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo?

34 At nagalit ang kaniyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya'y magbayad ng lahat ng utang.

35 Gayon din naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa kalangitan, kung hindi ninyo patatawarin sa inyong mga puso, ng bawa't isa ang kaniyang kapatid.

Ang Pinakadakila(A)

18 Nang (B) sandaling iyon ay lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Pinalapit niya ang isang munting bata at inilagay sa gitna nila. At sinabi (C) niya, “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi kayo magbabago at magiging katulad ng mga bata, hindi kayo kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. Kaya't sinumang nagpapakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.

Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)

“At sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito dahil sa pangalan ko ay ako ang tinatanggap. Ngunit sinumang maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mas mabuti pa sa taong iyon na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y lunurin sa kailaliman ng dagat. Kaysaklap ng sasapitin ng sanlibutan dahil sa mga sanhi ng pagkakasala! Sadya namang darating ang mga sanhi ng pagkakasala. Subalit kay saklap ng sasapitin ng taong pinanggagalingan ng mga sanhi ng pagkakasala! Kaya't (E) kung ang kamay mo o ang paa mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[a] na may kapansanan o paralitiko kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon ka sa apoy na walang hanggan. At (F) kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, dukutin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata ngunit itatapon ka naman sa apoy ng impiyerno.[b]

Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(G)

10 “Mag-ingat kayo (H) na huwag ninyong hamakin ang isa man sa maliliit na ito sapagkat, sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay palaging nakatingin sa mukha ng aking Amang nasa langit. 11 [Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang iligtas ang napapahamak.][c] 12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam sa bundok, at lumalakad siya upang hanapin ang naligaw? 13 At kapag natagpuan na niya ito, tinitiyak ko sa inyo, higit siyang matutuwa para dito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong[d] Amang nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.

Kung Magkasala ang Isang Kapatid

15 “Kung (I) magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at pagsabihan mo tungkol sa kanyang pagkakamali. Gawin mo ito na kayong dalawa lamang. Kung siya'y makinig sa iyo, napanumbalik mo na ang iyong kapatid. 16 Subalit (J) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat usapin. 17 Kung ayaw pa rin niyang makinig sa kanila, idulog mo ito sa iglesya; at kung ayaw niyang makinig pati sa iglesya, ituring mo siyang isang pagano at maniningil ng buwis. 18 Tinitiyak (K) ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay natalian na sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay nakalagan na sa langit. 19 Inuulit ko, na kapag ang dalawa sa inyo ay nagkasundo dito sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin iyon para sa kanila ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagpupulong sa aking pangalan, naroroon ako sa gitna nila.” 21 Noon (L) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, hanggang ilang ulit ko po bang patatawarin ang aking kapatid kapag siya'y nagkasala sa akin? Hanggang pitong ulit po ba?” 22 Sumagot (M) si Jesus, “Hindi ko sinasabi sa iyo na hanggang pitong ulit, sa halip ay hanggang sa ikapitong pitumpu.[e]

Ang Talinghaga ng Aliping Hindi Nagpapatawad

23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing dito: May isang haring nagpasyang ipatawag ang kanyang mga alipin upang sila'y makipag-ayos tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang magsimula na siyang magkuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang sa kanya ng sampung libong talento.[f] 25 Sapagkat wala siyang maibayad, ipinag-utos ng kanyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kanyang asawa at mga anak, at samsamin ang lahat ng kanyang ari-arian upang siya'y magbayad. 26 Kaya't lumuhod ang alipin, at nakiusap, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng palugit at makababayad din ako sa lahat ng utang ko sa inyo.’ 27 Nahabag naman sa alipin ang kanyang panginoon, kaya't siya'y pinakawalan at pinatawad sa kanyang pagkakautang. 28 Subalit sa paglabas ng alipin ding iyon, ay nakita niya ang isa niyang kapwa alipin na may utang sa kanya ng isandaang denaryo. Bigla niya itong hinawakan at sinakal, ‘Magbayad ka na ng utang mo,’ ang sabi niya. 29 Lumuhod sa harap niya ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng palugit, at babayaran kita.’ 30 Subalit hindi siya mapakiusapan. Sa halip ay umalis siya at ipinakulong ang kapwa alipin[g] hanggang sa makapagbayad ito ng utang. 31 Nang makita ng iba pang mga alipin ang pangyayari, labis nila itong ikinalungkot. Pumunta sila sa kanilang panginoon at isinumbong sa kanya ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag nga siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong alipin! Pinatawad kita sa lahat ng iyong pagkakautang sapagkat nakiusap ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka sa iyong kapwa alipin, kung paanong naawa ako sa iyo?’ 34 At sa galit ay ibinigay siya ng kanyang panginoon sa mga tagapagparusa sa loob ng bilangguan hanggang sa makabayad siya sa lahat ng kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin ng aking Amang nasa langit sa bawat isa sa inyo kung hindi kayo taos-pusong magpapatawad sa inyong kapatid.”

Footnotes

  1. Mateo 18:8 o buhay na walang hanggan.
  2. Mateo 18:9 Sa Griyego, Gehenna.
  3. Mateo 18:11 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
  4. Mateo 18:14 Sa ibang manuskrito aking.
  5. Mateo 18:22 o ikapitumpu't pito.
  6. Mateo 18:24 Ang isang talento ay katumbas ng higit sa labinlimang taong sahod ng manggagawa.
  7. Mateo 18:30 Sa Griyego, kanyang ipinakulong siya.