Add parallel Print Page Options

20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(A)

21 Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.”

22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo.”

23 Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

24 Sinabi(B) ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Ang(C) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 26 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat(D) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. 28 Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari.”

Read full chapter

20 Pagkatapos ay mahigpit niyang pinagbilinan ang mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.

Sinabi ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(A)

21 Mula noon ay nagsimula si Jesus na tahasang sabihin sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem, at magdusa ng maraming bagay sa kamay ng matatandang pinuno, at sa mga pinunong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Doon, siya'y papatayin at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. 22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Kahabagan ka nawa, Panginoon! Hindi po kailanman mangyayari iyon sa iyo.” 23 Hinarap niya si Pedro at sinabihan ito, “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Sagabal ka sa akin, sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na may kinalaman sa Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”

Pasanin ang Krus at Sumunod kay Jesus

24 Pagkatapos (B) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, talikuran niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat (C) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[a] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay kanyang matatagpuan ito. 26 Sapagkat ano ang magiging pakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong daigdig subalit buhay naman niya ang kapalit? O ano ang maibibigay ng tao, kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat (D) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at gagantihan niya ang lahat ng tao ayon sa kanilang mga gawa. 28 Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makalalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang Anak ng Tao na dumarating na naghahari sa kanyang kaharian.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 16:25 o kaluluwa.

30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”

34 Pinalapit(B) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(C) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”

Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.”

30 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

31 Mula noo'y sinimulan niyang ituro sa mga alagad na ang Anak ng Tao ay dapat dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng matatandang pinuno, ng mga punong pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y papatayin ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Maliwanag niyang sinabi ang mga ito sa kanila, kaya dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. 33 Ngunit lumingon si Jesus, tumingin sa mga alagad at pinagsabihan si Pedro, “Lumayas ka sa harapan ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi galing sa tao!” 34 Tinawag (B) ni Jesus ang maraming tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Sinumang nais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat (C) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang kanyang buhay? 37 Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kanyang buhay? 38 Sinumang ikahiya ako at ang aking salita sa mapakiapid at makasalanang salinlahing ito, ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya na taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama, kasama ang mga banal na anghel.”

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa inyo rito na hindi daranas ng kamatayan hangga't hindi nila nakikita ang makapangyarihang pagdating ng kaharian ng Diyos.”