Add parallel Print Page Options

Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(A)

14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(B) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![a] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(C)

16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.

Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(D)

21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(E) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”

26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”

28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(F)

29 Mula sa sinagoga ay nagtungo agad si Jesus at ang kanyang mga alagad, kasama sina Santiago at Juan, sa bahay nina Simon at Andres. 30 Noon ay nakahiga dahil nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31 Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33 Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(G)

35 Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar na walang tao at doon ay nanalangin siya. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37 nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.”

38 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.”[b]

39 Nilibot(H) nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(I)

40 Isang taong may ketong[c] ang lumapit kay Jesus. [Lumuhod ito][d] at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”

41 Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43 Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44 at(J) pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.”

45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa mga hindi mataong lugar, subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(K)

Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”

May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: “Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?”

Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan…” sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”

12 Tumayo nga ang paralitiko habang nakatingin ang lahat. Kaagad niyang binuhat ang kanyang higaan at umalis, kaya ang lahat ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!”

Ang Pagtawag kay Levi(L)

13 Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. 14 Habang naglalakad si Jesus ay nakita niyang nakaupo sa tanggapan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya.

15 Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo,[e] tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”

17 Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”

Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(M)

18 Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?”

19 Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga't kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon. 20 Ngunit darating ang araw na kukunin mula sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.

21 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. [Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!]”[f]

Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(N)

23 Isang(O)(P) Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng trigo. 24 Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!”

25-26 Sinagot(Q) naman sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari? Nang si David at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon.”

27 Sinabi rin ni Jesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. 28 Ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Araw ng Pamamahinga.”

Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(R)

Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. Pinagmasdan ng ilang taong naroroon kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?”

Ngunit hindi sila sumagot. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nagalit siya at nalungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.

Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa

Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. Dahil(S) napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit na inutusan ni Jesus ang masasamang espiritu na huwag ipagsabi kung sino siya.

Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(T)

13 Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag ang mga taong pinili niya, at lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng labindalawa [na tinawag niyang mga apostol].[g] Hinirang niya ang mga ito upang makasama niya at isugo upang mangaral. 15 Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:][h] si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; 17 ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo (sila'y tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”); 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, 19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.

Si Jesus at si Beelzebul(U)

20 Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait.

22 Sinasabi(V) naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”

23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban-laban ang mga kaanib ng isang sambahayan, magkakawatak-watak ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag kinalaban ni Satanas ang kanyang sarili at nagkabaha-bahagi ang kanyang mga kampon, hindi siya magtatagal at iyon na ang kanyang magiging wakas.

27 “Hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas, malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit(W) ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat siya ay nagkasala ng walang hanggang kasalanan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(X)

31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae].[i]

33 “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.”

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(Y)

Muling(Z) nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang mga tao sa dalampasigan, at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya: “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami, may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisandaan.” Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.”

Ang Layunin ng Talinghaga(AA)

10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinghaga. 11 Sinabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba na nasa labas, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Nang(AB) sa gayon,

‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita,
at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa.
Kung hindi sila ganito, nagbalik-loob na sana sila sa Diyos
    at napatawad sila.’”

Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(AC)

13 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga? 14 Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhing inihahasik ay ang Salita ng Diyos 15 at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumarating si Satanas at inaalis ang salitang inihasik sa kanila.[j]

16 “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. 17 Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko.

18 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa may matitinik na halaman. Sila ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos 19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang Salita ay nawawalan ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakakapamunga.

20 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. Sila ang mga taong nakikinig at tumatanggap sa Salita ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tig-iisandaan.”

Walang Lihim na Hindi Mabubunyag(AD)

21 Nagpatuloy(AE) si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa ilalim ng takalan,[k] o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Walang(AF) natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. 23 Makinig ang may pandinig!”

24 Idinugtong(AG) pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig.[l] Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. 25 Sapagkat(AH) ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. 29 Kapag(AI) hinog na ang mga butil, agad itong ginagapas ng taong naghasik sapagkat panahon na para ito'y anihin.”

Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa(AJ)

30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. 31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga

33 Ipinangaral ni Jesus sa mga tao ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad ng mga ito, hanggang sa makakaya pa nilang makinig. 34 Tuwing nangangaral siya sa kanila ay gumagamit siya ng talinghaga, ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(AK)

35 Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. 37 Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. 38 Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, balewala ba sa inyo kung mapahamak kami?”

39 Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin, “Tigil!” at sinabi sa lawa, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa.

40 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?”

41 Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa kanya!”

Ang Pagpapagaling sa Gerasenong Sinasapian ng Masasamang Espiritu(AL)

Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay dumating sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Geraseno.[m] Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili.

Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng pakay mo sa akin? Ipangako mo sa ngalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!” Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!”

Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”

“Batalyon,[n] sapagkat marami kami,” tugon niya. 10 At nakiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon.

11 Samantala, sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 12 Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, “Papasukin mo na lamang kami sa mga baboy.” 13 Pinahintulutan niya sila kaya't lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod.

14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at sa mga baboy.

17 Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain.

18 Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, 19 ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo.”

20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon.

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Dinudugo(AM)

21 Si Jesus ay sumakay sa bangka[o] at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”

24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.

25 Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Hirap(AN) na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” 29 Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.

30 Naramdaman agad ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?”

31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?”

32 Subalit lumingun-lingon si Jesus upang tingnan kung sino ang humipo sa damit niya. 33 Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.”

35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.

36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus,[p] sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”

37 At hindi pinayagan ni Jesus na sumama sa kanya ang mga tao maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.”

40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!”

42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng makakain ang bata.

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(AO)

Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[q] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.

Dahil(AP) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(AQ)

Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at(AR) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”

10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(AS) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”

12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(AT) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(AU)

14 Nakarating(AV) kay Haring Herodes[r] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”

16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(AW) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[s]

21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[t] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.

24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.

25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”

26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(AX)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.

Footnotes

  1. Marcos 1:15 Malapit nang maghari ang Diyos!: o kaya'y Naghahari na ang Diyos .
  2. Marcos 1:38 Ito ang dahilan ng pagparito ko: o kaya'y Ito ang dahilan ng aking pag-alis sa Capernaum .
  3. Marcos 1:40 KETONG: Ang salitang ito ay tumutukoy sa maraming uri ng sakit sa balat.
  4. Marcos 1:40 Lumuhod ito: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  5. Marcos 2:16 tagapagturo…pangkat ng mga Pariseo: Sa ibang manuskrito'y tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo .
  6. Marcos 2:22 Sa halip…sa bagong sisidlang-balat: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  7. Marcos 3:14 na tinawag niyang mga apostol: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  8. Marcos 3:16 Ito ang labindalawang hinirang niya: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  9. Marcos 3:32 at mga kapatid na babae: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  10. Marcos 4:15 sa kanila: Sa ibang manuskrito'y sa kanilang mga puso .
  11. Marcos 4:21 TAKALAN: Ang takalang nabanggit dito ay sinlaki ng sisidlang maaaring maglaman ng dalawang galong tubig.
  12. Marcos 4:24 Unawain ninyong…naririnig: o kaya'y Piliin ninyo ang inyong papakinggan .
  13. Marcos 5:1 Geraseno: Sa ibang manuskrito'y Gadareno, at sa iba nama'y Gergeseno .
  14. Marcos 5:9 BATALYON: Sa hukbong sandatahan nang unang panahon, ang isang batalyon ay isang pangkat na binubuo ng limanlibo hanggang anim na libong sundalo.
  15. Marcos 5:21 sa bangka: Sa ibang manuskrito'y patungong Genesaret .
  16. Marcos 5:36 nang marinig ito ni Jesus: Sa ibang manuskrito'y hindi pinansin ni Jesus ang kanilang sinabi .
  17. Marcos 6:3 ang karpinterong anak ni Maria: Sa ibang manuskrito'y ang anak ng karpintero at ni Maria .
  18. Marcos 6:14 HARING HERODES: Ang haring ito ay si Herodes Antipas na gobernador ng Galilea, at anak ni Herodes na Dakila.
  19. Marcos 6:20 kahit labis…sinasabi nito: Sa ibang manuskrito'y kahit na taliwas ang mga ginagawa niya sa sinasabi nito; at sa iba pang mga manuskrito'y kaya't marami siyang ginagawa ayon sa sinasabi nito .
  20. Marcos 6:22 anak na babae ni Herodias: Sa ibang manuskrito'y anak niyang si Herodias .