Añadir traducción en paralelo Imprimir Opciones de la página

Ang Lalaking Mayaman(A)

17 Sa pagpapatuloy ni Jesus sa paglalakbay, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya, lumuhod sa kanyang harapan, at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti maliban sa isa—ang Diyos. 19 Alam (B) mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; Huwag kang mandadaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 20 “Guro,” sabi ng lalaki, “Ginampanan ko po ang lahat ng iyan mula pa sa aking kabataan.” 21 Sa pagtingin ni Jesus sa lalaki, minahal niya ito at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay mo ang salapi sa mga dukha. Sa gayon, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nanlumo ang lalaki dahil sa sinabing ito, at umalis siyang nalulungkot sapagkat marami siyang ari-arian. 23 Tumingin si Jesus sa paligid, at sinabi sa mga alagad, “Napakahirap para sa mayayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 24 Namangha ang mga alagad sa sinabing ito ni Jesus. Ngunit muling nagsalita si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Lalong nagtaka ang mga alagad, at sinabi nila sa isa't isa, “Kung gayo'y sino ang maaaring maligtas?” 27 Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “Hindi ito kayang gawin ng tao; ngunit kaya ng Diyos. Sapagkat lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 28 Nagsimulang magsabi si Pedro kay Jesus, “Tingnan po ninyo. Iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain, dahil sa akin at dahil sa Magandang Balita, 30 na hindi tatanggap sa panahong ito ng makaisandaang ulit ng mga bahay, mga kapatid, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating ay tatanggap siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit (C) maraming nauuna ang mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”

Read full chapter

Ang Mayamang Lalaki(A)

18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti maliban sa Diyos. 20 Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya. Huwag kang pumatay. Huwag kang magnakaw. Huwag kang magsinungaling sa iyong patotoo. Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 21 At sinabi ng lalaki, “Tinupad ko na ang lahat ng ito mula pa sa pagkabata.” 22 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi sa kanya, “Isa pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng mayroon ka at ipamahagi mo ito sa mahihirap at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Labis na nalungkot ang lalaki sa narinig, sapagkat siya ay napakayaman. 24 Nang makita ni Jesus ang kanyang kalungkutan ay sinabi niya, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Sapagkat mas madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Kaya't sinabi ng mga nakarinig, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus. 28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan po ninyo. Iniwan po namin ang lahat at sumunod sa inyo.” 29 At sinabi niya sa kanila, “Tandaan ninyo ito: sinumang mag-iwan ng tahanan, o asawa, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak para sa kapakanan ng paghahari ng Diyos 30 ay tiyak na tatanggap ng patung-patong na kapalit sa panahong ito at ng buhay na walang hanggan sa panahong darating.”

Read full chapter