Add parallel Print Page Options

Ang mga Minanang Turo(A)

Nang sama-samang lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ilang tagapagturo ng Kautusan na nanggaling sa Jerusalem, nakita nila ang ilan sa kanyang alagad na kumakaing marumi ang kamay, samakatuwid, ay hindi nahugasan ayon sa kaugalian. Ang mga Fariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas na mabuti ng mga kamay. Ginagawa nila ito bilang pagsunod sa turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Kapag nanggaling sila sa mga pamilihan, hindi sila kakain nang hindi muna naglilinis. Marami pa silang sinusunod na minanang turo gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.[a] Kaya't tinanong si Jesus ng mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turong ipinamana ng ating mga ninuno at kumakain sila nang marurumi ang kamay?” Sumagot (B) si Jesus sa kanila, “Akma nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo. Mga mapagkunwari! Ayon sa nasusulat,

‘Iginagalang ako ng mga taong ito ng kanilang mga labi,
    subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
    pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’

Tinatalikuran ninyo ang utos ng Diyos at niyayakap ang tradisyon ng mga tao.”

Sinabi pa niya sa kanila, “Napakahusay ninyong magpawalang-bisa sa utos ng Diyos, masunod lamang ang mga turong minana ninyo. 10 Isang (C) halimbawa ang sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay!’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na sinuman ang magsabi sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Corban, ibig sabihi'y handog ko sa Diyos,’ 12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya hinahayaang tumulong sa kanyang ama o ina. 13 Sa gayong paraa'y pinawawalang-saysay ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong mga minanang kaugalian. Marami pa kayong ginagawang tulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(D)

14 Muling pinalapit ni Jesus ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang isinusubo ng tao ang nagpaparumi sa kanya; ang lumalabas sa kanya ang nagpaparumi sa tao.” 16 [Makinig ang sinumang may pandinig.][b] 17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at pagkapasok niya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba kayo'y hindi nakauunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya? 19 Sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi!” Sa sinabing ito ay ipinahayag niya na malinis ang lahat ng pagkain. 20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. 21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang, 22 mga pangangalunya, mga pag-iimbot, mga kabuktutan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paglapastangan, kapalaluan, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay sa loob nagmumula at siyang nagpaparumi sa tao.”

Ang Pananampalataya ng Isang Babaing Taga-Sirofenicia(E)

24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon, at ayaw sana niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi naman ito maitago. 25 Nabalitaan ng isang babaing may anak na sinasaniban ng maruming espiritu na naroon si Jesus. Kaya't nagpunta agad siya kay Jesus at nagpatirapa sa kanyang paanan. 26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isinilang sa Sirofenicia. Nagmakaawa siya kay Jesus[c] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae. 27 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kailangang ang mga anak muna ang mapakain. Hindi dapat kunin ang tinapay ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” 28 Ngunit tumugon ang babae, “Opo, Panginoon, ngunit kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na tinapay ng mga anak.” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan niyang nakahiga ang anak sa higaan. Iniwan na ito ng demonyo.

Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi

31 Sa pagbabalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. 32 Doon ay dinala sa kanya ng ilang tao ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita. Nakiusap sila sa kanya na ipatong ang kanyang kamay sa lalaki. 33 Matapos mailayo ang lalaki mula sa karamihan, ipinasok ni Jesus ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng bingi. Pagkatapos nito'y dumura siya at hinipo ang dila nito. 34 Tumingala siya sa langit, huminga nang malalim, at sinabi sa lalaki, “Effata!” na ibig sabihi'y “Mabuksan!” 35 Agad nakarinig ang lalaki, at parang may taling nakalag sa kanyang dila, at nakapagsalita nang malinaw. 36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman. Ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nilang ipinamamalita ang nangyari. 37 Manghang-mangha ang mga tao. Sinabi nila, “Maganda ang lahat ng kanyang ginagawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi.”

Footnotes

  1. Marcos 7:4 Sa ibang mga matatandang manuskrito may dagdag na mga higaan.
  2. Marcos 7:16 Wala ang talatang ito sa ibang naunang manuskrito.
  3. Marcos 7:26 Sa Griyego, sa kanya.