Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapagaling sa Paralitiko(A)

Nang magbalik si Jesus sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balitang siya'y nasa kanilang bahay. Nagtipon doon ang maraming tao, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. Ipinangangaral niya sa kanila ang salita. Dumating ang apat na lalaking may buhat na lalaking paralitiko. Dahil sa dami ng tao ay hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus, kaya't binakbak nila ang bubungan sa tapat niya. Pagkatapos nito'y ibinaba nila ang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.” Ang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon ay nag-iisip ng ganito: “Bakit ganyan ang salita ng taong iyan? Kalapastanganan iyan! Hindi ba't Diyos lamang ang makapagpapatawad ng kasalanan?” Kaagad nabatid ni Jesus sa kanyang kalooban ang tanong sa kanilang pag-iisip, kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’ 10 Ngunit upang malaman ninyo na dito sa lupa ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa paralitiko, 11 “Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 12 Bumangon nga ang lalaki, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Dahil dito'y namangha ang lahat at niluwalhati ang Diyos. Sinabi nila, “Wala pa kaming nakitang tulad nito!”

Ang Pagtawag kay Levi(B)

13 Nagbalik si Jesus sa dalampasigan ng Galilea. Pinuntahan siya roon ng napakaraming tao at nagturo siya sa mga ito. 14 Sa kanyang paglalakad, nakita niyang nakaupo sa bayaran ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. “Sumunod ka sa akin,” sabi sa kanya ni Jesus. Tumayo naman si Levi at sumunod sa kanya.

15 Habang naghahapunan si Jesus sa bahay ni Levi, kasalo niya at ng kanyang mga alagad ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Marami sa kanila ang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ng mga tagapagturo ng Kautusan na[a] kabilang sa mga Fariseo ang mga makasalanan at ang mga maniningil ng buwis, na kasalo ni Jesus, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya nakikisalo sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 17 Narinig sila ni Jesus, kaya't sinabi sa kanila, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”

Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(C)

18 Nag-aayuno noon ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. May mga lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ng mga Fariseo, ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?” 19 Sumagot si Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno. 20 Ngunit darating ang panahong kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal; doon pa lamang sila makapag-aayuno. 21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, hahatakin nito ang luma, at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin ng bagong alak ang lumang balat. Matatapon lamang ang alak at masisira ang mga sisidlang-balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat.”

Ang Pamimitas ng Trigo sa Araw ng Sabbath(D)

23 Isang (E) araw ng Sabbath, napadaan sina Jesus sa isang bukirin ng trigo. Sa kanilang paglalakad, namitas ng uhay ang kanyang mga alagad. 24 Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit ginagawa ng mga alagad mo ang ipinagbabawal sa araw ng Sabbath?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain? 26 Noong (F) si Abiatar ang Kataas-taasang Pari, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan, gayong ang mga pari lamang ang pinahihintulutang kumain niyon.” 27 Sinabi ni Jesus, “Nagkaroon ng Sabbath para sa tao, at hindi ng tao para sa Sabbath. 28 Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”

Footnotes

  1. Marcos 2:16 Sa ibang mga kasulatan at.