Add parallel Print Page Options

Ang Planong Pagpatay kay Jesus(A)

14 Dalawang araw na lang noon bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel[a] at Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng pagkakataon upang lihim nilang madakip at maipapatay si Jesus. Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(B)

Nang si Jesus ay nasa Betania, habang kumakain siya sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, dumating ang isang babae. May dala siyang mamahaling pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. Ang pabangong ito ay puro at mula sa tanim na “nardo.” Binasag niya ang leeg ng sisidlan at saka ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang ilang tao na naroon. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabango? Maipagbibili sana iyan sa halagang katumbas ng isang taong sweldo, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” At pinagalitan nila ang babae. Pero sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Bakit nʼyo siya ginugulo? Mabuti itong ginawa niya sa akin. Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama at maaari kayong tumulong sa kanila kahit anong oras, pero ako ay hindi nʼyo laging makakasama. Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya para sa akin. Binuhusan niya ng pabango ang katawan ko bilang paghahanda sa aking libing. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)

10 Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari upang ipagkanulo si Jesus. 11 Natuwa sila nang malaman nila ang pakay ni Judas, at nangako silang bibigyan siya ng pera. Kaya mula noon, humanap si Judas ng pagkakataon upang maibigay si Jesus sa kanila.

Ang Huling Hapunan ni Jesus Kasama ang mga Tagasunod Niya(D)

12 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ito ang araw na inihahandog ang tupa na kinakain sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 13-14 Inutusan niya ang dalawa sa mga tagasunod niya, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, at doon ay may masasalubong kayong isang lalaking may pasan na isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking kwarto sa itaas, kumpleto na ng kagamitan at nakahanda na. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.” 16 Umalis ang dalawa niyang tagasunod. At nang dumating sila sa lungsod, nakita nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

17 Kinagabihan, dumating si Jesus at ang 12 tagasunod. 18 Habang kumakain na sila sa mesa, sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo na kasalo ko sa pagkain ay magtatraydor sa akin.” 19 Nalungkot sila nang marinig ito, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba?” 20 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Isa siya sa inyong 12 na kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin. Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.”

Huling Hapunan ni Jesus(E)

22 Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Jesus. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya at sinabi, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 23 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[b] nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. At uminom silang lahat. 24 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo na ibubuhos para sa maraming tao. Ito ang katibayan ng bagong kasunduan ng Dios sa mga tao. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin.” 26 Umawit sila ng papuri sa Dios at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.

Read full chapter

Footnotes

  1. 14:1 Pista ng Paglampas ng Anghel: Tingnan sa Exo. 12:1-30 kung paano nagsimula ang pistang ito.
  2. 14:23 inumin: sa literal, kopa.

Balak Patayin si Jesus(A)

14 Dalawang (B) araw na lamang bago ang Paskuwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Patuloy na naghanap ng paraan ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kung paano palihim na maipadadakip si Jesus at maipapatay. Sinabi nila, “Huwag sa panahon ng pista at baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Samantalang (D) nasa Betania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, habang nakaupo siya sa may hapag-kainan ay dumating ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng pabango. Mamahalin ang pabangong ito na mula sa katas ng purong nardo. Binasag ng babae ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Ngunit may ilan doong galit na nagsabi sa isa't isa, “Bakit sinayang nang ganyan ang pabango? Maaari sanang ipagbili ang pabangong iyan ng higit sa tatlong daang denaryo[a] at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At kanilang pinagalitan ang babae. Ngunit sinabi ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Hayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. Lagi (E) ninyong kasama ang mga dukha, at kapag nais ninyo, maaari ninyo silang gawan ng mabuti! Ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama. Ginawa niya ang kanyang makakaya. Binuhusan na niya ako ng pabango bilang paghahanda sa aking libing. Tinitiyak ko sa inyo, saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, sasabihin ang ginawa ng babaing ito bilang pag-alaala sa kanya.”

Pumayag si Judas na Ipagkanulo si Jesus(F)

10 Pagkatapos, si Judas Iscariote, isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus sa kanila. 11 Natuwa ang mga punong pari nang marinig ito at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y naghanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.

Si Jesus at ang mga Alagad nang Araw ng Paskuwa(G)

12 Nang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa araw ng paghahain ng kordero ng Paskuwa, tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo gustong ipaghanda namin kayo upang makakain ng hapunang pampaskuwa?” 13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa lungsod at masasalubong ninyo doon ang isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya. 14 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay na kanyang papasukan, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng hapunang pampaskuwa, kasalo ang kanyang mga alagad.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nakahanda na at mayroon nang mga kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” 16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lungsod, at natagpuan doon ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa. 17 Kinagabihan, dumating si Jesus kasama ang labindalawa. 18 Nang (H) nakaupo na sila at kumakain, sinabi ni Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo na ipagkakanulo ako ng isa sa inyong kasalo ko ngayon.” 19 Nalungkot ang mga alagad at isa-isang nagsabi sa kanya, “Hindi ako iyon, Panginoon, di po ba?” 20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa inyong labindalawa na kasabay ko sa pagsawsaw sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na ipinanganak.”

Ang Hapunan ng Panginoon(I)

22 Habang kumakain sila, kumuha si Jesus ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagputul-putol niya ang tinapay, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Tanggapin ninyo; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos, iniabot ito sa mga alagad at mula roon ay uminom silang lahat. 24 Sinabi (J) niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[b] na ibinubuhos para sa marami. 25 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak mula sa katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na uminom ako nang panibago sa kaharian ng Diyos.” 26 Pagkaawit ng isang himno, lumabas sila at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 14:5 “denaryo” ay katumbas ng halos isang taong sahod ng karaniwang manggagawa.
  2. Marcos 14:24 Sa ibang mga manuskrito bagong tipan.