Add parallel Print Page Options

Ang Tanda ng Huling Panahon

13 Habang si Jesus ay papalabas na sa templo, isa sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya: Guro, narito, anong ganda ng mga bato at anong ganda ng mga gusali.

Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitirang bato sa ibabaw ng isang bato na hindi babagsak.

Si Jesus ay umupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo. Tinanong siya ng lihim nina Pedro, Santiago, Juan at Andres. Sinabi nila: Sabihin mo sa amin: Kailan mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang tanda na ang ang lahat mga bagay na ito ay mangyayari na.

Sa pagsagot ni Jesus sa kanila, nagsimula siyang magsabi: Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ninuman. Ito ay sapagkat marami ang darating sa aking pangalan. Sila ay magsasabi: Ako siya. At ililigaw nila ang marami. Kapag marinig ninyo ang mga digmaan at mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mangamba. Ito ay sapagkat kailangang mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Ito ay sapagkat may mga bansa na babangon laban sa bansa at mga paghahari laban sa paghahari. Magkaka­roon ng mga lindol sa iba’t ibang dako. Magkakaroon ng mga taggutom at mga kaguluhan. Ang mga ito ang simula ng kahirapang tulad ng mga nararamdamang sakit ng babaeng manganganak.

Datapuwat ingatan ninyo ang inyong sarili sapagkat: Ibibigay nila kayo sa mga sanggunian at sa mga sinagoga. Kayo ay kanilang hahagupitin at dadalhin sa harapan ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin. Dahil sa mga bagay na ito, kayo ay magiging patotoo sa kanila. 10 Kinakailangang ipangaral muna sa lahat ng mga bansa ang ebanghelyo. 11 Kapag kayo ay hulihin at dalhin sa hukuman, huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin. Huwag din ninyong pakaisipin kung ano ang inyong sasabihin. Subalit kung ano ang ipagkaloob sa inyo sa sandaling iyon, iyon ang inyong sabihin sapagkat hindi kayo ang magsasalita sa kanila kundi ang Banal na Espiritu.

12 Ibibigay ng kapatid sa kamatayan ang kapatid, ibibigay ng ama ang kaniyang anak. At ang mga anak ay maghihi­magsik sa mga magulang at kanila silang ipapapatay. 13 Kayo ay kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Subalit siya na magtitiis hanggang wakas ay maliligtas.

14 Makikita ninyo ang kasuklam-suklam na tao na maninira, na nakatayo doon sa hindi niya dapat kalagyan. Isinulat ni Daniel na propeta ang patungkol sa kaniya. Unawain ito ng bumabasa. Kapag nakita ninyo ito, ang nasa Judea ay magmadaling tumakbo sa bundok. 15 Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba sa bahay. Huwag na rin siyang pumasok upang maglabas ng anuman sa kaniyang bahay. 16 Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kaniyang kasuotan. 17 Sa aba ng mga nagdadalangtao at sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 18 Manalangin kayo na huwag mangyari sa taglamig ang inyong pagtakas. 19 Ito ay sapagkat sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kahirapan. Ang mga ganito ay hindi pa nangyayari mula pa sa unang nilalang na nilikha ng Diyos hanggang ngayon at ito ay hindi mangyayari kailanman. 20 Kung hindi babawasan ng Panginoon ang bilang ng mga araw na iyon ay walang taong makakaligtas. Subalit dahil sa hirang na kaniyang pinili, babawasan niya ang mga araw na iyon.

Ang Pagdating ng Paghahari ng Diyos

21 Kaya kung may magsabi sa inyo: Narito, ang Mesiyas ay narito na. O narito, ang Mesiyas ay naroon. Huwag ninyo itong paniwalaan.

22 Ito ay sapagkat mayroong lilitaw na mga bulaang Mesiyas at mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga tanda at mga kamangha-manghang gawa. Gagawin nila ito upang dayain kung maaari kahit ang hinirang. 23 Subalit mag-ingat kayo. Narito, sinabi ko na sa inyo noong una ang lahat ng mga bagay.

24 Ngunit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kahirapang iyon,

ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag.

25 Ang mga bituin ng langit ay malalaglag. Ang mga kapang­yarihan na nasa mga langit ay mayayanig.

26 Sa oras ding iyon, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating, na nasa mga ulap, na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 Sa oras ding iyon, susuguin niya ang mga anghel. Titipunin niya ang kaniyang mga pinili mula sa apat na sulok ng daigdig. Titipunin niya sila mula sa dulo ng daigdig hanggang sa dulo ng langit.

28 Pag-aralan ninyo ang talinghaga ng puno ng igos. Kapag ang sanga nito ay nananariwa na at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. 29 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mgabagay na ito, alam ninyo na malapit na, nasa mga pintuan na. 30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito. 31 Ang langit at ang lupa ay lilipas subalit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.

Walang Nakakaalam sa Araw at Oras

32 Ngunit patungkol sa araw o oras na iyon walang nakakaalam, kahit na ang mga anghel sa langit, kahit na ang Anak kundi ang Ama lamang ang nakakaalam.

33 Kayo ay mag-ingat, magpuyat at manalangin, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang panahon. 34 Ito ay tulad ng isang taong naglakbay at lumabas sa lupain. Iniwan niya ang kaniyang bahay at ibinigay ang kapamahalaan sa kaniyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng sariling gawain. Inutusan din niya ang tanod-pinto na magbantay.

35 Magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay. Maaari siyang dumating sa gabi, o sa hatinggabi, o sa pagtilaok ng manok, o sa umaga. 36 Maaaring sa bigla niyang pagdating ay masumpungan kang natutulog. 37 Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat. Magbantay kayo.

Sinabi ang Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang lumabas si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki ng mga bato at napakaganda ng mga gusali!” Sinabi ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Wala ni isa mang bato dito ang matitirang nakapatong sa ibabaw ng isa pang bato. Iguguho ang lahat na iyan!”

Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, sarilinan siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres, “Maaari po bang sabihin ninyo kung kailan mangyayari ang mga ito at ano ang magiging palatandaan na malapit nang mangyari ang lahat ng mga ito?” Sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw ninuman. Marami ang darating na gumagamit ng aking pangalan at magsasabing sila ang Cristo at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababahala kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Kailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Maglalaban-laban ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng mga lindol at taggutom sa iba't ibang lugar. Pasimula lamang ang mga ito ng paghihirap tulad ng sa panganganak. Mag-ingat (C) kayo! Dadalhin kayo sa mga hukuman at hahampasin sa mga sinagoga. Ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari upang sa kanila'y magpatotoo kayo alang-alang sa akin. 10 Kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. 11 Kapag kayo'y dinala nila at iharap sa paglilitis, huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong sasabihin. Sabihin ninyo ang ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon sapagkat hindi na kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay. Gayon din ang sa kanyang anak. Maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang at ang mga ito'y ipapapatay. 13 Kamumuhian (D) kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.

Ang Matinding Kapighatian(E)

14 “Ngunit (F) kapag nakita na ninyo ang karumal-dumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ito ng bumabasa), dapat nang tumakas ang mga nasa Judea patungo sa kabundukan. 15 Ang (G) nasa ibabaw ng bahay ay huwag nang bumaba o pumasok ng bahay upang kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukirin ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal. 17 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 18 Ipanalangin ninyo na huwag itong mangyari sa taglamig. 19 Sapagkat (H)magkakaroon sa mga araw na iyon ng kapighatiang walang kapantay, na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at wala nang mararanasang tulad nito kailanman. 20 Malibang paikliin ng Panginoon ang araw na iyon ay walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang na kanyang tinawag, pinaikli niya ang mga araw na iyon. 21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo! Narito ang Cristo!’ o kaya'y, ‘Tingnan ninyo! Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga huwad na Cristo at ang mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang kung maaari'y mailigaw nila ang mga hinirang. 23 Kaya mag-ingat kayo! Sinabi ko na sa inyo ang lahat bago pa ito mangyari.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(I)

24 “Ngunit (J) pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at hindi magliliwanag ang buwan, 25 at (K) malalaglag ang mga bituin mula sa kalangitan, at mayayanig ang mga panlangit na kapangyarihan. 26 At (L) ang Anak ng Tao ay makikitang dumarating na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 At pagkatapos ay isusugo niya ang kanyang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na sulok, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(M)

28 “Unawain ninyo ang aral mula sa punong igos: Kapag nananariwa ang mga sanga nito, at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga ito, alam ninyong malapit na, nasa mga pintuan na. 30 Tinitiyak ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito hanggang maganap ang mga ito. 31 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(N)

32 “Subalit (O) tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, maliban sa Ama. 33 Mag-ingat kayo at maging handa[a], sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang takdang panahon. 34 Tulad (P) nito ay isang taong umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya'y iniwan niya sa kanyang mga alipin ang pamamahala. Binigyan niya ng tungkulin ang bawat isa, at inutusan ang tanod sa pinto na magbantay. 35 Kaya nga magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan babalik ang panginoon ng sambahayan, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa pagbubukang-liwayway. 36 Baka bigla siyang dumating at madatnan niya kayong natutulog. 37 Anumang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo.”

Footnotes

  1. Marcos 13:33 Sa ibang manuskrito may karugtong na “at manalangin”