Añadir traducción en paralelo Imprimir Opciones de la página

Si Jesus ay Nagturo at Nanggamot(A)

17 Bumaba siya na kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at sa Jerusalem at sa baybayin ng Tiro at Sidon, na pumaroon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit;

18 at ang mga pinahirapan ng masasamang espiritu ay pinagaling.

19 Pinagsikapan ng lahat na siya'y mahipo, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya at pinagaling niya ang lahat.

Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(B)

20 Tumingin siya sa kanyang mga alagad at sinabi,

“Mapapalad kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Mapapalad kayong nagugutom ngayon,
    sapagkat kayo'y bubusugin.
Mapapalad kayong tumatangis ngayon
    sapagkat kayo'y tatawa.

22 Mapapalad(C) kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, kung kayo'y layuan at kayo'y alipustain, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masama dahil sa Anak ng Tao.

23 Magalak(D) kayo sa araw na iyon at lumukso kayo sa tuwa, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 “Subalit kahabag-habag kayong mayayaman,
    sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo'y magugutom.
    “Kahabag-habag kayong tumatawa ngayon,
    sapagkat kayo'y magluluksa at magsisiiyak.

26 “Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.

Read full chapter

Si Jesus ay Nagturo at Nagpagaling ng may Sakit(A)

17 At bumaba si Jesus kasama nila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang malaking pangkat ng kanyang mga alagad at ang napakaraming taong buhat sa buong Judea at sa Jerusalem at sa mga baybaying bayan ng Tiro at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang mapakinggan siya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(B)

20 At tumingin si Jesus sa kanyang mga alagad, at sinabi niya,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Pinagpala kayong ngayon ay nagugutom,
    sapagkat kayo ay bubusugin.
Pinagpala kayong ngayon ay tumatangis,
    sapagkat kayo ay hahalakhak.

22 Pinagpala kayo kung kinapopootan kayo ng mga tao, at kung ipinagtatabuyan kayo at inaalipusta, at kung kinasusuklaman na tila masama ang inyong pangalan dahil sa Anak ng Tao. 23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumundag sa kagalakan sapagkat tiyak na malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 Subalit kaysaklap ng sasapitin ninyong mayayaman,
    sapagkat tinamasa na ninyo ang inyong kaginhawahan.
25 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo ay magugutom.
Kaysaklap ng sasapitin ninyong tumatawa ngayon
    sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis.

26 Kaysaklap ng sasapitin ninyo kapag lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Read full chapter