Add parallel Print Page Options

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(A)

Pagkatapos ay tinipon ni Jesus[a] ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga sakit.

Sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga may sakit.

At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay, kahit tungkod man, o supot, o tinapay, o salapi, at huwag ding magkaroon ng dalawang tunika.

Sa alinmang bahay kayo pumasok, doon kayo tumigil, at buhat doo'y umalis kayo.

Saanman(B) (C) kayo hindi tanggapin, sa pag-alis ninyo sa bayang iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang patotoo laban sa kanila.”

At sila'y umalis at nagtungo sa lahat ng mga nayon na ipinangangaral ang magandang balita at nagpapagaling ng mga sakit sa lahat ng lugar.

Naguluhan si Herodes(D)

Nabalitaan(E) noon ni Herodes na tetrarka ang lahat nang nangyari at siya'y naguluhan, sapagkat sinasabi ng ilan na si Juan ay muling binuhay mula sa mga patay,

at ng ilan na si Elias ay nagpakita, at ng mga iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay bumangon.

Sinabi ni Herodes, “Si Juan ay pinugutan ko ng ulo, subalit sino ang taong ito na marami akong naririnig tungkol sa kanya na gayong mga bagay?” At pinagsikapan niyang makita si Jesus.[b]

Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Tao(F)

10 Sa kanilang pagbabalik, ibinalita ng mga apostol kay Jesus[c] ang mga bagay na kanilang ginawa. Kanyang isinama sila at palihim na nagtungo sa isang bayan na tinatawag na Bethsaida.

11 Subalit nang malaman ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kanya. Sila'y masaya niyang tinanggap at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga nangangailangan ng pagpapagaling.

12 Nang patapos na ang araw na iyon, lumapit ang labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin mo ang mga tao upang sila'y makapunta sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibot at makahanap ng matutuluyan at makakain, sapagkat tayo'y narito sa isang ilang na dako.”

13 Subalit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila, “Mayroon tayong hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, malibang kami'y umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.”

14 Sapagkat mayroon doong halos limang libong lalaki at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila ng pangkat-pangkat na may tiglilimampu bawat isa.”

15 Ginawa nila iyon at pinaupo silang lahat.

16 At pagkakuha niya sa limang tinapay at sa dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala, at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa mga alagad upang ihain sa napakaraming tao.

17 Silang lahat ay kumain at nabusog at pinulot nila ang lahat ng natira, labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(G)

18 Minsan, nang si Jesus[d] ay nananalanging mag-isa, ang mga alagad ay kasama niya at tinanong niya sila, “Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?”

19 Sila'y(H) sumagot, “Si Juan na Tagapagbautismo; subalit sinasabi ng iba, si Elias; at ng iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.”

20 At(I) sinabi niya sa kanila, “Subalit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro, “Ang Cristo ng Diyos.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Pagdurusa at Kamatayan(J)

21 Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino,

22 na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin.”

23 At(K) sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin.

24 Sapagkat(L) ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito.

25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili?

26 Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.

27 Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”

Ang Pagbabagong Anyo(M)

28 At(N) pagkaraan ng mga walong araw pagkatapos ng mga salitang ito, isinama ni Jesus[e] sina Pedro, Juan, at Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin.

29 Samantalang siya'y nananalangin, ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti.

30 At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias,

31 na nagpakita sa kaluwalhatian at nag-usap tungkol sa pagpanaw niya na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.

32 Si Pedro at ang kanyang mga kasamahan ay nakatulog nang mahimbing, subalit nang sila'y nagising ay nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya.

33 At samantalang sila'y papalayo sa kanya, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo'y dumito. Gumawa tayo ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias,” na hindi nalalaman ang kanyang sinabi.

34 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, dumating ang isang ulap, at sila'y nililiman. Sila'y natakot nang sila'y pumasok sa ulap.

35 At(O) may tinig na nanggaling sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili,[f] makinig kayo sa kanya!”

36 Pagkatapos magsalita ng tinig, si Jesus ay natagpuang nag-iisa. At sila'y nanatiling tahimik at hindi sinabi kanino man ng mga araw na iyon ang alinman sa mga bagay na kanilang nakita.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(P)

37 Nang sumunod na araw, pagbaba nila mula sa bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao.

38 At may isang lalaki mula sa maraming tao ang sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa iyo na tingnan mo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya'y aking kaisa-isang anak.

39 Walang anu-ano'y inaalihan siya ng isang espiritu at biglang nagsisigaw. Siya'y pinangingisay nito hanggang sa bumula ang kanyang bibig, at siya'y binubugbog, at halos ayaw siyang hiwalayan.

40 Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ito subalit hindi nila kaya.”

41 Sumagot si Jesus, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako makikisama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.”

42 Samantalang siya'y lumalapit ay itinumba siya ng demonyo, at pinapangisay. Subalit sinaway ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kanyang ama.

Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(Q)

43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. Subalit habang ang lahat ay namamangha sa lahat ng kanyang ginagawa ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,

44 “Hayaang ang mga salitang ito ay pumasok sa inyong mga tainga, sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.”

45 Subalit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito at ito'y inilihim sa kanila, upang ito'y hindi nila mabatid. At natakot silang magtanong sa kanya tungkol sa salitang ito.

Sino ang Pinakadakila(R)

46 Nagkaroon(S) ng isang pagtatalo sa kanila kung sino sa kanila ang pinakadakila.

47 Subalit dahil batid ni Jesus ang iniisip ng kanilang puso, kumuha siya ng isang maliit na bata at inilagay sa kanyang tabi.

48 At(T) sinabi sa kanila, “Sinumang tumanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tinatanggap ako, at ang sinumang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin, sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ay siyang dakila.”

Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(U)

49 Sumagot si Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at aming pinagbawalan siya, sapagkat hindi siya sumusunod na kasama namin.”

50 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nayon ng mga Samaritano

51 Nang malapit na ang mga araw upang siya'y tanggapin sa itaas, itinutok niya ang kanyang sarili[g] sa pagpunta sa Jerusalem.

52 Nagpadala siya ng mga sugo na una sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya.

53 Subalit hindi nila tinanggap siya, sapagkat siya[h] ay nakatutok sa Jerusalem.

54 At(V) nang makita ito nina Santiago at Juan na kanyang mga alagad ay sinabi nila, “Panginoon, ibig mo bang kami ay magpababa ng apoy mula sa langit upang sila'y tupukin?”[i]

55 Subalit humarap siya at sila'y sinaway.[j] At sila'y pumunta sa ibang nayon.

Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(W)

57 Habang naglalakad sila sa daan ay may nagsabi sa kanya, “Ako'y susunod sa iyo saan ka man magpunta.”

58 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang mapaghiligan man lamang ng kanyang ulo.”

59 Sinabi niya sa iba, “Sumunod ka sa akin.” Subalit siya'y sumagot, “Panginoon, hayaan mo muna akong umalis at ilibing ko ang aking ama.”

60 Subalit sinabi ni Jesus[k] sa kanya, “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.”

61 At(X) sinabi naman ng isa pa, “Ako'y susunod sa iyo, Panginoon, subalit hayaan mo muna akong magpaalam sa mga nasa bahay ko.”

62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Walang sinumang humahawak sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Footnotes

  1. Lucas 9:1 Sa Griyego ay niya .
  2. Lucas 9:9 Sa Griyego ay siya .
  3. Lucas 9:10 Sa Griyego ay sa kanya .
  4. Lucas 9:18 Sa Griyego ay siya .
  5. Lucas 9:28 Sa Griyego ay niya .
  6. Lucas 9:35 Sa ibang mga kasulatan ay Minamahal .
  7. Lucas 9:51 Sa Griyego ay mukha .
  8. Lucas 9:53 Sa Griyego ay ang kanyang mukha .
  9. Lucas 9:54 Sa ibang mga kasulatan ay may dagdag na gaya ng ginawa ni Elias .
  10. Lucas 9:55 Sa ibang mga kasulatan ay sinaway sila at sinabi, “Hindi ninyo alam kung ano ang espiritu ninyo, 56 sapagkat hindi dumating ang Anak ng Tao upang sirain ang buhay ng tao kundi iligtas sila.”
  11. Lucas 9:60 Sa Griyego ay niya .