Lucas 8-10
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Babaing Kasama ni Jesus
8 Pagkatapos nito, nagtungo si Jesus sa bawat lungsod at nayon at sa mga lugar na iyon ay nangangaral at naghahayag ng mabuting balita ng paghahari ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa, 2 at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at karamdaman. Kabilang dito si Maria na kung tawagin ay Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas mula sa kanya. 3 Kasama rin si Juana na asawa ni Chuza na katiwala ni Herodes, si Susana at iba pang mga babaing nag-abot ng tulong sa kanila mula sa kanilang mga pag-aari.
Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)
4 Nang dumating ang napakaraming tao at lumapit kay Jesus ang mga tao mula sa bawat bayan, nangusap siya sa kanila sa pamamagitan ng isang talinghaga. 5 “Lumabas ang manghahasik upang magsaboy ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Natapakan ang mga ito at tinuka ng mga ibon. 6 Ang iba naman ay nalaglag sa batuhan. Tumubo ang mga ito, ngunit dahil kulang sa halumigmig, ay agad na natuyo. 7 Ang iba pa ay nalaglag sa gitna ng tinikan at sa kanilang paglaki ay sinakal ng mga tinik na lumaking kasama nila. 8 Ngunit ang iba ay nalaglag sa mabuting lupa, tumubo at sa paglaki ng mga ito ay namunga ng sandaan.” Pagkasabi niya nito, siya ay nanawagan, “Ang may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)
9 Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang hiwaga ng paghahari ng Diyos, ngunit sa iba ay sa talinghaga ako mangungusap. Kaya't sa pagtingin ay hindi sila makakakita at sa pakikinig ay hindi sila makauunawa.”
Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(C)
11 “Ngayon, ito ang kahulugan ng talinghaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga nalaglag sa daan ay ang mga nakarinig, ngunit nang dumating ang diyablo ay inagaw nito ang salita mula sa kanilang puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig sa salita at tumanggap dito nang may kagalakan. Ngunit sa kawalan ng ugat, sandali lamang sila nanampalataya at tumalikod sa panahon ng pagsubok. 14 Ang mga napadpad sa tinikan ay ang mga nakarinig ngunit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal ng kabalisahan, mga kayamanan at mga layaw ng buhay kaya't hindi nahinog ang kanilang bunga. 15 Ngunit ang mga nalaglag sa mabuting lupa ay iyong mga nakarinig ng salita at iningatan ito sa kanilang puso nang may katapatan at kabutihan kaya nagbunga ang kanilang pagtitiyaga.”
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(D)
16 “Walang nagsindi ng ilawan at pagkatapos ay magtatago nito sa takalan o kaya ay ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, ito ay ilalagay niya sa lalagyan upang makakita ng liwanag ang mga papasok. 17 Sapagkat walang nakatago na hindi magiging hayag, ni walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag. 18 Kaya mag-ingat kung paano kayo nakikinig, sapagkat ang mayroon ay pagkakalooban pa, ngunit ang wala, kahit ang inaakala niyang kanya ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(E)
19 Pumunta kay Jesus ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid na lalaki. Gusto nila kayong makita.” 21 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at mga kapatid na lalaki ay ang mga nakikinig at tumutupad sa salita ng Diyos.”
Pinayapa ni Jesus ang Unos(F)
22 Isang araw, sumakay si Jesus at ang kanyang mga alagad sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang pampang ng lawa.” At naglayag naman sila. 23 Sa kanilang paglalakbay ay nakatulog siya. Bumugso ang isang unos at napuno ng tubig ang bangka at sila ay nanganib. 24 Kaya't nilapitan nila siya at ginising, “Guro! Guro! Mamamatay na tayo!” Gumising siya at sinaway niya ang hangin at ang mga nagngangalit na alon sa lawa. Humupa naman ang mga ito at pumayapa. 25 Sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Natakot sila at namangha, at sinabi sa isa't isa, “Sino nga kaya ito, at nauutusan niya maging ang hangin at tubig, at sila'y sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Sinaniban ng Demonyo(G)
26 Si Jesus at ang mga alagad ay naglayag patungo sa bayan ng mga Geraseno,[a] na nasa tapat ng Galilea. 27 Pagdating niya sa lupaing iyon, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasaniban ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit at hindi tumitira sa bahay kundi sa mga libingan. 28 Nagsisigaw ito nang makita si Jesus, at nagpatirapa sa harap niya at sinabi nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako na huwag mo akong pahirapan.” 29 Sinabi ito sapagkat ipinag-utos ni Jesus sa maruming espiritu na lumabas sa lalaki. Madalas na itong sumasanib sa kanya. Iginapos na rin siya ng kadena nang may bantay at tinalian ng bakal sa paa ngunit napapatid pa rin niya ang mga ito at itinataboy siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Lehiyon,” ang sagot niya, sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya. 31 Nakiusap ang mga ito na huwag silang utusang bumalik sa walang hanggang kalaliman. 32 Noon ay may kawan ng baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap ang mga demonyo kay Jesus na hayaan silang makapasok sa mga iyon at sila nama'y hinayaan niya. 33 Pagkalabas ng mga demonyo sa lalaki ay pumasok ang mga ito sa mga baboy. Sumibad pababa sa bangin ang kawan patungong lawa at nalunod. 34 Pagkakita ng mga tagapag-alaga sa nangyari ay tumakas sila at ipinamalita iyon sa bayan at sa kabukiran. 35 Naglabasan sila upang makita ang nangyari. At lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit, at nasa matino nang pag-iisip; at sila'y natakot. 36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang sinaniban ng demonyo. 37 Nagmakaawa kay Jesus ang lahat ng tao sa paligid ng bayan ng mga Geraseno[b] na sila ay iwan niya sapagkat matinding takot ang bumalot sa kanila. Kaya sumakay siya sa bangka upang umuwi. 38 Subalit nakiusap ang lalaking iniwan ng mga demonyo na siya ay makasama ngunit hindi ito pinaunlakan ni Jesus at sa halip ay sinabi, 39 “Umuwi ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang mga ginawa ng Diyos sa iyo.” At siya ay humayo at ipinahayag sa buong lungsod ang mga ginawa sa kanya ni Jesus.
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humipo sa Damit ni Jesus(H)
40 Pagbalik ni Jesus, tinanggap siya ng mga tao sapagkat lahat sila ay naghihintay sa kanya. 41 Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo. Siya ay pinuno ng sinagoga. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kanyang pumunta sa kanyang bahay 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babaing labindalawang taong gulang ay naghihingalo.
Habang paalis na si Jesus, nagigitgit siya ng mga tao. 43 Isang babae roon ang labindalawang taon nang dinudugo. Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot.[c] Hindi na siya kayang pagalingin ninuman. 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. Agad tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umaamin ay sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinisiksik ka ng mga tao at napapalibutan.” 46 Ngunit sinabi pa rin ni Jesus, “May humipo sa akin sapagkat alam kong may lumabas na kapangyarihan sa akin.” 47 Nang makita ng babae na hindi lingid ang kanyang ginawa, nanginginig itong lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Sinabi niya sa harap ng mga taong naroroon kung bakit niya hinawakan si Jesus at kung paanong gumaling siya agad. 48 Kaya sinabi ni Jesus sa babae, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.” 49 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga at nagsabing, “Patay na ang iyong anak! Huwag mo nang gambalain ang Guro.” 50 Ngunit pagkarinig dito ni Jesus ay sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mangamba! Sumampalataya ka lang at siya ay gagaling.” 51 Pagkarating niya sa bahay ay hindi niya pinayagan ang sinumang makapasok na kasama niya maliban kina Pedro, Juan at Santiago at ang ama at ina ng bata. 52 Nag-iiyakan ang lahat at nananaghoy. Ngunit sinabi niya, “Huwag kayong umiyak sapagkat hindi siya patay kundi natutulog lang.” 53 Siya'y kanilang pinagtawanan sapagkat alam nilang patay na ang bata. 54 Nang hawakan niya ang kamay nito ay tumawag at nagsabi, “Ineng, bumangon ka!” 55 At bumalik ang espiritu ng bata at bumangon ito agad. Kaya nag-utos si Jesus na pakainin ito. 56 Namangha ang kanyang mga magulang subalit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(I)
9 Tinipon ni Jesus ang labindalawa at pagkatapos ay binigyan niya ang mga ito ng kapangyarihan at karapatan sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga may karamdaman. 2 At isinugo niya ang mga ito upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga may sakit. 3 At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay; kahit tungkod, balutan, tinapay, o salapi. Huwag din dalawa ang dalhin ninyong damit panloob. 4 Saanmang bahay kayo pumasok, mamalagi kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 5 Saanmang lugar na hindi kayo tanggapin, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bayang iyon bilang patotoo laban sa kanila.” 6 Umalis sila at nagtungo sa mga nayon, habang ipinapangaral ang mabuting balita kahit saan at nagpapagaling ng mga karamdaman.
Nabagabag si Herodes(J)
7 Nabalitaan ng pinunong si Herodes ang lahat ng nangyayari. Nabagabag siya sapagkat sinasabi ng ilan na muling nabuhay si Juan. 8 Sabi naman ng iba na si Elias ay nagpakita na at ayon naman sa iba, ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay nabuhay muli. 9 Sinabi ni Herodes, “Ako ang nagpapugot ng ulo ni Juan. Ngunit sino ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya?” Kaya't sinikap niyang makita si Jesus.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(K)
10 Nang bumalik ang mga apostol ay ibinalita nila kay Jesus ang kanilang ginawa. Sila ay kanyang isinama at palihim na nagtungo sa isang bayan na kung tawagin ay Bethsaida. 11 Subalit nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kanya. Sila ay malugod naman niyang tinanggap at ipinahayag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga may karamdaman. 12 Nagsisimula nang matapos ang araw nang lumapit sa kanya ang labindalawa at nagsabi, “Pauwiin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga nayon at karatig-pook, nang sa gayo'y makahanap sila ng matutuluyan at makakain. Tayo po'y nasa ilang na lugar.” 13 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila sa kanya, “Wala po tayong dalang anuman kundi limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung aalis kami at bibili ng pagkain para sa mga taong ito.” 14 Sapagkat halos limang libong kalalakihan ang naroroon. At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pangkat-pangkat na tiglilimampu.” 15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Nang tipunin ang mga lumabis ay napuno ang labindalawang kaing.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(L)
18 Minsan, nang si Jesus ay mag-isang nananalangin, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya ang mga ito, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 19 Sumagot sila, “Si Juan na Tagapagbautismo! Ngunit ayon sa iba ay si Elias. Ayon naman sa iba ay isang propeta noong unang panahon na nabuhay muli.” 20 At sinabi niya sa kanila, “Kayo naman, ano sa palagay ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
Ang tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(M)
21 Mahigpit na nagbilin sa kanila si Jesus na huwag itong sabihin kaninuman. 22 Sinabi niya, “Kailangang magtiis ng maraming hirap ang Anak ng Tao. Itatakwil siya ng mga matatandang pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Papatayin siya ngunit muling bubuhayin sa ikatlong araw.” 23 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung nais ninuman na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus at sumunod sa akin. 24 Sapagkat sinumang nais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magliligtas nito. 25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 26 Sapagkat kung ako ay ikahihiya ng sinuman gayundin ang aking mga salita, ikahihiya rin siya ng Anak ng Tao pagdating niya sa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. 27 Tinitiyak ko sa inyo: may ilan sa mga nakatayo rito ang hinding-hindi daranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(N)
28 Pagkalipas ng walong araw nang masabi niya ang mga ito, umakyat siya sa bundok kasama sina Pedro, Juan at Santiago upang manalangin. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. 31 Maluwalhating nagpakita ang dalawang ito at nagsalita tungkol sa pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isagawa sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro at ang kanyang mga kasama; ngunit nang magising sila ay nakita nila ang kaluwalhatian ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 At nang papalayo na ang mga ito sa kanya ay sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti po na dumito tayo. Magtayo tayo ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Hindi nauunawaan ni Pedro ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang ulap at sila ay nililiman. Natakot sila nang matakpan sila nito. 35 Isang tinig ang narinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking anak, ang aking hinirang.[d] Sa kanya kayo makinig.” 36 Nang naglaho na ang tinig, natagpuang nag-iisa na si Jesus. Tumahimik sila at hindi ibinalita kaninuman ang alinman sa kanilang nakita.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(O)
37 Kinabukasan, matapos silang bumaba ng bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay naroon ang isang lalaking nagsisisigaw, “Guro! Nakikiusap po ako na tingnan ninyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya ang kaisa-isa kong anak. 39 Bigla na lamang po siyang sinasaniban ng espiritu at biglang sumisigaw. Pinangingisay siya nito hanggang bumula ang kanyang bibig. Lubha po siyang pinahihirapan nito at halos ayaw siyang hiwalayan. 40 Nagsumamo po ako sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila kaya.” 41 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” Sinabi niya sa lalaki, “Dalhin mo rito ang iyong anak.” 42 Habang lumalapit ang anak, inilugmok siya ng demonyo at pinapangisay. Ngunit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu at pinagaling niya ang bata, at pagkatapos ay ibinigay sa kanyang ama. 43 Namangha ang lahat sa dakilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(P)
Subalit habang namamangha ang mga tao sa lahat ng kanyang ginagawa, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Unawain ninyong mabuti ang sasabihin kong ito: ang Anak ng Tao ay malapit nang isuko sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabing ito. Ang kahulugan nito'y inilihim sa kanila upang hindi nila ito maunawaan. Takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa sinabi niyang ito.
Sino ang Pinakadakila?(Q)
46 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Dahil batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kinuha niya ang isang maliit na bata at pinatayo ito sa kanyang tabi. 48 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumanggap sa akin. At ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”
Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(R)
49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan, at pinagbawalan namin siya sapagkat hindi namin siya kasamang sumusunod sa inyo.” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat sinumang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”
Hindi Tinanggap si Jesus
51 Nang papalapit na ang araw ng pagtanggap sa kanya sa langit ay itinuon niya ang kanyang sarili sa pagpunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo na mauuna sa kanya. Umalis ang mga ito at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya. 53 Ngunit hindi siya tinanggap ng mga tagaroon sapagkat siya'y nagpasya nang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng mga alagad na sina Santiago at Juan ay sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan tayo ng apoy mula sa langit upang tupukin sila?” 55 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sila'y sinaway. 56 Pumunta sila sa ibang nayon.
Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(S)
57 Habang naglalakbay sila ay may nagsabi sa kanya, “Susunod ako sa inyo saan man kayo magtungo.” 58 Sinabi sa kanya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad naman ang mga ibon ng himpapawid, ngunit ang Anak ng Tao ay walang sariling matitirahan.” 59 Sinabi niya sa isa, “Sumunod ka sa akin!” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan muna ninyo akong umalis upang ilibing ko ang aking ama.” 60 Ngunit sinabi niya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing sa sarili nilang patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang paghahari ng Diyos.” 61 Sinabi naman sa kanya ng isa pa, “Susunod po ako sa inyo Panginoon, ngunit hayaan muna ninyo akong makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” 62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sinumang humawak sa araro at lingon nang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”
Ang Pagsusugo ni Jesus ng Pitumpu't Dalawa
10 Pagkatapos ng mga ito, humirang ang Panginoon ng pitumpu't dalawa[e] at sila ay dala-dalawa niyang pinauna sa bawat bayan at pook na kanyang pupuntahan. 2 Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti lamang ang manggagawa. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang aanihin. 3 Humayo kayo; isinusugo ko kayo na tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng salapi, o ng supot, o ng mga sandalyas. At huwag kayong bumati kaninuman sa daan. 5 Sa alinmang bahay na inyong tuluyan, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa sambahayang ito.’ 6 At kung mayroon doon na maibigin sa kapayapaan, mananatili sa kanya ang inyong kapayapaan. Kung wala naman, babalik sa inyo ang inyong basbas. 7 Manatili kayo sa iisang bahay at huwag magpalipat-lipat. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. 8 Sa alinmang bayan na inyong puntahan at tanggapin kayo ng mga tagaroon, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Malapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos.’ 10 Subalit sa alinmang bayan na puntahan ninyo at hindi kayo tanggapin ng mga tagaroon, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 ‘Ipinapagpag namin laban sa inyo maging ang mga alikabok ng inyong bayan na kumapit sa aming paa. Subalit pakatandaan ninyong lumapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos.’ 12 Sinasabi ko sa inyo, mas mabuti pa ang sasapitin ng Sodoma kaysa sasapitin ng bayang iyon sa araw ng paghuhukom.”
Ang Masaklap na Sasapitin ng mga Bayang Hindi Nagsisi(T)
13 “Kaysaklap ng sasapitin mo, Corazin! Kaysaklap ng sasapitin mo, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga kababalaghang ginawa sa inyo, marahil ay matagal na silang nagsisi na nakaupong may damit-sako at abo. 14 Subalit mas mabuti pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. 15 At ikaw, Capernaum, sa akala mo ba'y iaakyat ka sa langit? Hades ang iyong kababagsakan!” 16 Sinabi niya sa mga alagad, “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang mga ayaw tumanggap sa inyo ay ako ang ayaw nilang tanggapin. At ang ayaw tumanggap sa akin ay ayaw tumanggap sa nagsugo sa akin.”
Ang Pagbabalik ng Pitumpu't Dalawa
17 Bumalik ang pitumpu't dalawa[f] at nagagalak na nagsabi kay Jesus, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin dahil sa inyong pangalan!” 18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na bumulusok mula sa langit tulad ng kidlat. 19 Tingnan ninyo, binibigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at mangibabaw sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapananakit sa inyo. 20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak na nagpapasakop sa inyo ang mga espiritu. Sa halip, ikagalak ninyo na ang inyong pangalan ay nakasulat sa langit.”
Nagalak si Jesus(U)
21 Nang oras ding iyon, napuspos si Jesus ng kagalakan mula sa Banal na Espiritu. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat ikinubli mo ang mga ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakalulugod sa iyo. 22 Ibinigay na sa akin ng Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak at kaninumang pinagpahayagan ng Anak.” 23 Humarap siya sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan, “Pinagpala ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga haring naghangad makakita ng mga nakita ninyo ngunit hindi nakakita nito at makarinig ng inyong narinig ngunit hindi nila narinig.”
Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano
25 May isang dalubhasa sa Kautusan na tumayo at nagsabi nang ganito upang subukin si Jesus, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 26 “Ano ba ang nasusulat sa Kautusan?” sagot ni Jesus. “Ano ang pagkaunawa mo?” 27 Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, at nang buong kaluluwa, at nang buong lakas, at nang buong pag-iisip mo; at mahalin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” 28 At sinabi niya sa kanya, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyon at mabubuhay ka.” 29 Ngunit sa pagnanais niyang hindi magmukhang kahiya-hiya, sinabi niya kay Jesus, “Sino naman ang aking kapwa?” 30 Sumagot si Jesus, “May isang lalaking bumaba mula Jerusalem patungong Jerico na naging biktima ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito, binugbog, at pagkatapos ay tumakas at iniwan ang lalaki na halos patay na. 31 Nagkataong isang pari ang dumaan din doon. Nang makita ng pari ang lalaki, lumihis iyon sa kabila. 32 Ganoon din ang ginawa ng isang Levita. Dumaan din ito doon at nang makita ang lalaki ay lumihis din sa kabila. 33 Subalit isang Samaritano na naglalakbay ang lumapit sa lalaki, at nang makita ito ay nahabag siya. 34 Nilapitan ng Samaritano ang lalaki, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat, at pagkatapos ay binendahan. Isinakay niya ang lalaki sa kanyang sariling hayop, at pagkatapos ay dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang denaryo ang may-ari ng bahay-panuluyan at pinagbilinan ito, ‘Alagaan mo siya at anumang dagdag na gastusin mo ay babayaran ko sa iyo sa aking pagbabalik.’ 36 Sa palagay mo, sino sa tatlong iyon ang naging kapwa-tao sa lalaking naging biktima ng mga tulisan?” 37 At sinabi niya, “Ang taong nahabag sa kanya.” Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka at ganoon din ang gawin mo.”
Dinalaw ni Jesus sina Marta at Maria
38 Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon. Isang babae roon, na ang pangala'y Marta, ang malugod na tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay. 39 Mayroon siyang kapatid na babae na ang pangalan ay Maria, na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa mga sinasabi ni Jesus. 40 Ngunit nag-aalala si Marta sa dami ng gawain kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, wala bang anuman sa inyo na pinababayaan ako ng aking kapatid na maglingkod mag-isa? Sabihin ninyo sa kanya na tumulong sa akin.” 41 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag sa maraming bagay. 42 ngunit isang bagay lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi at ito'y hindi kukunin sa kanya.”
Footnotes
- Lucas 8:26 Geraseno: Sa ibang manuskrito ay Gadareno.
- Lucas 8:37 Geraseno: Sa ibang manuskrito ay Gadareno.
- Lucas 8:43 Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot: Sa ibang manuskrito ay wala ang talatang ito.
- Lucas 9:35 Sa ibang manuskrito'y Ang aking minamahal.
- Lucas 10:1 Sa ibang manuskrito ay pitumpu.
- Lucas 10:17 pitumpu't dalawa: Sa ibang manuskrito ay pitumpu.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.