Add parallel Print Page Options

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)

Minsan isang Sabbath,[a] habang nagdaraan si Jesus sa isang triguhan, namitas ang kanyang mga alagad ng uhay at pagkaligis dito ng kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito. Ngunit ilan sa mga Fariseo ang nagsabi, “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal kung Sabbath?” Kaya't sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na ihinandog at kinain ito at ipinamigay pa sa kanyang mga kasama. Hindi ito ipinahihintulot kainin ninuman maliban ng mga pari.” At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”

Ang Taong Paralisado ang Kamay(B)

Araw din ng Sabbath nang pumasok si Jesus sa sinagoga upang magturo. Naroroon ang isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Si Jesus ay minatyagang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo kung magpapagaling siya sa Sabbath. Nagnanais silang may maibintang laban sa kanya. Ngunit alam niya ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” Tumindig ang lalaki at tumayo nga ito roon. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo, dapat bang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa araw ng Sabbath? Ang magligtas ng buhay o pumuksa?” 10 At pagkalibot ng tingin sa kanilang lahat ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong mga kamay.” Ganoon nga ang ginawa ng lalaki at gumaling ang kanyang kamay. 11 Ngunit nagngitngit sila sa galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.

Ang Pagtawag sa Labindalawa(C)

12 Nang mga araw na iyon, umakyat sa bundok si Jesus upang manalangin. Magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya sa kanila ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simon na tinawag niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; sina Santiago at Juan; sina Felipe, Bartolome, 15 Mateo, at Tomas; si Santiago na anak ni Alfeo; si Simon na tinawag na Makabayan; 16 si Judas na anak ni Santiago; at si Judas Iscariote, na naging taksil.

Si Jesus ay Nagturo at Nagpagaling ng may Sakit(D)

17 At bumaba si Jesus kasama nila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang malaking pangkat ng kanyang mga alagad at ang napakaraming taong buhat sa buong Judea at sa Jerusalem at sa mga baybaying bayan ng Tiro at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang mapakinggan siya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(E)

20 At tumingin si Jesus sa kanyang mga alagad, at sinabi niya,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Pinagpala kayong ngayon ay nagugutom,
    sapagkat kayo ay bubusugin.
Pinagpala kayong ngayon ay tumatangis,
    sapagkat kayo ay hahalakhak.

22 Pinagpala kayo kung kinapopootan kayo ng mga tao, at kung ipinagtatabuyan kayo at inaalipusta, at kung kinasusuklaman na tila masama ang inyong pangalan dahil sa Anak ng Tao. 23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumundag sa kagalakan sapagkat tiyak na malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 Subalit kaysaklap ng sasapitin ninyong mayayaman,
    sapagkat tinamasa na ninyo ang inyong kaginhawahan.
25 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo ay magugutom.
Kaysaklap ng sasapitin ninyong tumatawa ngayon
    sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis.

26 Kaysaklap ng sasapitin ninyo kapag lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 6:1 Minsan isang Sabbath: Sa ibang manuskrito ay Noong ikalawang Sabbath.