Add parallel Print Page Options

Ilang Kasabihan ni Jesus(A)

17 Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Ang sanhi ng pagkakasala ay hindi mawawala ngunit kaysaklap ng sasapitin ng taong panggagalingan nito. Mabuti pa sa kanya ang itapon sa dagat nang may nakabiting batong panggiling sa kanyang leeg, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. Kaya't mag-ingat kayo! Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, sawayin mo siya, at kung siya ay magsisi, patawarin mo siya. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong ulit siyang lumapit sa iyo na nagsasabing, ‘Nagsisisi ako,’ patawarin mo siya.”

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.” Kaya sinabi ng Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikamorong ito, ‘Mabunot ka at maitanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.”

“Sino sa inyo ang magsasabi sa inyong lingkod na kagagaling lang sa bukid dahil sa pag-aararo o pagpapastol ng tupa, ‘Halika na rito agad at umupo sa hapag-kainan’? Sa halip, hindi ba sasabihin ninyo sa kanya, ‘Ipaghanda mo nga ako ng hapunan, magbihis ka at maglingkod sa akin habang ako'y kumakain. Pagkatapos ko ay maaari ka nang kumain.’? Pinasasalamatan mo ba ang lingkod sa pagsunod niya sa mga utos? 10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo ay sabihin ninyo, ‘Kami ay mga lingkod na walang kabuluhan; ginampanan lang namin ang aming tungkulin.’ ”

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin

11 Habang patungo sa Jerusalem, nagdaan si Jesus sa pagitan ng Samaria at Galilea. 12 Pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Habang sila'y nakatayo sa malayo, 13 sumigaw sila na nagsasabing, “Jesus! Panginoon! Maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus ay sinabi niya, “Humayo kayo at magpasuri sa mga pari.” Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling. 15 Nang makita ng isa sa mga ito na gumaling na siya, bumalik siyang sumisigaw ng papuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus. Ang lalaking ito ay Samaritano. 17 Kaya't nagtanong si Jesus, “Hindi ba't sampu ang pinagaling? Nasaan ang siyam? 18 Wala bang natagpuang bumalik upang magbigay ng papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?” 19 At sinabi niya rito, “Tumindig ka at humayo! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Read full chapter