Lucas 16:1-9
Ang Salita ng Diyos
Ang Talinghaga Patungkol sa Tusong Tagapamahala
16 Si Jesus ay nagsabi rin sa kaniyang mga alagad: May isang lalaking mayaman. Siya ay may isang katiwala na pinaratangang lumulustay ng kaniyang mga ari-arian.
2 Tinawag niya ang katiwala at sinabi dito: Ano itong naririnig ko patungkol sa iyo? Magbigay ka ng sulit sa iyong pagiging katiwala dahil hindi ka na maaaring maging katiwala.
3 Sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili: Ano ang gagawin ko? Inaalis na ng panginoon ang aking pagiging katiwala. Hindi na ako makakapaghukay, nahihiya naman akong mamalimos. 4 Alam ko na ang gagawin ko upang kung alisin ako sa pagiging katiwala, matatanggap nila ako sa kanilang mga bahay.
5 Tinawag niya ang bawat isang may utang sa kaniyang panginoon. Sinabi niya sa una: Magkano ang utang mo sa aking panginoon?
6 Sinabi sa kaniya: Isandaang bariles ng langis.
Sinabi ng katiwala sa kaniya: Kunin mo ang listahan ng utang mo. Maupo ka kaagad at ang isulat mo ay limampu.
7 Sinabi niya sa isa: Ikaw, magkano ang utang mo?
Sinabi sa kaniya: Isandaang malalaking sukat ng trigo.
Sinabi ng katiwala sa kaniya: Kunin mo ang listahan ng utang mo at ang isulat mo ay walumpu.
8 Ang hindi matapat na katiwala ay pinuri ng panginoon sapagkat siya ay gumawang may katusuhan. Ito ay sapagkat ang mga tao sa kapanahunang ito, sa sarili nilang lahi, ay higit na tuso kaysa sa mga tao ng liwanag. 9 Sinasabi ko sa inyo: Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng di-matuwid. Ito ay upang kung kayo ay maubusan, matatanggap nila kayo sa walang hanggang tirahan.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International