Lucas 16
Ang Salita ng Diyos
Ang Talinghaga Patungkol sa Tusong Tagapamahala
16 Si Jesus ay nagsabi rin sa kaniyang mga alagad: May isang lalaking mayaman. Siya ay may isang katiwala na pinaratangang lumulustay ng kaniyang mga ari-arian.
2 Tinawag niya ang katiwala at sinabi dito: Ano itong naririnig ko patungkol sa iyo? Magbigay ka ng sulit sa iyong pagiging katiwala dahil hindi ka na maaaring maging katiwala.
3 Sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili: Ano ang gagawin ko? Inaalis na ng panginoon ang aking pagiging katiwala. Hindi na ako makakapaghukay, nahihiya naman akong mamalimos. 4 Alam ko na ang gagawin ko upang kung alisin ako sa pagiging katiwala, matatanggap nila ako sa kanilang mga bahay.
5 Tinawag niya ang bawat isang may utang sa kaniyang panginoon. Sinabi niya sa una: Magkano ang utang mo sa aking panginoon?
6 Sinabi sa kaniya: Isandaang bariles ng langis.
Sinabi ng katiwala sa kaniya: Kunin mo ang listahan ng utang mo. Maupo ka kaagad at ang isulat mo ay limampu.
7 Sinabi niya sa isa: Ikaw, magkano ang utang mo?
Sinabi sa kaniya: Isandaang malalaking sukat ng trigo.
Sinabi ng katiwala sa kaniya: Kunin mo ang listahan ng utang mo at ang isulat mo ay walumpu.
8 Ang hindi matapat na katiwala ay pinuri ng panginoon sapagkat siya ay gumawang may katusuhan. Ito ay sapagkat ang mga tao sa kapanahunang ito, sa sarili nilang lahi, ay higit na tuso kaysa sa mga tao ng liwanag. 9 Sinasabi ko sa inyo: Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng di-matuwid. Ito ay upang kung kayo ay maubusan, matatanggap nila kayo sa walang hanggang tirahan.
10 Ang matapat sa kakaunti ay matapat din sa marami. Ang hindi matuwid sa kakaunti ay hindi rin matuwid sa marami. 11 Kaya nga, kung hindi kayo naging matapat sa hindi matuwid na kayamanan, paano pang ipagkakatiwala sa inyo ang tunay na kayamanan? 12 Kung hindi kayo naging matapat sa pag-aari ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng sa inyong sarili?
13 Walang lingkod na makakapaglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang isa o kaya magtatapat siya sa isa at mamumuhi sa isa. Hindi kayo makakapaglingkod sa Diyos at sa kayamanan.
14 Ang lahat ng mga bagay na ito ay narinig ng mga Fariseo. Dahil sa sila ay mga maibigin sa salapi, nilibak nila siya. 15 Sinabi niya sa kanila: Kayo yaong mga nagmamatuwid sa inyong mga sarili sa harap ng mga tao. Ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso sapagkat kung ano ang lubos na pinahahalagahan ng mga tao ay kasuklam-suklam sa harap ng Diyos.
Iba pang Katuruan
16 Ang aklat ng kautusan at ang aklat ng mga propeta ay hanggang kay Juan. Simula sa panahong iyon, ang paghahari ng Diyos ay ipinangaral. Ang bawat isa ay nais pumasok dito sa pamamagitan ng dahas.
17 Higit na madali para sa langit at lupa ang lumipas kaysa sa isang kudlit ng kautusan ang lilipas.
18 Ang bawat isang nagpapaalis sa kaniyang asawang babae at nagpapakasal sa iba ay nangangalunya. Ang bawat isang magpakasal sa kaniya na itinaboy ng asawang lalaki ay nangangalunya.
Ang Lalaking Mayaman at si Lazaro
19 May isang lalaking mayaman. Nakadamit siya ng kulay ube at pinong lino. Namumuhay siya sa karangyaan araw-araw.
20 Mayroon doong isang lalaking dukha na ang pangalan ay Lazaro. Siya ay puno ng galis. Inilagay siya sa tarangkahan ng mayaman. 21 Mahigpit niyang hinangad na mabusog mula sa mga mumong nahulog mula sa hapag-kainan ng mayamang lalaki. Ngunit maging ang mga aso na lumalapit ay humihimod ng kaniyang mga galis.
22 Nangyari nga na ang lalaking dukha ay namatay. Siya ay dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Ang lalaking mayaman ay namatay din at inilibing. 23 Sa Hades siya ay naghihirap. Sa paghihirap niya ay itinanaw niya ang kaniyang paningin. Nakita niya sa malayo si Abraham at si Lazaro na nasa kaniyang piling. 24 Tumawag siya nang malakas: Amang Abraham, kahabagan mo ako. Suguin mo si Lazaro upang isawsaw niya ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig. Ito ay upang mapalamig ang aking dila sapagkat ako ay lubhang nagdurusa sa lagablab ng apoy na ito.
25 Ngunit sinabi ni Abraham: Anak, alalahanin mo na sa buong buhay mo tinanggap mo nang lubos ang mabubuting bagay. Gayundin naman, si Lazaro ay tumanggap ng mga masasamang bagay. Sa ngayon siya ay inaaliw at ikaw ay lubhang nagdurusa. 26 Bukod sa lahat ng mga bagay na ito, sa pagitan namin at sa iyo ay mayroong malaking bangin. Dahil dito, sila na maghahangad na tumawid mula rito patungo sa iyo ay hindi makakatawid. Maging sila na maghahangad tumawid mula riyan patungo sa amin ay hindi makatatawid.
27 Sinabi niya: Kung gayon, hinihiling ko sa iyo ama, na suguin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama. 28 Ito ay sapagkat ako ay may limang kapatid na lalaki. Suguin mo siya upang magbabala sa kanila nang sa gayon ay huwag silang mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.
29 Sinabi ni Abraham sa kaniya: Ang isinulat ni Moises at ng mga propeta ay nasa kanila. Hayaan mong sila ay makinig sa kanila.
30 Sinabi niya: Hindi, amang Abraham, sila ay magsisisi kapag pupunta sa kanila ang isang nagmula sa mga patay.
31 Sinabi ni Abraham sa kaniya: Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, hindi sila mahihikayat kahit na may isang pang bumangon mula sa mga patay.
Copyright © 1998 by Bibles International