Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga Patungkol sa Tusong Tagapamahala

16 Si Jesus ay nagsabi rin sa kaniyang mga alagad: May isang lalaking mayaman. Siya ay may isang katiwala na pinaratangang lumulustay ng kaniyang mga ari-arian.

Tinawag niya ang katiwala at sinabi dito: Ano itong naririnig ko patungkol sa iyo? Magbigay ka ng sulit sa iyong pagiging katiwala dahil hindi ka na maaaring maging katiwala.

Sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili: Ano ang gagawin ko? Inaalis na ng panginoon ang aking pagiging katiwala. Hindi na ako makakapaghukay, nahihiya naman akong mamalimos. Alam ko na ang gagawin ko upang kung alisin ako sa pagiging katiwala, matatanggap nila ako sa kanilang mga bahay.

Tinawag niya ang bawat isang may utang sa kaniyang panginoon. Sinabi niya sa una: Magkano ang utang mo sa aking panginoon?

Sinabi sa kaniya: Isandaang bariles ng langis.

Sinabi ng katiwala sa kaniya: Kunin mo ang listahan ng utang mo. Maupo ka kaagad at ang isulat mo ay limampu.

Sinabi niya sa isa: Ikaw, magkano ang utang mo?

Sinabi sa kaniya: Isandaang malalaking sukat ng trigo.

Sinabi ng katiwala sa kaniya: Kunin mo ang listahan ng utang mo at ang isulat mo ay walumpu.

Ang hindi matapat na katiwala ay pinuri ng panginoon sapagkat siya ay gumawang may katusuhan. Ito ay sapagkat ang mga tao sa kapanahunang ito, sa sarili nilang lahi, ay higit na tuso kaysa sa mga tao ng liwanag. Sinasabi ko sa inyo: Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng di-matuwid. Ito ay upang kung kayo ay maubusan, matatanggap nila kayo sa walang hanggang tirahan.

10 Ang matapat sa kakaunti ay matapat din sa marami. Ang hindi matuwid sa kakaunti ay hindi rin matuwid sa marami. 11 Kaya nga, kung hindi kayo naging matapat sa hindi matuwid na kayamanan, paano pang ipagkakatiwala sa inyo ang tunay na kayamanan? 12 Kung hindi kayo naging matapat sa pag-aari ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng sa inyong sarili?

13 Walang lingkod na makakapaglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang isa o kaya magtatapat siya sa isa at mamumuhi sa isa. Hindi kayo makakapaglingkod sa Diyos at sa kayamanan.

14 Ang lahat ng mga bagay na ito ay narinig ng mga Fariseo. Dahil sa sila ay mga maibigin sa salapi, nilibak nila siya. 15 Sinabi niya sa kanila: Kayo yaong mga nagmamatuwid sa inyong mga sarili sa harap ng mga tao. Ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso sapagkat kung ano ang lubos na pinaha­halagahan ng mga tao ay kasuklam-suklam sa harap ng Diyos.

Read full chapter