Add parallel Print Page Options

23 Minsan ay may nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” Kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap pumasok doon ngunit hindi makapapasok. 25 Sa sandaling tumayo na ang panginoon ng bahay at naisara na ang pinto, magsisimula na kayong tumayo sa labas at tumuktok sa pintuan at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan po ninyo kami!’ Sasabihin niya sa inyo bilang sagot, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ 26 Kaya't sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasama ninyo at nagturo kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Subalit sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Layuan ninyo ako, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, at Jacob at lahat ng mga propeta, habang kayo'y ipinagtatabuyan palabas. 29 May mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Makinig kayo: May mga huling mauuna at may mga unang mahuhuli.”

Ang Pagtangis ni Jesus sa Jerusalem(A)

31 Nang mga oras na iyon ay dumating ang ilang Fariseo na nagsabi kay Jesus, “Umalis ka na at pumunta sa ibang lugar sapagkat gusto kang ipapatay ni Herodes.” 32 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon, na tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ang aking gawain. 33 Gayunman, kailangan kong magpatuloy sa aking paglalakbay ngayon at bukas at sa makalawa. Sapagkat hindi maaaring ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem. 34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong ninais kupkupin ang iyong mga anak tulad ng pagkupkop ng inahin sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang pakpak, ngunit ayaw mo. 35 Tandaan ninyo: Pababayaan ng Diyos ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyong hinding-hindi ninyo ako makikita hanggang sa sumapit ang panahong sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’ ”

Read full chapter