Add parallel Print Page Options

Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(A)

12 Nang magkatipun-tipon ang libu-libong tao na halos matapakan na ang isa't isa, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo. Ito ay ang kanilang pagkukunwari. Walang natatakpan na hindi malalantad, at walang natatago na hindi mabubunyag. Kaya nga anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at anumang ibulong ninyo sa lihim na silid ay ipapahayag mula sa bubungan.

Ang Dapat Katakutan(B)

“Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan at pagkatapos nito ay wala na silang magagawa. Ipapakita ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo ang may kapangyarihang magtapon sa inyo sa impiyerno matapos kayong patayin. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan. Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos. Maging ang buhok sa inyong ulo ay bilang lahat. Huwag kayong mangamba. Higit kayong mahalaga kaysa mga maya.

Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(C)

“Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila rin sa harap ng mga anghel ng Diyos. 10 Sinumang magsalita ng laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit hindi mapapatawad ang magsalita ng paglapastangan sa Banal na Espiritu. 11 Kapag iniharap nila kayo sa sinagoga at sa mga pinuno at mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mag-alala kung paano ninyo ipagtanggol ang inyong sarili, o kung ano ang inyong sasabihin, 12 sapagkat tuturuan kayo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal

13 Isa sa mga tao ang nagsabi kay Jesus, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” 14 Ngunit sumagot siya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging hukom o tagahati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” 16 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. 17 Napag-isip-isip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ 18 Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko iimbakin ang aking mga ani at ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking sarili, "Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya." 20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ 21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”

Pagtitiwala sa Diyos(D)

22 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, o kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong isusuot. 23 Sapagkat mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit. 24 Masdan ninyo ang mga uwak! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng Diyos. Mas mahalaga kayo kaysa mga ibon. 25 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras[a] sa kanyang buhay? 26 Kung hindi ninyo magawa ang ganito kaliit, bakit aalalahanin ninyo ang ibang bagay? 27 Masdan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang! Hindi sila nagpapagod ni naghahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karingalan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 28 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na narito ngayon ngunit itatapon sa pugon bukas, kayo pa kaya? O kayong maliit ang pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mabalisa sa paghahanap ng kung ano ang makakain o maiinom. Huwag kayong mangamba, 30 sapagkat ang mga ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Ngunit pagtuunan ninyo ng pansin ang kanyang paghahari at idaragdag sa inyo ang lahat ng mga ito.

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 12:25 Sa Griyego, makakapagdagdag ng isang siko.