Add parallel Print Page Options

Ang Turo tungkol sa Panalangin(A)

11 Minsan, matapos manalangin si Jesus sa isang lugar ay sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.” Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo ay mananalangin, sabihin ninyo,

‘Ama, pakabanalin mo ang pangalan mo,
    Dumating nawa ang paghahari mo,
Bigyan mo kami sa bawat araw ng aming pang-araw-araw na pagkain,
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
    sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkakautang sa amin.
At huwag mo kaming dalhin sa tukso.’ ”

Sinabi niya sa kanila, “Ipagpalagay nating isa sa inyo ang pumunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, pahiram naman ng tatlong tinapay; sapagkat isang kaibigan ko ang dumating mula sa paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ Sinagot naman kayo ng nasa loob na nagsabing, ‘Huwag mo akong gambalain! Nakatrangka na ang pintuan at nasa higaan na ang aking mga anak. Hindi na ako makababangon upang mabigyan ka ng anuman.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang maibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo ay bibigyan. Humanap kayo at kayo ay makatatagpo. Kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang sinumang humihingi ay nakatatanggap, ang humahanap ay nakatatagpo at ang kumakatok ay pinagbubuksan. 11 Sinong ama sa inyo ang magbibigay ng ahas sa inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 O kung humingi ito ng itlog ay bibigyan ba ninyo ito ng alakdan? 13 Kung kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa ang Ama na nasa langit na magbibigay ng Banal na Espiritu sa mga humingi sa kanya?”

Si Jesus at si Beelzebul(B)

14 Minsan ay nagpalayas si Jesus ng demonyo ng pagiging pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao. 15 Ngunit ilan sa kanila ang nagsabi, “Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 16 Dahil nais siyang subukin ng iba, hinahanapan siya ng mga ito ng tanda mula sa langit. 17 Ngunit dahil batid niya ang kanilang mga iniisip, sinabi niya sa kanila, “Bawat kahariang hindi nagkakaisa ay babagsak, at ang tahanang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 At kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano makatatayo ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul. 19 At kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas ang mga ito ng inyong mga anak? Kaya sila ang magiging hukom ninyo. 20 Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, dumating na nga sa inyo ang paghahari ng Diyos. 21 Kapag isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung isang mas malakas sa kanya ang sumalakay at siya ay talunin, sasamsamin nito ang mga sandatang pinagtiwalaan niya at ipamamahagi ang mga ari-ariang nasamsam. 23 Ang wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay magkakawatak-watak.”

Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(C)

24 “Kapag lumabas sa isang tao ang maruming espiritu, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kapag wala itong matagpuan ay magsasabing, ‘Babalik na lang ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ 25 Pagdating nito at nakitang nawalisan at naayos na iyon, 26 aalis ito at magsasama ng pito pang espiritung mas masama sa kanya. Papasok sila at maninirahan doon. Kaya't nagiging mas masahol pa kaysa dati ang taong iyon.”

Ang Tunay na Pinagpala

27 Habang sinasabi ni Jesus ang mga ito, isang babae mula sa karamihan ang pasigaw na nagsabi sa kanya, “Pinagpala ang sinapupunang nagdala sa iyo at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.” 28 Subalit sinabi niya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Diyos.”

Hinanapan si Jesus ng Tanda(D)

29 Nang lalong dumarami pa ang mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Masama ang salinlahing ito. Naghahanap ito ng isang tanda, ngunit walang tandang ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas. 30 Kung paanong naging tanda si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ang Anak ng Tao sa salinlahing ito. 31 Sa araw ng paghuhukom, titindig na kasama ng salinlahing ito ang Reyna ng Timog at hahatulan sila. Sapagkat nagmula pa siya sa dulo ng daigdig upang marinig ang karunungan ni Solomon; ngunit masdan ninyo, higit pa kay Solomon ang narito. 32 Sa araw ng paghuhukom, titindig na kasama ng salinlahing ito ang mga taga-Nineve at hahatulan ito. Sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas; ngunit masdan ninyo, higit pa kay Jonas ang narito.

Ang Liwanag ng Katawan(E)

33 “Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay ilalagay ito sa tagong lugar o sa ilalim ng takalan. Sa halip, ilalagay ang ilawan sa patungan upang makita ng mga papasok ang liwanag. 34 Ang mata ang ilawan ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay maliwanag. Ngunit kung hindi ito malinaw, ang iyong buong katawan ay puno ng kadiliman. 35 Kaya't mag-ingat ka at baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman pala. 36 Kaya naman kung ang iyong buong katawan ay puno ng liwanag at walang bahaging nasa kadiliman, lubos itong maliliwanagan na para bang tinatanglawan ka ng maliwanag na ilaw.”

Ang Pagtuligsa sa mga Fariseo at Dalubhasa sa Kautusan(F)

37 Habang nagsasalita pa si Jesus, inanyayahan siyang makasalo ng isang Fariseo. Kaya't pumasok siya at naupo sa may hapag-kainan. 38 Nagtaka ang Fariseo nang mapansing hindi muna naghugas ng kamay si Jesus bago kumain. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan subalit ang kalooban ninyo ay puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob? 41 Ipamigay ninyo sa mga dukha ang mga bagay na nasa loob, at ang lahat ay magiging malinis para sa inyo. 42 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga Fariseo! Sapagkat naglalaan kayo para sa Diyos ng ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at ng iba pang halamang pagkain ngunit binabalewala ninyo ang katarungan at pag-ibig ng Diyos. Dapat nga kayong maglaan ng ikasampu subalit huwag ninyong kaligtaan ang katarungan at pag-ibig ng Diyos. 43 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga Fariseo! Sapagkat ang gusto ninyo ay ang mga upuang pandangal sa mga sinagoga at ang mabigyang-pugay sa mga pamilihan. 44 Kaysaklap ng sasapitin ninyo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't nalalakaran ng mga tao nang hindi nila nalalaman!” 45 Tumugon sa kanya ang isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa mga sinabi mo ay para mo na rin kaming kinutya.” 46 Kaya't sinabi niya, “Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat pinahihirapan ninyo ang mga tao sa mga pasaning mahirap dalhin subalit ni daliri man lamang ninyo ay hindi iginagalaw upang sila'y tulungan. 47 Kaysaklap ng sasapitin ninyo sapagkat itinayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, gayong pinagpapatay sila ng inyong mga ninuno. 48 Kaya nga kayo ay mga saksi at sinang-ayunan ninyo ang ginawa ng inyong mga ninuno sapagkat pinagpapatay nila ang mga ito at kayo naman ang nagtayo ng kanilang mga libingan. 49 Kaya sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Isusugo ko sa kanila ang mga propeta at apostol at ang ilan sa mga ito ay kanilang papatayin at uusigin,’ 50 upang papanagutin sa lahing ito ang dugong dumanak sa lahat ng mga propeta mula pa nang maitatag ang sanlibutan. 51 Mula ito sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng altar at ng templo. Oo, sinasabi ko sa inyong iyon ay papanagutan ng salinlahing ito. 52 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkait ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo'y hindi nagsisipasok, at hinahadlangan pa ninyo ang mga pumapasok.” 53 Paglabas niya roon, sinimulan na siyang pag-initan ng mga Fariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan at malimit na tinatanong tungkol sa iba't ibang bagay, 54 nag-aabang na siya'y masilo sa anumang kanyang sasabihin.

Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(G)

12 Nang magkatipun-tipon ang libu-libong tao na halos matapakan na ang isa't isa, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo. Ito ay ang kanilang pagkukunwari. Walang natatakpan na hindi malalantad, at walang natatago na hindi mabubunyag. Kaya nga anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at anumang ibulong ninyo sa lihim na silid ay ipapahayag mula sa bubungan.

Ang Dapat Katakutan(H)

“Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan at pagkatapos nito ay wala na silang magagawa. Ipapakita ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo ang may kapangyarihang magtapon sa inyo sa impiyerno matapos kayong patayin. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan. Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos. Maging ang buhok sa inyong ulo ay bilang lahat. Huwag kayong mangamba. Higit kayong mahalaga kaysa mga maya.

Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(I)

“Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila rin sa harap ng mga anghel ng Diyos. 10 Sinumang magsalita ng laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit hindi mapapatawad ang magsalita ng paglapastangan sa Banal na Espiritu. 11 Kapag iniharap nila kayo sa sinagoga at sa mga pinuno at mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mag-alala kung paano ninyo ipagtanggol ang inyong sarili, o kung ano ang inyong sasabihin, 12 sapagkat tuturuan kayo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal

13 Isa sa mga tao ang nagsabi kay Jesus, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” 14 Ngunit sumagot siya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging hukom o tagahati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” 16 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. 17 Napag-isip-isip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ 18 Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko iimbakin ang aking mga ani at ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking sarili, "Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya." 20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ 21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”

Pagtitiwala sa Diyos(J)

22 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, o kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong isusuot. 23 Sapagkat mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit. 24 Masdan ninyo ang mga uwak! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng Diyos. Mas mahalaga kayo kaysa mga ibon. 25 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras[a] sa kanyang buhay? 26 Kung hindi ninyo magawa ang ganito kaliit, bakit aalalahanin ninyo ang ibang bagay? 27 Masdan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang! Hindi sila nagpapagod ni naghahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karingalan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 28 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na narito ngayon ngunit itatapon sa pugon bukas, kayo pa kaya? O kayong maliit ang pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mabalisa sa paghahanap ng kung ano ang makakain o maiinom. Huwag kayong mangamba, 30 sapagkat ang mga ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Ngunit pagtuunan ninyo ng pansin ang kanyang paghahari at idaragdag sa inyo ang lahat ng mga ito. 32 Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipamigay sa mga dukha. Igawa ninyo ang inyong sarili ng mga sisidlang hindi naluluma, isang di-maubos na kayamanan sa langit, doo'y hindi makalalapit ang magnanakaw at makapaninira ang mga bukbok. 34 Sapagkat kung saan nakalagak ang inyong kayamanan, doon din naman malalagak ang inyong puso.”

Mga Lingkod na Handa(K)

35 “Humanda kayo sa paglilingkod[b] at paliwanagin ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa kasalan upang sa pagbabalik nito at pagkatok ay agad nila siyang mapagbuksan. 37 Pinagpala ang mga lingkod na madaratnang nagbabantay hanggang sa pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya upang maglingkod, sila ay pauupuin niya sa hapag-kainan at sila'y kanyang paglilingkuran. 38 Pinagpala ang mga lingkod na matagpuan ng panginoon na handa sa kanyang pagdating, hatinggabi man o madaling-araw. 39 Unawain ninyo ito: kung alam ng panginoon ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay. 40 Kaya dapat din kayong maging handa! Sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” 42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang pamamahalain ng panginoon sa mga lingkod upang bigyan sila ng pagkain sa takdang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na sa pagbabalik ng kanyang panginoon ay madaratnang gumaganap ng tungkulin. 44 Tunay na sinasabi ko sa inyong sa kanya ipagkakatiwala ang lahat ng kanyang ari-arian. 45 Ngunit kung sabihin ng lingkod na iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa bago makabalik ang aking panginoon,’ at sinimulan niyang pahirapan ang iba pang mga lingkod na lalaki at mga lingkod na babae at siya'y kumain, uminom at maglasing, 46 darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Ang lingkod na iyon ay pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat. 47 Ang lingkod na nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit hindi nakahanda o kumilos ayon sa kalooban nito ay maraming ulit hahagupitin. 48 Ngunit ang hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ay hahagupitin ng kaunti sa nagawa nitong pagkakamali. Ang binigyan ng marami ay pananagutin ng marami at ang pinagkatiwalaan ng marami ay papanagutin sa higit na marami.”

Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(L)

49 “Naparito ako upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sanang ito'y nagniningas na. 50 Kailangan kong magdaan sa isang bautismo at nababagabag ako hangga't hindi ito nagaganap! 51 Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi, sa halip ay pagkakabaha-bahagi. 52 Sapagkat mula ngayon, ang limang tao sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi—tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Sila ay magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki at ang anak na lalaki laban sa ama, ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina, ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”

Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(M)

54 Sinabi rin niya sa mga tao, “Kapag nakakita kayo ng ulap na tumataas sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘Paparating na ang ulan,’ at gayon nga ang nangyayari. 55 At kapag nakikita ninyong umiihip ang hanging habagat sinasabi ninyong, ‘Magiging mainit,’ at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong magtaya ng panahon sa anyo ng lupa at langit, subalit bakit hindi ninyo mabasa ang tanda ng kasalukuyang panahon?”

Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(N)

57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid? 58 Makipag-ayos ka sa nagsakdal sa iyo bago pa kayo makarating sa hukom. Kung hindi, baka kaladkarin ka niya sa hukom at ibigay ka ng hukom sa tanod at itapon ka ng tanod sa bilangguan. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

Magsisi o Mamatay

13 Nang oras na iyon, dumating ang ilan at nagbalita kay Jesus na may mga taga-Galilea na ipinapatay ni Pilato habang nag-aalay sila sa Diyos. At sinabi niya sa kanila, “Inaakala ba ninyong higit na makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa ibang mga taga-Galilea dahil nagdusa sila nang ganoon? Sinasabi ko sa inyo, hindi! Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo'y mapapahamak ding tulad nila. Iyon namang labingwalong namatay nang nabagsakan ng tore sa Siloam, inaakala ba ninyong higit silang makasalanan kaysa ibang taga-Jerusalem? Sinasabi ko sa inyo, hindi! Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo'y mapapahamak ding tulad nila.”

Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga

Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Isang tao ang may puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Pinuntahan niya ito upang maghanap ng bunga roon, ngunit wala siyang natagpuan. Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan mo ito; tatlong taon na akong pumupunta rito upang maghanap ng bunga sa punong igos na ito ngunit wala pa akong matagpuan. Kaya putulin mo na ito! Sayang lang ang lupa sa kanya!’ Sumagot ito sa kanya, ‘Panginoon, bigyan pa po ninyo ito ng isang taon at huhukayin ko ang paligid nito at lalagyan ko ng pataba. Baka naman magbunga na ito sa darating na taon, ngunit kung hindi pa, puputulin na ninyo ito.’ ”

Ang Pagpapagaling sa Babaing Kuba

10 Isang araw ng Sabbath, nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga. 11 Naroon ang isang babaing labingwalong taon nang may espiritu ng kapansanan. Hukot ang kanyang katawan at hindi na niya makayang makaunat. 12 Nang makita ni Jesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi sa kanya, “Babae, kinalagan ka na sa iyong kapansanan.” 13 At ipinatong niya ang kanyang kamay sa babae at nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. 14 Ngunit ikinagalit ng pinuno ng sinagoga ang pagpapagaling ni Jesus nang Sabbath kaya't sinabi niyon sa mga tao, “May anim na araw na dapat magtrabaho, kaya nga sa mga araw na iyon kayo magpunta upang magpagaling at hindi sa araw ng Sabbath.” 15 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kung Sabbath ay kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong baka o asno mula sa sabsaban at inilalabas ito upang painumin? 16 Iginapos ni Satanas nang labingwalong taon ang babaing ito na anak ni Abraham. Hindi ba dapat lang na makalagan siya sa pagkakagapos na iyon sa araw ng Sabbath?” 17 Pagkasabi niya noon, napahiya ang lahat ng kumakalaban sa kanya. Nagalak ang buong madla sa lahat ng kahanga-hangang ginawa niya.

Talinghaga ng Butil ng Mustasa at ng Pampaalsa(O)

18 Sinabi niya, “Saan maihahalintulad ang paghahari ng Diyos at sa ano ko ito maihahambing? 19 Tulad ito ng isang butil ng mustasa na pagkakuha ng isang tao ay inihasik sa kanyang halamanan. Tumubo ito at naging puno at namugad sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.”

20 At muli ay sinabi niya, “Sa ano ko maihahalintulad ang paghahari ng Diyos? 21 Tulad ito ng pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”

Ang Makipot na Pintuan(P)

22 Nagturo si Jesus sa mga bayan at nayon habang naglalakbay patungong Jerusalem. 23 Minsan ay may nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” Kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap pumasok doon ngunit hindi makapapasok. 25 Sa sandaling tumayo na ang panginoon ng bahay at naisara na ang pinto, magsisimula na kayong tumayo sa labas at tumuktok sa pintuan at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan po ninyo kami!’ Sasabihin niya sa inyo bilang sagot, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ 26 Kaya't sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasama ninyo at nagturo kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Subalit sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Layuan ninyo ako, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, at Jacob at lahat ng mga propeta, habang kayo'y ipinagtatabuyan palabas. 29 May mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Makinig kayo: May mga huling mauuna at may mga unang mahuhuli.”

Ang Pagtangis ni Jesus sa Jerusalem(Q)

31 Nang mga oras na iyon ay dumating ang ilang Fariseo na nagsabi kay Jesus, “Umalis ka na at pumunta sa ibang lugar sapagkat gusto kang ipapatay ni Herodes.” 32 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon, na tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ang aking gawain. 33 Gayunman, kailangan kong magpatuloy sa aking paglalakbay ngayon at bukas at sa makalawa. Sapagkat hindi maaaring ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem. 34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong ninais kupkupin ang iyong mga anak tulad ng pagkupkop ng inahin sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang pakpak, ngunit ayaw mo. 35 Tandaan ninyo: Pababayaan ng Diyos ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyong hinding-hindi ninyo ako makikita hanggang sa sumapit ang panahong sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’ ”

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit

14 Isang araw ng Sabbath, pumasok si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain. Minamatyagan siyang mabuti ng mga Fariseo. Bigla na lamang pumunta sa kanyang harapan ang isang lalaking minamanas. Tinanong ni Jesus ang mga dalubhasa sa Kautusan at ang mga Fariseo, “Ipinahihintulot ba na magpagaling kung araw ng Sabbath o hindi?” Ngunit hindi sila umimik, kaya hinawakan niya ang maysakit at ito'y pinagaling at pinauwi. At sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman sa inyo ang may anak o toro na mahulog sa balon, hindi ba agad ninyo itong iaahon kahit na araw ng Sabbath?” Hindi nila masagot ang mga ito.

Mabuting Pakikitungo at Pagpapakababa

Nang mapansin niyang pinipili ng mga inanyayahan ang mga upuang pandangal, sinabi niya sa kanila ang isang talinghaga: “Kapag inanyayahan ka ng sinuman sa isang kasalan, huwag kang maupo sa upuang pandangal. Baka mayroon siyang inanyayahang mas kilala kaysa iyo. At sa paglapit ng nag-anyaya sa inyong dalawa ay sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang iyong upuan.’ Mapapahiya ka lamang at uupo sa pinakaabang upuan. 10 Sa halip, kung naanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakaabang upuan. Pagdating ng nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, lumipat ka sa mas marangal na upuan.’ Sa gayon ay mabibigyan ka ng dangal sa harap ng mga kasalo mo. 11 Sapagkat ibababa ang sinumang nagtataas ng sarili ngunit ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Sinabi rin niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang mga kaibigan mo, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o ang mayayaman mong kapitbahay; baka aanyayahan ka rin nila at sa gayo'y masusuklian ang iyong paanyaya. 13 Ngunit kung maghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, mga pilay, mga lumpo, at mga bulag. 14 Pagpapalain ka sapagkat hindi nila mababayaran ang iyong ginawa. Mababayaran ka na lamang sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

Talinghaga ng Malaking Hapunan(R)

15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya kaya't sinabi nito sa kanya, “Pinagpala ang makakasalo sa piging sa kaharian ng Diyos.” 16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Isang tao ang nagbigay ng isang piging at nag-anyaya ng marami. 17 Nang oras na ng hapunan, isinugo niya ang kanyang lingkod upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo! Sapagkat ang lahat ay handa na.’ 18 Ngunit lahat sila ay nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan kong puntahan iyon. Humihingi ako ng paumanhin.’ 19 Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares na baka at aalis ako upang subukin ang mga ito. Humihingi ako ng paumanhin.’ 20 Sinabi ng isa pa, ‘Bagong kasal ako kaya't hindi ako makadadalo.’ 21 Pagbalik ng lingkod, iniulat niya sa kanyang panginoon ang mga iyon. Sa galit ng panginoon ng sambahayan ay sinabi niya sa kanyang lingkod, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga dukha, mga pilay, mga bulag at mga lumpo.’ 22 Sinabi ng lingkod pagbalik nito, ‘Panginoon, natupad na ang ipinag-utos ninyo, pero may lugar pa rin.’ 23 Kaya sinabi ng panginoon sa lingkod, ‘Lumabas ka sa mga daan at bakuran. Pilitin mong pumarito ang mga tao upang mapuno ang aking bahay.’ 24 Sinasabi ko sa inyo, hindi makatitikim ng aking piging kahit isa man sa mga inanyayahan.”

Ang Kabayaran ng Pagiging Isang Alagad(S)

25 Sumama sa paglalakbay ni Jesus ang napakaraming tao. Humarap siya sa kanila at sinabi, 26 “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang lumalapit sa akin na hindi napopoot sa kanyang ama, ina, asawa, mga anak, mga kapatid, o maging sa kanyang sariling buhay. 27 Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin. 28 Sapagkat sino ba sa inyo na nagnanais magtayo ng tore ang hindi muna nauupo at inaalam ang magugugol upang matiyak kung mayroon siyang sapat na halaga hanggang matapos ito? 29 Baka kung nailagay na ang pundasyon at hindi ito makayang tapusin, kukutyain siya ng lahat ng makakakita sa kanya. 30 Sasabihin nila, ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naman niya kayang tapusin iyon.’ 31 O sinong hari ang makikipagdigma sa ibang hari ang hindi muna nauupo at sumasangguni sa kanyang mga tagapayo kung kayang manalo ng kanyang sampung libong kawal laban sa kalaban niyang sumusugod na may dalawampung libong kawal? 32 Kung hindi niya kaya, habang malayo pa ang kaaway ay magpapadala na siya ng sugo upang makipagkasundo para sa kapayapaan. 33 Kaya nga't sino man sa inyo na hindi magtatakwil sa lahat ng kanyang pag-aari ay hindi maaaring maging alagad ko.”

Asin na Walang Lasa(T)

34 “Mainam ang asin. Subalit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapapaalat? 35 Wala na itong silbi kahit sa lupa o sa tambakan ng dumi. Itatapon na lang ito sa labas. Makinig ang may pandinig.”

Ang Nawalang Tupa(U)

15 Lumalapit noon kay Jesus ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa kanya. Nagbulungan ang mga Fariseo at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo siya sa kanila.” Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito: “Sino sa inyo na may isandaang tupa at mawala ang isa, ang hindi mag-iiwan sa siyamnapu't siyam sa ilang at maghahanap sa nawala hanggang ito'y matagpuan? Kapag natagpuan na niya ito ay nagagalak niya itong papasanin, at pagdating sa bahay ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawalang tupa.’ Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng higit pang kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu't siyam na matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.”

Ang Nawalang Pilak

“O sino kayang babaing may sampung pirasong salaping pilak, kung mawawalan ng isang piraso ay hindi magsisindi ng ilawan at magwawalis ng bahay at matiyagang maghahanap hanggang sa matagpuan iyon? At kapag natagpuan na niya ito ay tatawagin ang mga kaibigan at kapitbahay at magsasabing, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking salaping pilak na nawawala.’ 10 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng kagalakan ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”

Ang Alibughang Anak

11 Sinabi pa niya, “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng nakababata sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo na sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati ng ama sa kanila ang kanyang ari-arian. 13 Pagdaan ng ilang araw, tinipon ng nakababata ang lahat ng kanya at umalis siya patungo sa malayong lupain. Doon ay nilustay niya ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay. 14 Nang maubos na niya ang lahat, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon kaya nagsimula na siyang mangailangan. 15 Namasukan siya sa isang mamamayan sa lupaing iyon at ipinadala siya nito sa bukid upang magpakain ng mga baboy. 16 Dahil sa gutom ay gusto na niyang kainin kahit ang mga pinagbalatan ng gulay na kinakain ng mga baboy ngunit wala kahit isa man na nagbigay sa kanya ng anuman. 17 Subalit nang matauhan ay sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Marami sa mga upahang lingkod ng aking ama ang sobra-sobra sa busog sa pagkain, samantalang ako rito'y namamatay sa gutom. 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin kong, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. 19 Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak. Ituring mo ako bilang isa sa iyong mga upahang lingkod.” ’ 20 Kaya siya ay tumindig at umuwi sa kanyang ama. Ngunit malayo pa lang siya ay natanaw na siya ng kanyang ama at labis itong naawa sa kanya. Tumakbo ito sa kanya, niyakap siya at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak.’ 22 Ngunit sinabi ng ama sa kanyang mga lingkod, ‘Magmadali kayo! Dalhin ninyo rito ang pinakamagandang balabal at isuot sa kanya. Suotan ninyo ng singsing ang kanyang daliri at ng mga sandalyas ang kanyang mga paa. 23 Kunin ninyo ang pinatabang guya at katayin. Tayo ay kakain at magdiriwang! 24 Sapagkat patay ang anak kong ito ngunit muling nabuhay. Siya ay nawala ngunit natagpuan.’ At nagsimula nga silang magdiwang.

25 “Nasa bukid noon ang nakatatandang anak at sa kanyang pag-uwi, nang malapit na siya sa bahay ay nakarinig siya ng tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa mga lingkod at tinanong kung ano ang nangyayari. 27 At sinabi nito sa kanya, ‘Narito na ang iyong kapatid! Ipinagkatay siya ng iyong ama ng pinatabang guya. Sapagkat nabawi siya ng iyong ama na ligtas at malusog.’ 28 Nagalit ang nakatatandang anak at ayaw pumasok. Kaya't lumabas ang kanyang ama at nakiusap sa kanya. 29 Ngunit sumagot siya sa kanyang ama, ‘Nakikita po ninyo na maraming taon na akong naglilingkod sa inyo at hindi ko sinuway kailanman ang inyong utos. Ngunit hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang kambing upang makipagsaya ako sa aking mga kaibigan. 30 Subalit nang bumalik ang anak mong ito na naglustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagkatay mo pa siya ng pinatabang guya.’ 31 Kaya't sinabi ng ama sa kanya, ‘Anak, lagi kitang kapiling at sa iyo ang lahat ng sa akin. 32 Ngunit nararapat lamang tayong magsaya at magalak sapagkat patay ang kapatid mong ito ngunit muling nabuhay. Siya ay nawala ngunit natagpuan.’ ”

Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala

16 Sinabi rin niya sa mga alagad, “May isang mayaman na may katiwala. Isinusumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang mga kayamanan. Tinawag niya ito at tinanong, ‘Ano itong narinig ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’ Sinabi ng katiwala sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayong tinanggal na sa akin ang pangangasiwa? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa at nahihiya naman akong mamalimos. Alam ko na ang gagawin ko! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ At sinabi nito, ‘Sandaang tapayan ng langis.’ Sinabi niya naman dito, ‘Kunin mo ang katibayan ng iyong pagkakautang, maupo ka at isulat mo agad na limampu.’ Pagkatapos ay sinabi naman niya sa isa pa, ‘Magkano ang utang mo?’ At sinabi nitong, ‘Sandaang kabang trigo.’ Sinabi niya rito, ‘Kunin mo ang katibayan ng iyong pagkakautang at isulat mo na walumpu.’ Pinuri ng panginoon ang madayang katiwala dahil sa katusuhan nito. Sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay mas tuso sa pamamahala ng kanilang pamumuhay kaysa mga anak ng liwanag. Sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo gamit ang kayamanan ng sanlibutan upang kung maubos na ito ay tatanggapin kayo sa walang hanggang mga tahanan. 10 Ang tapat sa kaunti ay tapat din sa marami at ang hindi tapat sa kaunti ay hindi rin tapat sa marami. 11 Kaya kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng sanlibutan, sino ang magtitiwala sa inyo sa tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng sarili ninyong kayamanan? 13 Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa ngunit iibigin ang isa pa. O kaya naman ay magiging tapat siya sa isa ngunit kamumuhian ang isa pa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.”

Ang Kautusan at ang Paghahari ng Diyos(V)

14 Ngunit narinig ng mga Fariseong maibigin sa salapi ang lahat ng iyon kaya siya'y kanilang kinutya. 15 Kaya sinabi niya sa kanila, “Nagkukunwari kayong matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang inyong puso. Sapagkat ang pinahahalagahan ng tao ay kasuklam-suklam sa Diyos. 16 Ang Kautusan at ang mga Propeta ay hanggang kay Juan. Buhat noon, ipinangangaral na ang Magandang Balita ng paghahari ng Diyos at nagpupumilit makapasok ang bawat isa. 17 Mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa mawala ang isang kudlit sa Kautusan. 18 Sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at nag-asawa ng iba ay nangangalunya at ang makipag-asawa sa hiniwalayang babae ay nangangalunya rin.

Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro

19 “May mayamang tao na nagsusuot ng mamahaling damit at kumakain nang sagana araw-araw. 20 Isang pulubi namang nagngangalang Lazaro ang nakalupasay sa may pintuan ng mayaman. Marami siyang sugat sa katawan. 21 Masaya na siyang makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Kahit ang mga aso ay lumalapit at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng pagdurusa niya sa Hades, tumingala siya at nakita niya sa kalayuan si Abraham at si Lazaro sa kandungan nito. 24 Kaya't pasigaw niyang sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin! Isugo mo si Lazaro upang isawsaw ang kanyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong sa iyong buhay ay nagtamasa ka ng mabubuting bagay, samantalang si Lazaro naman ay dumanas ng hirap. Ngayon siya ay inaaliw dito at ikaw naman ay nagdurusa. 26 Bukod dito, may inilagay na malawak na bangin sa pagitan natin upang ang gustong makatawid mula rito patungo sa inyo ay hindi makatatawid o makatawid mula riyan patungo rito.’ 27 Sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon, ipinakikiusap ko sa iyo Ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama, 28 sapagkat mayroon akong limang kapatid na lalaki, upang si Lazaro'y magpatotoo sa kanila at nang hindi sila humantong sa lugar ng kaparusahang ito.’ 29 Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta. Hayaan mong ang mga kapatid mo'y makinig sa kanila.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi sapat ang mga iyon, Amang Abraham. Ngunit kung isa mula sa mga patay ang magpupunta sa kanila, magsisisi sila.’ 31 Sinabi naman ni Abraham, ‘Kung hindi sila nakikinig kay Moises at sa mga propeta, hindi rin sila makikinig kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’ ”

Ilang Kasabihan ni Jesus(W)

17 Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Ang sanhi ng pagkakasala ay hindi mawawala ngunit kaysaklap ng sasapitin ng taong panggagalingan nito. Mabuti pa sa kanya ang itapon sa dagat nang may nakabiting batong panggiling sa kanyang leeg, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. Kaya't mag-ingat kayo! Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, sawayin mo siya, at kung siya ay magsisi, patawarin mo siya. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong ulit siyang lumapit sa iyo na nagsasabing, ‘Nagsisisi ako,’ patawarin mo siya.”

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.” Kaya sinabi ng Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikamorong ito, ‘Mabunot ka at maitanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.”

“Sino sa inyo ang magsasabi sa inyong lingkod na kagagaling lang sa bukid dahil sa pag-aararo o pagpapastol ng tupa, ‘Halika na rito agad at umupo sa hapag-kainan’? Sa halip, hindi ba sasabihin ninyo sa kanya, ‘Ipaghanda mo nga ako ng hapunan, magbihis ka at maglingkod sa akin habang ako'y kumakain. Pagkatapos ko ay maaari ka nang kumain.’? Pinasasalamatan mo ba ang lingkod sa pagsunod niya sa mga utos? 10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo ay sabihin ninyo, ‘Kami ay mga lingkod na walang kabuluhan; ginampanan lang namin ang aming tungkulin.’ ”

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin

11 Habang patungo sa Jerusalem, nagdaan si Jesus sa pagitan ng Samaria at Galilea. 12 Pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Habang sila'y nakatayo sa malayo, 13 sumigaw sila na nagsasabing, “Jesus! Panginoon! Maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus ay sinabi niya, “Humayo kayo at magpasuri sa mga pari.” Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling. 15 Nang makita ng isa sa mga ito na gumaling na siya, bumalik siyang sumisigaw ng papuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus. Ang lalaking ito ay Samaritano. 17 Kaya't nagtanong si Jesus, “Hindi ba't sampu ang pinagaling? Nasaan ang siyam? 18 Wala bang natagpuang bumalik upang magbigay ng papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?” 19 At sinabi niya rito, “Tumindig ka at humayo! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Ang Simula ng Paghahari ng Diyos(X)

20 Minsan, tinanong ng mga Fariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, “Hindi magsisimula ang paghahari ng Diyos na may nakikitang palatandaan; 21 hindi rin nila masasabi, ‘Tingnan ninyo at narito,’ o ‘Naroon,’ sapagkat masdan ninyo, ang paghahari ng Diyos ay nasa inyo.” 22 Sinabi niya sa mga alagad, “Sasapit ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo roon,’ o ‘Tingnan ninyo rito!’ Huwag kayong pumunta roon o sumunod sa kanila. 24 Sapagkat kung paanong kumikislap at nagbibigay-liwanag ang kidlat mula isang panig ng kalangitan hanggang sa kabila, gayundin ang Anak ng Tao sa kanyang araw. 25 Ngunit kailangan muna niyang magdusa at maitakwil ng salinlahing ito. 26 Gaya nang nangyari noong panahon ni Noe, ganoon din ang mangyayari sa araw ng Anak ng Tao. 27 Ang mga tao noon ay nagkakainan, nag-iinuman, nag-aasawa, at pinag-aasawa hanggang sa araw na pumasok na sa daong si Noe at dumating ang baha at nilipol silang lahat. 28 Ganoon din noong mga araw ni Lot. Sila'y nagkakainan, nag-iinuman, namimili, nagbibili, nagtatanim at nagtatayo. 29 Subalit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa araw na maihayag ang Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, huwag nang bumaba ang nasa tuktok ng bahay upang kunin ang mga gamit sa loob ng bahay. Ang nasa bukid naman ay huwag nang bumalik sa kanyang naiwan. 32 Tandaan ninyo ang asawa ni Lot. 33 Sinumang nagnanais mag-ingat ng kanyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawalan ng kanyang buhay ay makapag-iingat nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, dalawa ang nasa isang higaan, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasama sa gilingan, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 36 May dalawang lalaki sa bukid, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 37 At nagtanong sa kanya ang mga alagad, “Saan po mangyayari ito Panginoon?” Sinabi niya sa kanila, “Kung nasaan ang bangkay, doon din nagtitipon ang mga buwitre.”

Ang Talinghaga tungkol sa Balo at sa Hukom

18 At isinalaysay ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga upang magturo sa kanila na dapat silang manalanging lagi at huwag panghinaan ng loob. Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. Sa lungsod ding iyon ay may isang balo na laging nagpupunta sa hukom at sinasabi, ‘Humihingi ako ng katarungan laban sa aking mga kaaway.’ Matagal ding hindi pinapansin ng hukom ang babae. Ngunit sa kalaunan ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Hindi man ako natatakot sa Diyos o gumagalang sa tao, ngunit dahil lagi akong ginagambala ng balong ito, pagbibigyan ko ang hinihingi niyang katarungan. Kung hindi ay baka mainis pa ako sa madalas niyang pagparito.’ ” Sinabi ng Panginoon, “Pakinggan nga ninyo ang sinasabi ng masamang hukom. At hindi ba maigagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw at gabi? Sila ba ay matitiis niya? Sinasabi ko sa inyo, bibigyan niya agad sila ng katarungan. Gayunman, pagdating ng Anak ng Tao, makatatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

Talinghaga tungkol sa Fariseo at sa Maniningil ng Buwis

Isinalaysay naman ni Jesus ang talinghagang ito sa mga mapagtiwala sa sarili, mapanghamak sa iba sa paniniwalang sila ay matuwid. 10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin—isang Fariseo at isang maniningil ng buwis. 11 Ganito ang panalangin ng Fariseo habang mag-isa siyang nakatayo, ‘Diyos ko, pinasasalamatan kita na hindi ako tulad ng ibang tao—mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya o gaya ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo. Nagbibigay ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis ay nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit at binabayo ang kanyang dibdib sa pagsasabing, ‘Diyos ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong iyon na itinuring na matuwid ng Diyos at hindi ang Fariseo. Sapagka't ang bawat nagtataas ng kanyang sarili ay ibababa at ang bawat nagbababa ng sarili ay itataas.”

Binasbasan ni Jesus ang mga Bata(Y)

15 Dinala ng mga tao kay Jesus maging ang mga sanggol upang sila ay kanyang basbasan; ngunit sinaway sila ng mga alagad nang makita ito. 16 Subalit pinalapit ni Jesus ang mga bata. Sinabi niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, sapagkat para sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng Diyos. 17 Tinitiyak ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos gaya ng isang bata ay hinding-hindi makapapasok dito.”

Ang Mayamang Lalaki(Z)

18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti maliban sa Diyos. 20 Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya. Huwag kang pumatay. Huwag kang magnakaw. Huwag kang magsinungaling sa iyong patotoo. Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 21 At sinabi ng lalaki, “Tinupad ko na ang lahat ng ito mula pa sa pagkabata.” 22 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi sa kanya, “Isa pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng mayroon ka at ipamahagi mo ito sa mahihirap at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Labis na nalungkot ang lalaki sa narinig, sapagkat siya ay napakayaman. 24 Nang makita ni Jesus ang kanyang kalungkutan ay sinabi niya, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Sapagkat mas madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Kaya't sinabi ng mga nakarinig, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus. 28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan po ninyo. Iniwan po namin ang lahat at sumunod sa inyo.” 29 At sinabi niya sa kanila, “Tandaan ninyo ito: sinumang mag-iwan ng tahanan, o asawa, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak para sa kapakanan ng paghahari ng Diyos 30 ay tiyak na tatanggap ng patung-patong na kapalit sa panahong ito at ng buhay na walang hanggan sa panahong darating.”

Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(AA)

31 Ibinukod niya ang labindalawa at sinabi niya sa mga ito, “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Matutupad ang lahat ng naisulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay siya sa mga Hentil at lilibakin, hahamakin, at duduraan. 33 Hahagupitin siya at papatayin, ngunit mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw.” 34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga ito. Ang kahulugan ng sinabing ito ay inilihim sa kanila kaya't hindi nila maunawaan ang kanyang mga sinabi.

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(AB)

35 Nang malapit na sila sa Jerico, isang lalaking bulag ang nakaupong namamalimos sa tabi ng daan. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang mga tao, tinanong niya kung ano ang nangyayari. 37 At sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazareth. 38 Kaya sumigaw siya, “Jesus! Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga nasa unahan at siya ay pinatahimik. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 40 Kaya't tumigil si Jesus at nag-utos na ilapit ang lalaki sa kanya. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang nais mong gawin ko?” Sumagot ang lalaki, “Panginoon, gusto ko po sanang muling makakita.” 42 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakakita kang muli. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” 43 At agad siyang nakakitang muli at sumunod kay Jesus na nagpupuri sa Diyos. Nang makita ito ng lahat ng mga tao, sila ay nagpuri sa Diyos.

Si Jesus at si Zaqueo

19 Pumasok at nagdaan si Jesus sa Jerico. May isang lalaki doon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay pinuno ng mga maniningil ng buwis at mayaman. Sinisikap niyang makita kung sino si Jesus, subalit dahil sa dami ng tao ay hindi niya ito makita sapagkat siya ay pandak. Kaya't patakbo siyang nauna at umakyat sa puno ng sikomoro, sapagkat si Jesus ay malapit nang dumaan doon. Pagdating ni Jesus sa tapat niyon, tumingala siya at sinabi kay Zaqueo, “Zaqueo, dalian mo, bumaba ka sapagkat ngayo'y kailangan kong tumuloy sa iyong bahay.” Kaya't nagmamadaling bumaba si Zaqueo at tuwang-tuwang pinatuloy si Jesus sa kanyang bahay. Ang lahat ng nakakita nito ay nagsimulang magbulungan, “Pumasok siya upang maging panauhin sa bahay ng isang makasalanan.” Tumayo si Zaqueo at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, masdan po ninyo, ibibigay ko sa mahihirap ang kalahati ng aking pag-aari. At kung mayroon man akong dinaya, ibabalik ko iyon nang apat na ulit.” At sinabi sa kanya ni Jesus, “Sa araw na ito, ang kaligtasan ay dumating sa bahay na ito, sapagkat ang taong ito ay anak din ni Abraham. 10 Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Ang Talinghaga ng Sampung Gintong Salapi(AC)

11 Habang pinakikinggan nila ang mga ito, isinalaysay pa ni Jesus ang isang talinghaga, sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at inaakala nilang ang paghahari ng Diyos ay kaagad mahahayag. 12 Kaya sinabi niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa malayong lugar upang maging hari, at pagkatapos ay bumalik. 13 Bago umalis, tinawag niya ang sampu niyang alipin, binigyan ang mga ito ng gintong salapi[c] at sinabi sa kanila, ‘Gamitin ninyo ito sa negosyo hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit kinapootan naman siya ng mga mamamayan at nagsugo ang mga ito ng kinatawan na nagsabing, ‘Ayaw naming maging hari ang taong ito.’ 15 At nang sumapit ang kanyang pagbabalik pagkatapos niyang maging hari, pinatawag niya ang kanyang mga aliping binigyan niya ng salapi upang alamin kung ano ang tinubo nila sa pangangalakal. 16 At lumapit ang una na nagsabi, ‘Panginoon, ang inyong gintong salapi ay tumubo ng sampu.’ 17 Kaya sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin! Sapagkat naging tapat ka sa kaunti, mamahala ka sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Panginoon, tumubo ng lima ang inyong gintong salapi.’ 19 At sinabi rin niya rito, ‘Ikaw naman, mamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi na aking ibinalot sa panyo. 21 Sapagkat natakot po ako sa inyo dahil kayo ay isang taong mahigpit. Kinukuha ninyo ang hindi ninyo itinabi, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sumagot ang hari, ‘Masamang alipin! Sa iyong bibig na rin nanggaling ang aking hatol sa iyo. Alam mo na palang ako ay mahigpit, na kinukuha ko ang hindi ko itinabi at inaani ko ang hindi ko itinanim, 23 bakit hindi mo man lang inilagay sa bangko ang salapi? Nang sa gayon, sa aking pagbabalik ay kumita man lang ako sa tubo nito.’ 24 At sinabi niya sa mga nakatayo roon, ‘Kunin ninyo sa taong ito ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, mayroon na po siyang sampu.’ 26 ‘Sinasabi ko sa inyo, bibigyan pa ang sinumang mayroon na, ngunit ang wala, kahit ang nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa aking mga kaaway na ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa aking harapan.’ ”

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(AD)

28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus sa pag-akyat sa Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Betfage at Betania, sa lugar na tinatawag na Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok ninyo roo'y makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali na hindi pa nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 31 Kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan?’ ganito ang sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon.’ ” 32 Sumunod ang mga inutusan, at natagpuan nga nila ang asno ayon sa sinabi sa kanila. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno ay tinanong sila ng may-ari nito, “Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?” 34 Kaya't sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 Dinala nila ang batang asno kay Jesus at matapos ilagay sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya ay pinasakay nila dito. 36 Samantalang siya'y nakasakay sa batang asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang damit sa daan. 37 Nang malapit na siya sa daan pababa sa Bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagsimulang magsaya at magpuri sa Diyos nang pasigaw tungkol sa nasaksihan nilang mga kababalaghan. 38 Sinabi nila,

“Pinagpala ang Haring dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit at luwalhati sa kataas-taasan.”

39 Ilan sa mga Fariseo na nasa karamihan ay nagsabi sa kanya, “Guro! Sawayin mo ang iyong mga alagad.” 40 Ngunit sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo, kung tatahimik ang mga ito, magsisigawan ang mga bato.” 41 Nang papalapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung alam mo lang sana sa araw na ito kung ano ang magdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ngayon, itinago ang mga ito sa iyong mga mata. 43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw na magtatayo ng moog ang iyong mga kaaway at palilibutan ka nila at lulusubin ka nila sa bawat panig. 44 Ibabagsak ka nila sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Wala silang ititirang bato na nasa ibabaw ng ibang bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Nilinis ni Jesus ang Templo(AE)

45 Pumasok si Jesus sa templo, at sinimulan niyang itaboy ang mga nagtitinda roon. 46 Sinasabi niya sa kanila, “Nasusulat,

‘Ang tahanan ko ay magiging bahay-dalanginan;’
    ngunit ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”

47 Araw-araw siyang nangangaral sa templo. Sinikap siyang patayin ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan, 48 ngunit wala silang matagpuang paraan upang maisagawa ito sapagkat ang mga tao ay nakatuon sa pakikinig sa kanya.

Footnotes

  1. Lucas 12:25 Sa Griyego, makakapagdagdag ng isang siko.
  2. Lucas 12:35 Sa Griyego, Bigkisin ang baywang.
  3. Lucas 19:13 Sa Griyego, mina, ang katumbas ay humigit-kumulang sa tatlong buwang sahod ng isang karaniwang manggagawa.