Add parallel Print Page Options

Layunin ng Aklat

Yamang marami ang nagsikap bumuo ng isang maayos na salaysay tungkol sa mga naganap sa ating kalagitnaan, ayon sa inilahad sa atin ng mga taong noon pa mang simula ay mga saksi na at mga lingkod ng salita; at, matapos ang aking masusing pagsisiyasat sa lahat buhat sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, upang maunawaan mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo

Noong si Herodes pa ang hari ng Judea, may isang pari mula sa pangkat ni Abias na ang pangalan ay Zacarias. Ang asawa niyang si Elizabeth ay mula sa angkan ni Aaron. Kapwa sila matuwid sa paningin ng Diyos, nabubuhay na walang kapintasan sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na. Isang araw, ginagampanan ni Zacarias ang kanyang tungkulin bilang pari noong manungkulan ang kanyang pangkat, nabunot ang kanyang pangalan ayon sa kaugalian ng mga pari, upang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso. 10 Sa oras ng paghahandog ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Bigla na lamang nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa kanan ng dambana ng insenso. 12 Matinding takot ang naramdaman ni Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Ngunit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias. Sapagkat dininig na ang iyong panalangin. Magdadalang-tao ang asawa mong si Elizabeth at bibigyan ka niya ng anak na lalaki at tatawagin mo ito sa pangalang Juan. 14 Matutuwa ka at magagalak, at marami ring matutuwa sa kanyang pagsilang. 15 Sapagkat siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Hinding-hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Banal na Espiritu. 16 Marami sa mga anak ni Israel ang aakayin niyang magbalik-loob sa Panginoon nilang Diyos. 17 Mauuna siya sa lalakaran ng Panginoon taglay ang espiritu at kapangyarihang gaya ng kay Elias, upang pagkasunduin ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng matutuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan para sa Panginoon.” 18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko ito matitiyak? Matanda na ako, gayundin ang aking asawa.” 19 At sinabi sa kanya ng anghel, “Ako si Gabriel, na isang lingkod ng Diyos, ay isinugo upang magsabi sa iyo at maghatid ng mga Magandang Balitang ito. 20 Subalit dahil hindi mo pinaniwalaan ang mga sinabi ko na mangyayari sa takdang panahon, magiging pipi ka at hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” 21 Samantala, ang mga taong naghihintay kay Zacarias ay nagtaka kung bakit siya'y nagtatagal sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya ay hindi na siya makapagsalita. Napagtanto nilang siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Sumesenyas lamang siya sa kanila at nanatiling pipi. 23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi siya sa kanyang bahay. 24 Pagkalipas ng mga araw na iyon ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Limang buwan itong hindi nagpakita sa iba. Sinabi ni Elizabeth, 25 “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang pansinin upang alisin ang dahilan ng pang-aalipusta ng mga tao sa akin.”

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea na kung tawagin ay Nazareth. 27 Isinugo(A) siya sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaking mula sa angkan ni David na ang pangalan ay Jose. Maria ang pangalan ng birhen. 28 Lumapit sa kanya ang anghel, at sinabi nito, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”[a] 29 Subalit lubha niyang ikinalito ang sinabing iyon at inisip niya kung ano ang kahulugan ng pagbating iyon. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalugdan ka ng Diyos. 31 Kaya, magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. 32 Siya'y (B) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. 33 Maghahari siya magpakailanman sa sambahayan ni Jacob at ang paghahari niya ay walang katapusan.” 34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito gayong wala pa akong nakatalik na lalaki?” 35 Sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Banal na Espiritu at lilimliman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang isisilang ay banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Dapat mong malaman na ang kamag-anak mong si Elizabeth ay naglilihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Siya na dating tinatawag na baog ay anim na buwan nang buntis. 37 Sapagkat (C) sa Diyos ay walang imposible.” 38 At sinabi ni Maria, “Narito ako na lingkod ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.

Dinalaw ni Maria si Elizabeth

39 Hindi nagtagal at naghanda si Maria at nagmadaling pumunta sa isang maburol na lupain sa bayan ng Judea. 40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumipa ang sanggol sa kanyang sinapupunan at si Elizabeth ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Sumigaw siya nang malakas, at sinabi niya, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin naman ang bunga ng iyong sinapupunan! 43 Ano ang nangyari at ako ay dinalaw ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay sumipa sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”

Umawit ng Papuri si Maria

46 Sinabi (D) ni Maria,

47 “Ang aking kaluluwa'y Panginoon ang dinadakila,
    at sa aking Diyos na Tagapagligtas, espiritu ko'y labis ang tuwa.
48 Sapagkat (E) nilingap ang kanyang hamak na alipin.
    At mula ngayo'y tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa akin
    at banal ang pangalan niyang angkin.
50 Kanyang pagkahabag, lahat ng salinlahi ang abot
    sa lahat ng sa kanya tunay na may takot.
51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kanyang mga bisig;
    pinagwatak-watak niya ang mga palalò sa mga haka ng kanilang puso at isip.
52 Ang (F) mga makapangyarihan mula sa trono'y kanyang ibinagsak,
    at ang mga nasa abang kalagayan, kanya namang iniangat.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
    at ang mayayaman ay kanyang pinaalis na walang dalang baon.
54 Ang Israel na lingkod niya'y kanyang tinulungan,
    bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Ito'y (G) bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
    kay Abraham at sa kanyang salinlahi magpakailanman.”

56 Nanatiling kasama ni Elizabeth si Maria nang may tatlong buwan bago ito umuwi sa kanyang tahanan.

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo

57 Sumapit na ang kabuwanan ni Elizabeth at isinilang niya ang isang lalaki. 58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ng dakilang awa sa kanya ang Panginoon at sila'y nakigalak sa kanya. 59 Pagsapit (H) ng ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Papangalanan sana nila ng Zacarias ang sanggol tulad ng pangalan ng kanyang ama. 60 Ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi. Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 “Wala kang kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[b] 63 Humingi siya ng isang masusulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat. 64 Noon di'y nabuksan ang kanyang bibig at nakalagan ang kanyang dila. Siya'y nagsimulang magsabi ng pagpupuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng naninirahan sa kanilang paligid, at pinag-usapan ang mga ito sa buong maburol na lupain ng Judea. 66 Lahat ng mga nakarinig nito ay nag-isip, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang kamay ng Panginoon.

Ang Propesiya ni Zacarias

67 Napuspos ng Banal na Espiritu si Zacarias na ama ng bata, at nagpahayag ng propesiyang ito,

68 “Ang Diyos ng Israel dapat na papurihan,
    sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 itinaas niya ang isang sungay ng kaligtasan para sa atin
    mula sa sambahayan ni David na kanyang alipin,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noon pa man,
71 na tayo'y ililigtas niya mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin
72 upang ang habag sa ating mga ninuno ay ipakita
    at ang kanyang banal na tipan ay maalala,
73 ang pangakong ibinigay niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong mga iniligtas sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
    sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At (I) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
    sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang ipaalam ang kaligtasan sa kanyang bayan,
    sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
sisilay[c] sa atin ang bukang-liwayway,
79     upang (J) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”

80 Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na siya'y magpakita sa Israel.

Ang Kapanganakan ni Jesus(K)

Nang mga araw na iyon, lumabas ang isang utos mula kay Emperador Augusto na magpatala ang lahat sa buong mundo. Naganap ang unang pagpapatalang ito nang si Quirinio ang gobernador ng Syria. Umuwi nga ang bawat isa sa kani-kanilang bayan upang magpatala. Pumunta rin si Jose mula sa bayan ng Nazareth ng Galilea patungong Judea, sa lungsod ni David na kung tawagin ay Bethlehem dahil siya ay mula sa lipi at sambahayan ni David. Kasama niyang magpapatala si Maria, na ipinagkasundo sa kanya; nagdadalang-tao na si Maria noon. Habang sila'y naroroon, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. At isinilang niya ang kanyang panganay na lalaki, binalot niya ito ng lampin at inihiga sa sabsaban, sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ang mga Pastol at ang mga Anghel

Kinagabihan, sa lupain ding iyon ay may mga pastol sa parang na nagbabantay ng kanilang mga kawan. Bigla na lang lumitaw sa harapan nila ang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Diyos ay nagliwanag sa kanilang paligid; sila ay lubhang natakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot, sapagkat dala ko sa inyo ang mabuting balitang ikagagalak ng lahat ng tao. 11 Sa araw na ito, isinilang sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 At ito ang palatandaan para sa inyo: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na binalot sa lampin at nakahiga sa sabsaban.” 13 Walang anu-ano'y sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at nagsasabi:

14 “Luwalhati sa Diyos sa kaitaas-taasan,
at sa daigdig, kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.”[d]

15 Nang iwan sila ng mga anghel, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 At nagmamadali silang nagpunta at natagpuan nila sina Maria, si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ito, ipinaalam nila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi sa kanila ng mga pastol. 19 Pinahalagahan ni Maria ang lahat ng mga ito sa kanyang kalooban at pinagbulay-bulayan. 20 Nagpupuring umalis ang mga pastol at niluluwalhati ang Diyos sapagkat lahat ng kanilang nakita at narinig ay ayon sa sinabi sa kanila ng anghel. 21 Makalipas ang walong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus, ayon sa pangalang ibinigay sa kanya ng anghel bago pa siya ipinagdalang-tao.

Ang Paghahandog kay Jesus

22 Nang sumapit na ang araw ng kanilang paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, dinala ng kanyang mga magulang ang sanggol sa Jerusalem upang ihandog sa Panginoon. 23 Ito ay ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila nang ayon sa sinabi sa Kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati.” 25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at masipag sa kabanalan at naghihintay sa pagpapalaya sa Israel. Sumasakanya ang Banal na Espiritu. 26 Ipinahayag ng Banal na Espiritu sa kanya na makikita muna niya ang Cristo ng Panginoon bago siya mamatay. 27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok si Simeon sa templo. At nakita niya na dala-dala si Jesus ng kanyang mga magulang upang gawin ang nakaugalian ayon sa Kautusan. 28 Kinarga ni Simeon ang sanggol at nagpuri sa Panginoon. Sinabi niya,

29 “Ngayon, Panginoon ko, ayon sa inyong ipinangako,
    mapayapa mo nang kunin ang iyong alipin.
30 Sapagkat namalas na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31     na inyong inihanda, sa harap ng lahat ng bansa:
32 Isang ilaw ng pagpapahayag sa mga Hentil
    at para sa kaluwalhatian ng bansa mong Israel.”

33 Ang ama at ina ng sanggol ay namangha sa mga sinabi tungkol sa kanya. 34 At binasbasan sila ni Simeon at sinabi kay Maria na ina ng sanggol, “Tandaan mo ang sasabihin ko: itinalaga ang batang ito para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel. Siya'y magiging tanda na sasalungatin ng marami, 35 at mahahayag ang iniisip ng marami—at tila isang balaraw ang tatarak sa iyong puso.” 36 Naroon din si Ana, isang propetang babae na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Napakatanda na niya. Pitong taon niyang nakapiling ang kanyang asawa matapos maikasal. 37 Ngayon ay isa na siyang balo sa edad na walumpu't apat. Hindi niya nililisan ang templo kundi araw at gabi siyang nag-aayuno at nananalangin doon. 38 Pagdating niya nang mga oras na iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagsimulang magsalita tungkol sa sanggol sa lahat ng mga naghihintay ng katubusan ng Israel.

Ang Pagbabalik sa Nazareth

39 Pagkatapos nilang maisagawa ang lahat ng ayon sa Kautusan ng Panginoon, bumalik ang mga magulang ni Jesus sa kanilang bayang Nazareth sa Galilea. 40 Lumaking malusog ang bata, puspos ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Templo

41 Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, nagpupunta sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus. 42 Nang naglabindalawang taong gulang na siya, umahon sila patungo sa kapistahan ayon sa kaugalian. 43 Nang matapos ang pista at sila ay pabalik na, nanatili ang batang si Jesus sa Jerusalem na hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang kasama nila sa paglalakbay si Jesus sa kanilang grupo, tumagal nang isang araw bago nila ito hinanap sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. 45 Nang hindi siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya. 46 Makalipas ang tatlong araw, natagpuan nila ito na nakaupo sa templo, sa kalagitnaan ng mga guro—nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47 Ang lahat ng nakapakinig sa kanya ay manghang-mangha sa kanyang katalinuhan at mga sagot. 48 Nang makita siya ng kanyang mga magulang, namangha sila. Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak, bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Ako at ang iyong ama ay nag-aalala sa kahahanap sa iyo.” 49 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa tahanan ako ng aking ama?” 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya sa kanila. 51 Umalis siyang kasama nila pauwi sa Nazareth at siya ay naging masunurin sa kanila. At pinakaingatan ng kanyang ina ang mga bagay na ito sa kanyang puso. 52 Lumago si Jesus sa karunungan at pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(L)

Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Emperador Tiberio, habang si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, si Herodes ang pinuno[e] ng Galilea, si Felipe na kanyang kapatid ang pinuno ng Iturea at Traconite, at si Lysanias naman ang pinuno ng Abilinia; at sina Anas at Caifas naman ang mga Kataas-taasang Pari, dumating ang salita ng Diyos sa anak ni Zacarias na si Juan na nasa ilang. Tinungo niya ang buong lupain sa palibot ng Jordan upang ipangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng kasalanan. Gaya ng nasusulat sa aklat ni propetang si Isaias,

“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.
Tatambakan ang bawat lambak,
    at papatagin ang bawat bundok at burol.
Itutuwid ang likong daan,
    at papatagin ang daang lubak-lubak.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.’ ”

Sinabi ni Juan sa maraming mga taong nagdatingan upang magpabautismo sa kanya, “Mga anak ng ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa darating na poot? Kaya mamunga kayo ng mga bungang karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa isa't isa, ‘Ama namin si Abraham.’ Sinasabi ko sa inyo na mula sa mga batong ito ay kaya ng Diyos na lumikha ng mga anak para kay Abraham. Ngayon pa man ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy. Pinuputol ang bawat punongkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti at itinatapon sa apoy.” 10 Kaya't tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang kailangan naming gawin?” 11 At pagsagot ay sinabi niya sa kanila, “Ang may dalawang damit panloob ay bigyan ang wala at ang may pagkain ay gayon din ang gawin.” 12 May mga nagdatingan ding mga maniningil ng buwis na magpapabautismo na nagsabi sa kanya, “Guro, ano ang nararapat naming gawin?” 13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong sumingil nang labis sa ipinag-uutos sa inyo.” 14 Nagtanong din sa kanya ang mga kawal, “At kami naman, ano naman ang dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ni magbintang nang mali. Makuntento kayo sa inyong sinasahod.” 15 Dahil sa pananabik ng mga tao, nagtatanungan sila kung si Juan na nga ba ang Cristo. 16 Sinagot silang lahat ni Juan, “Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig, ngunit may darating na higit na makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat na magkalag man lang ng kanyang sandalyas. Siya ang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu at apoy. 17 Nasa kanyang kamay ang kalaykay upang linisin nang husto ang kanyang giikan at tipunin ang trigo sa kanyang kamalig; subalit ang ipa ay kanyang susunugin sa apoy na hindi maaápula.” 18 Kaya nga't ipinangaral niya ang marami at iba't ibang bagay sa paghahayag ng mabuting balita. 19 Subalit si Herodes na pinuno, dahil siya'y napagsabihan ni Juan tungkol kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid at tungkol sa lahat ng mga masasamang ginawa ni Herodes, 20 idinagdag pa sa lahat ng ito nang ipinakulong niya si Juan sa bilangguan.

Binautismuhan si Jesus(M)

21 Nang mabautismuhan na ang lahat ng tao, binautismuhan din si Jesus. Habang siya ay nananalangin, nabuksan ang langit 22 at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. Sinabi ng isang tinig mula sa langit, “Ikaw ang pinakamamahal kong anak. Sa iyo ako lubos na nalulugod.”

Ang mga Ninuno ni Jesus(N)

23 Si Jesus ay magtatatlumpung taong gulang nang magsimula sa kanyang gawain. Siya ay anak ni Jose, tulad ng akala ng marami. Si Jose ay anak naman ni Eli, 24 na anak ni Matat, na anak ni Levi, na anak ni Melqui, na anak ni Janai, na anak ni Jose, 25 na anak ni Matatias, na anak ni Amos, na anak ni Nahum, na anak ni Esli, na anak ni Nagai, 26 na anak ni Maat, na anak ni Matatias, na anak ni Semein, na anak ni Josec, na anak ni Joda, 27 na anak ni Joanan, na anak ni Resa, na anak ni Zerubabel, na anak ni Salatiel, na anak ni Neri, 28 na anak ni Melqui, na anak ni Adi, na anak ni Cosam, na anak ni Elmadam, na anak ni Er, 29 na anak ni Josue, na anak ni Eliezer, na anak ni Jorim, na anak ni Matat, na anak ni Levi, 30 na anak ni Simeon, na anak ni Juda, na anak ni Jose, na anak ni Jonam, na anak ni Eliakim, 31 na anak ni Melea, na anak ni Mena, na anak ni Matata, na anak ni Natan, na anak ni David, 32 na anak ni Jesse, na anak ni Obed, na anak ni Boaz, na anak ni Salmon, na anak ni Naason, 33 na anak ni Aminadab, na anak ni Admin, na anak ni Arni, na anak ni Hesrom, na anak ni Perez, na anak ni Juda, 34 na anak ni Jacob, na anak ni Isaac, na anak ni Abraham, na anak ni Terah, na anak ni Nahor, 35 na anak ni Serug, na anak ni Reu, na anak ni Peleg, na anak ni Eber, na anak ni Sala, 36 na anak ni Cainan, na anak ni Arfaxad, na anak ni Sem, na anak ni Noe, na anak ni Lamec, 37 na anak ni Matusalem, na anak ni Enoc, na anak ni Jared, na anak ni Mahalaleel, na anak ni Cainan, 38 na anak ni Enos, na anak ni Set, na anak ni Adan, na anak ng Diyos.

Tinukso si Jesus(O)

Bumalik mula sa Jordan si Jesus na puspos ng Banal na Espiritu. Dinala siya ng Espiritu sa ilang at doon ay apatnapung araw siyang tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon kaya't nagutom siya makalipas ang mga ito. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” Ngunit sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.’ ” Dinala siya ng diyablo sa mataas na lugar at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa sanlibutan. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang karapatan sa lahat ng ito at ang kaluwalhatian nila sapagkat ipinagkaloob na ito sa akin. Maibibigay ko ito kanino ko man ibigin. Kaya't kung sasambahin mo ako, magiging iyo na ang lahat ng ito.” Sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat,

‘Ang Panginoon mong Diyos ang sambahin mo
    at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”

Dinala siya ng diyablo sa Jerusalem at inilagay sa tuktok ng templo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon kang pababa mula rito; 10 sapagkat nasusulat,

‘Uutusan niya ang kanyang mga anghel na alagaan ka.

11 At aalalayan ka nila,

    nang hindi tumama sa bato ang iyong paa.’ ”

12 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus, “Sinasabi rin, ‘Huwag mong subukan ang Panginoon mong Diyos.’ ”

13 At matapos ang lahat ng pagsubok, nilayuan siya ng diyablo at naghintay ito ng ibang pagkakataon.

Ang Pasimula ng Gawain sa Galilea(P)

14 Bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu at sa buong lupain ay kumalat ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga taglay ang papuri ng lahat.

Ang Pagtataboy kay Jesus(Q)

16 Dumating siya sa Nazareth na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang araw ng Sabbath at tumindig upang magbasa. 17 Iniabot sa kanya ang aklat ng propetang si Isaias at pagkabukas dito ay natunghayan niya ang dako kung saan nasusulat,

18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
    sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag ang paglaya
    at sa mga bulag na sila'y makakita
upang bigyang-laya ang mga inaapi,
19     at ipahayag ang pinapagpalang taon ng Panginoon.”

20 Inirolyo ni Jesus at isinauli ang aklat sa tagapaglingkod, at siya'y naupo. At ang mga mata ng lahat ng sinagoga ay nakatitig sa kanya. 21 Sinimulan niyang sabihin sa kanila, “Sa araw na ito ay natupad ang kasulatang inyong narinig.” 22 Pinuri siya ng lahat at namangha sila sa mapagpalang salita na sinabi niya. Sinabi nila, “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang talinghagang ito, ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili. Gawin mo rin dito sa iyong bayang tinubuan ang mga narinig naming nangyari sa Capernaum.’ ” 24 Sinabi niya, “Tandaan ninyo ang sinasabi ko: walang propetang kinikilala sa kanyang bayang tinubuan. 25 Ngunit ang totoo, maraming balong babae sa Israel noong panahon ni Elias, nang tatlong taon at anim na buwang hindi umulan na nagsanhi ng taggutom sa buong lupain. 26 Ngunit hindi isinugo si Elias sa isa man sa kanila kundi sa isang balong babae sa Zarefta sa lupain ng Sidon. 27 Marami rin namang ketongin sa Israel noong panahon ng propetang si Eliseo ngunit walang pinagaling sa kanila maliban kay Naaman na taga-Syria.” 28 Pagkarinig dito, nagngitngit sa galit ang lahat ng nasa sinagoga. 29 Nagtindigan sila at itinaboy siya papalabas ng bayan at dinala siya sa bingit ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan upang ihulog siya roon. 30 Ngunit siya ay dumaan lamang sa kalagitnaan nila at umalis.

Isang Taong may Maruming Espiritu(R)

31 Bumaba siya patungong Capernaum na isang bayan ng Galilea. Doon ay nagturo siya sa kanila sa araw ng Sabbath. 32 Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang mga sinasabi. 33 May isang lalaki sa sinagoga na sinasaniban ng espiritu ng karumal-dumal na demonyo. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ah! Jesus na taga-Nazareth, ano'ng pakialam mo sa amin? Naparito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka—ang Banal ng Diyos.” 35 Subalit sinaway siya ni Jesus na nagsabing, “Tumahimik ka at lumabas ka sa kanya.” At ang lalaki'y inilugmok ng demonyo sa harapan ng lahat at lumabas ito sa kanya na hindi sinaktan. 36 At namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, “Pambihirang katuruan ito! Sapagkat inuutusan niya ng may awtoridad at kapangyarihan ang maruruming espiritu at sila ay lumalabas.” 37 Kaya't kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako ng lupain.

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(S)

38 Nilisan ni Jesus ang sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay inaapoy sa lagnat ang biyenang babae ni Simon at nakiusap sila kay Jesus para sa kanya. 39 At tumayo si Jesus sa tabi nito, pinatigil niya ang lagnat at nawala nga ito. Kaya't pagtayo ng babae, agad itong naglingkod sa kanila. 40 Nang palubog na ang araw, dinala sa kanya ng lahat ang kani-kanilang may mga sari-saring karamdaman. At pagkapatong ng kanyang mga kamay sa bawat isa ay pinagaling sila. 41 Sa marami ay lumayas din ang mga demonyo na pasigaw na nagsasabing, “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit sinaway niya ang mga ito at pinagbawalang magsalita sapagkat kilala nila na siya ang Cristo.

Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(T)

42 Kinaumagahan, nagtungo si Jesus sa ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao. Lumapit sila sa kanya at pinipigilan siyang lumayo sa kanila. 43 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang mabuting balita tungkol sa paghahari ng Diyos sapagkat isinugo ako para rito.” 44 At siya ay nangaral sa mga sinagoga ng Judea.

Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad(U)

Samantalang si Jesus ay nakatayo sa baybay ng lawa ng Genesaret at habang nag-uunahang palapit sa kanya ang mga tao upang makinig sa salita ng Diyos, nakita niya ang dalawang bangkang nakadaong sa tabi ng lawa. Wala na sa mga bangka ang mga mangingisda dahil naghuhugas na ng kanilang mga lambat. Sinakyan niya ang bangka na pag-aari ni Simon. Hiniling niya kay Simon na sumagwan nang kaunti palayo sa lupa. Umupo siya at nagturo sa mga tao mula sa bangka. Nang matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon, “Dumako kayo sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.” Sumagot si Simon, “Ginoo, buong magdamag po kaming nagtiyaga ngunit wala kaming nahuli. Subalit dahil sa inyong utos, ihuhulog ko ang lambat.” Pagkagawa nila nito, nakahuli sila ng napakaraming isda na halos ikapunit ng kanilang mga lambat. Kaya't kinawayan nila ang kanilang mga kasamahan sa kabilang bangka upang lumapit at tumulong sa kanila. Lumapit nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang sa halos lumubog na ang mga ito. Nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa harap ni Jesus habang sinasabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y taong makasalanan.” Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang mga kasama ay namangha dahil sa nahuli nilang mga isda, 10 gayundin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, ikaw ay magiging tagapangisda na ng mga tao.” 11 Nang maidaong na nila sa lupa ang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Pinagaling ang Isang Ketongin(V)

12 Minsan ay nasa isang bayan si Jesus nang dumating ang isang lalaking punung-puno ng ketong. Pagkakita nito kay Jesus, patirapa itong nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako ay mapagagaling ninyo.” 13 Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinawakan ang lalaki at sinabi, “Nais ko, gumaling ka!” At agad nawala ang ketong ng lalaki. 14 Pinagbilinan ni Jesus ang lalaki, “Huwag mo itong ipagsasabi kaninuman. Humayo ka at ipasuri mo ang iyong sarili sa pari, at mag-alay ng ayon sa iniutos ni Moises tungkol sa iyong pagkalinis bilang patotoo sa kanila.” 15 Ngunit lalong kumalat ang balita tungkol kay Jesus at pinagkaguluhan siya ng napakaraming tao upang makinig at magpagamot ng kanilang mga karamdaman. 16 Ngunit siya ay umiwas patungong ilang at nanalangin.

Pinagaling ang Isang Paralitiko(W)

17 Isang araw, habang siya ay nagtuturo, nakaupong malapit ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Nagmula pa sila sa bawat nayon ng Galilea, Judea, at Jerusalem. Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nakay Jesus upang makapagpagaling. 18 At dumating ang mga lalaking may dalang isang lalaking paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang maipasok ito at mailagay sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit dahil sa dami ng tao ay hindi nila malaman kung paano ito mailalapit sa kanya. Kaya't umakyat sila sa bubungan, tinuklap ang bubong na tisa at sa harapan ni Jesus sa gitna ng silid ay ibinaba ang lalaking nakahiga sa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” 21 Kaya't nagsimulang magtanong ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo, “Sino ba itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Sino ba ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?” 22 Ngunit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 23 Alin ba ang mas madali? Ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’ 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi niya sa paralitiko, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka at umuwi ka na sa iyong bahay na dala ang iyong higaan.” 25 Kaagad tumayo ang lalaki sa harapan nila, binuhat ang kanyang higaan, at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Binalot ng pagkamangha ang lahat at pinuri nila ang Diyos. Napuno sila ng takot at nagsabing, “Kamangha-manghang mga bagay ang nasaksihan natin ngayon!”

Ang Pagtawag kay Levi(X)

27 Pagkatapos ng mga ito ay umalis si Jesus at nakita niya ang isang maniningil ng buwis na ang pangalan ay Levi. Nakaupo ito sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin!” 28 Tumayo si Levi, iniwan ang lahat at sumunod kay Jesus. 29 Ipinaghanda siya ni Levi sa bahay nito ng isang malaking piging. Kasalo nila roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't nagreklamo sa mga alagad ni Jesus ang mga Fariseo at kanilang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Bakit kayo nakikisalo at umiinom sa piling ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 31 Sumagot sa kanila si Jesus, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan sa manggagamot kundi ang mga maysakit. 32 Hindi ako pumarito upang tawaging magsisi ang matutuwid kundi ang mga makasalanan.”

Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(Y)

33 Sinabi ng ilan kay Jesus, “Madalas mag-ayuno at manalangin ang mga alagad ni Juan. Gayundin naman ang sa mga Fariseo. Ngunit ang mga alagad mo ay kumakain at umiinom.” 34 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Dapat bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay ng ikakasal habang kapiling nila ang lalaking ikakasal? 35 Ngunit darating din naman ang mga araw kung kailan ilalayo sa kanila ang lalaking ikakasal. Sa mga araw na iyon pa lamang sila mag-aayuno.” 36 At sinabi niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumupunit ng bagong damit at ipinantatagpi iyon sa lumang damit. Kung gagawin iyon, masisira ang bago at ang tagping mula sa bago ay hindi babagay sa luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Papuputukin lamang ng bagong alak ang sisidlang balat. Matatapon lang ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa halip, dapat ilagay ang bagong alak sa bagong sisidlang balat. 39 At walang sinuman na matapos uminom ng lumang alak ang magnanais ng bagong alak. Sa halip, sasabihin niyang, ‘Mas masarap ang lumang alak.’ ”

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(Z)

Minsan isang Sabbath,[f] habang nagdaraan si Jesus sa isang triguhan, namitas ang kanyang mga alagad ng uhay at pagkaligis dito ng kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito. Ngunit ilan sa mga Fariseo ang nagsabi, “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal kung Sabbath?” Kaya't sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na ihinandog at kinain ito at ipinamigay pa sa kanyang mga kasama. Hindi ito ipinahihintulot kainin ninuman maliban ng mga pari.” At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”

Ang Taong Paralisado ang Kamay(AA)

Araw din ng Sabbath nang pumasok si Jesus sa sinagoga upang magturo. Naroroon ang isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Si Jesus ay minatyagang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo kung magpapagaling siya sa Sabbath. Nagnanais silang may maibintang laban sa kanya. Ngunit alam niya ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” Tumindig ang lalaki at tumayo nga ito roon. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo, dapat bang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa araw ng Sabbath? Ang magligtas ng buhay o pumuksa?” 10 At pagkalibot ng tingin sa kanilang lahat ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong mga kamay.” Ganoon nga ang ginawa ng lalaki at gumaling ang kanyang kamay. 11 Ngunit nagngitngit sila sa galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.

Ang Pagtawag sa Labindalawa(AB)

12 Nang mga araw na iyon, umakyat sa bundok si Jesus upang manalangin. Magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya sa kanila ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simon na tinawag niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; sina Santiago at Juan; sina Felipe, Bartolome, 15 Mateo, at Tomas; si Santiago na anak ni Alfeo; si Simon na tinawag na Makabayan; 16 si Judas na anak ni Santiago; at si Judas Iscariote, na naging taksil.

Si Jesus ay Nagturo at Nagpagaling ng may Sakit(AC)

17 At bumaba si Jesus kasama nila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang malaking pangkat ng kanyang mga alagad at ang napakaraming taong buhat sa buong Judea at sa Jerusalem at sa mga baybaying bayan ng Tiro at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang mapakinggan siya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(AD)

20 At tumingin si Jesus sa kanyang mga alagad, at sinabi niya,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Pinagpala kayong ngayon ay nagugutom,
    sapagkat kayo ay bubusugin.
Pinagpala kayong ngayon ay tumatangis,
    sapagkat kayo ay hahalakhak.

22 Pinagpala kayo kung kinapopootan kayo ng mga tao, at kung ipinagtatabuyan kayo at inaalipusta, at kung kinasusuklaman na tila masama ang inyong pangalan dahil sa Anak ng Tao. 23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumundag sa kagalakan sapagkat tiyak na malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 Subalit kaysaklap ng sasapitin ninyong mayayaman,
    sapagkat tinamasa na ninyo ang inyong kaginhawahan.
25 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo ay magugutom.
Kaysaklap ng sasapitin ninyong tumatawa ngayon
    sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis.

26 Kaysaklap ng sasapitin ninyo kapag lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Pag-ibig sa mga Kaaway(AE)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig, ibigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo ng kabutihan ang namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag may sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit panloob. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo. At huwag mo nang bawiin pa ang iyong mga ari-arian sa umagaw nito. 31 Gawin mo sa iyong kapwa ang nais mong gawin nila sa iyo. 32 Kung ang mamahalin ninyo ay iyon lang mga nagmamahal sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagmamahal sa nagmamahal sa kanila. 33 Ano ang mapapala ninyo kung gagawa kayo ng mabuti doon lamang sa gumagawa sa inyo ng mabuti? Ganoon din ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Kung kayo'y nagpapautang doon lamang sa mga taong inaasahan ninyong makababayad, ano ang mapapala ninyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapautang sa inaasahan nilang makapagbabayad. 35 Kaya't mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gumawa kayo ng mabuti, at magpahiram kayo nang hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan sapagkat siya ay mabait sa mga walang utang na loob at sa masasama. 36 Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama na mahabagin.”

Ang Paghatol sa Iba(AF)

37 “Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong humusga upang hindi kayo mahusgahan. Magpatawad kayo at kayo ay patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo ay bibigyan. Husto ang sukat, siksik, liglig at umaapaw ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat ang panukat na ginamit ninyo ang siya ring gagamiting panukat sa inyo.” 39 Sinabi pa niya sa kanila ang isang talinghaga, “Maaari bang akayin ng bulag ang kapwa bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay? 40 Hindi makahihigit sa kanyang guro ang isang alagad; subalit ang sinumang sinanay nang lubos ay magiging tulad ng kanyang guro. 41 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid gayong hindi mo napapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ gayong ikaw mismo ay hindi nakakakita ng troso sa sarili mong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata at makakakita ka nang mabuti sa pag-alis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”

Ang Punongkahoy at ang Bunga Nito(AG)

43 “Walang mabuting punong namumunga ng masama. Gayon din naman, walang masamang punong namumunga ng mabuti. 44 Bawat puno ay nakikilala sa sarili nitong bunga. Sapagkat hindi makapipitas ng igos sa tinikan ni hindi rin makapipitas ng ubas sa dawagan. 45 Gumagawa ng kabutihan ang mabuting tao dahil sa mabuting kayamanan ng kanyang puso, ngunit ang masamang tao ay gumagawa ng masama dahil sa kanyang kasamaan. Sapagkat mula sa kayamanan ng puso ay nagsasalita ang bibig.”

Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(AH)

46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ gayong hindi naman ninyo sinusunod ang inuutos ko? 47 Ipapakita ko sa inyo kung saan maihahalintulad ang lahat ng nagsisilapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at gumagawa nito. 48 Siya ay tulad ng isang taong sa pagtatayo ng kanyang bahay ay naghukay nang malalim at naglagay ng pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumaan ang baha at humampas sa bahay na iyon ay hindi iyon natinag sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakarinig subalit hindi sumusunod sa mga ito at tulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay at itinayo ito sa lupang walang pundasyon. Kaya't nang hampasin ito ng agos ay agad na bumagsak. Malaki ang magiging sira ng bahay na iyon.”

Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Kapitan(AI)

Nang matapos ni Jesus ang lahat ng kanyang sasabihin sa mga taong nakikinig ay pumasok siya sa Capernaum. Doon ay may isang kapitan ng mga kawal na may aliping maysakit at nasa bingit na ng kamatayan. Ito ay napamahal na sa kanya. Kaya nang marinig ang tungkol kay Jesus, isinugo niya ang ilan sa mga pinuno ng mga Judio upang makiusap kay Jesus na dalawin siya at pagalingin ang kanyang alipin. Sa kanilang pagharap kay Jesus ay pinakiusapan nila ito nang mabuti. Sinabi nila, “Siya ay karapat-dapat na paunlakan ninyo, sapagkat mahal niya ang ating bansa. Ipinagpatayo pa niya tayo ng sinagoga.” Kaya naman sumama sa kanila si Jesus; ngunit hindi kalayuan mula sa bahay ay ipinasalubong na siya ng kapitan sa kanyang mga kaibigan upang sabihin sa kanya, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abala pa sapagkat hindi ako karapat-dapat na inyong sadyain sa loob ng aking bahay. At hindi ko rin itinuring na karapat-dapat ang aking sarili na humarap sa inyo. Ngunit ipag-utos po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako man ay taong nasa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan. Sabihin ko lang sa isa, ‘Humayo ka!’ at siya ay hahayo. Sa isa naman, ‘Halika!’ at siya ay lalapit. Gayon din sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at gagawin nga niya.” Namangha si Jesus pagkarinig dito at pagbaling niya sa mga taong sumusunod sa kanya ay nagsabi, “Sinasabi ko sa inyo, hindi ako nakakita ng ganitong pananampalataya sa Israel!” 10 At pagbalik nila sa bahay ng nagsugo sa kanila ay nakita nilang magaling na ang alipin.

Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo

11 Kinabukasan, pumunta si Jesus sa isang bayang kung tawagin ay Nain at sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na sila sa bungad ng bayan ay naroon at ililibing ang namatay na kaisa-isang anak na lalaki ng kanyang inang balo. Napakaraming taong nakipaglibing sa kanya mula sa bayan. 13 Nahabag ang Panginoon nang makita ang balo at sinabi sa kanya, “Huwag kang umiyak!” 14 At paglapit ay hinipo niya ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga nagbubuhat. Sinabi niya, “Binata, inuutusan kita. Bumangon ka!” 15 Umupo naman ang namatay at nagsimulang magsalita. Ibinigay ito ni Jesus sa kanyang ina. 16 Nabalot ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos sa pagsasabing, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” 17 Kumalat sa buong Judea at sa mga nakapaligid na lugar ang balitang ito tungkol sa kanya.

Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(AJ)

18 Ibinalita kay Juan ng mga alagad nito ang tungkol sa lahat ng mga ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad 19 at isinugo sila sa Panginoon upang magtanong, “Ikaw na ba ang aming pinakahihintay o maghihintay pa kami ng iba?” 20 Pagdating ng mga lalaking ito kay Jesus ay kanilang sinabi, “Isinugo kami ni Juan na Tagapagbautismo upang magtanong, ‘Ikaw na ba ang aming pinakahihintay o maghihintay pa kami ng iba?’ ” 21 Nang oras na iyon ay marami siyang pinagaling sa karamdaman, sa salot at sa masasamang espiritu. Marami ring bulag na binigyan niya ng paningin. 22 Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Humayo kayo at ibalita ninyo kay Juan ang inyong mga nakita at narinig: Nakakakitang muli ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ibinabahagi sa mahihirap ang mabuting balita. 23 Pinagpapala ang taong hindi mag-aalinlangan sa akin.” 24 Nang makaalis ang mga isinugo ni Juan ay nagsimulang magsabi si Jesus sa mga tao ng tungkol kay Juan, “Ano ang sinadya ninyo sa ilang upang makita? Isang tambo na idinuduyan ng hangin? 25 Ano nga ba ang sinadya ninyo upang makita? Isang lalaking nabibihisan ng magarang damit? Naroon sa palasyo ng mga hari ang mga nakasuot ng magagara at namumuhay nang marangya. 26 Subalit ano nga ba ang sinadya ninyo upang makita? Isang propeta? Oo nga! Sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Siya ang tinutukoy ng Kasulatan,

‘Narito at ipinadadala ko ang aking sugo na mauna sa iyong harapan.
    Siya ang maghahanda para sa iyo ng iyong daraanan.’

28 Sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga taong isinilang ang higit na dakila kaysa kay Juan, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng Diyos ay mas dakila pa sa kanya.” 29 Ang lahat ng taong nakarinig pati na ang mga maniningil ng buwis ay kumilala sa katuwiran ng Diyos dahil binautismuhan sila ng bautismo ni Juan. 30 Ngunit dahil hindi nagpabautismo sa kanya ang mga Fariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, tinanggihan nila ang layunin ng Diyos para sa kanila.

31 “Saan ko ngayon maihahambing ang mga tao ng kasalukuyang panahon? Ano ang katulad nila? 32 Tulad nila'y mga batang nakaupo sa pamilihan at nagsasabi sa isa't isa,

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit hindi kayo sumayaw!
    Nanaghoy kami ngunit hindi kayo umiyak!’

33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at sinasabi ninyong, ‘Siya ay may demonyo.’ 34 Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at sinabi naman ninyong, ‘Tingnan ninyo ang taong matakaw at manlalasing, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.’ 35 Gayon pa man, ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng kanyang mga tagasunod.”

Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo

36 Isang Fariseo ang nag-anyaya kay Jesus na kumaing kasalo niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo ay umupo siya sa hapag. 37 Isang babaing makasalanan ang nakatira sa lungsod na iyon. At dahil alam nitong kumakain si Jesus doon sa bahay ng Fariseo ay nagdala ito ng pabango sa sisidlang alabastro. 38 Tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus, at unti-unting binasá ang mga paa nito ng kanyang luha. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok at pinaghahagkan ang mga paa ni Jesus at pinahiran iyon ng pabango. 39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung propeta nga ang taong ito, dapat ay alam niya kung sino at anong uring babae itong humahawak sa kanya sapagkat ito ay makasalanan.” 40 Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” “Sige po Guro,” sagot ni Simon. 41 “May dalawang umutang sa isang tao. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo at ang isa naman ay limampu. 42 Nang hindi makabayad, kapwa sila pinatawad. Sino ngayon sa kanila ang higit na magmamahal sa nagpautang?” 43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad nang mas malaki.” At sinabi niya rito, “Tama ang iyong pagkaunawa.” 44 Pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa. Ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng kanyang mga buhok. 45 Hindi mo ako hinagkan, ngunit mula nang pumasok ako ay hindi pa siya humihinto nang kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo ngunit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang mga kasalanan ay pinatawad na; kaya naman nagmahal siya nang higit. Ngunit ang pinatawad nang kaunti ay magmamahal nang kaunti.” 48 Pagkatapos ay sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 49 Nagsimulang magtanong sa isa't isa ang mga kasalo niya, “Sino ba ang taong ito at nagpapatawad pa ng kasalanan?” 50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.”

Mga Babaing Kasama ni Jesus

Pagkatapos nito, nagtungo si Jesus sa bawat lungsod at nayon at sa mga lugar na iyon ay nangangaral at naghahayag ng mabuting balita ng paghahari ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa, at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at karamdaman. Kabilang dito si Maria na kung tawagin ay Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas mula sa kanya. Kasama rin si Juana na asawa ni Chuza na katiwala ni Herodes, si Susana at iba pang mga babaing nag-abot ng tulong sa kanila mula sa kanilang mga pag-aari.

Ang Talinghaga ng Manghahasik(AK)

Nang dumating ang napakaraming tao at lumapit kay Jesus ang mga tao mula sa bawat bayan, nangusap siya sa kanila sa pamamagitan ng isang talinghaga. “Lumabas ang manghahasik upang magsaboy ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Natapakan ang mga ito at tinuka ng mga ibon. Ang iba naman ay nalaglag sa batuhan. Tumubo ang mga ito, ngunit dahil kulang sa halumigmig, ay agad na natuyo. Ang iba pa ay nalaglag sa gitna ng tinikan at sa kanilang paglaki ay sinakal ng mga tinik na lumaking kasama nila. Ngunit ang iba ay nalaglag sa mabuting lupa, tumubo at sa paglaki ng mga ito ay namunga ng sandaan.” Pagkasabi niya nito, siya ay nanawagan, “Ang may pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(AL)

Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang hiwaga ng paghahari ng Diyos, ngunit sa iba ay sa talinghaga ako mangungusap. Kaya't sa pagtingin ay hindi sila makakakita at sa pakikinig ay hindi sila makauunawa.”

Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(AM)

11 “Ngayon, ito ang kahulugan ng talinghaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga nalaglag sa daan ay ang mga nakarinig, ngunit nang dumating ang diyablo ay inagaw nito ang salita mula sa kanilang puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig sa salita at tumanggap dito nang may kagalakan. Ngunit sa kawalan ng ugat, sandali lamang sila nanampalataya at tumalikod sa panahon ng pagsubok. 14 Ang mga napadpad sa tinikan ay ang mga nakarinig ngunit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal ng kabalisahan, mga kayamanan at mga layaw ng buhay kaya't hindi nahinog ang kanilang bunga. 15 Ngunit ang mga nalaglag sa mabuting lupa ay iyong mga nakarinig ng salita at iningatan ito sa kanilang puso nang may katapatan at kabutihan kaya nagbunga ang kanilang pagtitiyaga.”

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(AN)

16 “Walang nagsindi ng ilawan at pagkatapos ay magtatago nito sa takalan o kaya ay ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, ito ay ilalagay niya sa lalagyan upang makakita ng liwanag ang mga papasok. 17 Sapagkat walang nakatago na hindi magiging hayag, ni walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag. 18 Kaya mag-ingat kung paano kayo nakikinig, sapagkat ang mayroon ay pagkakalooban pa, ngunit ang wala, kahit ang inaakala niyang kanya ay kukunin pa sa kanya.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(AO)

19 Pumunta kay Jesus ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid na lalaki. Gusto nila kayong makita.” 21 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at mga kapatid na lalaki ay ang mga nakikinig at tumutupad sa salita ng Diyos.”

Pinayapa ni Jesus ang Unos(AP)

22 Isang araw, sumakay si Jesus at ang kanyang mga alagad sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang pampang ng lawa.” At naglayag naman sila. 23 Sa kanilang paglalakbay ay nakatulog siya. Bumugso ang isang unos at napuno ng tubig ang bangka at sila ay nanganib. 24 Kaya't nilapitan nila siya at ginising, “Guro! Guro! Mamamatay na tayo!” Gumising siya at sinaway niya ang hangin at ang mga nagngangalit na alon sa lawa. Humupa naman ang mga ito at pumayapa. 25 Sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Natakot sila at namangha, at sinabi sa isa't isa, “Sino nga kaya ito, at nauutusan niya maging ang hangin at tubig, at sila'y sumusunod sa kanya?”

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Sinaniban ng Demonyo(AQ)

26 Si Jesus at ang mga alagad ay naglayag patungo sa bayan ng mga Geraseno,[g] na nasa tapat ng Galilea. 27 Pagdating niya sa lupaing iyon, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasaniban ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit at hindi tumitira sa bahay kundi sa mga libingan. 28 Nagsisigaw ito nang makita si Jesus, at nagpatirapa sa harap niya at sinabi nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako na huwag mo akong pahirapan.” 29 Sinabi ito sapagkat ipinag-utos ni Jesus sa maruming espiritu na lumabas sa lalaki. Madalas na itong sumasanib sa kanya. Iginapos na rin siya ng kadena nang may bantay at tinalian ng bakal sa paa ngunit napapatid pa rin niya ang mga ito at itinataboy siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Lehiyon,” ang sagot niya, sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya. 31 Nakiusap ang mga ito na huwag silang utusang bumalik sa walang hanggang kalaliman. 32 Noon ay may kawan ng baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap ang mga demonyo kay Jesus na hayaan silang makapasok sa mga iyon at sila nama'y hinayaan niya. 33 Pagkalabas ng mga demonyo sa lalaki ay pumasok ang mga ito sa mga baboy. Sumibad pababa sa bangin ang kawan patungong lawa at nalunod. 34 Pagkakita ng mga tagapag-alaga sa nangyari ay tumakas sila at ipinamalita iyon sa bayan at sa kabukiran. 35 Naglabasan sila upang makita ang nangyari. At lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit, at nasa matino nang pag-iisip; at sila'y natakot. 36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang sinaniban ng demonyo. 37 Nagmakaawa kay Jesus ang lahat ng tao sa paligid ng bayan ng mga Geraseno[h] na sila ay iwan niya sapagkat matinding takot ang bumalot sa kanila. Kaya sumakay siya sa bangka upang umuwi. 38 Subalit nakiusap ang lalaking iniwan ng mga demonyo na siya ay makasama ngunit hindi ito pinaunlakan ni Jesus at sa halip ay sinabi, 39 “Umuwi ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang mga ginawa ng Diyos sa iyo.” At siya ay humayo at ipinahayag sa buong lungsod ang mga ginawa sa kanya ni Jesus.

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humipo sa Damit ni Jesus(AR)

40 Pagbalik ni Jesus, tinanggap siya ng mga tao sapagkat lahat sila ay naghihintay sa kanya. 41 Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo. Siya ay pinuno ng sinagoga. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kanyang pumunta sa kanyang bahay 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babaing labindalawang taong gulang ay naghihingalo.

Habang paalis na si Jesus, nagigitgit siya ng mga tao. 43 Isang babae roon ang labindalawang taon nang dinudugo. Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot.[i] Hindi na siya kayang pagalingin ninuman. 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. Agad tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umaamin ay sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinisiksik ka ng mga tao at napapalibutan.” 46 Ngunit sinabi pa rin ni Jesus, “May humipo sa akin sapagkat alam kong may lumabas na kapangyarihan sa akin.” 47 Nang makita ng babae na hindi lingid ang kanyang ginawa, nanginginig itong lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Sinabi niya sa harap ng mga taong naroroon kung bakit niya hinawakan si Jesus at kung paanong gumaling siya agad. 48 Kaya sinabi ni Jesus sa babae, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.” 49 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga at nagsabing, “Patay na ang iyong anak! Huwag mo nang gambalain ang Guro.” 50 Ngunit pagkarinig dito ni Jesus ay sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mangamba! Sumampalataya ka lang at siya ay gagaling.” 51 Pagkarating niya sa bahay ay hindi niya pinayagan ang sinumang makapasok na kasama niya maliban kina Pedro, Juan at Santiago at ang ama at ina ng bata. 52 Nag-iiyakan ang lahat at nananaghoy. Ngunit sinabi niya, “Huwag kayong umiyak sapagkat hindi siya patay kundi natutulog lang.” 53 Siya'y kanilang pinagtawanan sapagkat alam nilang patay na ang bata. 54 Nang hawakan niya ang kamay nito ay tumawag at nagsabi, “Ineng, bumangon ka!” 55 At bumalik ang espiritu ng bata at bumangon ito agad. Kaya nag-utos si Jesus na pakainin ito. 56 Namangha ang kanyang mga magulang subalit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(AS)

Tinipon ni Jesus ang labindalawa at pagkatapos ay binigyan niya ang mga ito ng kapangyarihan at karapatan sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga may karamdaman. At isinugo niya ang mga ito upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga may sakit. At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay; kahit tungkod, balutan, tinapay, o salapi. Huwag din dalawa ang dalhin ninyong damit panloob. Saanmang bahay kayo pumasok, mamalagi kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. Saanmang lugar na hindi kayo tanggapin, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bayang iyon bilang patotoo laban sa kanila.” Umalis sila at nagtungo sa mga nayon, habang ipinapangaral ang mabuting balita kahit saan at nagpapagaling ng mga karamdaman.

Nabagabag si Herodes(AT)

Nabalitaan ng pinunong si Herodes ang lahat ng nangyayari. Nabagabag siya sapagkat sinasabi ng ilan na muling nabuhay si Juan. Sabi naman ng iba na si Elias ay nagpakita na at ayon naman sa iba, ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay nabuhay muli. Sinabi ni Herodes, “Ako ang nagpapugot ng ulo ni Juan. Ngunit sino ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya?” Kaya't sinikap niyang makita si Jesus.

Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(AU)

10 Nang bumalik ang mga apostol ay ibinalita nila kay Jesus ang kanilang ginawa. Sila ay kanyang isinama at palihim na nagtungo sa isang bayan na kung tawagin ay Bethsaida. 11 Subalit nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kanya. Sila ay malugod naman niyang tinanggap at ipinahayag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga may karamdaman. 12 Nagsisimula nang matapos ang araw nang lumapit sa kanya ang labindalawa at nagsabi, “Pauwiin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga nayon at karatig-pook, nang sa gayo'y makahanap sila ng matutuluyan at makakain. Tayo po'y nasa ilang na lugar.” 13 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila sa kanya, “Wala po tayong dalang anuman kundi limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung aalis kami at bibili ng pagkain para sa mga taong ito.” 14 Sapagkat halos limang libong kalalakihan ang naroroon. At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pangkat-pangkat na tiglilimampu.” 15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Nang tipunin ang mga lumabis ay napuno ang labindalawang kaing.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(AV)

18 Minsan, nang si Jesus ay mag-isang nananalangin, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya ang mga ito, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 19 Sumagot sila, “Si Juan na Tagapagbautismo! Ngunit ayon sa iba ay si Elias. Ayon naman sa iba ay isang propeta noong unang panahon na nabuhay muli.” 20 At sinabi niya sa kanila, “Kayo naman, ano sa palagay ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo na hinirang ng Diyos!”

Ang tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(AW)

21 Mahigpit na nagbilin sa kanila si Jesus na huwag itong sabihin kaninuman. 22 Sinabi niya, “Kailangang magtiis ng maraming hirap ang Anak ng Tao. Itatakwil siya ng mga matatandang pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Papatayin siya ngunit muling bubuhayin sa ikatlong araw.” 23 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung nais ninuman na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus at sumunod sa akin. 24 Sapagkat sinumang nais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magliligtas nito. 25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 26 Sapagkat kung ako ay ikahihiya ng sinuman gayundin ang aking mga salita, ikahihiya rin siya ng Anak ng Tao pagdating niya sa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. 27 Tinitiyak ko sa inyo: may ilan sa mga nakatayo rito ang hinding-hindi daranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(AX)

28 Pagkalipas ng walong araw nang masabi niya ang mga ito, umakyat siya sa bundok kasama sina Pedro, Juan at Santiago upang manalangin. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. 31 Maluwalhating nagpakita ang dalawang ito at nagsalita tungkol sa pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isagawa sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro at ang kanyang mga kasama; ngunit nang magising sila ay nakita nila ang kaluwalhatian ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 At nang papalayo na ang mga ito sa kanya ay sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti po na dumito tayo. Magtayo tayo ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Hindi nauunawaan ni Pedro ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang ulap at sila ay nililiman. Natakot sila nang matakpan sila nito. 35 Isang tinig ang narinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking anak, ang aking hinirang.[j] Sa kanya kayo makinig.” 36 Nang naglaho na ang tinig, natagpuang nag-iisa na si Jesus. Tumahimik sila at hindi ibinalita kaninuman ang alinman sa kanilang nakita.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(AY)

37 Kinabukasan, matapos silang bumaba ng bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay naroon ang isang lalaking nagsisisigaw, “Guro! Nakikiusap po ako na tingnan ninyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya ang kaisa-isa kong anak. 39 Bigla na lamang po siyang sinasaniban ng espiritu at biglang sumisigaw. Pinangingisay siya nito hanggang bumula ang kanyang bibig. Lubha po siyang pinahihirapan nito at halos ayaw siyang hiwalayan. 40 Nagsumamo po ako sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila kaya.” 41 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” Sinabi niya sa lalaki, “Dalhin mo rito ang iyong anak.” 42 Habang lumalapit ang anak, inilugmok siya ng demonyo at pinapangisay. Ngunit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu at pinagaling niya ang bata, at pagkatapos ay ibinigay sa kanyang ama. 43 Namangha ang lahat sa dakilang kapangyarihan ng Diyos.

Muling Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(AZ)

Subalit habang namamangha ang mga tao sa lahat ng kanyang ginagawa, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Unawain ninyong mabuti ang sasabihin kong ito: ang Anak ng Tao ay malapit nang isuko sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabing ito. Ang kahulugan nito'y inilihim sa kanila upang hindi nila ito maunawaan. Takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa sinabi niyang ito.

Sino ang Pinakadakila?(BA)

46 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Dahil batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kinuha niya ang isang maliit na bata at pinatayo ito sa kanyang tabi. 48 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumanggap sa akin. At ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”

Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(BB)

49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan, at pinagbawalan namin siya sapagkat hindi namin siya kasamang sumusunod sa inyo.” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat sinumang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”

Hindi Tinanggap si Jesus

51 Nang papalapit na ang araw ng pagtanggap sa kanya sa langit ay itinuon niya ang kanyang sarili sa pagpunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo na mauuna sa kanya. Umalis ang mga ito at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya. 53 Ngunit hindi siya tinanggap ng mga tagaroon sapagkat siya'y nagpasya nang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng mga alagad na sina Santiago at Juan ay sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan tayo ng apoy mula sa langit upang tupukin sila?” 55 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sila'y sinaway. 56 Pumunta sila sa ibang nayon.

Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(BC)

57 Habang naglalakbay sila ay may nagsabi sa kanya, “Susunod ako sa inyo saan man kayo magtungo.” 58 Sinabi sa kanya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad naman ang mga ibon ng himpapawid, ngunit ang Anak ng Tao ay walang sariling matitirahan.” 59 Sinabi niya sa isa, “Sumunod ka sa akin!” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan muna ninyo akong umalis upang ilibing ko ang aking ama.” 60 Ngunit sinabi niya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing sa sarili nilang patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang paghahari ng Diyos.” 61 Sinabi naman sa kanya ng isa pa, “Susunod po ako sa inyo Panginoon, ngunit hayaan muna ninyo akong makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” 62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sinumang humawak sa araro at lingon nang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Ang Pagsusugo ni Jesus ng Pitumpu't Dalawa

10 Pagkatapos ng mga ito, humirang ang Panginoon ng pitumpu't dalawa[k] at sila ay dala-dalawa niyang pinauna sa bawat bayan at pook na kanyang pupuntahan. Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti lamang ang manggagawa. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang aanihin. Humayo kayo; isinusugo ko kayo na tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng salapi, o ng supot, o ng mga sandalyas. At huwag kayong bumati kaninuman sa daan. Sa alinmang bahay na inyong tuluyan, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa sambahayang ito.’ At kung mayroon doon na maibigin sa kapayapaan, mananatili sa kanya ang inyong kapayapaan. Kung wala naman, babalik sa inyo ang inyong basbas. Manatili kayo sa iisang bahay at huwag magpalipat-lipat. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Sa alinmang bayan na inyong puntahan at tanggapin kayo ng mga tagaroon, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Malapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos.’ 10 Subalit sa alinmang bayan na puntahan ninyo at hindi kayo tanggapin ng mga tagaroon, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 ‘Ipinapagpag namin laban sa inyo maging ang mga alikabok ng inyong bayan na kumapit sa aming paa. Subalit pakatandaan ninyong lumapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos.’ 12 Sinasabi ko sa inyo, mas mabuti pa ang sasapitin ng Sodoma kaysa sasapitin ng bayang iyon sa araw ng paghuhukom.”

Ang Masaklap na Sasapitin ng mga Bayang Hindi Nagsisi(BD)

13 “Kaysaklap ng sasapitin mo, Corazin! Kaysaklap ng sasapitin mo, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga kababalaghang ginawa sa inyo, marahil ay matagal na silang nagsisi na nakaupong may damit-sako at abo. 14 Subalit mas mabuti pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. 15 At ikaw, Capernaum, sa akala mo ba'y iaakyat ka sa langit? Hades ang iyong kababagsakan!” 16 Sinabi niya sa mga alagad, “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang mga ayaw tumanggap sa inyo ay ako ang ayaw nilang tanggapin. At ang ayaw tumanggap sa akin ay ayaw tumanggap sa nagsugo sa akin.”

Ang Pagbabalik ng Pitumpu't Dalawa

17 Bumalik ang pitumpu't dalawa[l] at nagagalak na nagsabi kay Jesus, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin dahil sa inyong pangalan!” 18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na bumulusok mula sa langit tulad ng kidlat. 19 Tingnan ninyo, binibigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at mangibabaw sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapananakit sa inyo. 20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak na nagpapasakop sa inyo ang mga espiritu. Sa halip, ikagalak ninyo na ang inyong pangalan ay nakasulat sa langit.”

Nagalak si Jesus(BE)

21 Nang oras ding iyon, napuspos si Jesus ng kagalakan mula sa Banal na Espiritu. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat ikinubli mo ang mga ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakalulugod sa iyo. 22 Ibinigay na sa akin ng Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak at kaninumang pinagpahayagan ng Anak.” 23 Humarap siya sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan, “Pinagpala ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga haring naghangad makakita ng mga nakita ninyo ngunit hindi nakakita nito at makarinig ng inyong narinig ngunit hindi nila narinig.”

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

25 May isang dalubhasa sa Kautusan na tumayo at nagsabi nang ganito upang subukin si Jesus, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 26 “Ano ba ang nasusulat sa Kautusan?” sagot ni Jesus. “Ano ang pagkaunawa mo?” 27 Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, at nang buong kaluluwa, at nang buong lakas, at nang buong pag-iisip mo; at mahalin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” 28 At sinabi niya sa kanya, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyon at mabubuhay ka.” 29 Ngunit sa pagnanais niyang hindi magmukhang kahiya-hiya, sinabi niya kay Jesus, “Sino naman ang aking kapwa?” 30 Sumagot si Jesus, “May isang lalaking bumaba mula Jerusalem patungong Jerico na naging biktima ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito, binugbog, at pagkatapos ay tumakas at iniwan ang lalaki na halos patay na.

Footnotes

  1. Lucas 1:28 Sa ibang mga kasulatan ay may dagdag na Pinagpala ka sa lahat ng mga babae.
  2. Lucas 1:62 Sa Griyego, ay kanya.
  3. Lucas 1:78 Sa ibang mga kasulatan ay dumalaw.
  4. Lucas 2:14 at sa daigdig, kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan: Sa ibang manuskrito ay at kapayapaan sa daigdig, at sa mga tao ay kaluguran.
  5. Lucas 3:1 Sa Griyego, tetrarka.
  6. Lucas 6:1 Minsan isang Sabbath: Sa ibang manuskrito ay Noong ikalawang Sabbath.
  7. Lucas 8:26 Geraseno: Sa ibang manuskrito ay Gadareno.
  8. Lucas 8:37 Geraseno: Sa ibang manuskrito ay Gadareno.
  9. Lucas 8:43 Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot: Sa ibang manuskrito ay wala ang talatang ito.
  10. Lucas 9:35 Sa ibang manuskrito'y Ang aking minamahal.
  11. Lucas 10:1 Sa ibang manuskrito ay pitumpu.
  12. Lucas 10:17 pitumpu't dalawa: Sa ibang manuskrito ay pitumpu.