Add parallel Print Page Options

23 May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sumagot si Jesus, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’ Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 At sasabihin ninyo, ‘Nakasalo po ninyo kami sa pagkain at pag-inom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’ 27 Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’ 28 Iiyak kayo at magngangalit ang inyong ngipin[a] kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta na napabilang sa paghahari ng Dios, habang kayo naman ay itinaboy sa labas.[b] 29 Makikita rin ninyo ang mga hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako[c] ng mundo na kasalo sa handaan ng paghahari ng Dios. 30 May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”

Ang Pag-ibig ni Jesus sa mga Taga-Jerusalem(A)

31 Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Jesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.” 32 Sumagot si Jesus, “Sabihin ninyo sa asong-gubat[d] na iyon na patuloy akong magpapalayas ng masasamang espiritu at magpapagaling ng may sakit ngayon at hanggang bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko na ang gawain ko. 33 Basta kailangang ipagpatuloy ko ang aking paglalakbay ngayon, bukas at sa makalawa, dahil hindi dapat mamatay ang propeta sa labas ng Jerusalem.

34 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na isinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 35 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[e]

Read full chapter

Footnotes

  1. 13:28 magngangalit ang inyong ngipin: Maaaring dahil sa galit o hinagpis.
  2. 13:28 itinaboy sa labas: o, hindi napabilang.
  3. 13:29 mula sa ibaʼt ibang dako: sa literal, mula sa silangan, kanluran, hilaga at timog.
  4. 13:32 asong-gubat: o, mandaraya.
  5. 13:35 Salmo 118:26.

23 Minsan ay may nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” Kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap pumasok doon ngunit hindi makapapasok. 25 Sa sandaling tumayo na ang panginoon ng bahay at naisara na ang pinto, magsisimula na kayong tumayo sa labas at tumuktok sa pintuan at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan po ninyo kami!’ Sasabihin niya sa inyo bilang sagot, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ 26 Kaya't sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasama ninyo at nagturo kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Subalit sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Layuan ninyo ako, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, at Jacob at lahat ng mga propeta, habang kayo'y ipinagtatabuyan palabas. 29 May mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Makinig kayo: May mga huling mauuna at may mga unang mahuhuli.”

Ang Pagtangis ni Jesus sa Jerusalem(A)

31 Nang mga oras na iyon ay dumating ang ilang Fariseo na nagsabi kay Jesus, “Umalis ka na at pumunta sa ibang lugar sapagkat gusto kang ipapatay ni Herodes.” 32 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon, na tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ang aking gawain. 33 Gayunman, kailangan kong magpatuloy sa aking paglalakbay ngayon at bukas at sa makalawa. Sapagkat hindi maaaring ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem. 34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong ninais kupkupin ang iyong mga anak tulad ng pagkupkop ng inahin sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang pakpak, ngunit ayaw mo. 35 Tandaan ninyo: Pababayaan ng Diyos ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyong hinding-hindi ninyo ako makikita hanggang sa sumapit ang panahong sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’ ”

Read full chapter