Levitico 15
Ang Dating Biblia (1905)
15 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron na sinasabi,
2 Salitain ninyo sa mga anak ni Israel, at inyong sabihin sa kanila, Pagka ang sinomang tao ay inagasan sa kaniyang laman, ay magiging karumaldumal siya dahil sa kaniyang agas.
3 At ito ang magiging kaniyang karumalan sa kaniyang agas: maging ang kaniyang laman ay balungan dahil sa kaniyang agas, o ang kaniyang laman ay masarhan dahil sa kaniyang agas, ay kaniyang karumalan nga.
4 Bawa't higaang mahigan ng inaagasan ay magiging karumaldumal: at bawa't bagay na kaniyang kaupuan, ay magiging karumaldumal.
5 At sinomang tao na makahipo ng kaniyang higaan ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
6 At ang maupo sa anomang bagay na kaupuan ng inaagasan ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
7 At ang humipo ng laman niyaong inaagasan ay maglalaba ng kaniyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
8 At kung ang inaagasan ay makalura sa taong malinis, ay maglalaba nga siya ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
9 At alin mang siya na kasakyan ng inaagasan, ay magiging karumaldumal.
10 At ang alin mang taong humipo ng alinmang bagay na napalagay sa ilalim niyaon, ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon: at ang magdala ng mga bagay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
11 At yaong lahat na mahipo ng inaagasan na hindi nakapaghugas ng kaniyang mga kamay sa tubig, ay maglalaba nga rin ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
12 At ang sisidlang lupa na mahipo ng inaagasan, ay babasagin: at ang lahat ng kasangkapang kahoy ay babanlawan sa tubig.
13 At kung ang inaagasan ay gumaling sa kaniyang agas, ay bibilang siya ng pitong araw sa kaniyang paglilinis, at maglalaba ng kaniyang mga damit; at paliliguan din niya ang kaniyang laman sa tubig na umaagos, at magiging malinis.
14 At sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batobato, o ng dalawang inakay ng kalapati, at ihaharap niya sa harap ng Panginoon sa pasukan ng tabernakulo ng kapisanan, at ibibigay niya sa saserdote.
15 At ihahandog ng saserdote, na ang isa'y handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin; at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon, dahil sa kaniyang agas.
16 At kung ang sinomang tao ay labasan ng binhi ng pakikiapid, ay paliliguan nga niya ng tubig ang buong kaniyang laman, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
17 At lahat ng damit at lahat ng balat na kinaroonan ng binhi ng pakikiapid, ay lalabhan sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang hapon.
18 Ang babae rin namang sinipingan ng lalaking mayroong binhi ng pakikiapid, ay maliligo sila kapuwa sa tubig, at magiging karumaldumal sila hanggang sa hapon.
19 At kung ang babae ay agasan na ang umaagas sa kaniyang laman ay dugo, ay mapapasa kaniyang karumihan siyang pitong araw: at lahat ng humipo sa kaniya ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
20 At bawa't kaniyang kahigaan sa panahon ng kaniyang karumihan, ay magiging karumaldumal: bawa't din namang kaupuan niya ay magiging karumaldumal.
21 At sinomang humipo ng kaniyang higaan ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
22 At ang sinomang humipo ng alin mang bagay na kaniyang kaupuan ay maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
23 At kung may nasa higaan o nasa anomang bagay na kinaupuan niya, ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon ang humipo niyaon.
24 At kung ang sinomang lalake ay sumiping sa kaniya, at mapasa lalake ang karumihan niya, ay magiging karumaldumal ito na pitong araw; at bawa't higaang kaniyang hihigaan ay magiging karumaldumal.
25 At kung ang isang babae ay agasan ng kaniyang dugo ng maraming araw sa di kapanahunan ng kaniyang karumihan, o kung agasan sa dako pa roon ng panahon ng kaniyang karumihan; buong panahon ng agas ng kaniyang karumalan ay magiging para ng mga araw ng kaniyang karumihan: siya'y karumaldumal nga.
26 Bawa't higaan na kaniyang hinihigan buong panahon ng kaniyang agas, ay magiging sa kaniya'y gaya ng higaan ng kaniyang karumihan; at bawa't bagay na kaniyang kaupuan, ay magiging karumaldumal, na gaya ng karumalan ng kaniyang karumihan.
27 At sinomang humipo ng mga bagay na yaon ay magiging karumaldumal, at maglalaba ng kaniyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
28 Datapuwa't kung siya'y gumaling sa kaniyang agas, ay bibilang siya ng pitong araw, at pagkatapos niyaon ay magiging malinis siya.
29 At sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati, at dadalhin niya sa saserdote sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
30 At ihahandog ng saserdote ang isa na handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin; at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon, dahil sa agas ng kaniyang karumihan.
31 Ganito ihihiwalay ninyo ang mga anak ni Israel sa kanilang karumalan; upang huwag mangamatay sa kanilang karumalan, kung kanilang ihawa ang aking tabernakulo na nasa gitna nila.
32 Ito ang kautusan tungkol sa inaagasan, at sa nilalabasan ng binhi ng pakikiapid, na ikinarurumal;
33 At sa babaing may sakit ng kaniyang karumihan, at sa inaagasan, sa lalake at sa babae, at doon sa sumisiping sa babaing karumaldumal.
Leviticus 15
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Lumalabas sa Katawan ng Tao na Itinuturing na Marumi
15 Inutusan ng Panginoon sina Moises at Aaron 2 na sabihin ito sa mga taga-Israel:
Kung may lumalabas sa ari ng lalaki dahil sa kanyang sakit, ang lumalabas na iyon ay itinuturing na marumi. 3 At kahit na magpatuloy ang pagtulo o hindi, ituturing pa rin siyang marumi. 4 At ituturing na marumi ang anumang mahigaan o maupuan niya. 5-7 At ang sinumang makahipo sa kanya o sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo,[a] pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
8 Ang sinumang maduraan ng taong ito ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 9-10 Ang anumang maupuan ng taong ito, katulad ng upuang ginagamit kapag sumasakay sa kabayo ay magiging marumi. Ang sinumang makahipo ng mga bagay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
11 Ang sinumang makahipo sa taong iyon habang hindi pa siya nakakapaghugas ng kanyang kamay ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 12 Ang palayok na mahihipo ng taong iyon ay dapat basagin, at ang mga bagay na gawa sa kahoy ay dapat hugasan.
13-14 Kung gumaling na ang may sakit na ito, maghihintay siya ng pitong araw. Pagkatapos, lalabhan niya ang kanyang damit at maliligo ng tubig na galing sa bukal. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya sa paring maghahandog noon. 15 Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan ng taong iyon dahil sa tumutulo sa ari niya; magiging malinis siya.
16 Kung ang isang lalaki ay nilabasan ng kanyang binhi, kinakailangang maligo siya pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 17 Ang alin mang damit o gamit na yari sa balat na natuluan ng binhi ay kinakailangang labhan, pero iyon ay ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw. 18 Kapag nagsiping ang lalaki at babae, at nilabasan ang lalaki ng binhi, kinakailangang maligo silang dalawa, pero ituturing pa rin silang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
19 Kung ang isang babae ay may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw, at ang sinumang makahipo sa kanya ay ituturing ding marumi hanggang sa paglubog ng araw. 20 Ang anumang mahigaan o maupuan niya habang siyaʼy may buwanang dalaw ay magiging marumi. 21-23 Ang sinumang makahipo sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, at ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
24 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw. At ang anumang kanyang mahigaan ay ituturing na marumi.
25 Kung ang babae ay dinudugo nang hindi pa panahon ng buwanan niyang dalaw o pagtatapos ng buwanan niyang dalaw, ituturing siyang marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. At ituturing siyang marumi habang dinudugo siya. 26 Ang anumang mahigaan niya at maupuan habang siyaʼy dinudugo ay magiging marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. 27 At ang sinumang makahipo ng mga iyon ay magiging marumi, kinakailangang maglaba siya ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
28-29 Kung huminto na ang buwanang dalaw ng babae, maghihintay siya ng pitong araw at ituturing na siyang malinis. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 30 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para maalis ang karumihan ng babae dahil sa buwanan niyang dalaw at magiging malinis na siya.
31 Sinabihan ng Panginoon sina Moises at Aaron na bigyang babala ang mga taga-Israel tungkol sa mga bagay na nakapagpaparumi sa kanila, para hindi sila mamatay kapag lumapit sila sa Tolda ng Panginoon sa gitna ng kampo.
32-33 Ito ang mga tuntunin tungkol sa lalaking nilalabasan ng kanyang binhi o may lumalabas sa ari niya dahil sa kanyang sakit, at tungkol sa babaeng dinudugo sa panahon ng buwanang dalaw o dinudugo bago ang kanyang buwanang dalaw, at tungkol sa lalaking sumisiping sa babaeng itinuturing na marumi.[b]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.